Alumpihit si Greta habang naghihintay sa pagbabalik ni Sebastian, hindi niya mawari ngunit parang binubundol ang dibdib niya sa matinding kaba. Naulinigan niya kanina ang paghahanda ng makakain nila Yaya Lumeng dahil mayroon daw silang bisitang darating. Wala siyang alam kung sino iyon kaya lalo siyang kinakabahan. Hindi rin niya makontak si Sebastian dahil naka-off ang cellphone nito. Si Stefano naman ay hindi sumasagot sa tawag niya. "What should I do?" kabadong usal ng dalaga sa sarili. Nakailang lakad siya ng paroo't-parito sa kakaisip ng mga bagay na pwedeng mangyari. "I need to do something!" aniya. Nagpasya ang dalagang usisain si Lumeng dahil baka may alam ito. Hinanap niya ang matanda at natagpuan niya ito sa garden kung saan inaayos ang ilang bagong pitas na bulaklak ng rosas a

