Galit na galit si Vanessa habang umaakyat sa hagdan papunta sa kwarto ng ina. Kanina lang, mula sa bintana, malinaw niyang nakita kung paano lumapit si Adrian, ang gwapo at mayamang kaklase niya kay Helen sa likod-bahay. At kahit wala siyang narinig na malinaw, sapat na iyon para kumulo ang dugo niya sa kanyang nakita.
Pagkapasok sa kwarto, nadatnan niyang nakaupo ang ina sa kama, abala sa pag-aayos ng buhok sa harap ng salamin.
“Ma!” bungad ni Vanessa, may halong drama sa boses.
Napalingon ang ina. “Oh, bakit? Ano na naman ’yan?”
“Si Helen, Ma…” pinipigil ang ngisi ngunit puno ng galit ang mga mata. “Nakikipaglandian sa classmate ko. Inaakit si Adrian.”
Nanlaki ang mga mata ni Tita Juana. “Ano?” Tumayo agad ito at humarap sa anak. “Sigurado ka ba diyan, Vanessa?”
“Oo, Ma. Nakita ko mismo. Lumapit si Adrian habang naglalaba siya. Kunwari pa ’yung mahinhin, pero halata namang pinapalapit niya. Malandi talaga ang Helen na yan. Akala siguro ay magagamit niya si Adrian para makaalis dito.”
Hindi na nag-aksaya ng oras si Tita Juana. Bumaba ito kasama si Vanessa, at malalakas ang yabag nito papunta sa likod-bahay.
Pagdating nila roon, nadatnan nila si Helen, nakayuko habang pinipiga ang mga damit sa batya. Hindi pa nakakapagpaliwanag si Helen nang biglang isang malakas na sampal ang dumapo sa kanyang pisngi. Napatingala ito, gulat at nanginginig.
“Wala ka talagang hiya, Helen!” sigaw ni Tita Juana, halos mabaliw sa galit. “Pinatira ka na nga dito, binigyan ng tirahan at pagkain, ganyan pa ang igaganti mo? Inaakit mo ang mga kaibigan ng anak ko?!”
“Tita, hindi po—” nagsimulang magsalita si Helen, ngunit isang matalim na tingin mula sa tiyahin ang pumigil sa kanya.
“Tumahimik ka! Ang mga tulad ni Adrian ay para sa mayayaman lang! Hindi para sa katulad mong nagkukuskos ng kubeta at naglalaba para lang may makain at matirhan!” madiing wika ni Tita Juana, bawat salita ay parang kutsilyong tumatarak sa puso ni Helen.
Nakamasid si Vanessa sa gilid na tila ba nanonood ng isang palabas. Napapangiti siya sa kanyang nakikita.
“Wala po akong ginagawa Tita Juana. Siya po ang lumapit dito.”
“At sa tingin mo maniniwala ako sayo? Umayos ka Helen, kung ayaw mong kalbuhin kita!” sigaw niya pang nanginginig sa galit. “Bilisan mo yang paglalaba mo at magluluto ka pa! Ang Kupad-kupad mo!” singhal niyang itinulak ito at mabilis na pumasok sa bahay.
Habang mahimbing na natutulog si Helen sa malamig at matigas na sahig sa bandang sala, bigla siyang nagising dahil sa malalakas na sigawan mula sa kabilang silid. Madilim pa ang paligid; tanging liwanag mula sa isang maliit na bombilya sa kusina ang nagbibigay ng mahina at kumikislap-kislap na ilaw.
Hindi na bago kay Helen ang ganitong eksena, maraming beses na niyang narinig ang pagtatalo ng kanyang Tita Juana at ng asawa nito. Pero ngayong gabi iba ang kanyang naririnig.
“Ikaw talaga, Juana! Puro ka reklamo, pero kung hindi dahil sa negosyo ko, wala tayong makakain dito!” malakas na sigaw ng kanyang tiyuhin, halatang galit na galit.
“Negosyo? Negosyo ba ang tawag mo diyan, ha?! Droga ’yan! Hindi mo ba naiintindihan?!” sagot naman ni Tita Juana, halos mabasag na ang boses sa sobrang inis. “Kaya tayo nalulubog sa utang! Ilang beses na tayong tinakbuhan ng mga pinagkakautangan mo!”
Napapikit si Helen at dahan-dahang ipinatong ang kanyang manipis na kumot sa tainga, pilit na ayaw marinig ang gulo. Pero kahit anong takip niya, malinaw pa rin ang bawat salita na naririnig niya.
