Nagising ako mula sa sinag ng araw. Maaliwalas ang aking pakiramdam at tila nakapagpahinga nang husto dahil komportable at mahimbing ang aking tulog. Nakangiti pa ako nang unti unti kong imulat ang aking mga mata. Ngunit naglaho ito at nanlaki ang aking mga mata nang mapagtantong nakaunan pa ako sa dibdib ni Sir Matt habang nakapulupot sa aking likod ang kanyang braso!
Agad akong napaigtad sa pagkakabangon. Ngunit hindi nya naramdaman ang aking paggalaw sa himbing ng kanyang tulog. Bahagyang nakaawang ang kanyang manipis na labi habang mahina itong humihilik. Malayo sa pagiging seryoso nito sa klase at sa mga pilyo nitong ngiti ang maamo nitong mukha sa mga sandaling ito. Aaminin ko, kahit natutulog ay kitang kita pa rin ang pagiging magandang lalaki nito.
Agad naman akong pinamulahan sa naisip at lalo na nang maalalang magkatabi kaming natulog kagabi. Sinaway ko ang sarili at nagdesisyong bumangon na ng kama para makaalis na. Nagsisisi ako kung bakit nga ba hinayaan kong magkatabi kaming matulog. Sa hiya ay gusto ko nang umalis at wala akong balak na magpaalam pa sa kanya.
Nang makalabas ako ng kanyang kwarto ay napadpad ang aking pansin sa kusina. Bagamat nais kong agad na makaalis ay tila nakokonsensya ako na hindi ko man lang masuklian ang pagpapatuloy nya sa akin. Kaya bilang pasasalamat ay naisip ko na ipagluto muna sya ng almusal. Lumapit ako sa fridge at naghanap ng maaaring iluto. Nagprito ako ng itlog at ham at nagsangag ng kanin na may halong bawang. Nang maihanda ang pagkain sa mesa ay tinakpan ko na ito gamit ang food cover.
Bitbit ang aking bag ay umalis na ako ng kanyang condo unit. Nang makalabas ng building ay sumakay ako ng jeep para makauwi sa amin.
Walang tao sa bahay nang ako'y dumating. Marahil ay nagsimba sina Mama at Ading, buti na lang at may kopya ako ng susi ng bahay kaya nakapasok ako. Pagkatapos maligo ay nagluto na rin ako ng aming almusal at naglinis ng bahay.
Ilang sandali ay dumating na sina Mama at Ading, bitbit ang kanilang mga pinamalengke.
"Ate!" bati sa akin ng kapatid
"Ading!" binitawan ko ang hawak na basahan at nakipagkulitan sandali.
"Anak, kamusta? Salamat at nakauwi ka nang ligtas," may halong pag aalala sa boses ni Mama
Lumapit ako sa kanya at nagmano. "Ma, tulungan ko na po kayo," at kinuha ang mga plastic na laman ang mga pinamalengke.
"Okay naman po ako Ma. Buti na lang po at pinatuloy ako ni Sir Matt sa bahay nya. Opo, maaga akong nakauwi. Nagluto po ako ng almusal, kain po muna tayo,"
"Salamat Anak. May dala rin akong paborito mong pansit canton, para makakain ka nang maayos,"
"Salamat po, Ma," tugon ko
"Wow Ate, favorite ko pa ang niluto mo!" masayang bati ni Ading nang makita ang paborito nyang pinritong hotdog.
Naghain na ako ng mga plato, baso, at kubyertos. Ilang sandali ay naupo na kami at sabay sabay na kumain.
"Anak, magpahinga ka na lang muna ngayon. May pasok ka pa bukas. Ako na ang bahala sa gawaing bahay,"
"Okay lang po Ma. Isa pa, nakapagpahinga naman po ako nang maayos," tugon ko
Pagkatapos kumain ay naghanda na ako para maglaba ng maruruming damit. Pumayag na si Mama na ako ang maglaba habang sya naman ang bahala sa pagluluto ng tanghalian.
Habang kinukusot ang damit ni Sir Matt na ipinahiram nya sa akin ay hindi ko mapigilang sumagi sa aking isip ang sandaling magkayakap kami habang umiiyak ako kagabi. Tila naaamoy ko ang banayad nyang pabango at naramdaman ang higpit ng kanyang mga bisig. Para na namang nag uunahan ang t***k ng aking puso. Napapikit ako at umiling.
"Ate, okay ka lang?"
Napadilat ako at inayos ang sarili, "Uh, okay lang ako Bunso. Balik ka na sa loob, mamaya gawa tayo ng assignment mo,"
Ramdam ko ang pag iinit ng aking mga pisngi at siguro ay pulang pula na ito kaya itinuon ko ang pansin sa pagkukusot para hindi mapansin ni Ading. Pagkatapos ng ilang sandali ay natapos na ako sa paglalaba.
