Chapter 9

1769 Words
"Alam mo, may kuwento ako," bungad ni Wendy. "Si Jay pala, dito na nakatira malapit sa atin. Malapit na ring magbukas ang resto bar niya." Napatingin si Carmen sa pinsan. Himala, maaga itong nagising. Alas sais pa lang ng umaga. "Paano mo nalaman?" tanong ni Carmen, sabay singhal. "At saka, bakit ang aga mo nagising?" Ngumiti si Wendy. "Yung unang tanong mo, kasi dito kumain si Jay kahapon. Panay nga tanong tungkol sa'yo. Nagkuwentuhan kami kahit sandali. Tapos 'yung pangalawa, maaga akong nagising para abutan kita." Umirap si Carmen. "Para makapag-chismis ka." "Actually, gusto ko na talagang ikuwento 'to sa'yo kagabi pa. Kaso ang tagal mo umuwi, tapos busy pa tayo." Umismid si Wendy. "Pero alam mo, balak kong mag-apply sa resto bar niya bilang waitress." "Sira ka! Paano 'yung trabaho mo dito?" kunot-noong tanong ni Carmen. "Ayoko na rito. Mas malaki raw ang suweldo dun kung sakaling matanggap ako. Saka, hello, lagi ko pang makikita si Jay," sagot ni Wendy habang kinikilig. Hindi napigilan ni Carmen na batukan siya. "Ewan ko sa'yo. Kung anu-ano ang pumapasok sa kokote mo!" "Aray! Masakit 'no," reklamo ni Wendy, sabay hawi sa kamay ni Carmen. "Bahala ka sa buhay mo. Mamaya na tayo magkuwentuhan, aalis na ako." Paalam niya habang naglalakad palayo. "Hoy, Carmen! Hindi pa ako tapos magkuwento!" sigaw ni Wendy. Dinilaan lang siya ni Carmen. "Bye!" ***************************** Pagpasok ni Carmen sa classroom, natigilan siya. Nandoon sina Tristan at Kim, magkatabi, masayang nag-uusap at nagtatawanan. Napakunot ang noo niya. Bakit parang... masakit? Nagseselos ba ako? Hindi ah! Ngayon ko lang kasi nakita si Tristan na ganyan ka-close sa babae. Hindi lang ako sanay. 'Yun lang 'yon, pagtatanggol niya sa sarili. Umupo siya sa tabi ni Cheska. Maya-maya, dumating na ang propesora nilang si Mrs. Alcantara. Nag-announce ito tungkol sa darating nilang exam, kung ano ang coverage at kailan ang schedule. "Work hard on your exams. Do your best, students! That's it." Pagpapaalam ng guro. Nagsitayuan na ang mga estudyante. Lumapit si Cheska kay Tristan. "Sasama ka ba mamaya sa group study?" Tumingin si Tristan kay Carmen bago sumagot. "Sorry, hindi muna ako makakasama ngayon. Mauna na ako." Pagkatapos ay binalingan niya si Kim. "Tara." Sabay silang umalis. Tumingin sina Cheska at Eloisa kay Carmen, tila hinihintay ang magiging reaksyon niya. Natawa si Carmen. "Anong tinitingin-tingin niyo d'yan, ha?" Umiling lang ang dalawa, sabay lakad. Dahil wala si Tristan, silang tatlo na lang ang nagpunta sa Bistro Cafeteria, ang usual nilang meeting place para sa group study. Bakit kaya magkasama si Tristan at Kim? Sila na ba? Pero parang imposible naman... bulong ni Carmen habang pauwi. Alas siete na ng gabi natapos ang group study nila, mas maaga kaysa dati dahil hindi na sila lumihis kung saan-saan. "Hey!" Napalingon si Carmen. Si Jay pala iyon. "Naku, sorry, hindi kita napansin," sabi ni Carmen. Ngumiti si Jay. "I know. Galing ako sa inyo, akala ko andun ka." "May group study kasi kami, kaya ngayon lang ako nakauwi," paliwanag niya. Tumango si Jay. "I see." Ngumiti ito. "If you don't mind, let's have dinner together? Tingin ko hindi ka pa kumakain. Saglit lang tayo." "Okay," sagot ni Carmen, sabay ngiti. Pagdating nila sa restaurant, natuwa si Carmen sa pagkain. "It's really delicious," sabi niya. Bago sa panlasa niya ang mga putahe, pero masarap. "I'm glad you like it. Eat up," sagot ni Jay. "Thank you." Masaya siyang kakuwentuhan si Jay. Sa totoo lang, hindi pa siya nagkakaroon ng ganitong usapan