BIYERNES ng umaga at ito na ang huling shift nina Loui bago ang team building nila sa Batangas kinabukasan. Gaya ng kinagawian ay sabay na silang bumaba at lumabas ng building ni Benjie pagkatapos ng training nila ng araw na iyon. Bagamat noong isang araw ay hinalikan siya ng binata sa loob ng room sa harap ng lahat ng mga kabarkada ay walang nabago sa pakikitungo nila sa isa’t-isa. Oo nga at may kaunting pagkailang siyang nararamdaman sa binata magmula nang ginawa nito iyon ngunit pilit niya itong binabalewala. Habang ang binata ay tila ba nakalimutan na iyon.
Ngunit maganda na rin siguro iyon - ang nakalimutan iyon ng binata o mas tama bang sabihin na ibinaon nila iyon sa kanilang alaala, dahil kung iintindihin nila iyon ay pareho silang may masasagasaang prayoridad?
Muli niyang isinsiksik ang mga bagay na iyon patungkol sa binatang kasama niya. Kung sanay siyang nagkukuwentuhan silang dalawa hanggang sa maihatid siya nito sa terminal ng bus pauwi, ngayon naman ay tahimik ito at tila may malalim na iniisip.
“Oy, Loui, Benjie,” ani ng isang boses sa harap ng building na dinaanan nila kaya nilingon niya iyon. Si Cy. Masyado yatang malalim ang iniisip nila ni Benjie kaya naman hindi nila napansin na nasa harap na sila ng building kung saan nakatambay ang mga kabarkada. Halos kumpleto ang mga ito, maliban kay Russel. Inihatid malamang si Iris.
“Cy, ikaw pala,” aniya. Lumapit siya sa mga ito, at sumunod naman si Benjie sa kanya. Kung tutuusin ay alam na ng mga barkada na sabay silang umuuwi ng binata, ngunit ang aktuwal na makita silang magkasama ay sigurado nang dahilan para umani sila ng pangangantiyaw mula sa alaskador na mga kaibigan.
“Uwi na kayo ni Benjie?” tanong ni Cy.
“Oo. Wala pa kayong balak umuwi?”
“Yosi muna, siyempre,” ani naman ni Jaycee. “Alam mo namang ritwal na namin ‘to.”
Tumango si Loui bilang sagot. “Oo nga pala.” Himala. Mukhang hindi naman sila mang-aasar ngayon ah. “Paano, uuwi na kami.”
“Uuwi na pala kayo eh,” ani Cy na diniinan pa ang salitang “kayo” saka lumapad ang ngiti sa mukha nito. Mula sa kanya ay bumaling ito kay Benjie at tinapik pa ang binata sa balikat. “Benjie, pare, ingatan mo ‘tong si Loui, ha. Kailangan buo ‘yan pag pumasok ‘yan mamaya.”
“Anong ibabalik ng buo, Cy?” aniya dahil hindi niya maitindihan ang ibig sabihin ng kaibigan. Nangunot ang noo niya, kahit pa namumula ang pisngi niya sa hiya at sa bilis ng pintig ng puso niya. Hangga’t maari ay ayaw na niyang patulan ang pang-aasar ng mga kaibigan sa kanya ng binata dahil ayaw na niyang magdagdagan ang pagkakagulo ng puso at isip niya.
Hindi naman siya sinagot ni Cy bagamat nakangiti pa rin ito. Nakaharap pa rin ito kay Benjie na ngayon ay nakangiti na rin at mukhang tuwang-tuwa pa sa nangyayari. Tulad niya ay namumula rin ang pisngi nito sa hiya. “Basta ikaw na bahala dyan sa kaibigan natin.”
“Duh, Cy.” ani Jaycee na umirap pa. “Siyempre iingatan ni Benjie si Loui dahil girlfriend niya ‘yan.” Ngayon ay kumindat pa ito kay Benjie. “Di ba Benjie?”
“Hoy, ano ba kayo, hindi niya ako girlfriend. Close lang kami,” awat niya kay Jaycee. Tiningnan naman niya si Benjie para humingi ng saklolo para tigilan na silang dalawa.
