“Pa, mag-e-enroll na po kasi ako sa isang malapit na university,” sabi ni Bel sa kanyang ama na kanya pang pinuntahan sa opisina nito para magpaalam na siya aalis muna para mag-enrol na. Ayaw na ayaw kasi ng kanyang papa na aalis ang sinuman na nakatira sa bahay na hindi na nagpapaalam bago umalis kahit saglit lang na mawawala.
“Anong pinagsasabi mo, Bel? Gusto mo pa talagang magpatuloy mag-aral sa kolehiyo gayong hirap na hirap ka na ngang maipasa ang mga grades mo sa high school? Hindi ka na mag-e-enroll sa kahit na anong university dahil hindi ka na mag-aaral pa. Dito ka na lang sa bahay at tumulong sa mga gawaing bahay. Maraming gawain sa bukid kaya doon mo na lang ilaan ang mga oras mo kaysa magsayang ako ng pera sa pagpapaaral sayo sa kolehiyo,” ang sagot ng ama ni Bel sa kanya.
“Pa, gusto ko pong mag-aral at makapagtapos. At saka agricultural po ang kukunin kong kurso. May kinalaman din po sa pagpapatakbo ng farm niyo,” giit ni Bel na lumapit pa sa kanyang ama para makiusap at ipaliwanag ang kanyang nais na kunin na kurso.
Nagmamay-ari ng malalawak na farm ang kanyang ama na may mga maraming pananim na karamihan ay inaangkat pa sa ibang bansa. Maliban doon ay marami rin silang mga naglalawakang mga poultry ng mga live stocks.
“Bel, buo na ang desisyon ko. Tama ng nakapagtapos ka kahit high school. Tama ng marunong ka ng magsulat, bumasa at bumilang. At isa pa, bakit mag-aaral ka pa ng kursong agricultural kung lahat naman ay matutunan mo na sa mga farm na pagmamay-ari ko? Maghalaman ka at mag-alaga ng mga hayop at huwag ka ng mag-aral pa. Baka lalo mo lang akong ipahiya sa mga taong nakakakakilala sa ating pamilya lalo na sa akin. Ewan ko ba at napaka purol ng utak mo? Baka mamamaya ay kolehiyo ka pa lalong magkalat ng kabobohan mo,” saad pa ng ama ni Bel at saka na ibinalik ang mga mata nito sa kung anong mga papeles na binabasa.
Napayuko na lang si Bel at saka humawak sa laylayan ng kanyang blusa dahil kahit sanay na siyang pinagsasalitaan ng masakit na salita at tawagin na mapurol ang utak, mahina ang utak at bobo ay nasasaktan pa rin siya lalo at nanggagaling mismo sa bibig ng kanyang pamilya lalo na sa kanyang ama na kilala at hinahangaan ng marami sa pagiging matalino nito sa larangan ng pagnenegosyo.
May tatlong kapatid si Bel at siya ang pangalawang panganay. Lahat sila ay mga babae.
Ang panganay niyang kapatid ay nag-aaral sa sikat na unibersidad at kumukuha ng abogasya. Ang sumunod sa kanya at ang bunso niyang kapatid ay mga sikat sa paaralan dahil nga mga consistent honor student sa tataas ng mga grades na nakukuha. Mga active sa school activities at laging nahahahal bilang student council.
Samantalang si Bel ay laging pasang awa ang grades. Madalas ay nagpapa-project na lang ang kanyang mga guro para ipasa lang ang kanyang grades sa mga subject na hindi niya naipasa.
Kaya madalas ay mga kasambahay lang sa kanilang bahay ang nagpupunta kapag may parents meeting pati na pagkuha ng cards sa classroom niya.
Kinahihiya siya ng pamilya dahil sa pagiging mahina ang utak. Ang mama niya lang ang bukod tanging kanyang kakampi ngunit dahil takot ito sa asawa ay wala rin magawa para sa kanyang anak.
“Pa, pangako po mag-aaral naman po ako ng mabuti,” patuloy na giit ni Bel ngunit isang malakas na paghampas ng mga kamay ng kanyang papa sa ibabaw ng lamesa ang nagpaigtad sa kanya.
“Ang hina talaga ng kukute mong babae ka, ano?! Anong hindi mo naiintindihan sa mga sinabi ko? Pati ba naman ang simpleng dahilan kaya ayaw na kitang pag-aralin ay hindi mo maunawaan, ha?!” mabalasik na sigaw ng papa ni Bel sa kanya at nanlilisik pa ang mga mata nito sa galit na para bang may kaaway itong kaharap.
“Huwag mo ng pangarapin pa na makapagtapos ka pa ng pag-aral dahil boba ka! Mahina ang utak mo kaya manahimik ka na lang dito sa bahay! Tumulong ka sa mga kasambahay pati ba sa farm para naman may pakinabang ako sayo! Para naman may ambag ka sa pamamahay na ito kahit papaano! Kaya itigil mo ang ilusyon mo na mag-aaral ka pa! Ang pag-aaral sa kolehiyo ay para lang sa matatalino! Sa may mga utak gaya ng ate mo at ng mva kapatid mo. Sila halos mabali ang mga leeg kapag sinasabitan ng mga medalya at kung ipapalaminate na ang mga certificate na nakuha nila ay baka makagawa na sila ng mga dingding sa dami. Samantalang ikaw ay ano? Wala kahit isa! Ano pinagmamalaki mo ang mga ribbon na nakuha mo? Most behave? Most punctual na ibinibigay ng mga teacher mo para lang magpunta ka ng closing party niyo dahil nagpapadala ng maraming pagkain ang kunsintidor mong mama?! Tigilan mo ako, Bel dahil kapag hindi ka tumigil sa walang kwenta mong pangarap ay baka samain ka na! Masasampal na kita ng kaliwat kanan para magising ka sa ilusyon mo! Tandaan mo na ang pag-aaral sa kolehiyo ay para lang sa matatalino at hindi sa mga bobong gaya mo!” dinig na dinig na yata sa buong kabahayan ang dumadagundong na boses ng papa ni Bel sa lakas ng pagsigaw nito sa kanya.
