CHAPTER 17

2840 Words
Kinabukasan ay sinamahan ako ni Conrad patungo sa isang sikat na hotel kung saan gagawin ang aking birthday party. Akala ko ay sa panaginip ko lamang mararating ang lugar na ito ngunit hindi ako makapaniwala na naririto na ako. Isang maluwag at engrandeng lobby ang sumalubong sa amin. Moderno at elegante ang disenyo nito sa loob. Maaliwalas dahil sa lawak ng lugar at sa puting pintura ng mga dingding. Ang kaputian ng paligid ay nabibigyan naman ng buhay dahil sa mga eleganteng kulay ng sofa at accent chairs sa lobby pati na rin ng mga mesa at ng makukulay na preskong bulaklak. Gayundin, kahit malawak ang lugar ay nasa kaayusan ang lahat - ang lokasyon ng lounge na nasa bungad, ang front desk na nasa dulo at ng hotel restaurant sa isang tabi. Banayad at masarap sa pang amoy ang bango ng hotel. Habang naaaliw akong pagmasdan ang hotel ay napukaw ang aking atensyon sa sumalubong sa amin "Good morning!" isang pamilyar na lalaki ang bumati sa amin. Matangkad sya at maganda ang pangangatawan. Nakasuot sya ng button down shirt at nakatupi ang manggas sa magkabilang braso habang ang pangibaba ay grey na slacks. Pilit kong inaalala kung saan ko sya nakita. "Sir Caleb! Good morning!" bati ni Conrad "Good morning, Conrad!" masayang bati nito "Sir, this is Elle, ang ating birthday celebrant," Bumaling sya sa akin at pinagmasdan ako habang nakangiti. Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang maalala kung sino sya. Sya ang lalaking umawat kay Sir Matt at humingi sa akin ng paumanhin nang sinigawan ako ni Sir Matt sa bar. "It's nice to meet you, Elle," sabay lahad sa akin ng kanyang kamay "N-nice to meet you Sir," halos mautal utal kong tugon. Ang daming naglalaro sa aking isipan. Naalala nya ba ako? Ang babaeng nagjajanitress dati sa bar. Ang sabi ni Conrad ay kaibigan daw ito ni Chairman. Paano kung kilala nya ako. Gugustuhin ko ba na unang malaman ni Chairman mula sa iba ang naging nakaraan ko? Paano kung madisappoint ko si Chairman? "Elle, ayos ka lang ba? Bakit ka namumutla? Halika maupo muna tayo," ani Caleb Naupo kami sa lounge area kung saan tumawag si Sir Caleb para humingi ng bottled water. Agad namang rumesponde ang staff at inabot sa akin ang tubig "Salamat po," tugon ko "Kakatapos kasi ng finals nina Elle sa university kaya siguro napagod sya," "I see. I hear positive feedback about you from Matt," Hindi pa ako nakakarecover sa mga iniisip ay pinaalala naman nya sa akin si Sir Matt "P-po?" Tumango sya. "Yes, Matt is your professor right? He is my friend. He is proud of you Elle. He thinks highly of you. Keep up the good work in your studies!" "Uh, Sir Caleb, tignan na po natin ang ballroom na pagdadausan ng party," pag iiba ng usapan ni Conrad Inilibot kami ni Sir Caleb at ng events organizer sa ballroom. Abala sila nina Conrad sa pag uusap sa kung anong theme, pagkain, at disenyo. Hinayaan ko na lang sila dahil sa totoo lang ay gulung gulo na ang isip ko. Habang nakikita ko ang karangyaan ng lugar ay lalo akong nanliliit sa aking sarili. "Elle, do you like the plans for your party?" tanong ni Sir Caleb "Uh, pasensya na po kung wala po akong masyadong maintindihan sa mga pinag uusapan. Ang totoo po nyan ay unang beses kong mararanasan ang ganitong engrandeng party sa isang prestihiyosong