3

1350 Words
“HUMANDA ka, Elsie,” pukaw ni Bebeth sa kanya. “Marami palang naka-line up na parlor games sina Joel. siguradong mapapasabak ka.” “Bakit, ako lang ba?” mabilis na sagot niya. Ayaw niyang mahalata nito na saglit siyang nawala sa sarili. “Marami pa sigurong iba pero sigurado na hindi ako puwede. Buntis ako, `no,” anito. “Excuse me,” ani Miguel at tumayo. “Hahanapin ko lang si Misis. Mukhang napakuwento nang husto kay Amor. Madalas kasing magkita ang dalawang iyon sa San Esteban.” Gustong masaktan ni Elisa sa narinig. May lambing sa boses ang pagbanggit nito sa asawa. Pero ano ba ang magagawa niya? Ni magselos ay wala siyang karapatan. “Halos taga-San Esteban na nga rin pala si Amor dahil nandoon ang supermarket nina Joel,” komento ni Kiko. “Ngayon ko pa lang makikilala ang asawa ni Miguel,” sabi naman ni Bebeth. “Pare-pareho tayo,” sagot ni Elisa kahit ayaw sana niyang makisali sa usapan. Pakiramdam niya, kailangan niyang gawin iyon para hindi makahalata ang mga kaharap sa tunay niyang nararamdaman. “May anak na ba sila? Noong isang taon pa sila nagpakasal, `di ba?” tanong ni Bebeth. “Nag-file sana ng paternity leave si Miguel kung meron na,” sabi ni Kiko. “Saka puwede bang hindi niya ipagsabi iyon? Siyempre kapag first baby, kulang na lang ipagsigawan sa buong mundo.” “Ganoon ka ba sa first baby mo, Kiko?” tukso niya. Natawa ito. “Medyo.” “May mga kaklase tayong dumating!” excited na sabi ni Bebeth nang makita ang grupong kasama ni Alejo. “Sina Rusty iyan!” natutuwang sabi ni Kiko. Tumayo ito at sinalubong ang mga dumating. “Remember them?” tanong ni Bebeth sa kanya. “Of course,” sagot ni Elisa. “Sila ang mga basagulero sa batch natin. Kumusta na kaya sila ngayon?” “Sana naman hindi na mga basagulero.” PINILI ni Elisa na huwag pumirmi sa iisang mesa. Nang dumating ang iba pang mga kaklase nila ay tumayo rin siya at nakihalubilo. Pero hindi nalingid sa kanya nang ipakilala ni Miguel sa iba nilang kaklase ang asawa nito na si Precy. Maganda si Precy. Negosyante pala ito, may mga paupahang commercial spaces sa San Esteban bukod pa sa dealer ito ng mga phone cards at cell phone. Hindi alam ni Elisa kung biased lang ang opinyon niya pero sa tingin niya, mukhang hindi nagmamahalan ang mag-asawa. Gusto niyang matawa. Aaminin niyang nagngingitngit pa rin ang kalooban niya. Sinubukang ibaling ni Elisa sa iba ang atensiyon dahil ayaw niyang masira ang kanyang gabi, lalong ayaw niyang mas masaktan pa kapag nakikitang proud na proud si Miguel sa pagpapakilala sa asawa. Mas sumaya ang ambience nang dumating sina Joanna Marie at Lemuel kasama si January. Kahit dati nilang kaklase si Lemuel, nagmistulang fans ang iba nilang mga kaklase, nagpa-autograph pa rito ang iba. Nang magsimula ang program, game ang lahat na sumali. Nang marinig niyang tinatawag ang pangalan niya ay mabilis siyang lumapit sa makeshift stage. “Partner kayo ni Miguel,” sabi ni Alejo na kasama ni Amor na nagho-host ng programa. “Mrs. Precy Ybañez, pahiram muna ng mister mo. Ipa-partner ko muna rito kay Elisa.” Tumikhim ito. “Flashback muna tayo nang kaunti, classmates!” Nagtilian ang mga nanonood. “Ano ba ang ginagawa rito nina Amor at Joel? Kami ni Ting? Sina Joanna Marie at Lemuel? At sina Elsie at Miguel?” “Partner-partner kayo!” sigaw ni Bebeth. “Teka muna. Hindi naman mag-asawa sina Elsie at Miguel, ah?” sabi ni Bianca. “Baka magselos ang misis ni Miguel!” sigaw ni Rusty. “Nagseselos ba si Mrs. Ybañez?” tanong ni Alejo kay Precy na agad namang umiling. “Game naman pala, eh,” sabi ni Alejo. “Well, high school love team ang nandito, guys. Obvious naman kina Joanna Marie at Lemuel, `di ba? Sina Joel at Amor, forever na aso’t pusa kaya dapat lang silang nandito. At kami ni Ting, well...” Buong pagmamahal na tinitigan nito ang asawa. “Sabihin na nating gusto lang naming makisali.” “What about Elsie and Miguel?” tanong ni Kiko. “Ako ang sasagot!” pagbo-volunteer ni Bianca. Lumapit ito kay Alejo at hiningi ang mikropono. “Hindi n’yo ba alam, na si Elsie ang first dance ni Miguel? Noong prom night natin noong fourth year tayo, ako pa mismo ang nagyaya kay Miguel na isayaw ako pero tinanggihan ba naman ako?” Kunwari ay na-offend ang ekspresyon nito. “Iyon pala, si Elisa ang hinihintay niyang mabakante. At kung napansin n’yo lang noon, daig pa ni Miguel ang hitsura ng estudyanteng pumasa sa Physics nang pumayag si Elsie na makipagsayaw sa kanya.” Umugong ang tuksuhan sa paligid. “I wonder why...” sabi pa ni Bianca. “They look so perfect together. Ang sweet pa nga nila. Akala ko, ligawan na ang kasunod.” Nagkibit-balikat ito kapagkuwan. “Kunsabagay, marami talagang nangyayari sa buhay ng tao. Anyway, Miguel is married now. Congrats, Miguel. And also to you, Precy.” Bumaling ito sa kanya. “And to you, Elsie, mag-asawa ka na. Huwag ka nang gumaya sa akin na single pa rin.” Nagpalakpakan ang audience, kahit ang karamihan ay nanunukso pa rin. Nailang si Elisa. Kahit nakangiti siya ay hindi niya maintindihan ang nararamdaman. Tiningnan niya ang asawa ni Miguel. Nakangiti rin ito pero nang magtama ang mga tingin nila, pakiramdam niya ay parang nanlisik ang mga mata nito sa kanya. “Okay, ito ang game mechanics,” sabi uli ni Alejo. Simple lang ang laro. Isang oversized na sako ang isusuot ng bawat partners at tatalon papunta sa lugar kung saan mayroong kahon ng mga damit. Kukuha ng damit mula roon at bibihisan ang kapareha nang hindi umaalis sa loob ng sako, pagkatapos ay saka babalik sa starting line. “May premyo ito kaya galingan ng bawat pareha, okay?” sabi ni Alejo. “Five thousand pesos worth of items sa Avenilla supermarket,” anunsiyo ni Amor. “Hati ang partners sa premyo.” Nang simulan ang laro, dalawang pareha lang ang nagtatakbo patungo sa naghihintay na kahon. Hindi sina Ting at Alejo at ganoon din sina Amor at Joel. Mabilis nilang isinuot ni Miguel ang sako at tinungo ang kahon. Hinalungkat nila ang laman niyon at hinanap ang damit na puwedeng magkasya sa bawat isa. Panay naman ang cheer ng mga nanonood. Nadala si Elisa sa laro. Nakalimutan niya ang mga pag-aalinlangan at nangibabaw ang likas na katuwaan sa larong iyon. Game din naman si Miguel. Nakangisi pa ito habang sinusuotan siya ng blouse. Natural na magkabungguan sila ng parte ng katawan, lalo at parang eksakto lang sa kanila ang sako. Nang makapagbihis, patalong bumalik sila sa kanilang linya. “Winner by default, Elsie and Miguel!” deklara ni Alejo. “Winner by default?” nakakunot-noong tanong niya kay Miguel. Saka lang nila nalaman na nag-back out din pala sina Joanna Marie at Lemuel sa last minute ng laro. Tulad nina Amor at Fatima Mae, buntis na rin pala si Joanna Marie. In-award sa kanila ni Miguel ang premyo. Binigyan sila ni Joel ng tig-two thousand five hundred na gift certificate sa supermarket na pag-aari ng pamilya nito. Tuwang-tuwa naman siyang bumalik sa mesa nila ni Bebeth. “Two-five din iyan,” sabi nito sa kanya. “Oo naman.” “Pasalamat ka, wala kang kalaban,” ani Kiko. “Suwerte mo, pulos buntis ang kalaban mo.” “Teka, Elsie, totoo ba iyong sinabi ni Bianca? Iyong prom night chuva?” tanong ni Bebeth. Natawa siya. “Yes.” Namilog ang mga mata nito. “After that, wala na? Hindi ka niligawan ni Miguel?” “No.” Pumalatak si Kiko. “Huwag n’yo nang pag-usapan iyan. Mamaya, magselos pa ang asawa ni Miguel.” “Mukha namang okay lang sa kanya, eh,” katwiran ni Bebeth. “Kahit na. Kung mapikon? Si Elsie ang kawawa. Siya ang magmumukhang tanga.” Sa sinabing iyon ni Kiko ay bumalik ang pagkaasiwang nararamdaman ni Elisa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD