"Miss Rosie, nariyan na ang g'wapo mong sundo," biro sa akin ni Ma'am Tiffany habang nakatapat sa kanyang paboritong compact mirror at nag-aayos na.
Natawa naman ako sa panunukso nito sa akin. Lagi na lamang. Naiiling akong nagmadali sa pag-aayos ng aking gamit nang makitang nakaabang sa labas ng pintuan si Ross. "Kayo naman, Ma'am. Lagi naman po kaming nagsasabay," sambit ko.
"Oh, kaya nga. Wala naman akong ibang ibig sabihin, ah," patay-malisya nitong sagot pa sa akin habang nakangising nakatingin pa rin sa akin. "Sige na at umalis ka na. Baka mapagod sa paghihintay si Ross," pagtataboy niya pa sa akin bago itinuloy ang pag-aayos sa sarili.
Tumayo na ako at inayos ang pagkakabalik sa aking upuan. "Hindi pa ho ba kayo uuwi?"
"Mayamaya pa. Nasa biyahe pa ang aking asawa," tugon niya.
"Ma'am, hindi niyo pa ho asawa," pang-aasar ko sa kanya na sinundan ko ng tawa kaya nakanguso itong lumingon sa aking gawi.
"May singsing na ako. Engaged na kami kaya papunta na rin iyon doon. Ikaw talaga! Hindi kita iimbitahan," pananakot niya sa akin.
"Kaya ko naman pong mang-gate crash," biro ko na sabay naming ikinatawa. "Aalis na ho kami, Ma'am Tiffany. Ingat po kayo sa pag-uwi," pagpapaalam ko.
Tumayo ito at nag-initiate na makipagbeso sa akin na lagi naman niyang ginagawa sa tuwing pauwi na kami. Isa si Ma'am Tiffany na masasabi kong mabait at madaling pakisamahan sa trabaho kaya hindi naging mahirap sa akin na makipag-usap sa kanya nang ganito. Siya rin naman itong nag-insist dahil aniya'y hindi naman daw nalalayo ang edad namin na ginagamit ko ring pang-inis sa kanya paminsan-minsan.
Regular employee na rito si Ma'am Tiffany at nasa edad tatlumpu na pero hindi mo mahahalata dahil sa ugali at postura nito. Kung hindi mo siya makikilala talaga nang lubusan, iisipin mong mas matanda lang siya sa akin ng dalawang taon kahit na ang totoo ay walong taon na ang agwat namin sa isa't isa.
Siya iyong inakala ko noong unang pasok ko rito na katatakutan at hindi ko talaga makasusundo dahil ang sungit ng una kong impresiyon sa kanya. Akalain mo nga naman na siya pa pala itong makabibiruan ko nang ganito at naging malapit sa akin.
"Wala ka ng nakalimutan?" bungad na tanong sa akin ni Ross nang makalapit ako sa kanya.
Umiling naman ako habang nakangiti sa kanya. "Wala na. Ikaw ba?" balik kong tanong sa kanya.
"Mayroon kung hindi ka pa uuwi kasama ko," tugon nito kaya pabiro ko siyang hinampas sa braso.
"Ano na naman?"
"Ang bagal mo magpaalam kay Ma'am Tiffany. Ganyan ba kayo magpaalamanan? Laging naka-extend ang oras?"
Natawa naman ako nang tuluyan habang sinasabayan na siya sa paglalakad palabas ng building. Lagi kasing umaabot ng ilang minuto ang paghihintay niya dahil natatagalan kaming dalawa ni Ma'am Tiffany kapag uuwi na.
Lumipas na ang mahigit dalawang taon at kapwa na kami ni Ross na nasa ikaapat na taon sa aming kurso. Tatapusin na lang namin itong on-the-job training namin at graduation na ang naghihintay sa amin. Tatlong araw na lang naman ang ilalagi namin dito at matatapos na ang internship namin dito sa kompanyang parehas naming pinag-apply-an ni Ross.