lugar," Ngumiti naman ito, "Don't worry Elle. We will make sure you will enjoy on your special day ," "Salamat po," Matapos ang ilan pang pag uusap para sa ilang detalye ay nagpaalam muna ako para magrestroom. Pinagmasdan ko ang sariling repleksyon. Dapat ay matuwa ako dahil simula nang tulungan ako ni Chairman ay nararanasan ko ang mga bagay na noon ay pinapangarap ko lang. Ngunit hindi ko maiwasang manliit sa sarili habang naalala ko ang aking nakaraan. Napakabuti ni Chairman para ipatikim sa akin ang lahat ng tinatamasa namin kahit na hindi nya ako lubos na kilala. Pilit ko mang sikapin na mas maging maayos na bersyon ng aking sarili sa pamamagitan ng pagsisikap sa pagaaral, pakiramdam ko'y hindi ako karapat dapat sa kanyang kabutihan. Pagod na akong itago ang aking nakaraan. Kahit ako mismo'y maliit ang tingin sa sarili. Kahit mismong ama ko ay iniwan kami. Iiwan din ba ako ni Chairman kapag nalaman nya kung sino talaga ako? Pagkalabas ay natanaw ko si Sir Caleb na kausap si Sir Matt. Tila nagbibiruan pa ang dalawa dahil masaya silang nag uusap. Agad akong natanaw ni Sir Caleb, "Elle, come here!" Lumapit naman ako sa kanila. Seryoso lamang na nakatingin sa akin si Sir Matt. "Elle, I hope you enjoyed today. Wishing you all the best sa iyong party. Pano, maiwan ko na kayo," "Thanks Bro," ani Sir Matt Bumaling naman ito sa akin, "You will be having a party?" "Uh, opo," "I'm happy for you. You deserve it," nagkabuhul buhol na naman ang puso ko sa kanyang tingin. Kita ko sa kanyang mga mata na tila gusto nyang ipagpatuloy ang aming pag uusap. Buti na lang at lumapit na sa amin si Conrad "Uh, Sir, mauna na po kami," sambit ko "Sir," bati ni Conrad Tumango na lang si Sir Matt at umalis na kami ni Conrad. Habang nasa byahe pauwi ay nabuo na ang aking pasya. Nang sumapit ang gabi ay sumulat ako kay Chairman Chairman, Kamusta? Kakatapos lang ng finals namin. Ang bilis ng isang isang taon. Parang dati lang ay nangangarap lang ako na makapag aral sa college ngunit dahil sa tulong mo ay naging totoo at ngayon nga ay patapos na ang aking unang taon sa kolehiyo. Kanina po pala ay pumunta kami ni Conrad sa hotel na pagdadausan ng aking birthday. Salamat sa kabutihan mo, hindi ko akalain na bibigyan ninyo ako ng isang engrandeng selebrasyon. Ang totoo nyan, pakiramdam ko ay sobra sobra na ang lahat ng tulong na binibigay mo sa akin at pakiramdam ko'y hindi ako karapatdapat sa kabutihan mo. Ang sabi sa akin ni Conrad noon ay nakita mo ang aking profile at mga marka ng high school, at palagi akong magpapasalamat dahil sa iyong tiwala kahit hindi mo ako lubusang kilala. Pakiramdam ko ay nasa isa akong panaginip. Ngunit alam kong kailangan kong harapin ang realidad. Gusto kong ilahad sa inyo kung sino talaga ako. Bata pa lang ay iniwan na kami ng aking ama para sumama sa ibang babae. Mag isa kaming itinaguyod ng aking ina ngunit hindi talaga kinaya na mapag aral ako sa kolehiyo. Namasukan po ako na tindera sa karinderya at nagtrabaho sa bar bilang janitress. Napilitan din po ako na... ibenta ang sarili para may maipangtustos sa pampaospital ng aking kapatid. Pilit ko mang suklian ang kabutihan nyo, pakiramdam ko'y hindi ako sapat para sa inyo. Kumpara sa ibang mga mag aaral, naging masalimuot ang aking nakaraan. Hindi ako isang