Anong lugar ito? Ito na ba ang itsura ng langit o nasa daanan pa lang ako papuntang langit?
Diretso lang ang paglalakad ko sa isang malawak na lupain. Punong-puno ito ng mga magagandang bulaklak.
Hindi ko mapigilang mapangiti. Ang gaan lang sa pakiramdam ng lugar na ito.
Pumitas ako ng ilang bulaklak. Siguro, matutuwa si San Pedro kung dalhan ko siya ng mga ito panigurado papayagan na niya akong tumuloy sa langit.
"Tulips, bilisan mo naman! Sobrang dami na niyan!"
Napakunot-noo ako nang makarinig ng sigaw ng isang lalaki. Lumingon-lingon ako. Hanggang may nakita akong anino ng tatlong lalaki.
Nasa itaas na parte sila at tila tinatanaw ako.
At tama ba ang narinig ko? Tinawag niya akong Tulips pero hindi naman iyon ang pangalan ko. Tumingin ako sa paligid ko baka may iba pa akong kasama, ngunit ako lang mag-isa rito.
Itinaas ko ang kamay ko upang takpan ang sinag ng araw at malinaw silang makita.
Ngunit masyado silang malayo kaya hindi ko pa rin kita ang mukha nila. Nakasuot sila ng mga uniporme. Mukhang mga estudyante pa sila. Baka, katulad ko rin silang kamamatay lang.
Maganda para may kasabay ako papuntang langit.
Nanatili lang ako sa pwesto ko at hinintay silang pababa papunta sa direksyon ko.
"Tulips! Ang tagal mo talaga!" Salubong ng isa sa mga lalaki. Nanlaki ang mata ko nang magtama ang mga mata namin.
"Grant?" naluluhang tawag ko. Tila, nakalutang ang mga paa kong humakbang at agad na yumakap sa kanya.
"I miss you, I love you!" Panay ang pagluha ko habang nakayakap sa kanya.
Pero tila hindi niya ako naririnig.
"Oo nga, ang dami na niyan. Tara na, male-late na tayo!" aya ng hindi pamilyar na lalaki sa akin.
Saka ko lang napansin nakasuot din pala ako ng uniporme. Paanong nangyari? Ang suot ko, sa pagkakaalala ko ay isang puting summer dress dahil pauwi ako kina Tita Grethel.
"Sa akin ka na sumabay, Tulips," malambing na sabi nang nahuling lalaki. Nalipat ang tingin ko sa kanya, nanlaki ulit ang mga mata ko.
Another Grant, ngunit ang pagkakaiba lamang ay blonde ang kulay ng buhok nito.
"Anong nangyayari? Saka, hindi Tulips ang pangalan ko!" sigaw ko pero talagang hindi nila ako naririnig.
"Anong sa 'yo Spade? Hindi ka pa masyadong sanay magbisikleta na may angkas. Kay Thirdy na lang siya sumabay, sanay na sanay 'yan palibhasa maraming chicks!" nakangising pang-asar ng naunang bumati sa aking lalaki na kamukha rin ni Grant.
"Gago ka talaga, Ace!" Sinakal niya ito. Pareho ko lang silang pinapanood. Hanggang malipat ang tingin ko sa blondeng Grant. Nanatili itong nakatitig sa akin, kalaunan nginitian ako.
"Kay Thirdy ka na lang sumabay, siguro nga mas ligtas ka, hindi pa kasi ako sanay," natatawang sabi niya.
Biglang nagbago ang paligid ko.
Nakasakay ako sa bisikleta kasabay ang tatlong lalaki. Ako, ang nasa hulihan nila.
"Ano ba 'yan, ang bagal mo Tulips hahaha!" kantyaw lalo ng kamukha ni Grant.
"Hoy, Ace! Tama na kakaloko mo kay Tulips mamaya mapaiyak mo na naman 'yan," seryosong pagsaway ng blondeng Grant.
Napatingin ako sa kanya. Lumingon siya sa akin at matamis akong nginitian.
"Mga banat talaga ng kakambal ko, aminin mo na lang gusto mo si Tulips! Sabagay mukhang bagay kayo. Diba Thirdy?" natatawang sabi niya at lumingon sa kaibigan.
"Siguro," natatawang sagot din nito at lumingon sa akin. "Sino ba ang gusto mo sa aming tatlo, Tulips?" tanong niya.
"Tangna! Kayo lang dalawa huwag niyo na ako isali sa pagpipilian niya loyal ako!" Napailing-iling ito habang tumatawa. Lalo akong napatitig sa kanya.
The more I look at him. He is more like Grant than the blonde Grant.
All his facial expressions are the same to Grant.
"Loyal mo mukha mo! Iyan ka na naman sa imaginary girlfriend mo!" Nakakalokong lumingon ito ulit sa akin. "Sino nga sa amin, Tulips?"
Humalakhak ito. "Sabi sa inyo wala siyang pipiliin sa atin."
"Kung ako sa iyo, Tulips! Piliin mo si Spade, mas mabait ito at loyal kaysa kay Thirdy," nakangising sabi nito sa akin.
