ILANG linggo ko nang napapansin ang grupo ng kalalakihang iyon. Araw at gabi ay walang tigil ang ginagawa nilang paghuhukay sa bakuran ng Villa Samaniego. At araw-gabi rin ay maraming taong nag-uusyuso sa paligid ng bakuran.
Subalit si Simon—ang tauhang inatasan ng lider ng grupong iyon—ay mahigpit na nakabantay sa tarangkahan ng bakuran. Kulang na lang ay huwag nitong palapitin sa bakal na bakod ang mga nag-uusyuso. Pero habang binabawalan ang mga tao ay lalo namang nagpupumilit ang mga ito na makabalita kung ano na ang nangyayari sa ginagawang paghuhukay.
“Paniwalang-paniwala silang makikita nila ang nakabaong kayamanan,” narinig kong sabi ni Ingkong Jose na hindi ko namalayang nakalapit na sa akin. Siya ang may-ari ng dampang tinutuluyan ko. “Ikaw, Bernardo, naniniwala ka bang makukuha nila ang kayamanan sa bakurang iyan?”
Napatitig ako sa kanya. “Mayroon nga bang kayamanan sa villa, Ingkong?” tanong ko.
“Mayroon, pero nababalot ng hiwaga ang kayamanan,” sagot niya. “Hindi nila matatagpuan iyon dahil hindi naman sila ang pinag-uukulan ng kayamanan.”
“Ano’ng ibig ninyong sabihin, Ingkong?”
“May iniwang sumpa si Señor Arturo Samaniego na nagbaon ng kayamanan, Bernardo. Hindi mapupunta sa sinumang may maitim na budhi ang kayamanan kundi sa isang taong inosente at tanging sa salinlahi lang niya nararapat na mapunta ang kayamanan.”
“Pero paano ang grupong iyan?” tanong ko. “Walang lubay sila sa paghuhukay. Puwede bang hindi nila makita iyon kung buong bakuran ay nahukay na nila?”
“Kaya nga hiwaga, Bernardo. Nakabalot sa hiwaga at sumpa ang kayamanan. Kusang magpapahiwatig ang kinaroroonan niyon sa taong pinag-uukulan niyon.”
“Nasaan na nga ba ang mga Samaniego? At bakit pinapakialaman ng mga taong iyan ang bakuran kung wala naman pala silang karapatan diyan?”
“Si Romualdo na lider ng grupong iyan ay ipinagkakalat na karapatan niyang pakialaman ang bakuran. Isa siyang Samaniego kaya hindi kinukuwestiyon ng mga tao ang panghihimasok niya sa villa. Pero hindi siya tunay na Samaniego. Anak siya ng asawa ni Señor Arturo sa unang asawa. Kaya taglay man niya ang pangalan ng Samaniego ay hindi naman dugong Samaniego ang nananalaytay sa kanyang mga ugat. Si Wilfredo ang kaisa-isang anak ni Señor Arturo. Pero ni minsan ay hindi ko nabalitaang tumuntong siya sa villa na iyan. Sa Maynila ipinanganak si Wilfredo. Doon na siya lumaki at doon na rin nakapag-asawa.”
“Bakit ninyo alam ang bagay na iyan, Ingkong?”
“Dati akong katiwala sa villa. Noong nabubuhay pa si Señor Arturo ay madalas kaming mag-usap. Ang totoo, hindi naman niya inilihim sa akin ang tungkol sa kayamanan. `Sabi niya, isang baul iyon na puno ng ginto at mga mamahaling bato. Ang mga bato ay minana pa niya sa kanyang ina samantalang ang mga ginto ay aksidenteng nahukay niya nang minsang mamundok siya para magtanim ng mga puno ng narra.”
“Hindi niya sinabi sa inyo kung saan niya ibinaon iyon?”
