ANG malakas na tilaok ng mga manok sa likod-bahay ang gumising kay Maya. Nagsisimula ang kanyang araw sa pagtulong sa lahat ng gawaing bahay ng kanyang tiya Helen na umampon sa kanya. Sa kanyang tiyahin na siya nagkamuwang dahil pagkasilang sa kanya ng ina niya ay ito na ang nag-alaga sa kanya.
Ni minsan ay hindi niya pa nakita ang kanyang tunay na inang si Marissa na bunsong kapatid ng kanyang tiya Helen. May iilang larawan lamang si Marissa na ibinigay sa kanya ni Helen na paulit-ulit niyang tinitingnan bago matulog sa gabi. Kwento ng kanyang tiya Helen, dese otso pa lamang ang kanyang inang si Marissa nang mabuntis ng boyfriend nitong dese nwebe anyos naman. Hindi pinanagutan ng kanyang ama si Marissa. Si Marissa naman ay hindi pa handang maging ina, kaya nang manganak ito ay ipinasya nitong ipaampon siya sa panganay nitong kapatid na si Helen. Pagkatapos ay nangibang bansa ito upang hanapin ang kapalaran. Sa loob ng dalawampu’t tatlong taon, hindi man lang siya nito kinumusta. Tuluyan na nga siguro nitong pinutol ang koneksyon sa kanya pati na rin sa kanyang tiya Helen dahil magmula nang umalis ito ay nawalan na sila ng komunikasyon.
Ngunit mapalad siya sa kanyang tiya Helen. Mabait ito kaya lumaki siya nang maayos. Napag-aral siya nito mula elementarya hanggang high school. Kaya lang, noong nasa huling taon na siya sa high school ay nakatagpo na ito ng mapapangasawa na mas bata rito ng walong taon, at nabiyayaan kaagad ang mga ito ng sariling anak. Mabigat ang loob sa kanya ng asawa nitong si Edward. Nagkaroon ang mag-asawa ng maliliit at malalaking away dahil sa kanya. Ang gusto ni Edward ay itigil na ni Helen ang pagsuporta sa kanya, ngunit mahal siya ng tiyahin. Dumating sa puntong pinapili si Helen kung siya ba o si Edward at ang anak nila.
Hindi pumayag si Maya na pumili ang kanyang tiya Helen. Siya na mismo ang nagsabing magtatrabaho na lang upang suportahan ang sarili sa pag-aaral. Pumayag naman si Edward na manatili siya sa poder ng tiyahin dahil pamangkin naman siya nito kahit papaano anito.
Dahil dito ay hindi siya kaagad nakatungtong sa kolehiyo. Isang taon muna siyang nagtrabaho upang makaipon ng pantustos sa sarili. Hindi naman siya matalino kaya hirap din siyang makakuha ng scholarship. Sa pagtupad ng kanyang mga pangarap, baon lamang niya ay sipag at determinasyon. Sisikapin niyang maging sapat ang mga ito upang magtagumpay siya sa buhay. Ngayon ay nasa second semester na siya sa third year college at kumukuha ng kursong Hotel and Restaurant Management. Igagapang niya ang pag-aaral ano man ang mangyari.
Pinupunasan niya ang lamesa matapos silang mananghalian nang bigla na lang siyang yakapin ng kanyang tiya Helen. “Proud na proud ako sa iyo, Maya, anak,” wika nito habang nangingilid ang mga luha.
Ngumiti si Maya. “Salamat, Tiya Helen,” tugon niya.
“Wala kang dapat ipagpasalamat sa akin, anak. Nagsasariling sikap ka para makatapos ka sa kolehiyo. Nahihiya nga ako sa iyo dahil wala na akong maitulong. Naturingan mo pa naman akong ina.”
“Tiya, malaking bagay na ang napag-aral ninyo ako sa Elementary at High School. Baka kung pinabayaan ninyo ako, maski ro’n hindi ako nakatungtong. Malaki ho ang utang na loob ko sa inyo. Huwag kayong mag-alala sa akin, yakang yaka ko na po ito.”
Hinigpitan ni Helen ang pagyakap sa pamangkin. “Salamat sa pag-unawa, anak.”
“Patapos na ang second semester. Fourth year na ako sa susunod na pasukan. Ibig sabihin, isang taon na lang, Tiya, gagradweyt na ako. Malapit ko nang masuklian lahat ng ginawa ninyo para sa akin. Bibigyan ko kayo ng magandang buhay. Ipinapangako ko iyan sa inyo.”
Bumagsak na nang tuluyan ang mga luha ni Helen sa sinabi ng pamangkin. “Salamat, anak,” aniya. “Pero ang intindihin mo ay ang sarili mo, huwag ako.” Hinaplos niya ang buhok nito. “Hindi lang alam ng nanay mo kung gaano sana siya kaswerte sa anak niya.”
“Umaasa pa rin po ako na isang araw babalikan niya ako. Hindi naman po ako galit sa kanya,” anang dalaga. “Bakit naman ako magagalit sa kanya? Dahil sa kanya kaya ikaw ang nanay ko ngayon. Mahal na mahal po kita, Tiya Helen. At kahit sabihin ninyong huwag ko kayong intindihin, hindi mangyayari iyon. Lagi kayong kasama sa mga pangarap ko. Kayo ang inspirasyon ko.”
Hinagkan niya sa noo ang tiyahin.
“Aba, dapat lang!”
Kapwa sila napatingin kay Edward na karga karga si Bea, ang mag-aapat na taong gulang na anak nito at ni Helen.
“Napakawalang utang na loob mo naman kung pagkatapos mong mag-aral ay mawawalan ka na ng pakialam sa tiya mo,” dugtong pa nito. “Muntik na nga iyang tumandang dalaga sa kakaalaga sa iyo. Buti na lang dumating ako sa buhay niya. Nabigyan ko pa siya ng sarili niyang anak.”
“Edward!” saway ni Helen sa asawa.
“O, bakit, totoo lang naman ang sinasabi ko?” wika pa ni Edward. “Dahil kay Maya kaya wala ka ring narating sa buhay. Ilang taon mo siyang inintindi, wala ka namang napala.”
“Huwag mong pagsalitaan nang ganyan si Maya. Mabait at masipag siyang bata. Sabihin na nating ampon ko siya, pero pamangkin ko siya. Anak siya ng kapatid ko, at itinuturing ko siyang sariling akin. Pantay ang pagmamahal ko sa kanila ni Bea. Wala siyang utang na loob sa akin. Lahat ng ginawa ko para sa kanya, ginawa ko nang walang kapalit.”
Pumagitna na si Maya sa pagkakataong iyon. “Tiya, okay lang,” wika niya. “Totoo naman ang sabi ni Tiyo Edward, eh.” Nagbaling ito sa asawa ng tiyahin. “Huwag ho kayong mag-alala, Tiyo. Hindi ko ho makakalimutang gumanti sa kabutihang loob ni Tiya, katulad ng narinig ninyong sinabi ko kanina.”
“Mabuti naman kung gano’n,” nakangiting wika ni Edward. “Dapat balang araw, tulungan mo kaming pag-aralin si Bea nang makabawi naman kami sa pagpapaaral sa iyo noon ni Helen. Tutulong ka rin sa pagpapaayos ng bahay na ito at sa pagpupundar ng mga gamit tutal dito ka pa rin naman nakatira, at wala ka namang balak umalis.”
“Opo, Tiyo,” tugon ni Maya. Hinaplos ng kanyang tiya Helen ang kanyang likuran.
“Okay lang po ako, Tiya. Huwag kayong mag-alala,” nakangiting wika niya, kahit ang kanyang kalooban ay tila nadudurog. Hindi naman niya magawang magalit kay Edward dahil mahal ito ng kanyang tiya. Nangingibabaw pa rin ang kanyang respeto rito.