Muling nagbago ang paligid. Tumatakbo ako at puno ng putik na ang mga paa ko at uniporme tila may tinatakasan ako. Nagtago ako sa isang abandonadong gusaling nakita ko.
Hanggang sa makarinig ako ng halakhak. "Nasaan ka na, Tulips? Magpakita ka na!" Nakatatakot ang halakhak niya.
Rinig na rinig ko ang tunog ng sapatos niya. Malapit na siya.
Tumayo ako at mabilis na tumakbo palabas sa abandonadong gusali hanggang sa makita ko ang nakasisilaw na ilaw at malakas na tunog ng kotse papunta sa direksyon ko. Naramdaman ko ang lakas nang pagbangga sa akin at pagtilapon ko.
Sa nanlalabo kong mata naramdaman ko ang paglapit niya sa akin. Pati ang pagdampi ng isang malamig na bagay sa leeg ko.
"Mahal na mahal kita kaya papatayin na lang kita para tuluyang maging akin ka," malademonyong bulong nito sabay halik sa tenga ko.
Mabilis ang pagtibok ng puso ko at mabilis na napamulat. Habol-habol ko ang paghinga ko.
"Anak! Sa wakas, gising ka na! Doc! Gising na ang anak ko!" Napahawak ako sa ulo kong may nakabalot na benda. Sobrang sakit!
Naguguluhan akong tumingin sa ginang na umiiyak sa harapan ko. Mahigpit ang hawak niya sa kamay ko.
"Tulips, anak! Sa wakas! Gising ka na, anak ko!" Panay ang paghalik niya sa kamay ko habang tuloy-tuloy ang pagluha.
Tulips? Iyon ba ang pangalan ko? Pero bakit tila mali? Dahil ang alam kong pangalan ko ay Shan.
Nakatulala lang ako at hindi ko mahanap ang boses ko para magsalita.
Hanggang sa may tatlong lalaking estudyanteng pumasok.
Sila ang nasa panaginip ko! Ang kambal na kamukha ni Grant na nagngangalang Ace at Spade saka si Thirdy. Lumapit sa akin ang doktor at agad na tsinek ang mga mata ko.
"Hija, anong nararamdaman mo?"
Pilit akong huminga at nagsalita. "Masakit po ang ulo ko," nanghihinang sagot ko.
"Alam mo ba ang pangalan mo, hija?" Tumango ako.
"Anong pangalan mo?"
"Ako si Shannelle," sagot ko. Bumakas naman ang gulat sa mga mukha nila.
"Anak! Anong pinagsasabi mo? Tulips ang pangalan mo, anak!"
"Ilang taon ka na, hija?" Pumasok sa alaala ko na sinurpresa ako ng mga kabarkada at workmates ko sa apartment ko para sa 30th birthday ko.
"30," sagot ko.
"Doc, anong nangyayari sa anak ko? Bakit kung ano-ano ang pinagsasabi niya." Lalong lumakas ang iyak ng ginang.
"Kumalma lang po kayo, Misis." Pagpapakalma ng doktor at nilingon ako.
"Alam mo ba kung anong taon ngayon?"
"2030," sagot ko. Napailing-iling siya.
"Kilala mo ba siya?" Sabay turo niya sa ginang. Napailing ako. Lalo itong napaiyak tila dinudurog naman ang puso ko sa nakikita pero hindi ko siya talaga maalala.
"Ako ang mama mo, anak!" umiiyak na sabi niya. Mama ko, siya? Pero matagal nang patay ang mga magulang ko.
"Eh, sila?" Sabay turo niya sa tatlong lalaki. Napatango ako.
"Spade, Ace, Thirdy," sabi ko habang isa-isa silang itinuturo.
Napangiti ang mga ito. "Naalala niya tayo!" masayang sabi nila.
"Anong huling naalala mo?" Napakunot-noo ako at pilit inaalala.
"May humahabol sa akin, hanggang sa mabangga ako ng sasakyan pero teka, parang mali..." Napakunot-noo ako. "Ang alam ko may bumaril sa akin at nahulog ako sa dagat." Napahawak ako sa ulo ko dahil sa matindi nitong pagkirot.
"Okay na, huwag mo nang piliting alalahanin, hija. Magpahinga ka na muna." Muli nila akong pinahiga at may itinurok sa kamay ko.
"Anong nangyayari sa anak ko, doc?" Rinig ko na tanong ng ginang na nagpapakilalang nanay ko.
"I think your daughter is experiencing post-traumatic amnesia," sagot nito.
Post-traumatic amnesia? Paano naman nangyari iyon? Eh, tama naman ang mga impormasyong sinabi ko sa kanila. Hindi ba sila naniniwala sa akin?
"Gagaling din po ba siya?"
"Oo, Misis, kailangan niyo lang siyang gabayan at ipaalala sa kanya ang mga bagay na hindi niya maalala." Nakikinig lang ako sa kanila at bahagyang tumagilid dahil umaapekto na yata ang itinurok nilang pampatulog sa akin.
Hanggang sa mapadako ang tingin ko sa glass window.
Ganoon na lang ang panlalaki ng mata ko dahil ibang mukha ng babae ang nakita ko.
What sorcery is this?
Hindi ako ito!