Bandang alas cuatro ng hapon ay nagpaalam si Erica sa ama na mamalengke. Kailangan niyang mamili ng mga groceries pati na din ng mga ilang personal na gamit.
Sumaglit siya sa isang tindahan ng ukay ukay at bumili ng jogger at pajama na pambahay. Mga ganyang klaseng damit lang kasi ang afford nya.
Papunta na siya sa meat section para bumili ng liempo ng baboy ng nakasalubong niya si Harvey. Aba at naligaw yata ang kanyang amo. At ano ang ginagawa ng isang Angeles sa palengke? Hindi naman siguro siya sinusundan nito?
Bumili na siya ng liempo bale isang kilo. Isasahog niya ang iba sa pinakbet at ang matitira ay gagawin nyang smoked pork belly.
Nagmamadali na siyang umalis sa palengke dahil nag uumpisa ng kumalat ang dilim. Sampung minuto na lang ay alas sais na ng gabi. Kung bakit pa kasi nawili siyang maghalungkat ng bongga sa tindahan ng ukay ukay.
Pasakay na siya ng traysikel para magpahatid sa kanila ng may humawak sa kanyang braso. Pag angat ng kanyang paningin ay si Harvey pala at nakangiti ng napakatamis. Mahihiya ang sinumang modelo ng toothpaste sa kanyang ngiti. Kitang kita ang kanyang maputi at pantay pantay na ngipin. Halatang alaga sa dentista.
Tiningnan niya ang kamay na nakahawak sa kanyang braso atsaka tiningnan muli ang binata. Nakaunawa naman itong tinanggal ang kamay sa braso ng dalaga.
Tumikhim ang dalaga at umarko ang kilay.
"May sadya po kayo Senyorito?" Pormal na tanong ni Erica sa binata habang nakamasid dito. Diniin niya ang pagkakabigkas ng "Senyorito". Mahirap na baka ma tsismis pa siyang nakikipagkita sa kung sinong lalaki.
Ang kanilang barangay ay pinamumugaran ng mga tsismosa. Na akala mo kung sinong mga malinis ang budhi. Natural na kaganapan na nga ang kabi kabilang pagpapatawag sa barangay nila dahil sa mga reklamong paninirang puri. Kaya siya ay nag iingat na huwag makipagtsismisan dahil ayaw niyang masangkot sa gulo.
"Mauna na po ako sa inyo, " magalang niyang sabi sa amo.
Walang nagawa ang binata ng sumakay na ng traysikel ang dalaga. Kaya binaybay niya ang daan patungo sa paradahan ng kanyang dalang pick up. Sinadya niya talagang sundan si Erica para makasigurong hindi makalapit si Gavin. Magkalapit lang kasi ang temporary na opisina ng construction firm na pinatratrabahuan ng huli. Mahirap na at baka malingat siya at maungusan na namang muli ng karibal.
Para siyang isang stalker. Nagtataka man ngunit naaaliw si Harvey sa mga ginagawa niya. Para siyang teenager na kinikilig sa panunuyo kay Erica. Hindi na lang simpleng ego niya ang gumagana kundi ang kagustuhan na mapasakanya ang simple at mailap na si Erica.
Samantala, pababa na ng traysikel ay hindi niya napansin ang matatalim na titig ng taong nakakubli sa mga puno ng saging. Ang nakatanaw sa kanya ay puno ng hinanakit sa atensyon na nakukuha ng una. Hindi naman siya maganda at salat pa sa pinag aralan pero kung pag agawan ng mga manliligaw ay ganun na lang. Tama nga ang tsismis na ang patay gutom na si Erica ay may tagahanga at ang kanyang nakitang patunay ay ang pick up ng mga amo na nakasunod sa sinakyang traysikel.
Hindi siya makakapayag. Kailangan masira ang reputasyon nang sa gayon ay ayawan ito ng mga manliligaw.
Papunta si Gavin sa direksyon ng bahay nila Erica. Bitbit ang isang kahon ng tsokolate, isang bungkos ng rosas at isang stuffed toy na nakalagay pa sa isang transparent na backpack. Nakangiti ang binata pero dumilim ang itsura nito ng nakitang may pick up na nakasunod sa traysikel na sinakyan ng nililigawan.
Si Erica ay paakyat na sa kanilang bahay ng paglingon niya ay magkasunod na dumating ang mga manliligaw. Naiinis siya sa kaisipang ayaw magpatalo ang dalawa. Kaya tatapatin niya ang dalawa mamayang gabi. Babastedin niya ng sabay ang dalawa para bumalik na sa dating payapa ang buhay niya.
Napataas naman ang kilay ni Mang Enrico sa nakabusangot na mukha ng anak na galing sa palengke. Nakaluto na siya ng kanin at nagayat na pati ang mga gulay para sa pinakbet na ulam nila. Tatanungin na sana ang anak sa problema ng may narinig na tumatawag sa labas ng bahay.
"Magandang gabi po, Mang Enrico. Aakyat po ako ng ligaw." Sabay na sambit ng mga binata. Natatawa ang ama sa itsura ng anak na parang nakainom ng suka sa sobrang asim. Tumalikod lang si Erica at Inasikaso na ang pinamili sa palengke. Tiningnan muna ng ama ang sinaing kung kakasya ba sa kanilang apat. Pinuntahan niya na kaagad ang mga bisita ng anak at pinapanhik. Nagpasalamat naman ang dalawa.
Inilapag ni Gavin ang mga dala para kay Erica. Mamaya na nya ibibigay ang mga regalo sa dalaga.
"Andito nanaman kayong dalawa? Aba, wala ba kayong mga ulam sa bahay ninyo at palagi na lang kayo makikain sa amin?" Pikon na turan ni Erica sa dalawang binata.
"Erica! Saan na ang wastong ugali?" Ang may himig pagbabanta ng ama sa anak na naubusan na ng pasensya sa mga makukulit na binata. Gustong matawa ng ama sa dahilan ng anak pero pinigilan niya. Kung sa ibang pagkakataon ay mapupunit siguro ang kanyang bibig sa halakhak sa mga sentimyento ng anak.
"Tay naman eh, nakakapagod kaya manghugas ng maraming pinagkainan," ang nakabusangot pa ding saad ng dalaga. Gusto na niyang maglupasay sa sahig para madismaya ang dalawang binata. Pero mukhang ang mamanhid ng mga kurimaw at ang laki pa ng mga ngisi nila. Inirapan niya ang mga ito at lumabas na ng kusina para magluto sa dirty kitchen.
Sumunod naman ang dalawang binata para tunghayan ang pagluluto ng dalaga.
"Alis, mga asungot pati dito sa kusina binubwisit nyo ako. Baka lagayan ko na ng vetsin itong ulam at ng mahilo na kayo," pagmamaktol ng dalaga. Bumalik sa sala ang mga binata at doon na nag hintay.
Si Mang Enrico naman ay naglagay na ng mga plato, baso kutsara at tinidor para sa kanilang apat. Napapailing na lang siya sa kamalditahan ng anak. Mahinahon na bata si Erica. Bihira nga itong magreklamo sa kanya kahit na madalas a napapabayaan na niya ito kahit noong bata pa ito. Hindi ito sanay na binibigyan ng pansin ng mga binata dahil din sa kapayakan ng paggayak at pananamit nito.
Natapos silang kumain na apat ng mapayapa. Ang ama na ang nagboluntaryo magligpit ng pinagkainan para maharap na ng anak ang mga manliligaw. Nabigla silang tatlo ng buong tapang na nagsalita ang anak.
"Basted kayong dalawa. Wala akong sasagutin sa inyong dalawa. Yon lang at makakaalis na kayong dalawa."
Napaawang ang bibig ng dalawang binata. Napailing naman ang ama sa tinuran ng anak. Nagulat siya sa kaprangkahan nito at hindi inakalang tatanggihan ang mga bigating manliligaw.
Walang nagawa ang dalawa at laglag balikat na umalis ng tahanan ng mga Santillan.
Si Gavin ay nalungkot. Kung hindi siguro niya masyadong kinulit at nakipagkompetinsya pa kay Harvey ay malamang na may pag asa siya kay Erica. Nakapagpasya siya na pahuhupain muna ang sitwasyon atsaka ulit susuyuin ang dalaga.
Si Harvey ay napantastikuhan sa sabay na pagbasted ni Erica sa kanila ni Gavin. Ngayon lang siya nakatanggap ng rejection. Masakit sa kanyang ego lalo at unti unti nang umuusbong ang kung anong damdamin para sa dalaga.
Nang nakarating siya sa mansion ay halata ang katamlayan sa kanyang mukha na kaagad na napansin ng kanyang ina.
"Anak, bakit Biyernes Santo yata ang mukha natin? May problema ba?"
"Mom, ang sakit pala mabasted."Matamlay niyang sagot sa tanong ng ina.
" At sino ang naglakas loob na tanggihan ang gwapo kong anak?" pigil na tawa ng Ginang.
" Si Erica Santillan po."
Umalingawngaw ang halakhak ng Ginang sa buong kabahayan. Kaya pala problemado ang anak dahil na basted ng anak ng tauhan nila.