disenteng babae. Napakabuti nyo po, samantalang may bahid na ang aking pagkatao kaya hindi ko deserve ang lahat ng kabutihan ninyo. Kayo ang dahilan kung bakit kami nakaangat ng kalagayan at aaminin ko na natatakot ako. Natatakot ako kung madismaya o magalit kayo sa akin. Natatakot ako kung iiwan nyo ako. Ngunit ngayong alam nyo na ang aking totoong pagkatao, ipinapaubaya ko na po sa inyo lahat. Tatanggapin ko po kung ano ang desisyon ninyo. Nais ko lang pong magpasalamat muli sa lahat. Kahit hindi ko kayo kilala, natagpuan ko ang pagmamahal at pagkalinga. Palagi kong tatanawin na utang na loob sa inyo ang magandang karanasan na ito. Elle Kinabukasan ay pinakiusapan ko si Conrad na iabot ang aking liham kay Chairman. "Bakit ayaw mo nang ituloy ang party Elle? May hindi ka ba nagustuhan? Pwede naman nating ipabago," tanong nya nang ipakiusap kong h'wag nang ituloy ang party Umiling ako, "Walang problema sa party Conrad. Hindi lang talaga ako nababagay sa ganitong karangyaan," Marahil ay marami pang gustong itanong si Conrad ngunit tumango na lang ito. "Sige, iaabot ko ito kay Chairman at bahala na kayong mag usap na dalawa," Kinabukasan, habang nasa lunch break ay sinamahan ko si Berna sa isang shop para mamili ng mga gamit. Mahilig kasi ito na tumingin ng mga gamit tulad ng ballpen, notepad at iba pa na mayroong mga cute na disenyo. Nang matapos na syang pumili ay pumunta na kami sa cashier para magbayad. "May nakalimutan ka ba Berna?" tanong ko dahil hindi pa rin kami umaalis ng shop kahit nakapagbayad na sa cashier. "Uh, uh, wait lang Besh, nag iisip nga ako eh, kasi parang may magandang item akong nakita," tila hindi ito mapakali Habang nasa may entrada kami ng shop ay huminto sa harap nito ang isang pamilyar na sasakyan. Iniluwal nito si Sir Matt at dire diretsong naglakad patungo sa aming direksyon. Habang papalapit ay seryoso syang nakatingin sa akin. Huminto ito sa aking harap at kinuha ang aking pulsuhan, "S-sir, bitawan nyo ko," "You will go with me, Elle. Whether you like it or not," Nagtataka naman akong lumingon kay Berna na tahimik pa kanina, "Bes, ano ito?" "Uh, uh, Bes, sige na, sumama ka na, para makapag usap kayo," "Huh?" gusto kong kurutin si Berna. Bakit ba gustung gusto nya kaming mag usap ni Sir Matt samantalang iniiwasan ko na nga ito! Aapela pa sana ako ngunit namalayan ko na ang sariling hinahatak ni Sir Matt papasok ng kanyang sasakyan. Matapos akong makapasok sa loob ay umikot na ito sa kabilang banda at pumasok para umupo sa driver's seat. Mabilis itong nagmaneho habang hindi ko alam kung saan kami patungo "Sir, saan ba tayo pupunta?" may halong irita sa aking tanong Lalo nang uminit ang aking ulo dahil wala akong nakuhang sagot. Seryoso lamang ito habang nakatingin sa daan. "Ibaba nyo na ako!" may histerya na sa aking himig Nang wala pa rin akong makuhang sagot ay hindi ko na napigilang hampasin ang kanyang balikat. Tinignan lang ako nito sandali at hinuli ang aking kamay, "Stop it, Elle, please," Napaluha na lang ako dahil sa pinaghalong inis, kaba at gulung gulong isipan. Ilang sandali pa ay huminto kami sa harap ng isang building. Una syang lumabas ng sasakyan at pinagbuksan ako ng pinto, "Nasan ba tayo? Anong gagawin natin dito?" "You're going to try your dress for the party," "Hindi na