Matapos kaming magtanghalian ay nagpahinga muna si Mama sa kanyang kwarto. Habang kami naman ni Ading ay nagsimula nang magreview ng aming mga aralin. Finals week na rin namin sa paparating na linggo kaya sinimulan ko na ang pag aaral. Nang matapos magreview si Ading ay nagpaalam din ito na matutulog muna ngayong hapon. Nang matiyak na tuyo na ang aking mga sinampay ay nilikom ko na ang mga ito at tinupi. Naging abala ako sa pagrereview hanggang sa dumating ang gabi. Sakto at tapos na ako sa pagbabasa nang tawagin ako ni Mama para maghapunan.
Pagkatapos naming maghapunan ay tumulong ako sa paghuhugas ng pinggan. Nang matapos ay naligo na rin ako bago matulog. Pagkapasok ko sa kwarto ay inayos ko ang aking bag na gagamitin. Kinuha ko ang aking celphone na naiwan ko pala sa loob. Sa kaabalahan ko ngayong araw ay hindi ko na namalayang naiwan ko pala ito sa aking bag.
Pagkatingin ko sa aking phone ay sumambulat sa akin ang sunud sunod na missed calls mula sa isang di kilalang numero. Nang tignan ko ang inbox ay nagulat naman ako sa mga mensahe:
Unknown number: Elle, please answer the phone
Unknown number: Are you alright? Did you come home safely?
Unknown number: Elle...
Nagsisimula ulit ang hindi ko maintindihang paghuhuramentado ng aking puso dahil sa aking kutob. Nagdadalawang isip ako kung sasagutin ko ba o ipagwawalang bahala na lang. May parte sa aking damdamin ang kagustuhang malaman kung sino ito, hanggang sa tumunog ang aking phone dahil sa pagtawag ng di kilalang numero. Lalong lumakas ang t***k ng aking puso at natataranta kung sasagutin ko ba. Sa huli ay nanaig ang aking kuryosidad
"Hello," tugon ko
"Elle..." para akong nabingi sa pagwawala ng aking puso nang marinig ang pamilyar na boses. Paos ang boses nitong tinawag ang aking pangalan
"S-sir?" paniniyak ko
Nanatiling tahimik ang kabilang linya
"Why are you not answering my calls?"
"Uh, naiwan ko po kasi yung celphone ko sa bag kaya hindi ko po nasagot ang mga tawag at text. Nauna na po akong umalis kaninang umaga dahil ayoko naman pong gambalain kayo sa pagtulog. Yun po palang mga damit, nalabhan ko na po, ibibigay ko na lang po bukas,"
"Pwede ba kitang makita?"
"P-po?"
"Nandito ako sa labas ng bahay nyo,"
Lumapit ako sa may bintana at binuksan ang kurtina. Nakatayo si Sir Matt katabi ng kanyang sasakyan sa labas ng aming gate. Naguguluhan naman ako at bakit nandito sya ngayong gabi. Baka makita pa kami ni Mama at kung ano ang isipin. Naalala ko nga lang na baka gusto na nyang isauli ko ang mga damit.
"Uh, kukunin ko lang po ang inyong mga damit at pababa na po ako,"
Kinuha ko ang mga damit at bumaba. Nang makalabas ng aming gate ay inabot ko sa kanya ang mga damit,
"Sir, salamat po ulit sa pagpapatuloy sa akin kahapon,"
Kinuha nya ang mga damit ngunit nanatiling nakatingin sa akin gamit ang seryoso nitong mga mata. Ilang sandali kaming tahimik hanggang sa nagpaalam na ako
"Sir, pasok na po ako,"
Tumalikod na ako at papasok na nang hawakan nya ang aking braso. Sa isang iglap ay nakulong na ako sa kanyang mga bisig.
Nanatili kaming tahimik habang nasa ganitong posisyon. Sa gitna ng katahimikan ng gabi ay halos mabingi na ako sa lakas ng t***k ng aking puso. Ramdam ko rin ang kanyang hininga na dumadampi sa aking leeg.
"Don't make me worry like this. Sana ginising mo ako kanina para naihatid kita sa bahay ninyo. Next time, please answer my calls. Save my number on your phone,"
Halos hindi ako makatulog dahil sa nangyari kanina. Paano nya nalaman ang number ko? Dati ay naiinis ako sa kanya ngunit ngayon naiinis ako sa aking sarili dahil hindi ko maintindihan ang aking nararamdaman.