18

1371 Words
HINDI rin natutong lumangoy si Elisa. Pero maano ba? Hindi naman matatawaran ang mga oras na inilagi nila ni Art sa resort. Nag-enjoy sila na parang totoong magkasintahan. Ang unang halik ay nasundan pa hanggang sa hindi na niya iyon mabilang. Masaya siya. Lumabas ang natural na lambing ng binata at lumabas din ang natural niyang kilos. Nakagaan siguro sa kanila ang pagtatapat nito. He was right, mahirap magkunwari para lang masabing mayroon silang relasyon. Mas mabuti pang ganoon; malinaw na gusto lang nilang maging masaya ang bawat sandali at walang commitment pagkatapos, walang obligasyon. Bago tuluyang humapon ay bumiyahe na sila pabalik sa Claveria. Napag-usapan na rin nila na sasama siya rito pabalik sa villa. At nang makapag-check out siya ay isinakay na nito sa pickup ang mga gamit niya. Mayamaya lang ay bumibiyahe na uli sila. Pero bago sila tumuloy sa villa ay inihinto muna ni Art ang sasakyan sa tapat ng isang karinderya. “Masarap ang pagkain dito. Malinis din,” sabi nito. “Kumain na tayo. Aabutin tayo ng gutom sa daan. Kung magluluto pa tayo pagdating sa bahay, malilipasan na tayo ng gutom.” Inalalayan siya nitong bumaba ng sasakyan. “Sinigang na baboy ito?” tanong ni Elisa nang iangat ang takip ng isang kaserola. Tumango ang tindera. “Sige, iyan ang sa akin. Mainit ang sabaw, ha?” Nag-order pa si Art ng ibang pagkain. Sandali lang silang naghintay at isinilbi na rin iyon sa kanila. “Ang dami naman,” aniya nang makitang apat na putahe ang isinilbi sa kanilang mesa. “Ipapabalot natin kung hindi natin mauubos. Mahirap naman kung mabitin tayo, `di ba?” Napangiti si Elisa. “Oo nga pala, natatandaan ko na. `Sabi mo sa akin, basta nagmaneho ka, madali kang magutom. Sa tingin ko, wala tayong matitirang pagkain.” “In the meantime, let’s eat,” nakangising sabi ni Art at nagsimula nang sumubo. Pagdating nila sa villa ay nagsisimula nang dumilim. Nagpatiunang bumaba si Art habang ang bukas na headlights ng sasakyan ay nakatutok sa harap ng villa. “Papaandarin ko na muna ang generator. Huwag ka munang bumaba,” sabi nito. Tumango si Elisa. At kahit siguro pilitin siya ng binata na bumaba ay hindi niya gagawin. Madilim ang paligid. Ni hindi niya gustong tumingin sa ibang direksiyon. Natatakot siyang baka may makitang kung ano. Hindi naman siya nainip dahil mayamaya lang ay narinig na niya ang ugong ng generator. Mayamaya pa ay nagliwanag na rin ang paligid. “Hindi pa abot ng kuryente ang lugar na ito. Nakasanayan ko nang generator ang gamit,” sabi ni Art pagkabalik. “Mabuti at hindi ka nauubusan ng gas?” “May stock ako. Isa pa, marami rin akong nakahandang kandila at flashlight.” Binitbit na nito ang gamit niya na inalalayan siya sa pagbaba. “Careful. Baka matapilok ka na naman,” paalala nito. “Tinitingnan ko na po ngayon ang dinaraanan ko,” sagot niya. Inakyat nila ang hagdan. Pagdating sa itaas ay huminto ito at humarap sa kanya. “Kung ako ang masusunod, I would like to share my room with you,” matapat na sabi ni Art. “Pero alam kong hindi dapat na madaliin ang mga bagay-bagay. Gusto kong makontento muna na nagtiwala ka at sumama sa akin ngayon.” “Thanks, Art,” sabi niya. “Doon na lang ako sa kuwartong ipinagamit mo sa akin noong isang gabi.” Tumango ito. “Of course. Wala namang ibang pagpipilian maliban doon at sa kuwarto ko. Kailangan ko pang ipaayos ang ibang kuwarto para matulugan nang maayos. Bukas, dito muna tayo sa villa. Puwede tayong mag-picnic sa likod kung gusto mo. Maraming puno roon. Masarap ang simoy ng hangin.” “Sige ba,” sagot niya. “Goodnight for now.” “Goodnight?” parang may pagtutol na sabi nito. “Maaga pa naman. Magkuwentuhan muna tayo kahit sandali. Hindi mo ba nami-miss ang kape ko? Maglalaga ako ng kape,” parang nangungumbinsi pang sabi nito. Napangiti si Elisa. “Sige na nga. Iaayos ko na lang muna ang gamit ko sa kuwarto.” “Okay. Sumunod ka na lang sa veranda.” “MUKHANG guguho na itong villa