Staffing and outsourcing ang type of industry na napili naming pasukan na sa awa ng Diyos ay tinanggap kami. Hindi naging madali sa amin—o baka sa akin lang naman ang naging unang experience namin dahil nandoon ang pangangapa sa bagong environment at lalo na sa mga taong nakapaligid sa iyo. Aminado ako noong una na hindi talaga ako nilubayan ng anxiety ko dahil sa labis na intimidation na naramdaman ko. Kung may culture shock sa first year ko sa college, ganoon din naman dito. Hindi ko mapigilang isipin nang sobra na baka magkamali ako at mapagalitan ako, pero pasalamat na lang din ako dahil ginabayan naman ako ng mga bosses at maging nila Ma'am Tiffany.
Naalala ko pa kung paano pinuri si Ross ng mga kasamahan niya kaya pakiramdam ko rin noong mga oras na iyon ay gusto ko siyang ipagmalaki. Magkaiba kasi kami ng department kahit na kapwa kami nasa HR Department. Sa Training and Development ako, samantalang siya naman ay nasa Compensation Administration. Panigurado ako na magandang grado at feedback ang makukuha niya sa oras ng evaluation.
"Nagugutom na ako," nakangusong kong komento nang makapasok na ako sa kanyang sasakyan.
Lumingon naman ito sa akin habang may iniaabot sa likurang bahagi at saka ito inilapag sa aking ibaba. Ipinasuot nito sa akin ang baon naming tsinelas na para sa akin. Naka-heels kasi ako lagi sa tuwing papasok kaya binilhan niya ako noon ng tsinelas na p'wede naming baunin kada papasok at uuwi kami galing trabaho.
"Bibilhan na lang muna kami ng fishball sa labas. Ayos lang?" tanong nito sa akin matapos itabi sa paperbag ang ginamit kong sapatos. "May ilang minuto rin ang ibabiyahe natin sa gusto mong kainan," dugtong pa niya.
Um-oo ako saka siya lumabas ng sasakyan para bumili. Nag-usap kasi kami kaninang umaga na mag-hapunan sa nadadaanan lang namin na kainan pero ang tunay na oras talaga ng biyahe namin, lalo na ngayong oras, ay aabutin din ng dalawang oras bago makarating sa bahay.
Sa loob nang tatlong taon na nakasama ko si Ross ay masasabi kong lubos ko na siyang kilala. Hindi dumating ang araw na may pagbabago sa ugali niya. Kung mayroon man, iyon ang pakikisama niya sa akin. Mas naging careless na siya dahil nahanap na rin naman namin sa isa't isa ang pagiging komportable.
Naalala ko pa noong nasa Second Year kami. Iyon ang panahon na hindi ko talaga lubos maintindihan ang sarili ko at iyon din ang panahon na nakilala ko si Ross. Marami siyang naitulong sa akin simula noon na magpahanggang ngayon.
Noong gabing malaman ng pamilya ko ang tungkol sa pagpa-part time ko sa flower shop ni Tita Rubi, iyon din ang araw na naintindihan ako ng pamilya ko. Umuwi ako nang may takot sa loob ko pero nag-usap kami nang may payapa. Doon ko lang din napag-alaman na nagawa pa palang i-chat ni Ross si Kuya para ipaliwanag ang side ko at pati na ang pangambang nararamdaman ko.
"Mahal ka namin, anak. Ayaw na naming ipasan pa sa iyo ang obligasiyon na dapat kami ang gumagawa at humahanap ng solusyon. Ang tanging gusto lang namin ng Papa mo ay ang ituon mo sa pag-aaral ang atensiyon mo. Ayaw naming hatiin ang responsibilidad mo dahil alam ko naman—alam namin na darating din ang araw na madadagdagan ang responsibilidad mo."
Sa huli ay hinayaan na rin nila ako na ipagpatuloy ang pagtatrabaho kay Tita Rubi dahil iyon na rin ang kagustuhan ko. Hindi ko na rin gusto pa na basta na lang iwan noon si Tita Rubi kaya ipinagpatuloy ko ang pagtatrabaho sa kanya. Ang mahalaga rin naman noon ay masaya ako sa ginagawa ko. Hindi ko inisip iyong responsibilidad dahil nasa ayos at tama naman ang turing sa akin ng Mama ni Ross na siyang ginawa ko ring guide sa pang-araw-araw ko.
Naging mabuti ang pamilya ni Ross sa akin—at higit lalo si Ross sa akin at sa pamilya ko.
Nasa kalagitnaan na kami ng aming hapunan nang may pumasok na bagong kustomer—mukhang mag-nobyo. Habol tingin ang ginawa ko sa dalawang iyon hanggang sa tuluyan silang makahanap ng puwesto.
"What's with them?"
Napalingon ako sa gawi ni Ross na kasalukuyan palang nakatingin sa akin habang nakataas ang kaliwang kilay nito—isa sa mannerism niya sa tuwing nagtataka siya.
"Wala naman. Ang cute lang nilang couple," nakangiti kong tugon matapos sulyapan sa kabilang lamesa ang dalawa.
"So?"
"Wala naman, actually," balewala kong sagot sa kanya at saka inubos ang natitirang pagkain sa aking plato. "Kailan mo balak magkaroon ng girlfriend, Ross?" kalauna'y balewala kong tanong matapos uminom ng tubig.
"Here we go again with, Miss CuRosie," usal nito habang naiiling na nakatingin sa akin at mayroong munting ngisi sa mga labi. "Bakit mo naitanong?"
"Baka lang kasi nagsasawa ka na sa akin." Sinundan ko nang malakas na tawa ang aking sinabi.
"Diretsuhin mo na lang ako na baka ikaw talaga ang nagsasawa na sa akin," anito.
Mabilis naman akong umalma. "Hoy, hindi iyan totoo! Mas'yado na akong komportable sa iyo. Mahihirapan akong mag-adjust, 'no," pag-amin ko. "So, kailan ka nga mag-gigirlfriend?"
"I don't know, Rosie. Wala pa naman iyan sa isip ko—"
"Kasi mayroon kang goal."
"Na?"
" . . . maipakalat ang maganda mong prinsipyo sa Employment world," nakangisi kong sagot. Ito kasi ang lagi kong pinang-aasar sa kanya na kinasanayan na lang din niya. Mas'yado raw kasing pangit ang term ko kumpara sa kanya.
"But seriously . . . wala pa akong makit—"
"Wala ka pang makitang igi-girlfriend? Hello, Mr. Sarmiento! Ang gagawin mo na lang ay mamili, hindi mo na kailangang maghanap dahil sila na mismo lumalapit sa iyo. Tsk, kakaiba talaga karisma mo. Kahit tiga-ibang school na kasabayan lang din natin na mag-OJT ay crush ka. Feeling ko nga, pati iyong senior employee roon sa area namin ay type ka rin, eh," komento ko. Hindi nakaligtas sa aking paningin ang pag-asim ng mukha ni Ross kaya roon na ako natawa nang tuluyan.
"I don't need a girlfriend for now. Napagtitiyagaan pa naman kita kaya saka na lang iyon."
"Wow, ha! Bakit wala ka pa ring nilaga kung ganoon?" banat ko na nagpakunot ng kanyang noo.
"Ano naman ang kinalaman ng nilaga sa usapan natin, Rosie?"
"Sabi mo kasi napagtitiyagaan mo pa naman ako, so where's nilaga? Hindi ba kapag may tiyaga ay may nilaga?"
Napahawak ito sa sentido niya saka kumuha ng pera sa kanyang wallet bago tumayo at tumawag ng isang waiter para abisuhan na naroon na ang bayad sa kinain namin. Hinawakan ako nito sa aking braso saka kinaladkad sa masuyo namang paraan.
"Pagod tayong pareho, Rosie kaya parang awa mo na. Huwag ka munang bumabanat ng ganyan ngayon," aniya habang inaalalayan ako pabalik sa sasakyan.
Doon ko lang nakuha ang ibig niyang sabihin kaya hindi ko napigilang matawa nang malakas. Wala na akong naging pakialam kung pinagtinginan ako ng mga papasok pa lang sa loob ng pinagkainan namin. Ang alam kong lang, tawang-tawa ako kay Ross.
"Done with me, Ross?"
"Not with you, pero sa mga biglaan mong banat, yes. I am so done with your humor, Rosie."
"Ouch! My heart, Ross," pagda-drama ko. Nagawa ko pang haplusin ang aking dibdib na tila nasasaktan.
"Oh, please!" komento ni Ross na siya nang nagkakabit ng seatbelt sa akin.
"Bakit ba parang madaling-madali ka?"
"Para naman maiuwi na kita. Kailangan mo na nang sapat na pahinga. Believe me, malaking tulong daw ang pahinga sa mental health," sarkastikong aniya.
"Hoy, grabe ka na, ha!" alma ko. "Mami-miss mo ito sa akin lalo na kapag nagka-jowa ka kaya lubusin mo na," pang-aasar ko pa lalo.
"I'd rather not find a girlfriend though."
"Bakit naman?"
"Mahirap kumilala ng bago. Ayaw ko nang paulit-ulit."
"Ngayon mo lang nasasabi iyan kasi wala ka pa namang natitipuhan," imporma ko.
"Ngayon pa nga lang sa iyo, nangungunsumi na ako kapag tinotopak ka. Paano pa kaya sa ibang babae?" depensa nito.
Tiningnan ko siya nang may halong panunukso kahit na ba nasa kalangitan siya ng pagmamaneho. Hindi ko naman siya ginugulo nang sobra, iyong sapat lang na hindi namin ikababangga.
"So, sinasabi mo na ‘kay Rosie lang sapat na’? Ganoon ba, Ross?"
"Sapat lang din," kibit-balikat niyang sagot sa akin.
"Ang pangit mo talagang mag-joke, ano?" sarkastikong komento ko.
"I am not joking, Rosie."
Sa panunuksong ginawa ko, sa huli ay ako pa rin ang napikon kaya minabuti ko na lang din na tumahimik na lang. Naramdaman ko rin kasi bigla ang pagod kaya para tuloy akong tinamaan ng katamaran sa pagsasalita kalaunan.
Panaka-naka ko ring tinitipid si Ross habang nagmamaneho siya dahil nag-aalala rin naman ako. Hindi lang naman ako ang pagod sa aming dalawa. Maya't maya rin ang pagtama ng ilaw sa mukha ni Ross na mula sa kalye. Mahahalata mo ang pagod sa kanya pero nanatiling nandoon ang atensiyon sa ginagawa.
Dahil sa internship namin ay madalas kaming magsuot ng mga formal at semi-formal attire sa tuwing pumapasok. Bihira lang din kami kung mag-casual dahil iniisip din namin ang mismong protocol ng university namin at maging ng kompanya na pinapasukan namin. Kahit naman na hindi ganoon kahigpit, kami na mismo ang naghihigpit sa sarili namin para hindi mawala ang formality at respeto sa kinalulugaran namin. Isa iyan sa mga sinabi rin sa akin ni Ross noong bago-bago pa lang kami.
"Nauuhaw ka ba?" pagkuwa'y tanong ko sa kanya.
"Hindi naman. Bakit mo naitanong?"
"Baka lang nauuhaw ka."
Malapit-lapit na rin naman kami at bilang concern din naman ako sa kanya ay naitanong ko iyon.
"Hindi naman. Just a little bit sleepy," pag-amin nito. "But thanks anyway for asking," ngiting aniya.
"Gusto mo ako na muna magmaneho para makapagpahinga ka saglit?" tanong ko sa kanya na nagpatawa rin kay Ross sa kabila ng seryoso kong tono.