Isang makahulugang ngiti ang naging tugon ni Ingkong. “Alam ko kung saan niya itinago ang baul, Bernardo. At noon pa man ay usap-usapan na ang tungkol sa pagkakaroon niya ng kayamanan. Hindi na ako nagtaka nang isang gabi ay lusubin ng masasamang-loob ang villa. Hinalughog nila ang buong bahay sa paghahanap ng nasabing baul.”
“Ano ang ginawa ni Señor Arturo?”
Habang pinag-uusapan namin ang paksang iyon ay lumalalim ang interes ko. Patingin-tingin ako sa mga taong patuloy pa rin sa paghuhukay. Iniisip ko kung dapat ba akong manghinayang dahil mauuwi lang sa wala ang kanilang pagpapagod.
“Wala. Ni hindi siya nag-alala. Kahit nang itali kami ng mga masasamang-loob at takutin ay hindi man lang siya nasindak. Hinamon pa niya ang mga magnanakaw, na kung matatagpuan ng mga ito ang baul ay sa kanila na iyon. Habang naghahalughog ang mga magnanakaw sa buong villa ay nakapikit lang si Señor Arturo. Mayroon siyang ibinubulong na kung ano. Ibang wika iyon kaya hindi ko naiintindihan. Inumaga ang mga magnanakaw na walang nakita ang mga ito.
“Sa galit ng mga magnanakaw ay pinagsisipa kami ni Señor Arturo. Magpapatuloy sana sila sa p*******t sa amin kung hindi lang ako nagmakaawa. Sinabi kong tumigil na sila at hindi na kami magsusumbong sa pulisya sa ginawa nilang pagsugod sa villa.”
“`Tapos?” naiinip na tanong ko.
“Hindi ko alam kung milagro pero pagkalagpas lang ng villa ng mga masasamang-loob ay napahamak na sila. Lahat sila ay tumimbuwang sa kalsada. Sabi ng mga nakakita ay pawang natuklaw ng makamandag na ahas. Isang malaking palaisipan iyon sa lahat dahil malinis ang lugar. Imposibleng magkaroon ng lungga ng ahas doon.
Pero nang kausapin ako ni Señor Arturo, hindi na rin ako nagtaka. Marami pala siyang alam na orasyon. At sinabi niya sa aking ang kayamanan ay mayroon ding orasyon. Hindi sana ako maniniwala kung hindi lang niya ipinakita sa akin kung saan niya itinatago ang kayamanan. Sa mismong sala ng villa. Butas ang isang haligi at naroroon ang baul. Natatabingan lang ng kurtina. Hindi ako makapaniwalang naroroon lang iyon. Kitang-kita ko kung paano halos baligtarin ng mga magnanakaw ang buong villa para makita lang iyon.”
“Hindi pala sila dapat na maghukay,” komento ko. Muli akong tumanaw sa bakuran. “Kung nasa haligi ang baul, hindi ba’t dapat ay bumigay na iyon sa tagal ng panahon? Mukhang sira na ang villa, Ingkong. Baka kaunting pitik lang sa mga haligi ay bumigay na ang mga iyan.”
Umiling ito. “Ibinaba namin mula sa haligi ang baul, Bernardo. Dinala iyon ni Senyor Arturo sa aklatan ng villa. Pinakuha niya ako ng bareta at pala. Dalawang gabi siyang nagkulong sa library at hindi nagpaabala.”
“Nasaan ang kanyang asawa? Hindi ba nila nalaman ang tungkol sa kayamanan?”
“Kaya nga nasa Maynila noon si Señora Lucila. Pinalabas ni Señor Arturo na hindi ganoon karami ang kayamanang taglay niya. Binigyan niya ng ilang bareta ng ginto at ilang piraso ng bato si Señora Lucila. Buntis noon kay Wilfredo si Señora. At sa katuwaang makahawak ng malaking salapi, ginusto nitong pumunta sa Maynila at doon na rin manganak.”
“Ikaw, Ingkong, hindi ka ba nagkainteres sa kayamanan? Nakita mo iyon, hindi ka na maghahanap pa. At dalawa lang kayo ni Señor Arturo sa villa.”