po tuloy ang party," He smirked and mockingly said, "And who told you na hindi ito matutuloy?" Seryoso ko syang tinignan, "Ako. Nakiusap ako kay Chairman na h'wag na itong ituloy. Bakit ba mas marunong ka pa kay Chairman?" taas kilay kong tanong sa kanya Mapakla syang tumawa, "Well, sa pagkakaalam ko, tuloy ang party na inihanda sa 'yo ng Chairman mo," "In fact, he asked me to join you for your dress fitting," Halos malaglag ang panga ko sa narinig. Itutuloy pa rin ni Chairman kahit alam na nya ang tungkol sa aking nakaraan? Napukaw naman ang aking pansin mula sa mga iniisip nang hawakan nya ang aking kamay at dinala papasok sa isang mamahaling boutique. Sinalubong kami ng isang bakla na mukhang designer ng boutique na ito "Matt! Nice to see you!" Bumaling din ito sa akin, "Oh, what a beautiful lady!" "She's the birthday celebrant. Please help on her dress," "Of course! Ready na ang dinesign kong damit! Hija, come here," May mga staff na nag assist sa akin patungo sa fitting room at habang isinusukat ko ang damit. Pagkasuot ay hindi ko nakilala ang sarili. Isang A line evening chiffon dress ang ipinasuot sa akin. Simple ngunit elegante ang porma ng damit. Hindi ko akalain na ang isang tulad ko ay makakapag suot nang ganito kaganda. Mula sa pagiging isang tindera ay isang maganda at disenteng babae ang nakikita ko Lumapit sa akin ang designer, "You look stunning! Tara lumabas na tayo at nang makita ka naman ni Matt," Inalalayan ako ng designer palabas ng fitting room. Nang huminto kami sa harap ni Sir Matt ay naabutan ko itong may binabasa sa kanyang celphone ngunit itinaas ang tingin nang maramdaman ang pagdating namin Pagkakita sa akin ay tila natigilan ito habang tahimik akong pinagmamasdan. Hindi ko tuloy maiwasang mag alala kung hindi nya ba nagustuhan ang aking suot. Ilang sandali pa ay muling nagtagpo ang aming mga mata. Habang pilit kong inaarok kung ano ang nakapaloob sa kanyang nangungusap na mga mata ay sya mismo ang umiwas ng tingin. "Matt, bakit biglang umurong ang dila mo?" natatawang tanong ng designer, "What can you say?" Tumango lamang si Sir Matt, "Maganda.... bagay sa kanya," tumingin ito sa kanyang relos at bumaling sa designer, "Thank you," Pagkaraan ay bumaling din ito sa akin, "Change your clothes and let's go home," Nagkabuhul buhol ulit ang t***k ng aking puso sa narinig. Iba ang dating sa akin ng kanyang pagkakasabi at hindi ko naiwasang mangarap na para kaming mag asawa. Na mayroon akong asawa na niyayaya na akong umuwi. Sandali akong abala sa mga iniisip nang matauhan. Agad kong iniwaksi ang mga ito at nagtungo na sa fitting room upang magpalit ng damit. Pagkatapos sa designer shop ay umalis na kami ni Sir Matt. Akala ko ay ihahatid na nya ako sa aming bahay ngunit idinaan nya ang sasakyan sa isang hindi pamilyar na lugar "Saan tayo pupunta?" Saglit itong tumingin sa akin bago ibinalik ang tingin sa daan, "Malalaman mo rin mamaya," "Bakit ba kung saan saan mo ako dinadala? Utos rin ba ito ni Chairman?" may halong irita kong tanong Hindi na sumagot si Sir Matt at bagkus ay nagpatuloy lang sa pagmamaneho. Ilang sandali pa ay nakarating kami sa isang hardin. Ngayon ko lang nakita ang lugar na ito na tila isang secret hideaway. Matapos naming ipark ang kotse ay sabay kaming naglakad sa isang