nang una kong makita,” pagkukuwento ni Art. Nasa veranda na sila at nagkakape. Aaminin ni Elisa na masarap nga ang kape nito. Hindi malayong hanap-hanapin niya iyon kapag natapos na ang kanyang bakasyon. Pero agad niyang inalis iyon sa isip. Masaya siyang kasama ito. Ayaw niyang isipin ang paghihiwalay nila. “Ilang taon na ba itong villa?” tanong niya. “Hindi pa naman sobrang tanda. Nineteen sixties yata nang itayo ito. Ang kaso, iyong kapatid ni Papa sa ina, pinakialaman ito. May nakabaon daw na kayamanan dito si Lolo Arturo.” Bahagyang tumawa ang binata. “Naniniwala ka pa ba sa ganoong kuwento, Elsie?” Nagkibit-balikat siya. “Depende siguro sa kuwento.” “Anyway, iyon nga, paniwalang-paniwala si Tito Romualdo na may itinagong kayamanan dito ang lolo ko. Loob at labas, ipinahukay. Si Papa naman, komo walang pakialam dito sa villa, hinayaan lang siya. Ni hindi nga siya tumuntong dito. Bata pa ako noon pero naririnig ko nang pinag-uusapan nila iyon ni papa kapag nagpupunta si Tito Romualdo sa bahay. Nag-aaway pa nga sila dahil ayaw raw tumulong ni papa sa paglalabas ng panggastos gayong pareho naman daw silang makikinabang kung makikita ang kayamanan. Sigurista ang papa ko. Gusto niya, sigurado ang paglalagyan ng pera kaya sabi niya kay Tito Romualdo, bahala itong maghanap ng kayamanan at kung may makukuha, hindi na siya makikihati. Mas gusto ni papa na ipuhunan sa negosyo ang perang gagastusin sana sa paghuhukay. Hindi man daw katumbas ng ginto ang makukuha niya, mas sigurado namang may balik na kita.” “Kunsabagay,” komento ni Elisa. “Ano ang nangyari sa tito mo?” “Nabaon sa utang. Hanggang sa namatay dahil sa depresyon, walang natagpuang kayamanan.” Umiling ang binata. “Kawawa naman kaya lang kasalanan din niya. Naniwala siya sa sabi-sabi sa paligid na may kayamanan si Lolo Arturo. Ang katwiran kasi ni Papa, kung may kayamanan, bakit kailangang itago pa? Mahusay humawak ng pera si Papa. Masinop siya. Ipagkakatiwala sa kanya ni Lolo ang anumang ari-ariang mayroon siya.” “Paano kung totoong mayroon palang kayamanan dito sa villa?” kaswal na tanong niya. “Kung makikita ko, eh, di mabuti,” natatawang sagot ni Art. “But I doubt it. Kung si Tito Romualdo nga na halos ipahukay na ang loob at labas nitong bahay ay nabigo, ako pa kaya? Unang-una, hindi naman ako naghahanap. Saka, ilang taon ding napabayaan itong villa. Hindi ko alam kung sinu-sino ang mga pumasok dito dahil kailan lang naman ako nagkainteres na sinupin ang lugar na ito. Kung hindi si Tito Romualdo, malamang ay ibang taong nakialam dito ang nakakita ng kayamanang iyon kung meron man.” “So, hindi ka naniniwala?” Umiling si Art. “Hindi. Galing sa mahirap ang angkan ni Lolo Arturo kaya paano siya magkakaroon ng kayamanan? Imposible.” Napahikab siya. “Sorry,” hinging-paumanhin ni Elisa. “Inaantok ka na,” anito. “Halika, pumanhik na tayo. Buong maghapon bukas, tayo pa rin ang magkausap.” “Tingnan natin kung sino ang unang magsasawa,” sabi niya. Magkatulong nilang iniligpit ang mga pinagkapehan Si Elisa na ang nagkusang maghugas ng mga iyon. Nang matapos ay sabay na silang umakyat sa ikalawang palapag ng bahay. “Goodnight, Art,” sabi niya nang nasa tapat na sila ng silid niya. “Wala bang good-night kiss?” malambing na tanong nito. Tumiyad siya. Sinalubong ng mga labi nito ang kanyang mga labi. Ang inaasahan niyang damping halik ay naging mariin. Lumalim iyon at nagtagal. Ang binata rin ang kusang bumitiw. “Baka makalimot ako,” sabi nito. “Goodnight, Elsie.” “Goodnight,” sabi niya at binuksan na ang pinto. Pero pinigil siya nito. “Art?” “I just want to thank you for being here, Elsie. Mahirap ipaliwanag ang sayang nararamdaman ko ngayong kasama kita rito.” Ngumiti lang siya. “We’ll make the best of each day. Pareho lang naman nating gustong sumaya. Kahit sa sandaling panahon lang.” Tumango ito. “Goodnight again. And lock your door.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD