Naiinip na tinatapik ni Irish ang kanyang mga daliri sa mesa. Binuklat na lang niya ang menu at tinakpan ang mukha upang hindi mahalata ni Ginang Luz na halos maihi na siya sa kaba.
Nasaan na ba siya? Sinabi ko na kasing six p.m. sharp tapos wala pa rin? Akala ko ba professional siya being a hired husband? Napakalaki pa naman ng binayad ko para lang makuha ang serbisyo niya!
“Irish, anak…”
“Hm?” Tensyunadong ngumiti si Irish sa ina. “Yes, Mommy? Gusto mo na bang mag-order? Tatawagin ko na ba ang waiter?”
Umiling si Ginang Luz. “Hindi naman ako nagugutom bago tayo umalis. Ang gusto ko lang talaga, makita na ang sinasabi mong asawa mo.” Nakasimangot siyang umiwas ng tingin at bumulong. “Nagpakasal ka pala sa New York, hindi mo man lang ako sinabihan. Pangarap ko pa namang gawing engrande ang wedding day mo.”
Nagbuntong-hininga si Irish at tinabihan ang ina. “Mommy naman, hindi ba sa ‘yo na rin nanggaling na kailangan taken na ako bago umuwi?”
“Ang sinabi ko, kapag single ka pa na umuwi, ipapakasal na kita kay Keith Levi De Asis.” Lumingon siya sa anak at nagbukas ng pamaypay. “Bakit nagpakasal ka naman agad? Ano ngayon ang sasabihin ko kina Imelda at Horacio?”
Pakisabi po tanggapin na lang nila na hindi kami para sa isa’t isa ni Keith. Buti na lang nag-hire ako ng asawa at hindi boyfriend lang. Kung hindi, ipipilit mo pa rin ang mga De Asis.
Niyakap ni Irish at ina at sumandal sa balikat nito. “Mommy, believe me, magugustuhan mo rin ang asawa ko. I’m sure magkakasundo kayo.”
“Sigurado ka ba?” Tinaasan ng kilay ni Ginang Luz ang anak. “Ang pinag-aalala ko lang naman, mapunta ka sa lalaking hindi mo pa masyadong kilala. Hindi biro ang pagpapakasal anak. You cannot take it back if it didn’t work out.”
“Of course, kilala ko ang asawa ko, Mommy. Bago ko siya pinakasalan, nag-background check muna ako,” ani Irish. "A-and of course, mahal ko siya. The first time I saw him, I got attracted to him at once." Muli siyang sumulyap sa entrance ng restaurant. Nanlaki ang kanyang mga mata nang matanaw ang lalaking pinakahihintay. Sa sobrang tuwa’y kinawayan niya ito. “Over here!”
Lumingon sa direksyon nila ang malaking lalaki na naka-buttton down long sleeves at itim na shades. Mala-modelo itong lumakad papalapit sa kanila. Dahil sa kakaibang karisma nito’y pati ang ilang customers sa restaurant ay napatingin din sa lalaki.
“Fine!” Pinagsalikop ni Ginang Luz ang mga braso sa kanyang dibdib. “Let’s see this husband of yours.”
o0o
ONE WEEK BEFORE
Hindi na hinintay ni Irish na gumising ang kanyang ina upang magpaalam. Pinasabi na lang niya sa katulong na may pupuntahan siyang importanteng kliyente. Batid niyang magtatampo ito dahil kagabi pa siya dumating galing Amerika ngunit hanggang ngayon ay hindi pa sila nagkikita. Sabagay ay ayaw din naman niyang maabutan siya kagabi na basa ang damit at ang masahol pa’y muntik nang malunod.
“Strings of Faith Dating Agency.” Pabulong niyang binasa ang nakaimprenta sa itaas ng salamin na pinto. Mabuti na lang at may malapit na branch nito malapit sa head office ng kanyang kompanya sa Taguig at hindi na niya kailangang pumunta pa sa Batangas.
Kung titingnan sa labas ay mukha itong beauty salon na nasa ikalawang palapag ng Grand Gotesco mall. Ngunit nang pumasok siya ay tila isang opisina ng BPO. Malawak, napakaliwanag, at fully air conditioned na amoy bulaklak ng lavender. Sa bawat table ay may nakaupong tila bisita rin kagaya niya.
“Kapareho ko kaya sila ng pakay,” bulong niya habang nakatao pa rin sa may pinto.
“Good morning, ma’am. May appointment po ba sila?”
Pumihit si Irish sa babaeng staff na lumapit sa kanya. Matangkad ito at naka-full makeup. Ang totoo’y lahat ng mga empleyado ay makakapal ang makeup na tila merchandiser ng beauty products. Ang mga suot naman nila’y hindi nalalayo sa uniporme ng mga bank teller.
“Oh, um… I’m looking for Mr. Facundo Yu.”
Dahan-dahang ngumiti ang empleyado. Pangalan pa lang ang sinabi niyang wari’y batid na nito ang kanyang sadya. “Ibig po bang sabihin, hindi pagkuha ng date ang concern n’yo ma’am?”
“Huh?” Kumunot ang noo ni Irish. “Wait, what do you mean? Mali ba ako ng hinahanap na tao?”
“You are looking for the right person ma’am.” Inilapit ng babae ang bibig sa tainga ni Irish. “If your preference is about the husband for hire service, si Mr. Fac talaga ang kailangan ninyo.”
Bahagyang umatras si Irish at naiilang na ngumiti. “G-good. S-so, can you take me to him?”
Abot-tainga ang ngiti ng babae. “Sure po. Just follow me.”
Makalipas ang ilang sandali at natagpuan ni Irish ang sarili na nakaupo sa harap ng oak desk ni Mr. Facundo. Hanggang ngayon ay hindi pa siya nagtatanong dahil naninibago pa siya rito.
“Wait lang nang konti madam, ha. Nagsisimula pa lang kasi akong mag-retouch no’ng pumasok ka.” Mula sa maliit na salamin ay pumihit si Facundo kay Irish. Kinukurap-kurap niya ang mga mata na kakatapos pa lang lagyan ng waterproof na mascara. “I hope you don’t mind.”
Umiling si Irish na nakaawang ang bibig. “N-no problem. Just go on.”
“Thank you madam,” nakangiting bulong ni Facundo sa senswal na tinig.
Hindi akalain ni Irish na ito ang Facundo na kanyang imi-meet. Kaya pala ma-effort ding mag-makeup ang mga empleyado nito dahil ganoon din ang kanilang boss. Kung titingnan sa umpisa ay maaakit dito ang sinumang babae dahil sa natatanging mukha. Makinis din ang balat na tila walang pores. Magaling pa sa pagdadala ng suit. Ngunit nang batiin siya nito at nagwisik ng mga daliri ay pakiramdam niya'y natalbugan ang kanyang kagandahan.
Kahit na maghintay pa si Irish ay ayos lang sa kanya. Nakakaaliw kasing titigan si Facundo sa pag-makeup nito. Parang nanonood lang siya ng makeup tutorial sa YouTube. Ilang saglit pa at napansin niyang naglabas ng dalawang pressed powder si Facundo. Halatang hindi makapagdesisyon kung alin ang gagamitin.
Tumikhim muna si Irish bago magsalita. “I think the tan shade best suits you. It will make your tone more alive.”
“Oh, really?” Dinampot ni Facundo ang tan na pressed powder at sinubukan kaagad. Mula sa salamin ay tiningnan niya sa kaliwa at kanang anggulo ang kanyang mukha. “Ay iba ka, madam! You are so right, I really look like a Goddess in this shade.” Kinikilig siya nang simulang ligpitin ang makeup box at tumuwid ng pagkakaupo. “Okay, let’s get down to business. What can I do for you? Though alam ko naman ang sadya mo dahil diniretso ka rito sa opisina ko.”
Malalim ang hugot ng hininga ni Irish bago magpaliwanag. “O-okay, I want to get straight. Meron ba sa mga members n’yo na puwedeng i-hire para maging fake husband?” Batid ni Irish na tunog baliw siya sa kanyang tanong. Gayunman, wala na siyang pakialam dahil sa sobrang desperasyon. Kapag nabigo siya sa pagpunta rito, hindi na niya alam ang kanyang gagawin at marahil tanggapin na lang niya ang mapait na kapalarang mahulog sa ‘arranged marriage’.
“Hm…” Seryosong tinitigan ni Facundo ang dalaga habang pinaglalaruan niya sa kanyang mga daliri ang ballpen niyang kulay pink at may dekorasyon na feathers. “Actually madam, walang ganyan sa Strings of Faith Dating Agency. Ang mga member namin dito ay individuals na naghahanap ng tunay na pag-ibig.” Napahawak siya sa dibdib nang binaggit ang huling mga kataga.
“G-ganoon ba?” Biglang nanlumo si Irish. Pakiramdam niya’y isa siyang balloon na binutas at siningawan ng hangin.
“Cheer up, madam!” bulalas ni Facundo na pumapalakpak pa. “Ang sabi ko nga, sa Strings of Faith lang ‘yon. Pero meron talagang service regarding your concern. Ang humahawak naman doon is RnJ company. Front lang ang Strings of Faith. At ako naman ang agent na gumagawa ng transaction between our clients and RnJ.” Nakangiting itinuro niya ang dalaga gamit ang kanyang pink na ballpen na wari'y winiwisikan ng spell.
Mabagal na bumuga ng hangin ni Irish. “Finally, may sagot na ang problema ko.”
“Pero wait lang madam. Hindi ka agad-agad mabibigyan ng ‘husband’ dahil kailangan mo munang mag-undergo sa ‘mirroring’.” Nag-quote sa ere si Facundo.
“Mirroring? What’s that?”
“It’s an evaluation of your economic, social, and financial status. May kamahalan kasi ang serbisyo ng RnJ. And when I say ‘may kamahalan’, it means milyones ang halaga ng hired husband. Keri ba natin ‘yon, madam?”
Walang alinlangan ng tumango si Irish. “Expected ko na ‘yan. Sigurado naman akong kakayanin ko ang budget dahil matagal ko na ‘tong pinaghandaan.”
"Wait, bakit nga pala gusto mong mag-hire ng pekeng asawa?" Seryosong tanong ni Facundo habang pinaglalaruan ang balahibo ng kanyang ballpen. "Sa beauty mong 'yan, imposibleng walang nagkakandarapa sa 'yo?"
Kinagat ni Irish ang labi. Hangga't maaari ayaw niyang mag-open. Gayunman nag-aalala siyang baka makaapekto ito sa pagga-grant ng husband sa kanya. "Look, gusto akong ipakasal ng mommy ko sa lalaking hindi ko naman gusto. Kahit mag-boyfriend ako, hindi niya 'yon papansinin. As long as I'm single, she will still dump me into an arranged marriage. How horrible is that?"
Inilapat ni Facundo ang kamay niya sa kanyang dibdib. "Oh, my…"
"So, please help me out Mr. Facundo. Sandali, how do you want me to address you?"
Kumutitap ang mga mata ni Facundo. "Just call me Fac, madam."
"F-Fac… Yu?"
"Just Fac. Keri ko na 'yon," aniya sabay kindat.
Mabagal na tumango si Irish. "Okay, Fac. So ayon. I badly needed to just hire. Just name your price and I'm in."
“Then we have no problem regarding that.” Itinuwid ni Facundo ang braso at inabot ang isang folder sa tray ng mga papeles. Pumipilantik pa ang mga daliri niya nang ibigay niya ang isang papel kay Irish. “Okay, we’ll start with the signing of that waiver. That is to ensure you and RnJ’s confidentiality and safety.”
Tahimik na binasa ni Irish ang papel. Gamit ang pink na ballpen ni Facundo ay pinirmahan niya ang bawat pahina nito.
“Done.”
“Good!” Matapos i-check ay ibinalik na ni Facundo ang waiver sa kanyang compilation. Pagkatapos nito’y may ibinigay naman sa kanya na bagong papel. “Sa RnJ ka bukas, madam. Just show this paper to the receptionist and she will direct you to the Council of Gigalo. Doon gagawin ang evaluation. At kung kakayanin ng oras, pwede ring bukas ka na rin mag-undergo ng psychological at medical tests. Questions?”
Ilang segundo siyang nanahimik bago tumugon. “Everything's clear.”
"Welcome to RnJ as one of the client wives, madam. I hope you will find the right 'husband' for you." Hindi lang kinamayan ni Facundo ang dalaga. Niyakap din niya ito na tila kanyang kapatid na babae.
"T-thanks?" Ibinalik ni Irish ang mahigpit na yakap. Gayunman, pakiramdam niya'y maiiyak siya sa pag-aalala.
Oh, no… Ano ba 'tong pinapasok ko?