“Huwag mo akong sisihin! Kung marunong ka lang mag-budget sa pera, hindi tayo aabot sa ganito!” balik sigaw ng tiyuhin, sabay hampas ng kung anong bagay sa mesa. Ramdam ni Helen ang panginginig ng sahig sa lakas ng pagbagsak.
“Budget? Eh halos wala na ngang natitira sa pera natin! Lahat napupunta sa bisyo mo! Kung hindi ka titigil, baka pati mga bata madamay sa kalokohan mo!” sigaw muli ni Tita Juana, at sa tono nito ay halatang puno na ng takot at galit.
Nakaramdam si Helen ng kaba sa dibdib. Hindi niya alam kung saan hahantong ang usapan, pero ramdam niya ang lalim ng problema ng dalawa. Naiintindihan na niya ang pinag-uusapan nila ay hindi basta away mag-asawa, kundi tungkol sa isang bagay na delikado, isang bagay na posibleng magpahamak sa kanila lahat.
Napakagat-labi si Helen, pinipigilang umiyak. Sa isip niya: Kung pwede lang akong umalis dito… pero saan ako pupunta?
Sa kabila ng patuloy na sigawan sa silid, unti-unting dumaloy ang luha sa gilid ng kanyang pisngi. Pinilit niyang ipikit muli ang kanyang mga mata, umaasang sa kanyang pagtulog, kahit panandalian lang, ay makakatakas siya sa ingay at sa bigat ng buhay na kanyang ginagalawan.
******************
Mula nang maganap ang dalawang insidente ay naging mailap na siya…Pakiramdam ni Helen ay para siyang nakakulong sa isang bahay na hindi na ligtas para sa kanya. Binabalot na siya ng takot palagi. Una, ang marahas na paghawak sa kanya ng tiyuhin habang siya ay walang kamalay-malay na nagtitimpla lamang ng kape. At sumunod, ang kahalayang ginawa ni Marco nang silipan siya sa banyo. Si Marco ang panganay ng anak ng kanyang Tiyahin... Dalawang magkaibang pagkakataon, ngunit parehong nag-iwan sa kanya ng takot at pandidiri at pareho pang nangyari sa loob ng iisang bubong.
Isang hapon, hindi na niya kinaya ang bigat sa dibdib. Lumapit siya kay Tita Juana, umaasang makakahanap ng kakampi at proteksyon. Nakaupo ito sa sala, abala sa pagamit ng cellphone, habang nakakunot ang noo.
“Tita…” mahina ngunit nanginginig ang boses ni Helen, “kailangan ko pong magsabi sa inyo ng totoo. Si Tito po kasi, binastos niya ako, Hinipuan niya ako. Tapos po si Marco, binosohan niya ako habang naliligo.”
Tumaas ang kilay ni Tita Juana, ibinaba ang hawak na cellphone, at tumingin sa kanya nang diretso. “Ano’ng sinasabi mo, Helen? Alam mo bang mabibigat ang mga paratang mo?”
“Hindi po ako nagsisinungaling,” halos pakiusap na ang tono ni Helen. “Natakot po ako kaya hindi agad ako nagsabi pero natatakot po ako na baka ulitin nila ulit.”
Ngunit sa halip na unawain siya, sumiklab ang galit sa mukha ni Tita Juana. Tumayo ito, dinuro siya, at mariing nagsalita. “Tigilan mo ang mga kasinungalingan mo! Kilala ko ang asawa ko at anak ko! Wala silang magagawang ganyan! Sinungaling ka! Tulad ka rin ng Nanay mong malandi!”
Napatigil si Helen, parang binuhusan ng malamig na tubig. “Tita… bakit naman po ako mag-iimbento ng ganito?”
“Dahil gusto mong siraan ang pamilya ko!” matalim ang tinig ni Tita Juana. “Siguro dahil hindi ka sanay sa hirap, kaya gumagawa ka ng drama para palabasin na inaapi ka dito. Anong gusto mo, mag buhay reyna sa bahay ko? Ang kapal naman yata ng mukha mo.”
Ramdam ni Helen ang panginginig ng tuhod niya. Ang galit at sakit ay nagsama-sama sa dibdib niya ngunit pinilit niyang hindi lumuha sa harap ng tiyahin. Alam niyang wala na siyang aasahan dito.
“Maniwala ka naman Tita. Hindi ako nagsisinungaling.”
“At sa tingin mo maniniwala ako sayo?” sigaw pa ng tiyahing niya sa kanya. Nabigla pa siya ng abutin nito ang monoblock chair at tinapon sa kanya. Hindi niya iyon napaghandaan kaya tumama sa kanyang tuhod. Napangiwi na lamang siya sa sakit na kanyang nadarama.