NAKASANAYAN ni Bernadette na nilalakad na lamang ang palabas ng Philamhomes at saka mag-aabang ng aircon bus.
Tinanggihan niya ang alok ng mga magulang na ibili siya ng sariling kotse. Ang katwiran niya ay sa Cubao lamang ang opisinang pinapasukan niya. Mas convenient pa nga kapag nagko-commute siya. Isa pa naman sa pinakaaayaw niya ay `yong maipit sa sobrang traffic, `tapos ay siya pa ang driver. Hindi na lang.
Napansin ni Bernadette ang lumikong kotse mula sa kantong nilagpasan niya. Isa iyong berdeng Toyota Corolla, halatang bago. Binale-wala niya ang kotse at binilisan na lamang ang paglalakad.
Subalit kapansin-pansin ang pagbagal ng berdeng kotse hanggang sa namalayan na lang niyang nakabuntot ito sa kanya.
Umilap ang mga mata niya. Kinabahan siya na baka kidnap-for-ransom gang ang laman ng naturang kotse. Hindi sila ganoon kayaman.
Pero nang maalala ang kanyang Tita Dorina na may mansion sa Alabang ay may posibilidad pa.
Nanindig ang balahibo niya. Bumilis ang takbo ng kotse at bigla na lang humarang sa harapan niya. Hindi pa man siya nakakabawi sa labis na kaba ay sinaklot naman siya ng kakaibang pakiramdam nang makita ang driver ng kotse.
Excitement?
Alanganin ang ngiti niya nang nakilala ang lalaking papalapit. Natulala siya.
“Kumusta ka na?” maluwang ang ngiting tanong nito sa kanya.
“M-mabuti...” aniyang titig na titig sa mukha ng kaharap. Hindi niya inaasahan na makikitang muli si Glenn, ang dati niyang boyfriend.
Kailan nga ba sila huling nagkasama ng lalaki? Ah, sa graduation ball.
Iyon din ang gabing sinabi sa kanya ng lalaki ang balak nitong pagtungo sa abroad. And to her dismay, kinabukasan ay sinabi nito sa kanya ang flight nito papuntang Germany.
Mula noon ay nawalan na sila ng komunikasyon. At sa loob ng mga panahon iyon ay pinalaya niya ang sarili sa relasyon nila ni Glenn.
Ngayong naririto sa harap niya ang lalaki, hindi niya alam kung ano ang sasabihin dito. Kinakapa niya sa sarili kung may damdamin pa siya rito.
Hindi ko pa masabi...
Kahit paano ay natutuwa siya nang makita ito.
“`Going to work?” nakangiting tanong nito. “Ihahatid na kita.” Inilahad nito ang kamay para alalayan siya patungo sa nakaparadang kotse.
“Kailan ka dumating?” tanong niya hustong makaupo sa kotse.
“Last night. Talagang susunduin kita. Pero nakita kitang naglalakad. For a while, nag-enjoy akong pagmasdan ka.”
“Tinakot mo ako. Akala ko’y kung ano na. Alam mo namang napakadelikado na ng panahon ngayon,” aniyang nakangiti.
Amused na sumulyap sa kanya ang lalaki. “Delikado pala, and yet ang lakas ng loob mong maglakad mag-isa at hanggang ngayon ay nagko-commute ka pa rin.”
Nagkibit lang siya ng balikat.
“Kung tutuusin ay kaya mo namang magkaroon ng sariling car,” patuloy ni Glenn.
“Ayoko pa rin. Makukunsumi lang ako lalo na kapag masira. Teka, kuwento ka naman sa nangyari sa `yo.”
“I’ll migrate to Canada. Ipinadadala ako roon ng sister company ng pinagtatrabahuhan ko. Mas okay doon kaya I grabbed the opportunity na mag-stay na lang sa Canada. I’m on a vacation—three weeks. After that, babalik na ako roon. Hindi ko masasabi kung kailan uli ako makakabalik sa Pilipinas. Maaaring hindi na.”
Tumaas ang kilay ni Bernadette sa narinig. Noon pa man ay alam na niyang mataas ang ambisyon ni Glenn. Kaya hindi na siya nagtaka na mas pinili pa nito ang oportunidad kaysa sa kanya. Basta na lang siya iniwan nito.
“Saan ka na ngayon?” untag nito sa kanya.
“Connected ako ngayon sa isang marketing firm. Successful na rin kung ibabase sa standards ng trabaho rito. If the trend won’t go in another direction, I’ll be elevated on top on the management position,” tugon niya na walang halong kayabangan.
She was speaking with Glenn. At kapag silang dalawa lang ay hindi naman kailangan ng eksaherasyon. A simple statement of fact will do. At isa pa, hindi niya kailanman ipinagyayabang ang mabilis na pag-angat ng posisyon sa kompanyang pinapasukan.
“I’m happy for you, Adette.” Nakangiting sumulyap sa kanya ang binata. “Masuwerte ka. Sa kondisyon ng ekonomiya natin, bibihira ang katulad mong mataas ang asenso. There are a lot of graduates na unemployed.”
“Sad to say,” sang-ayon niya. “Malapit na nga pala akong bumaba,” tukoy niya sa harap ng building na pinapasukan. “Thanks,” aniyang binawi ang kamay na nakalimutang bitawan ni Glenn.
“I hope you are not scheduled to work overnight,” wika nito nang umibis na siya. Nagtatatanong ang mga mata niya. “Magdi-dinner tayo kaya susunduin kita sa bahay n`yo sa ganap na alas-siyete.”
Without thinking, napatango na lamang siya at nagtuluy-tuloy na sa pagpasok sa building.
“KUYA...” tawag ni Roi kay Juniel.
Kumunot ang noo ng binata pagkakita sa nakababatang kapatid na tuluy-tuloy sa loob ng kanyang silid. Si Roi ang taong hindi marunong kumatok muna sa pinto bago pumasok. Si Juniel naman ay hindi nasanay na mag-lock ng pinto.
Tanging boxer shorts ang suot ni Juniel. Pagkakita sa kapatid ay muli siyang nahiga sa kama. Hanggang ngayon ay mabigat pa rin ang ulo niya. Paano’y nalasing siya kagabi. Nasa ibabaw pa ng bedside table ang bote ng alak na nakalimutang takpan.
Nang gabing nagkausap sila ng ina ay napag-diskitahan niyang kunin ang Remy Martin sa wine bar. Hindi siya sanay uminom ng alak kaya madali siyang nalango.
Nagising siyang may hangover kaya hindi agad makabangon.
“I don’t have cash,” ungol niya. Kabisado na niya ang ugali ng dalawang kapatid. Si Rei ay mahilig manghiram sa kanya ng pantalon. Samantalang si Roi ay mahilig manghiram ng pera sa kanya. Bale-wala naman iyon sa kanya.
“Hindi ako uutang.” Bahagyang natawa si Roi. Naupo ito sa gilid ng kama. “Gumising ka na. This is more important than money matters.”
Ipinilig niya ang ulo bago patamad na bumangon. “Ano naman iyon? Mukhang dapat akong kabahan sa sasabihin mo, ah!”
Nakangisi si Roi. “Hulaan mo.”
Pabirong hinagisan niya ng isang unan si Roi. “Ganoon din `yon. Kapag hindi ko nahulaan, magbabayad ako sa `yo, hindi ba, kapatid ko?”
“Palagay mo sa akin, laging pera na lang ang nasa utak?”
“Hintayin mo ako at mabilis lang akong magsa-shower,” aniya rito at nagmamadali nang pumasok sa banyo.
Paglabas niya mula sa banyo ay nakatapi na lang siya ng tuwalya.
“Ano `yong sasabihin mo?” tanong niya habang inaahit ang balbas.
“Alam mo naman siguro na may plano na kaming magpakasal ng girlfriend ko,” simula ni Roi.
“Go straight to the point,” kaswal na sabi niya.
Humugot muna ito ng malalim na hininga. “Ayaw ibigay ni Mama ang blessings niya hangga’t `di ka pa raw ikinakasal. Kailangan daw ay mauuna kang mag-asawa.”
Umarko ang kilay niya. “Paano kung hindi ako mag-asawa?” paniniyak niya sa nababasang pagkabahala sa mga mata ng kapatid. “Paano ka? Hihintayin n`yo pa rin ba ako?”
Malungkot na umiling ito. “Magpapakasal pa rin ako,” pagkuwa`y sabi nito sa tonong puno ng determinasyon.
“Wala pa sa isip ko ang pagpapakasal,” aniyang binuntutan ang sinabi ng bagot na tawa. “Ang mama talaga...”
“May punto ang mama, Kuya. Naiintindihan ko siya.”
Kumunot ang noo ni Juniel.
“Dapat naman talaga, ikaw ang mauna.”
“Okay, okay, kung hihintayin n`yo ako, baka mawalan na ng gana ang girlfriend mo sa kahihintay.”
“Please, Kuya...”
“What? Minamadali mo ako, ganoon? Bakit ka ba nagmamadaling matali? Kapapasa mo pa lang sa board exams. And you’re only twenty-one at marami ka pang dapat i-enjoy—”
“Malapit na akong maging ama,” agap ni Roi.
Nabitin sa lalamunan ni Juniel ang sasabihin. Sa nakikita niyang ekspresiyon ng kapatid ay nagsasabi ito ng totoo.
“More than two weeks nang delayed si Carmela. Pero kinumpirma na ng OB-Gyne na positive. Wala akong balak na takbuhan siya.”
“Well... problema nga, Roi, ang pinasok mo.”
“Yeah. I guess, kaya ko naman ang papasukin kong responsibilidad.”
“Mahal mo ba siya kaya mo ba siya pakakasalan? O dahil lang sa bata?” Nang-aarok ang tingin niya sa kapatid.
“I love her. Hindi lang dahil magkakaroon na kami ng baby. Si Carmela man ay ganoon din. Kaya deserving siyang magkaroon ng enggrandeng kasalan.”
Tila nalula si Juniel sa sinabi ng kapatid.
“Kung hindi ako mag-aasawa... malabong ibigay ni Mama ang blessings para makasal kayo ni Carmela. Ganoon ba?”
Lumingon muna si Roi sa pinto. Tiniyak na walang makakarinig sa sasabihin nito. “We got married last week. Sa civil. Walang nakakaalam kundi kami lang dalawa at `yong dalawa naming kaibigan.”
“Wala na palang problema,” aniya na nagkaroon ng relief ang boses.
“Tiyak na sasama ang loob sa akin ni Mama.”
“Maiintindihan din niya kayo.”
“Pero paano ang pangako ko kay Carmela at sa mga magulang niya?”
“You mean... enggrandeng kasalan sa church?”
Tumango ito.
Tinapos na ni Juniel ang pag-aahit at mabilis na nagbihis.
“Hindi ko sinadyang marinig ang usapan ninyo ni Mama kagabi. Honest, nahihiya ako sa iyo dahil ikaw ang pine-pressure ni Mama.”
Natawa si Juniel. “Hindi ko nga alam kung ano ang pumasok sa isip ni Mama kung bakit pinipilit niya akong pakasalan si Bernadette.”
“Dahil iyon daw ang naging kasunduan ni Mama at ni Tita Mariel. Seryosong kasunduan—”
“That’s nonsense.”
Nagkibit ng balikat si Roi. Ngunit bakas sa mga mata nito ang pag-alala.
“Ang katwiran sa akin ni Mama ay sabik na raw siyang magkaapo. Ngayong buntis si Carmela, wala nang dahilan para pilitin pa ako ni Mama na magpakasal. Bakit hindi mo sabihin sa kanya ang kalagayan ni Carmela?”
May pait sa mukhang umiling si Roi. “Problema ko nga rin si Carmela. Nagtatampo siya sa akin dahil sa huwes lang kami ikinasal at hindi pa iyon alam ng kanyang parents. Asang-asa kasi sila na sa simbahan kami pakakasal. Sa ngayon, sinabi niya sa akin na kapag nanganak siya ay doon daw muna sila ng anak namin sa kanyang mga magulang.”
“Gusto mong sabihin sa akin na ako lang ang sagot sa gusot ninyo, ganoon ba?”
Napakamot sa batok si Roi.
“All right, it’s not a question of gusto ko ba si Bernadette o gusto ba niya ako. Do you think tama ang ginagawa ni Mama na pagdidikta sa akin because of that damn kasunduan?”
Napangiwi si Roi nang makita ang pagsalubong ng kilay ng binata. Tumayo na ito. “I’m sorry about that, Kuya. Pero nasa inyo pa rin ni Ate Bernadette ang huling pasya.”
Nang kabigin ni Roi ang pinto ay tila lalong bumigat ang laman ng ulo ng binata. Kinuha niya ang bote ng alak at muling uminom.
It was indeed an added burden. Na walang ibang solusyon kundi ang magpakasal sila ni Bernadette.
Paano mangyayari iyon kung ganitong hindi sila magkasundo ng dalaga?
Parang sasabog ang ulo niya sa ideyang ikakasal sila ni Bernadette.
Saang bagay nga ba sila magkasundo ng dalaga?
Pareho ba sila ng hilig at interes?
At marami pang katanungan ang nanatiling nasa isip niya.