“Hindi ako mapag-imbot sa hindi akin, Bernardo. Para sa akin ay mahalaga ang tiwala kaysa anumang kayamanan. At kilala ako ni Señor. Isa pa, binigyan niya rin ako ng bareta ng ginto. Pero aanhin ko ba iyon? Kontento na ako sa buhay ko sa araw-araw. Basta may kakainin ako ay masaya na ako. Matanda na ako para hangarin ko pang mag-aral. Siguro sasabihin mong hangal ako pero tinanggihan ko ang ginto. Isinauli ko iyon kay Señor Arturo.”
Hanggang sa makauwi kami ni Ingkong sa dampa niya ay palaisipan iyon sa akin. Hindi ko alam kung dapat kong hangaan si Ingkong. Parisukat lang ang kanyang dampa. Ang sahig na hinihigaan namin sa gabi ay siya ring pinaglalatagan namin ng dahon ng saging kapag kami’y kumakain.
Ang isang bareta ng ginto ay puwede niyang gawing pera para maging puhunan at para umangat kahit paano ang kanyang buhay. Pero tinanggihan niya iyon. Ngayon, kung hindi siya magtatanim ng gulay o mangangaso sa bundok ay hindi siya makakakain.
O sadya lang na walang interes sa pera si Ingkong. Ilang linggo na akong nakikituluyan sa kanya pero ni minsan, hindi ko siya nakitang naglabas ng pera. Sabi niya ay wala siyang pera. At siguro nga ay totoo iyon. Kahit kailan ay hindi ko siya nakitang bumili sa tindahan. Ang bigas na isinasaing namin ay bigay ng taong tinutulungan niyang magtanim. Ganoon din ang iba pang supply sa kusina at pati sabon at toothpaste.
Pagkatapos ng hapunan ay pinatay na ni Ingkong ang ilaw sa gasera. Sayang daw ang gas kung wala namang ibang importanteng gagawin. Nahiga na kami. Sa tabi ko ay walang imik si Ingkong kaya inakala kong natutulog na siya. Samantalang ako ay nag-iisip pa rin.
Kinakapa ko sa aking sarili kung masama kayang hangarin ang kayamanang iyon. At kapag iniisip kong kung sakali ay mapupunta sa akin ang kayamanan, hindi ko naman iyon gagamitin sa masama. Ang gusto ko lang ay gamitin iyon para maging maginhawa ang aking buhay at ng aking magiging pamilya.
“Bernardo.”
Nagulat ako. Gising pa pala si Ingkong. “Bakit ho?”
“Interesado ka sa kayamanan, hindi ba?” prangkang tanong niya.
“Ipokrito ako kung sasabihin kong hindi, Ingkong. Ikaw na ang maysabi, may malinis na puso ang puwedeng makakuha niyon kung hindi man ang tunay niyang angkan. Kung wala si Wilfredo, puwedeng isang tao ang pinaglalaanan ng kayamanang iyon. Hindi kaya puwedeng ako na lang ang taong iyon?”
“Kapain mong mabuti ang iyong budhi, Bernardo. Kung mapapasaiyo ang malaking kayamanang iyon, ano ang gagawin mo? Ano ang magiging buhay mo?”
Hindi agad ako nakasagot. Pawang mga materyal na bagay ang pumapasok sa isip ko kaya minabuti kong huwag na lang kumibo.
“Para kay Wilfredo at sa susunod na lahi ni Wilfredo ang kayamanan, Bernardo. Makabubuting huwag mo na iyong pag-interesan. Isa pa, nakabantay sa bakuran si Romualdo. Sa palagay mo ba, mapapasok mo ang bakuran nang hindi niya nalalaman? Mabuti pang matulog ka na. Bukas paggising mo ay maaliwalas na ang iyong isip at makakapagsulat ka na ng kuwento.”