pathway na napaliligiran ng makukulay na bulaklak at mga berdeng halaman. Isang malawak na lupain ang sumalubong sa amin. Berde ito dahil sa mga damo habang may mga nakatanim na puno, halaman at bulaklak. Mataas din ang lugar at sa isang banda ay may upuan na maaaring tambayan. Hawak ang aking pulsuhan ay dinala nya ako para maupo sa upuan. Mula sa aming kinauupuan ay kita ang naglalabang kulay kahel at asul sa malawak na kalangitan na nagbabadya na ng paglubog ng araw. Presko rin ang simoy ng hangin na umiihip sa aking mahabang buhok. "Kapag malungkot ako o kailangang mag isip, dito ako pumupunta," napatingin ako kay Sir Matt na nakaupo sa aking tabi at diretsong nakatingin sa malayo Ibinalik ko ang paningin sa payapa at magandang tanawin. Sa isang iglap ay nakalimutan ko ang mga problema at gumaan ang aking pakiramdam. Nanatili kaming tahimik ng ilang sandali hanggang sa tumayo ito at may kinuha. Pagkabalik ay may dala itong isang bouquet ng rosas at inabot sa akin, "Pinapabigay ni Philip," Nagtataka man kung para saan ito ay kinuha ko ang bulaklak at napansin ang isang envelope na kasama nito. Sa kagustuhan na mabasa ang mensahe ni Chairman ay agad ko itong binuksan, My dear Elle, Thank you for opening up yourself. I don't care about your past. To me, you are the brave, caring, smart, and beautiful lady that I have known. You are more than enough. And you will always be my Elle who holds a special place in my heart. Chairman May kung anong kumurot sa aking puso habang binabasa ang liham ni Chairman. Awtomatikong umagos ang luha sa aking mga mata at hindi ko na napigilang humikbi. Hindi ko inakala na makakatagpo ako ng isang taong may malasakit at tanggap ako kung sino ako. Namalayan ko ang isang panyo na inaabot ni Sir Matt. Kinuha ko ito at ipinunas sa aking mga luha. Nakakahiya man ay ipinunas ko na rin ito sa aking uhog. "Salamat," tugon ko "Pano, wala nang atrasan sa party mo?" Nangingiti nitong sabi, "Hay, Elle, matigas talaga ang ulo mo," Bahagya naman akong natawa sa kanyang sinabi, "Yan din ba ang sinasabi mo kay Chairman tungkol sa akin kapag nangangamusta sya sa aking eskwela?" Tumango sya, "Oo, ang sabi ko, sobrang tigas ng ulo. Ngayon napatunayan na nya," sabay ang bahagyang pagtawa nito Para akong timang na tumawa na rin kahit kakaiyak lang. Pinagmasdan ko ang mukha ni Sir Matt. Mukhang pagod na rin ito at hindi pa nakakapag ahit ng mga tumutubong balbas ngunit napakaganda pa rin ng itsura nito lalo na kapag ngumingiti "Pasensya na pala noong isang araw," sambit ko Bahagyang natigilan naman ito ngunit agad na bumawi, "I understand Elle. Like I said, handa akong maghintay," "Wala akong maipapangako. At pareho naman nating alam na hindi pwe-" "Can you promise me na hindi mo ako iiwasan? Kung hanggang professor lang ang tingin mo sa akin, ayos lang, pero h'wag kang lumayo," Hanggang professor nga lang ba ang pagtingin ko sa kanya? Bakit nasasaktan ako nang lubos kapag nilalayuan ko sya? Tumango ako bilang pagsang ayon. Hindi ko na sya lalayuan. Kung titignan ko ay isa sya sa mga taong nagmamalasakit sa akin. Baka nadadala lang ako sa kabutihan na ipinaparamdam nya kaya naguguluhan ako, pero mawawala rin ito. Wala namang masama kung maging magkaibigan kami.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD