Chapter 4
"Coach, gumising ka na," wika ni Clint sa walang malay na si Chuck. Isinama ko siya dahil gustong-gusto niya makita si Chuck. "Pakakasalan mo pa ang mom ko, hindi ba? Pangarap mo iyon kaya kailangan mong tuparin. Isa pa, magkakababy na kayo ni mom. Swerte ng baby na iyon, ikaw ang naging ama." Ibinulong nito ang huling sinabi pero narinig ko pa rin kaya natigilan ako. Bakit parang naiinggit si Clint sa magiging kapatid niya?
"Clint, don't say such thing. Maswerte ka naman, ah." Tinapik ko ang balikat nito.
Buntong-hininga lang ang isinukli nito saka sinipat ang mga nakakabit na mga tubo sa katawan ni Chuck. Napailing ito at kita ko ang pagkuyom ng mga kamao nito.
"Kailangan magbayad ang taong may gawa nito sa 'yo, coach. Hindi siya pwedeng makatakas sa batas." Dama ko ang galit sa boses nito.
"Clint, gabi na. Kailangan mo ng umuwi. Halika na, naghihintay na si yaya sa labas." Hinawakan ko ang braso nito pero parang wala itong narinig. Nakatayo lang ito sa tabi ng kama ni Chuck. "Clint, huwag na matigas ang ulo. May pasok ka pa bukas." Hinila ko na ito palabas ng kwarto.
"Uwi na tayo, Clint?" Tumayo na si yaya at sinalubong kami. "Ako na po ang bahala sa kaniya, Ma'am Ligaya."
"May mga pulis na bang nag-iimbestiga, mom?"
"Why?" tanong ko dahil parang naging interesado si Clint sa nangyari kay Chuck.
"Magkasama kami ni coach kahapon, mom. Half-day lang ako sa school kaya sinundo niya ako. Pupuntahan ka sana namin."
Nagulat ako sa sinabi nito. Kung magkasama sila ni Chuck, bakit hindi ko siya nakita sa pinangyarihan ng aksidente? Bakit wala siya roon? Tumingin ako sa gawi ni yaya, para itong nagulat at bigla na lang yumuko.
Napailing ako. Base sa kilos nito, may alam si yaya sa nangyari kay Chuck. Tatanungin ko na sana ito pero dumating si Mamita na may kasamang dalawang pulis.
"Hija, sila ang nag-iimbestiga sa nangyaring aksidente," tukoy ni Mamita sa mga pulis matapos maipakilala sa akin.
"So, kumusta na po ang kaso? May lead na po ba kayo kung sino ang may gawa nito kay Chuck?" tanong ko sa dalawang pulis.
"May nakuha kaming CCTV footage malapit sa pinangyarihan ng aksidente," anang isang pulis. "Pero..."
Habang nagsasalita ang pulis ay sinenyasan ko si yaya na iuwi na si Clint. Ramdam ko na kanina pa gustong -gusto ng anak ko na makisali sa usapan, pero pinisil ko ang braso nito para pigilan ang kung anumang nais nitong sabihin. Napakabata pa ng anak ko, ayokong pati siya ay imbestigahan ng mga pulis lalo na't inamin niya sa akin kanina na magkasama sila ni Chuck nang mangyari ang aksidente. May kutob ako na kilala ni Clint ang taong gumawa nito kay Chuck. Sinadyang gawin ito kay Chuck.
"Sa ngayon ay 'yong CCTV footage ang pinag-aaralan namin bilang ebidensiya. Pero hindi namin makita ang mukha ng salarin dahil naka-mask iyon. Pinag-aaralan din namin ang anggulo ng pangho-hold-up o kaya'y k********g dahil ayon sa aming source ay mahigit kalahating oras na sinusundan ng taong naka-motor ang kotse ng biktima. Maari ring away sa babae dahil napag-alaman namin na playboy ang biktima at marami na itong nakaaway nang dahil sa babae."
Napaisip ako sa huling sinabi ng mga pulis. Away-babae? Pero hindi na babaero si Chuck. Nagbago na siya simula nang magkakilala kami. Kaya kong patunayan iyon dahil lagi kaming magkasama nitong huling dalawang buwan. Halos sa akin na nga umiikot ang mundo niya.
Nahulog ako sa malalim na pag-iisip at hindi ko na namalayan na nakaalis na pala ang mga pulis. Matapos silipin si Chuck ay pinaupo ako ni Mamita sa sopa. Nakatingin ito sa akin at tila inaanalisa nito ang kilos ko dahil kanina pa ako walang imik.
"Hija," wika ni Mamita saka inayos ang ilang hibla ng aking buhok na nakatabing sa mukha ko. "Ayos ka lang ba? Kanina ka pa walang imik. Ipapahatid kita sa driver, kaya ko naman bantayan si Chuck. Para makapagpahinga ka na rin."
"Dito lang po ako, Mamita. Hindi rin naman ako mapapakali kung uuwi ako. Gusto kong ako ang una niyang makita paggising niya." Sabay kaming tumingin sa gawi ni Chuck.
"Salamat, hija. Sa pagmamahal mo sa kaniya. Akala ko noon walang babaing magmamahal sa aking apo."
Napangiti ako. "Hindi ko rin inakala na mamahalin ko ang isang kagaya niya. I'm sorry, Mamita kung itinago ko sa 'yo ang tungkol sa amin ni Chuck. Actually, wala po talaga akong plano na ipaalam sa inyo kasi ang akala ko mawawala rin ang nararamdaman ni Chuck sa akin. I mean, playboy po ang apo ninyo at kadalasan sa mga kagaya niya ay madaling mawala ang feelings sa isang babae kung mayroon man. Noong una lagi ko siyang pinagtataguan dahil wala po talaga akong balak palawigin pa ang pagkakakilala namin. Ayokong ma-attach sa isang kagaya niya. Kilala n'yo naman po ako, Mamita, wala akong balak makipagrelasyon kaya nilalayuan ko ang bawat lalaking lumalapit sa akin." Tumango lang si Mamita. "Pero makulit po talaga si Chuck. Ilang beses ko na rin siyang ipinagtabuyan, pero sa tuwing ginagawa ko iyon ay lalo pa siyang nagpupursigi na mapalapit sa akin."
Napangiti ito. "Nitong mga huling buwan ko lang napansin na nagseseryoso ang aking apo sa babae at masaya ako na ikaw ang babaing kinababaliwan niya." Ramdam ko ang pag-init ng aking pisngi dahil sa narinig. Kinababaliwan nga ba talaga ako ni Chuck? "Kailan nga kayo nagkakilala ni Chuck?"
"Noong gabi ng graduation niya. Sa bar yata sila nag-celebrate ng mga kaibigan niya."
"Wait," wika ni Mamita at tila may iniisip. "'Yong totoo, hija, ikaw ba ang babaing pinag-aawayan nina Chuck at Zid?" Napatango ako at nagulat ako nang bigla na lang akong niyakap ni Mamita. "Diyos ko, EJ. Ibig sabihin ikaw 'yong babae na..." Kandautal ito sa pagsasalita.
"Ako po 'yong babaing pinainom ng droga ni Zid."
"Diyos ko! So, ibig sabihin hindi nagsisinungaling ang apo ko."
"Totoo po ang mga sinabi ni Chuck. Inutusan ni Zid 'yong mga kaibigan niyang babae na ipainom sa akin ang alak na may halong droga. Kung hindi naging alerto si Chuck..." Napaiyak ako nang maalala ang pangyayaring iyon sa bar. "Kung hindi..." Hinayaan naman ako ni Mamita na umiyak, hinaplos nito ang likod ko kaya medyo gumaan ang pakiramdam ko. "Mabuti na lang at sinundan ako ni Chuck nang lumabas ako ng bar." Muli akong tumingin sa gawi ni Chuck habang kinukwento ang nangyari. "Sa condo ako nagpalipas ng gabi, Mamita at nagpunta roon si Zid kasama ang mga kaibigan niya para hanapin ako. Dinig na dinig ko ang mga sinabi ni Zid, Mamita. Napakasama niya kaya hindi na ako magtataka kung hindi sila magkakasundo ni Chuck."
"Diyos ko!" mahinang sambit nito. "Nagkamali ako. Hindi ko pinakinggan ang aking apo. Hindi na ako magtataka kung sasama ang loob niya sa akin."
"Hayaan n'yo na po 'yon, Mamita. Mabait po ang apo n'yo at nakatitiyak akong wala na 'yon sa kaniya."
"Bakit hindi ka nag-file ng kaso laban kay Zid?" Tumingin ito sa akin at kita ko ang pag-aalala sa mukha nito.
"Sinabi rin po 'yan sa akin ni Chuck. Pero para saan pa? Kung gagawin ko 'yon, tiyak madadamay ang pangalan ni Chuck at ayokong mangyari 'yon. Isa pa, Mamita ayokong pagpiyestahan ng media."
"Ang akala ko mabait ang batang iyon. Kaibigan ko ang lola niya at hindi ko akalain na magagawa niya iyon."
Hindi ko maiwasang itanong sa aking sarili kung si Zid ang may pakana kaya naaksidente si Chuck. Malaki ang galit nito sa apo ni Mamita. At sa ugali ni Zid, alam kong gagawin nito ang lahat makuha lang ang gusto.
Natigil ang pag-uusap namin ni Mamita nang may pumasok na nurse para tingnan si Chuck. Nagbigay-galang ito sa amin saka kinuhanan ng blood pressure si Chuck. Napahikab ako habang nakamasid sa mga pinaggagawa ng nurse.
Napangiti naman si Mamita. "Matulog ka muna, hija. Hatinggabi na. Masama sa 'yo ang magpuyat." Hinawakan nito ang tiyan ko. "Gusto ko maging malusog ang magiging apo ko pati ikaw, hija."
"Mamaya na lang, Mamita. Baka magising na si Chuck."
Ipinagpatuloy namin ni Mamita ang pag-uusap nang lumabas na ang nurse. Ayoko ng maglihim pa, kaya lahat ng tungkol sa amin ni Chuck ay sinabi ko sa kaniya. Parang nawala ang bigat sa aking dibdib matapos isiwalat ang lahat-lahat. Ganito pala ang pakiramdam kapag wala kang itinatago.
Humikab na naman ako kaya pinilit ako ni Mamita na humiga sa sopa. Hinaplos nito ang buhok ko dahilan para lalo akong antukin.
Nagising ako nang marinig ko ang boses ng doktor na tumitingin kay Chuck. Napalingon ako sa gawi nito pero tanging likod ng ilang nurse ang aking nakikita. Babangon na sana ako pero pinigilan ako ni Mamita.
"Dahan-dahan, EJ."
"Ano pong nangyayari, Mamita?" tanong ko. Natatakot akong maulit ang nangyari kahapon. Ganitong-ganito ang nangyari kahapon, nakapalibot ang mga doktor at nurse habang nire-revive si Chuck.
Tumayo ako para lumapit kay Chuck pero pinigilan ako ni Mamita. Niyapos ako nito at isang impit na pag-iyak ang narinig ko mula sa kaniya.
"Huwag naman sana," usal ni Mamita.
Napaiyak na rin ako habang nakatingin sa ginagawa ng mga doktor. Lihim akong nagdadasal na sana maging maayos si Chuck. Hindi ko kayang mawala siya. Hindi pwede lalo na ngayon na magiging ama na siya.
Mayamaya ay nilapitan kami ng doktor. Pormal na pormal ang mukha nito. Pansin ko rin ang pagkunot ng noo nito.
"I'm sorry, Mrs. Sayes, Mrs. Faulker, pangalawang beses na itong nangyari sa pasyente. Ang akala namin tuloy-tuloy na ang kaniyang paggaling pero bigla na lang bumaba ang blood pressure niya. Kapag hindi pa siya naggising sa takdang oras, maaaring ma-comatose ang pasyente," mahabang paliwanag ng doktor na ikinagimbal ko.
Comatose? Hindi pwedeng ma- comatose si Chuck. Hindi pwede.
Nilapitan ko si Chuck habang ipinapaliwanag ng doktor kay Mamita ang kalagayan ng sariling apo. Panay na naman ang tulo ng mga luha ko habang pinagmamasdan si Chuck. Ginagap ko ang kamay nito saka pinisil.
"Chuck," wika ko saka hinaplos ang noo nito. "Lumaban ka. Lumaban ka para sa amin ni baby. Hindi ko kayang mawala ka. Mahal na mahal kita." Hinalikan ko ang kamay nito.
"Hija." Hinaplos ni Mamita ang likod ko. "Doon na muna tayo sa labas. Hayaan na muna natin si Chuck na makapagpahinga."
Sa maliit na chapel ng ospital kami tumuloy ni Mamita. Lumuhod kami roon at taimtim na nanalangin para sa tuluyang paggaling ni Chuck. Pinilit kong magpakatatag kahit nakakaramdam na naman ako ng pagkahilo.
"EJ hija," wika ni Mamita matapos kaming magdasal sa Santo Niño na naroon. "Gusto kong ipukos mo ang iyong oras sa ipinagbubuntis mo. Mas makabubuti kung sa bahay ka na muna. Mas mapapanatag ang loob ko na maalagaan mong maigi ang sarili mo. Ayokong nag-aalala ka sa kalagayan ni Chuck. Ako na ang bahala sa aking apo."
"Mamita, hindi pwede," naiiling kong sagot. "Mas gusto kong narito ako sa tabi ni Chuck. Mahal na mahal ko ang apo n'yo, Mamita. Hindi ako mapapalagay kung nasa bahay ako at hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa kaniya."
"Ang akin lang naman, hija, ay ayokong nag-aalala ka dahil makakasama iyan sa batang ipinagbubuntis mo. Buntis ka, hija at ayokong nag-iisip ka ng kung anu-ano. Dapat hindi ka namomroblema, dapat magagandang bagay ang nakikita mo, mga bagay na positibo."
"Hindi ko kailangan ng mga magagandang bagay, Mamita. Makita ko lang si Chuck, sapat na sa akin 'yon. Gusto kong nasa tabi niya ako lalo na sa kalagayan niya ngayon. Ayoko siyang iwan, Mamita, dahil hindi niya ako iniwan noong mga panahong kailangan ko ng karamay. Palagi siyang nasa tabi ko at gusto kong ibalik sa kaniya ang mga kabutihang ginawa niya sa akin, sa amin ni Clint." Pinunasan ko ang mga luha sa aking pisngi. "Kaya huwag mong hilingin sa akin, Mamita na manatili sa bahay dahil hindi ko iyon magagawa."
"Ikaw lang naman ang inaalala ko, hija. Pero sige, kung ano ang gusto mo, iyon ang masusunod. Pakiusap ko lang sa 'yo, hija, alagaan mo ang sarili mo pati na rin ang magiging apo ko." Hinaplos na naman nito ang tiyan ko. Lihim akong napangiti, hindi pa man lumalaki ang tiyan ko parang excited na si Mamita.
"Opo, Mamita. Makakaasa po kayo."
Nilisan namin ang chapel at bumalik sa kuwarto ni Chuck, pero sa labas pa lang niyon ay namataan na namin ang ilang kaibigan namin ni Chuck. Kausap ng mga ito ang doktor at gayon na lang gulat ng mga ito nang makita kami. Seryoso ang mukha ng doktor at tila namumutla ito kaya kinutuban ako, lalo na nang hilingin nito na makausap si Mamita nang sarilinan. At bunga ng aking kuryusidad, ay pinilit kong makinig sa pag-uusap nila. May karapatan din naman akong malaman ang sasabihin ng doktor kaya hindi nila ako pwedeng i-ichapwera.
"Mrs. Sayes." dinig ko ang mahinang boses ng doktor. "Buntis ang asawa ng apo n'yo kaya minabuti ko na sa inyo na lang sabihin ito. I'm so sorry, pero comatose po ang pasyente..."
Comatose si Chuck? Naitakip ko ang aking kamay sa nakaawang kong labi. Hindi ito pwedeng mangyari. Hindi pwede...
Tumulo na naman ang aking mga luha kasabay ng tila pag-ikot ng aking paningin. Bigla-bigla ay parang gumaan ang aking pakiramdam at waring nakalutang ako sa walang hanggang karimlan.