"Are you serious, Rosie?"
"Mukha ba akong nagjo-joke ngayon, Ross?"
"Kung makapag-alok ka, samantalang pagpapasok pa lang ng susi ay takot ka na."
Naalala ko noong minsang inutusan niya akong i-start na raw ang sasakyan, pero bumalik na lang siya lahat-lahat ay nakatayo pa rin ako sa gilid ng sasakyan dahil sa takot na baka may magawa akong ikapahahamak ko at pati na ng kotse niya.
"Sabi ko naman kasi sa iyo, turuan mo ako magmaneho kapag may time tayo para atleast, may karelyebo ka," pang-aakusa ko sa kanya.
"I told you, saka na kapag handa na akong turuan ka."
"At bakit na naman ba? Wala kang tiwala sa akin, ano?" Sinubukan kong magtunog nagtatampo pero sana ay tumalab sa kanya.
"Hindi sa ganoon, Rosie. I'm just being cautious at baka kapag natuto ka na ay bigla mo na lang itakbo ang kotse ko para lang tumakas kasi gusto mong makipag-date," anito.
Natahimik ako dahil naalala ko iyong sinabi niyang ito. Sa akin din mismo iyon nanggaling noong minsang nagbibiruan kami at niloko ko siya noon na sa oras na marunong na akong magmaneho ay itatakas ko talaga itong kotse niya para makipag-date sa lalaki.
"Oh, eh 'di sige. Ikaw na lang ide-date ko. Patas na ba iyon, Ross?"
"Bakit parang pakiramdam ko ay lugi pa rin ako?" pang-iinis nito.
"Saan ka banda lugi, aber?"
"Sa lahat?"
"Ewan sa iyo. Who you ka talaga kapag nagkaroon na ako ng sarili kong sasakyan. Magda-driving lesson din ako para sa susunod makikipag-karera na lang ako sa iyo."
Tumawa naman ito na mukhang naaalis sa pinag-uusapan namin ngayon habang tinatahak ang papasok sa village namin.
"Sa akin ka na lang magpaturo kung ganoon," suhestiyon pa niya na ikinatuwa ko.
"Oo nga, ano? Atleast, libre pa," pagsang-ayon ko pa.
"Sino ang may sabi ng libre?"
"Ay, oo nga pala. Date ang kapalit," kibit-balikat kong sagot sa kanya.
Kung noon ay halos hindi ko magawang mabiro si Ross nang ganito pero ngayon ay maging ang tarayan siya ay napadadalas ko na. Sa mahigit tatlong taon na kasama ko siya, hindi malabong magagawa ko talaga ito. Walang special treatment.
Nang makarating sa bahay ay pinaunlakan pa siya nila Mama na pumasok pero magalang na tumanggi na ito at uuwi na rin siya para makapagpahinga. Pero bago pa man siya umalis ay nagawa pa nitong mag-request.
"Rosie, can I have a favor?"
Kaagad naman akong tumango at natuon talaga ang buong atensiyon ko kay Ross. Bihira ko kasing naririnig na humingi ng pabor si Ross dahil mas madalas na ako ang gumagawa niyon.
"Oo naman. Ano ba iyon?"
"P'wede mo ba akong timplahan ng kape? Inaantok kasi talaga ako." Nasa tono nito ang nahihiya pero mukhang nilabanan na lang din sa huli.
"Teka, kaya mo pa bang magmaneho pauwi? Gusto mo ihatid ka namin ni Kuya sa inyo at magko-commute na lang kami pabalik. Marunong naman si Kuya na mag-drive, eh," alok ko pa.
Sumimangot naman siya sa akin. "Ano pa ang silbi ng paghatid ko sa iyo rito kung ihahatid mo rin ako? Balak mo bang maghatiran buong gabi?" reklamo pa niya na lihim ko ring sinang-ayunan sa aking isip. "Your coffee will be enough, Rosie."