“Showbiz.” Tumawa pa si Jaycee at pinitik ang nalalabing sigarilyo sa daliri. “Tulak ng bibig, kabig ng dibdib.”
“Iingatan ko si Loui, guys,” ani ng binata at tumingin sa kanya. Hayun na naman at nakita niya ang mabilis na pagdaan ng samu’t-saring emosyon sa mga mata nito na kaagad ding nawala bago bumaling sa mga kaibigan. “Sige na, uuwi na kami. See you later.”
Tumalikod na ito sa mga kaibigan, kasabay ng paghawak sa mga kamay niya para makaalis na sa lugar na iyon. His warm hands intertwined with hers felt like there was electricity surged through her body and her heart beat on a frantic pace - like she just ran a marathon.
Nanatili siyang nakasunod sa binata, at hindi pa rin nito binibitawan ang mga kamay niya. Nawalan siya ng sasabihin - at ang isip niya ay nanatili sa magkahugpong nilang mga kamay. Kung hindi pa sila huminto ay hindi pa niya mapapansin na nasa terminal na sila ng jeep at bus.
“Loui,” tawag sa kanya ni Benjie.
“H-ha?” nauutal na sagot niya. Nilingon niya ang binata, dahilan para magtama ang kanilang paningin. Saglit pang pumailanlang ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa, at kapagkuwa'y nagsalita.
“Hindi talaga kayo tutuloy ‘pag di kayo sumama?”
“Oo, kumpleto tayong lahat tapos ikaw lang ang wala. E di hindi na masaya no’n.”
Tumango-tango ito, na tila pinag-iisipan ang desisyon kung sasama nga ito sa team building nila kinabukasan. Sumama ka na, bulong ng isip niya bagamat ayaw niyang sabihin iyon sa binata. “Bahala na, sabihan na lang kita mamaya kapag nakapagdecide na ako.”
“Sige. O, siya, see you later.”
“Ingat.”
“Ikaw din, ingat.”
NAGPAPAANTOK na si Loui nang naisipan niyang buksan ang kanyang messenger at nang nakita na ng mga kaibigan na ang message niya sa group chat ay i-ooff na niya ang kanyang data. Hindi sinasadyang napindot niya ang pangalan ng binata, dahilan para mabuksan niya ang chatbox. Ilang segundo ring nanatili ang mga mata niya sa chatbox na iyon nang nakita niya ang paglitaw ng notification sa kanyang screen.
Benjie is typing a message…
Hinintay niyang lumitaw sa screen niya ang itinatype ni Benjie. Ano naman kaya ang sasabihin nito?
Benjie :
Late na, Loui. Tulog na uy.
Natawa si Loui sa sinabi nito. Lakas ng radar ng taong ‘to ah. Alam na niyang nasa bahay ako kaya pinagpapahinga na ako?
Ayan ka na naman sa pag-aassume mo. Kailan ka pa naging dictionary para bigyan ng kahulugan ang ikinikilos niya? Kontra ng isang parte ng isip niya.
Ako :
Kararating ko lang halos sa bahay. Nag-check ako ng sweldo natin, buti meron na. Nakita mo ba message ko sa gc?
Benjie :
Oo, nabasa ko na kanina. Buti maaga ‘no?
Ako :
Oo nga, eh. Mabuti nga at meron na. Akala ko mauulit na naman yung nangyari noong unang sweldo natin.
Benjie :
Hindi naman siguro. Nakita na nila kung paano uminit mga ulo nyo. Lalo na ikaw, ang hirap mong pakalmahin. Alam mo bang kinabahan ako sa ýo noong nagsalubong na ang kilay mo?
Ako :
Sobra ‘to. Hahaha
Benjie :
Gano’n nga 'yong itsura mo. Nag-isip tuloy ako kung paano ka pakakalmahin e parang mang-aaway ka anytime. Buti na lang, effective ‘yong ginawa ko kasi ayaw ko namang mapa-away ka. Haha.
Nang dahil sa sinabi ni Benjie sa kanya na gumawa pa ito ng paraan para mapigilan siya sa pakikipag-away niya ay tila may mainit na kamay na humaplos sa kanyang puso. Napangiti siya sa pagiging concerned nito sa kanya, at kahit sa simpleng bagay na iyon ay lalo lamang lumalim ang pagtingin niya rito. Na dahilan para ang isang pangako niya sa sarili ay mabali. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya, para mapawi kahit kaunti ang pagkakagulo ng kanyang puso.
Ako :
Pero salamat sa ginawa mo. Kung hindi ka siguro nag-isip ng paraan para mapakalma ako, nakita mo ang rage mode ko.
Benjie :
Naku, mas lalo lang akong mahihirapang awatin ka, kung ganoon. Baka kailanganin ko na ng bouncer para sa amazonang ‘to. Haha.
Ako :
Hahaha, oo na. Amazona na kung amazona. Ako naman talaga yon.
Benjie :
Haha. Nga pala, kumain ka na?
Ako :
Katatapos lang din. Ikaw?
Benjie :
Tapos na ako kanina pa. Matulog ka na, ha? Maya uli, see you later. :)
Ako :
Yes, po. Matutulog na. See you later.
“BENJIE, sasama ka ba o hindi na?”
Napahinto sa pagnguya ng pagkain si Loui habang nag-aantay ng sagot ni Benjie sa tanong ni Daddy Robert kung sasama ba ang binata sa team building nila sa Batangas. Dahil sweldo naman ay napagkasunduan nilang apat na kumain sa isang fast-food chain sa ibaba ng building nila. Nakaupo si Benjie sa tabi niya, at si Daddy Robert at Mommy Jane sa katapat na upuan.
“Baka po hindi na, Dad. Binigyan ko na po kasi ng allowance sina Nanay sa bahay, tapos ýong baon ko pa for two weeks.”
“Bait mo namang anak,” ani Mommy Jane sa binata. Isang tipid na ngiti naman ang sumilay sa labi ng binata.
“Katulad ka rin pala nitong si Loui eh, napaka-responsable sa pamilya,” ani naman ni Daddy Robert at tumingin sa kanya kaya siya naman ang napangiti. “Bibihira ang mga gaya nyo.”
“Responsibilidad lang po talaga namin ang mga pamilya namin.” aniya. Tuloy ang pag-uusap nila tungkol sa team building nang naramdamdaman niyang sumasama ang kanyang pakiramdam. Hindi naman ito nakatakas sa paningin ni Benjie.
"Ayos ka lang?" anito habang mataman itong nakatingin sa kanya.
"Hindi, e. Medyo sumakit yung likod ko. Pero kaya 'to."
"Sigurado ka?" Bakas ang pag-aalala sa mukha ni Benjie nang tumingin sa kanya ito. "Wag 'mong pilitin kapag hindi mo kaya."
Tumango si Loui bilang sagot. "Kaya ko. Kaya huwag ka nang mag-alala diyan. Sasabihin ko sa'yo pag hindi," aniya at isang tipid na ngiti ang ibinigay niya kay Benjie. Ngumiti ito pabalik ngunit hindi pa rin nawawala ang pag-aalala sa mukha nito, kaya inabot niya ang kamay nitong nasa ibabaw ng mesa at marahang pinisil iyon para mapanatag ng binata. "Don't worry, I'll be fine. Promise."
"Okay. Sabi mo, eh."
Hindi naman ito nakatakas sa paningin ng dalawang nasa harap nila. "Asus, ang sweet naman talaga. Kaya napagkakamalang kayo, e." Si Mommy Jane na tuwang-tuwa sa nakikita sa kanilang dalawa.
"Hindi po, 'My. Magkaibigan lang po talaga kami."
"Sus, magkaibigan. Dyan nagsisimula ang lahat ng 'yan." Nagkatinginan na lang sila ni Benjie at hindi na nakapagsalita sa sinabi ni Mommy Jane. Pagkatapos nilang kumain ay bumalik na sila sa training room at doon na nagpalipas ng oras.
"GUYS, baba na tayo sa ground floor. Doon na lang natin antayin sina Alex." ani Cyril na nasa harap at tinitingnan ang mga pictures na nakuha nito kanina pa. Tapos na ang training nila para sa araw na iyon kaya wala na silang ginagawa.
"Dalhin na rin natin 'yong mga gamit." pagsang-ayon ni Iris habang hawak ang DSLR Camera nito. "O, pose pose muna."
Isang beses lang siyang nagpapicture kasama ang barkada dahil iniinda niya pa rin ang p*******t ng kanyang balakang. Si Benjie naman ay hindi nawala ang mga mata sa kanya at binabantayan siya. "Sigurado ka bang okay ka lang? Kaya mo pa ba?"
Tumango siya. "Kaya ko. Okay lang ako."
Hindi ito umalis sa tabi niya habang naglalakad sila papunta sa elevator at patuloy na inoobserbahan siya, kaya hindi niya mapigilang mapangiti. Hindi rin niya mapigilan na uminit ang kanyang puso sa concern nito sa kanya kaya inabot niyang muli ang kamay ng binata. Hayun na naman ang pamilyar na elektrisidad na nararamdaman niya nang nagdaiti ang balat nila ni Benjie. Ito siguro ang tinatawag nilang spark, aniya sa sarili. "I'll be fine. Mawawala rin 'to mamaya."
Nasa ganoon silang ayos nang makita sila ni Iris kaya naman isang ngiti ang sumilay sa labi nito. At parang alam niya na rin ang tumatakbong kalokohan sa utak ng kaibigan.
"Lovebirds, pahiram naman ng sweetness n’yo. Kunyari mag-jowa kayo sa video na ‘to at sweet na sweet kayo,” anito habang nagpabalik-balik ang tingin sa magkahawak pa ring kamay nila ni Benjie. Hindi niya napansing magkahugpong pa rin ang mga kamay nila kaya bibitaw pa sana siya nang hinigpitan ni Benjie ang pagkakahawak rito.
"Ewan ko, pero nakakakilig talaga kayong dalawa," dagdag naman ni Jaycee at kinukuhanan ng video ang parte nila. "Thanks, lovebirds," pakli pa ni Jaycee nang matapos na ang video. Kaagad naman siyang bumitaw sa pagkakahawak ni Benjie sa kanya.
Kung kanina ay nagtatago siya sa sulok sa sama ng kanyang pakiramdam, ngayon ay dahil sa pagkakagulo ng kanyang dibdib sa nangyari ilang minuto na ang nakakaraan. Nanatili siya sa pananahimik hanggang sa makababa sila ng ground floor.
Umupo sila sa mga benches na naroon at umayos na rin ng kaunti ang kanyang pakiramdam kaya hiniram niya saglit niyang hiniram ang camera kay Iris para ma-sort na ang mga pictures nila. Tinitingnan niya ang mga ito nang nakita niya ang isang picture ni Benjie na nakatayo sa gilid ng Family Mart kung saan sila nakatambay. Natawa siya dahil sa unang pagkakataon ay nakita niya ang itsura ng binata kapag nagsusungit.
Ang cute magsungit ng lalaking 'to, parang batang inagawan ng kendi! Ewan niya kung bakit hindi mapatid-patid ang tawa niya sa nakikita. Inulit pa niya ang pagkakatingin sa nagkandahabang nguso nito at tumawang muli bago niya awatin ang sarili. Tama na, para na akong timang sa ginagawa kong 'to.
Pinipigil pa rin ni Loui ang sarili sa pagtawa nang napalingon siya kung nasaan ang binata at nang nagtama ang kanilang mata ay itinaas nito ang daliri. Sumenyas ito na pinapalapit siya. Ngayon ay nagsusungit na si Benjie kaya hindi niya mapigilan ang matawa na naman sa hitsura nito, dahilan para lumapit sa kanya ito.
"Anong nakakatawa, Miss?" sita ni Benjie sa kanya na nakasalubong ang kilay at nagkandahaba ang nguso sa kasisimangot. "Wala akong natatandaan na may ginawa akong nakakatawa."
"Sorry," aniya na nagpipigil pa rin ng tawa. "Wala sa ginawa mo ang nakakatawa, kundi ikaw mismo."
Sa sinabi niya ay lalo lamang lumalim ang gatla sa noo ni Benjie. "What do you mean?"
"I mean," gamit ang hintuturo niya ay inabot niya ang guhit sa pagitan ng kilay ng binata, dahilan para mawala ng bahagya ang pagkakasalubong ng kilay nito. "Ang cute mo 'pag nagsusungit. Para kang batang inagawan ng kendi."
"Wow, ngayon lang ako nakarinig ng ganito," ani Benjie sa pagitan ng amusement at pagkainis. "Is that supposed to be a compliment or an insult?"
"Wala akong balak insultuhin ka," she answered but the laughter was still on her voice. "Easy. What I'm saying is cute ka kapag nagsusungit ka. Pero 'wag mong gawing habit kasi baka tumanda ka ng maaga niyan. Ikaw rin."
Nawala na ang kunot ng noo ni Benjie nang tumingin itong muli sa kanya. "Nandyan ka sa tabi ng nagyo-yosi, e, hindi ka naman naninigarilyo. Nasasagap nito ang mga usok nila."
Oh, concerned naman pala, kaya mainit ang ulo ng isang 'to. "Sige na, sorry na,” Itinuro niya gamit ang nguso ang mga kaibigang nagyoyosi sa di-kalayuan. “Hindi na ako tatambay kasama nila kapag nagyo-yosi sila."
"Good," anito. Sakto namang dumating din sina Alex, kaya naman nag-aya na si Russel na magtungo sila sa bus station kung nasaan ang bus pa-Batangas. Dahil nag-LRT sila papunta roon ay mabilis nilang narating ang bus station.
"Guys, bumili na tayo ng ticket habang hindi pa masyadong mahaba ang pila. Mas mahirap mamaya kapag mas marami ang tao," ani Russel, kaya naman pumila na sila ng mga kasama at napansin si Benjie sa likod niya.
Isang nagtatakang tingin ang ibinigay ni Loui kay Benjie. "Akala ko hindi ka sasama?"
"Nagbago ang isip ko, e. Sasama na lang ako."
"Sabi mo kasi kanina, hindi na eh."
"Kasi -" Natigilan ito panandali, at pagkaraan ng ilang sandali ay nagsalita itong muli. "Ayaw mo ba na sumama ako?"
"Hindi naman sa ganoon. May sinabi ba akong ayaw kong sumama ka? Maganda nga ýon at kumpleto tayo."
"Akala ko tuloy, ayaw mo. Pero sa tingin mo ba, aalis na tayo?" pag-iiba ng usapan ni Benjie.
"Hindi pa naman siguro. Bakit?"
"Lalabas ako saglit. Punta lang ako ng Mercury."
"Ha? Mercury? Bakit? Masama pakiramdam mo?"
"Hindi naman. Bonamine lang, medyo madali akong mahilo sa biyahe, e. Ikaw ba, ayos na ang pakiramdam mo?"
"Okay na 'ko." Aniya saka ngumiti dito. "Sige na, bumili ka na ng gamot mo habang nandito pa tayo. Ako nang bahala sa gamit mo."
Hindi naman nagtagal at bumalik ito kaagad, at umupo itong muli sa tabi niya. "Ang bilis ah. Nakabili ka na ng kailangan mo?”
Tumango si Benjie bilang sagot. "Salamat, ha? Oo, nakabili na ako." Itinaas nito ang bote ng mineral water na hawak nito, marahil para ipakita sa kanya. "Nainom ko na rin."
“Good.” Iniabot nito sa kanya ang isang maliit na paper bag kaya napasilip si Loui sa kung ano ang nasa loob nito. Toothbrush? At nandito din ang Bonamine nya. Anong meron e may bag naman siya?
Nagtatakang tiningnan niya ang binata sa inabot nito sa kanya ngunit hindi niya isinatinig ang tanong na nasa isip niya. "Ikaw na muna ang maghawak niyan para alam mo kung uuwi na ako," anito.
Hindi naman ito nakatakas sa paningin ni Russel, na ngayon ay nakangiti na naman ng nakakaloko sa kanila. "Kayo, ha. Diyan talaga nagsisimula yan sa patago-patago na yan. Una, gamit lang. Kasunod nyan, puso na."