Lalong napayuko si Bel kasabay ng pagtulo ng kanyang mga luha.
“Umalis ka na nga sa harapan ko at marami akong mga ginagawa. Hindi ko naman mautos sayo at baka lalo pa akong mamroblema sa mga papeles na to,” pagtaboy pa ng papa ni Bel sa kanya.
“Sige po, pa,” sabay tango pa ni Bel at saka na umikot para lumabas na ng pintuan ng opisina ng kanyang papa.
“Ate, ano na naman bang kalokohan ang ginawa mo at halos marinig ang galit na boses ni Papa?” tanong ng sumunod na kapatid ni Bel sa kanya na nasa labas pala ng opisina.
“Baka sinabi niya na kay Papa ang balak niyang mag-aral sa college?” ani naman ng bunsong kapatid ni Bel na naroroon na rin pala.
Pareho pang nakadamit pantulog ang mga nakakabatang kapatid ni Bel samantalang siya ay kailangan magising ng maaga dahil utos ng papa niya.
Kailangan tumulong si Bel sa mga gawaing bahay at maging sa farm para may pakinabang sa kanya. Pero ang mga kapatid niya ay kailanman ay hindi nakahawak ng walis tambo para magwalis man lang lalo na ng lupa para magtanim ng kahit isang butil.
“Talaga ba? Ate Bel, kung ako sayo huwag ka ng mag-aral ng college. Lalo mo lang kasing ipapahiya ang sarili mo sa hina ng utak mo. Hindi na pwede ang pagbibigay ni mama ng pakunswelo de bobo para lang makapasa ka. Kaya tanggapin mo na ang katotohanan na hanggang dito ka na lang talaga sa farm. Magtanim ka na lang at magpala ng mga dumi ng hayop para naman kahit paano ay matuwa sayo si Papa,” pang uuyam pa ng sumunod na kapatid ni Bel na si Beth.
“Oonga naman, ate. Hindi ka ba nahihiya na lagi ka nga ngang pasawang-awa sa high school ay gusto mo pa talagang ipagpatuloy sa college? Kung hindi ka nahihiya sa sarili mo ay kami naman ang bigyan mo ng kahihiyan bilang pamilya mo,” dagdag pang-iinsulto pa ng bunsong si Berry.
Napayuko na lang ulit si Bel at hawak ang laylayan ng kanyang blusa. Nais niya man na sumagot dahil mas matanda siya sa mga kapatid ay ano ba ang ipaglalaban niya gayong totoo naman ang mha sinasabi tungkol sa kanya.
At isa pa, kahit naman inaaway siya ng mga ito at lumaban siya ay siya pa rin ang sasamain sa kanilang papa. Siya ang mapaparusahan kaya wala talaga siyang laban sa mga ito.
“A piece of advise my dear, Ate Bel. Magtanim ka na lang ng mga kamote at magpakain ng damo sa mga baka kaysa mangarap ka pa na makapag aral sa college. Sayang lang ang pera na gagastusin sayo ni Papa. Mas mabuti pa na ibili na lang ng mga abono pampataba ng mga halaman kaysa ibayad sa tuition fee mo dahil tanggapin mo ng may utak ka pero mas kapaki pakinabang ang matabang halaman kaysa sayo,” sabay irap pa ni Berry sa kanyang nakatatandang kapatid.
“Beth, Berry, tigilan niyo na nga ang ate Bel niyo. Baka nakakalimutan niyong matanda pa rin siya sa inyong dalawa kaya hindi niyo siya dapat pinagsasalitaan ng hindi maganda,” ang mama nina Bel ang nagsalita para sawayin ang ibang mga anak.
“Ma, nagsasabi lang po kami ng totoo ni Ate Beth. Talaga namang walang future sa pag-aaral yan si Ate Bel, hindi po ba? Kaya nga lang siya pumapasa mga major subjects ay dahil nagreregalo kayo sa mga advisers niya at nakikipag unahan kayo sa pagdonate ng kung anong gamit sa school niya,” sagot ng bunsong si Berry.
Akma sanang magsasalita pa ang mama nina Bel ng hawakan niya na ito sa braso.
“Ma, tama na po. Hayaan niyo na po. Okay lang po ako,” pigil ni Bel sa kanyang ina at pilit ngumiti.
Ang kanina ay matigas na mukga ng mama ni Bel ay unti-unting naging malungkot ng tumitig na sa kanya samantalang ang mga kapatid niya ay iniwan na sila.
“Anak, huwag mo naman hayaan na pinagsasalitaan ka ng mga kapatid mo ng ganyan? Ate ka nila at mas matanda kaya dapat na igalang ka pa rin nila,” wika ng mama ni Bel at saka siya hinawakAn sa magkabilang pisngi.
“Ma, hayaan na po natin. Totoo naman po na mahina ang utak ko. Na bobo ako. Kaya bakit pa ako makikipagtalo,” sagot ni Bel.
“Anak, hindi ka man kasing talino ng mga kapatid at papa mo ay ikaw naman ang pinakamabait at pinaka marespetong tao na nakilala ko,” sabay yakap ni Belen sa kanyang pangalawang anak na babae na madalas apihin dahil hindi ito binayayan ng katalinuhan gaya ng mga kapatid nito