kay Tristan. Siguro dahil naiilang siya kapag kasama iyon. "How is it?" tanong ni Jay, sabay abot ng isang dumpling. "So good," sagot ni Carmen. Napatingin siya sa kamay nito. "Hey, okay ka lang? Naglalagay ka ba ng cream? Parang nagbabalat kamay mo." "Okay lang 'to. May allergy ako—minsan umaatake," paliwanag ni Jay. "Mukha ngang masakit. Siguro may nakain kang bawal," sabi niya, puno ng pag-aalala. Natawa si Jay. "Magpinsan nga kayo ni Wendy. Ganyan din ang sinabi niya." "Speaking of Wendy, naaya mo na rin ba siya dito?" tanong ni Carmen. Tumango si Jay. "Twice na kaming nakakain dito." Napangiti si Carmen. Lokong Wendy, hindi man lang nagkwento sa akin, bulong niya sa sarili. Pagkatapos kumain, hinatid siya ni Jay pauwi. Napag-usapan nila si Tristan. Mabait naman daw ito, pero hindi sanay makisalamuha sa mga tao, lalo na sa mga babae. Lumaki raw ito na lola lang ang kasama, at ang ama naman ay abala sa negosyo. Wala raw masasabing kaibigan si Tristan kundi si Jay at... siya. Carmen? Kaibigan siya ni Tristan? Nagulat siya sa sinabi ni Jay. Dagdag pa nito, kapag umuuwi si Tristan mula sa school, masaya raw itong nagkukuwento tungkol sa kanya. Kaya eager daw siyang makilala si Carmen noon pa man. HInahatid naman si Carmen ni Jay sa bahay. Nagbalik sa realidad si Carmen nang iabot sa kanya ni Ate Mira ang sobre galing kay Tita Belen. Allowance or parang suweldo na rin. Pagbukas niya, nagulat siya. ₱900 lang ang laman. Hindi sinama ni Tita 'yung half-day na pinasok ko nung Linggo, bulong niya sa sarili. Considered na 3 days lang ang pasok ko, dahil sa group study. Ang saklap. Uuwi pa naman si Tatay next week. Lumapit si Wendy. "Okay ka lang?" tanong nito, may halong pag-aalala. "Oo naman." Umismid si Wendy. "Naku, kita ko na, naiiyak ka na sa natanggap mo." "Tama lang naman ang binigay ni Tita, kasi nga may dalawang araw akong hindi nagtrabaho," sagot ni Carmen. Hinila siya ni Wendy palayo. "Anong tama? Wala mang consideration si Tita. Aba, ang aga mo kaya gumigising para tumulong sa kusina at canteen! Tapos nung Linggo, alas dos na tayo umalis!" "Ano ka ba? Ireklamo ko pa ba 'to?" inis na tugon ni Carmen. "Siyempre! Nagtatrabaho ka, 'no. Hindi lang thank you ang katapat nun. Sa totoo lang, naka-tipid pa nga siya sa atin." "Ewan ko sa'yo!" inis na sabi ni Carmen, sabay talikod. Sinundan siya ni Wendy. "Ang akin lang, kung pahinga, pahinga. Kung trabaho, ibigay lang ang nararapat. Ako talaga, okay lang, basta Linggo, pahinga!" Hindi na pinansin ni Carmen ang mga sinasabi ng pinsan. Nonsense. Magreklamo man ako, wala rin namang mangyayari. ************************* Paglabas ni Carmen sa kuwarto. Naroon si Tita Belen, nakaupo sa hapag-kainan, may hawak na listahan. Napalingon ito sa kanya. "Oh, andyan ka na pala." Malamig ang tono. "'Dito ka muna. Usap tayo." Huminga ng malalim si Carmen. Alam na. Umupo siya sa tapat ni Tita Belen. Tahimik. Parang kay bigat ng hangin. "Napansin kong madalas kang late sa pag-uwi nitong mga araw. Hindi ka na rin masyadong nakakatulong sa kusina." "Nag-group study po kami. Final exams na kasi—" "Hindi ko sinabing bawal. Pero alalahanin mo, dito ka nakikitira. Libre pagkain mo, tubig, kuryente. Hindi kita kinukuwestyon, pero sana naman, 'wag mong kalimutan kung nasaan ka nakatayo." Nanahimik si Carmen. Gusto niyang sumagot. Gusto niyang sabihin na hindi madali pagsabayin ang trabaho at pag-aaral. Saka sa umaga naman ay bumabawi siya, tumutulong siya sa kusina. Pero alam niyang walang patutunguhan. Tumango na lang siya. "Opo. Pasensya na po." Alam naman na ni Carmen ang ugali ng Tita Belen niya minsan talaga may sumpong ito. Sa Kuwarto ni Carmen Tahimik sa loob ng kuwarto. Tanging mahinang ugong lang ng bentilador ang naririnig habang nakahiga si Carmen sa kama, nakatitig sa kisame. Wala siyang gana gumalaw. Paulit-ulit na pumapasok sa isip niya ang sinabi ni Tita Belen. “Dito ka nakikitira. Libre pagkain mo, tubig, kuryente…” Napapikit siya. Hindi niya alam kung nasasaktan ba siya o sadyang pagod lang. Pinipilit niya naman lahat. Gigising ng maaga, papasok sa klase, sasabay sa trabaho, tapos may group study pa. Pero parang kulang pa rin lahat ng ginagawa niya. Humugot siya ng malalim na buntong-hininga. “Hindi ko naman ginusto 'to,” bulong niya sa sarili. “Pero kung hindi ko gagawin, sino?” Nilingon niya ang lumang picture frame sa mesa, larawan ng pamilya nila. Doon nakangiti si Tatay, yakap-yakap siya at si Justine, ang bunso niyang kapatid. Naalala niya, uuwi nga pala si Tatay sa susunod na linggo. Kaya lalo siyang nanliit sa halagang natanggap niya mula kay Tita. ₱900? Kulang pa ‘yon sa pamasahe at mga kailangang bayaran. Ipipikit na sana niya ang mata nang bigla niyang maalala ang eksenang nakita niya kanina. Si Tristan. Kasama si Kim. Masayang nagtatawanan. Magkatabi. Napapikit muli si Carmen, ngayon may kurot na sa dibdib. "Bakit ba ako naaapektuhan?" bulong niya. "Wala naman kaming label. Kaibigan lang. Ka-klase. Hindi ko siya pag-aari." Pero sa totoo lang, mas naging malinaw sa kanya ngayon ang lungkot na naramdaman niya nang makita silang dalawa. Parang may espasyong iniwan si Tristan na hindi niya alam kung kailan at paano napuno ni Kim. "Pero bakit ganun?" Mahinang sabi niya, habang tinititigan ang kisame. “Bakit mas komportable pa akong mag-open kay Jay kaysa sa kanya?” Tahimik ulit. Ilang minuto siyang nakatulala, hanggang sa unti-unti nang dumadaloy ang luha sa gilid ng kanyang mata. Pagod na siya. Sa expectations. Sa tanong. Sa pressure. Sa sarili. Pero bukas... kailangan pa ring bumangon. ************************ Tristan POV Tahimik lang akong naglalakad habang kasabay si Kim. Tumatawa siya, may kinukuwento tungkol sa bagong pelikulang napanood niya, pero ang totoo, kalahati lang ng atensyon ko ang nasa kanya. Hindi ko masabi, pero parang ang bigat sa dibdib ko. Parang may kulang. O baka... may mali. Kanina sa classroom, nakita ko si Carmen. Napatingin siya sa amin. Hindi ko alam kung napansin niya, pero saglit akong nagdalawang-isip bago sumama kay Kim. "Sorry, hindi muna ako makakasama ngayon." Yun lang ang nasabi ko. Pero ang totoo... gusto ko sanang makasama sila. Gusto ko sanang tumabi kay Carmen. Tanungin kung okay lang siya. Kung kumain na ba siya. Kung puyat ba siya kagabi. Pero ewan. Kapag andiyan siya, parang hindi ko alam kung paano ko siya kakausapin. Madalas nauuna pa 'yung kaba kaysa sa salita. Ang ironic, no? Sa dami ng tao sa paligid ko, siya lang 'yung gusto kong makausap nang totoo, pero siya rin 'yung pinakamahirap lapitan. Bakit ganun? Bakit parang mas lumalayo siya ngayon? O ako lang ba ‘tong naglalagay ng distansya? Jay said she's strong. Sabi niya, matapang si Carmen. Pero kahit gaano siya katapang sa labas, pakiramdam ko… may lungkot sa mga mata niya. At gusto kong makita ‘yon nang buo. Gusto kong makita siya hindi lang bilang kaklase, o ka-groupmate, gusto ko siyang makilala sa paraang hindi pa nagawa ng kahit sino. Hindi ko alam kung saan ako lulugar. Hindi ko alam kung may karapatan pa ba akong lumapit, Pero ang alam ko... Gusto ko si Carmen. At 'yun ang totoo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD