Fractures Beneath the Crown (Kairo’s POV)

920 Words
“Huwag kang aalis,” ulit ko, mababa ang boses, parang mas para sa sarili ko kaysa para sa kanya. Huminto si Yanna sa may pinto. Hindi siya lumingon agad. Ramdam ko ang bigat ng pagitan naming dalawa...parang isang maling hinga lang, babagsak ang lahat. “Bakit?” tanong niya, tahimik pero matalim. “Para marinig ko pa ang mga bagay na dapat hindi ko nalaman?” Lumunok ako. Ang daming pader na itinayo ko sa buong buhay ko...pera, pangalan, kapangyarihan...pero sa gabing ’to, parang papel lang silang lahat. Isang maling salita ko lang, at gumuho. “Kung lalabas ka ngayon,” sabi ko, pilit na kalmado, “hindi ko alam kung maibabalik ko pa ’tong pader na ’to.” Doon siya lumingon. At sa titig niya, wala akong nakita ni kaunti mang awa. May pagtataka, may sakit...pero higit sa lahat, may katotohanan. Isang bagay na matagal ko nang iniiwasan. “Hindi ko naman hinihiling na ibalik mo,” sagot niya. “Hindi ko rin hinihiling na sirain mo.” Napangiti ako, mapait. “Ganyan talaga ’yon, Yanna. Walang gitna. Kapag nasilip mo ang loob, either tatakbo ka… o mananatili ka hanggang masaktan ka.” “Hindi mo pwedeng desisyunan ’yon para sa akin,” mariin niyang sagot. Tumalikod ako. Hindi ko kayang makita ang mukha niya habang ginagawa ko ang susunod na hakbang...ang pagbabalik ng maskara. “Isang kahinaan lang ang nangyari,” sabi ko, mas malamig na ang tono. “Pagod. Galit. Lasing sa sarili kong anino.” “Nagsisinungaling ka,” mabilis niyang balik. Napailing ako. “Hindi. Nilalagay ko lang sa tamang kahon ang mga bagay.” “Parang kontrata?” tanong niya. “Parang tayong dalawa?” Tumama ’yon. Direkta. Walang paligoy. “Ganito gumagana ang mundo ko,” sagot ko. “Lahat may presyo. Lahat may kapalit. Kahit katotohanan.” “Pati ako?” halos pabulong niyang tanong. Humigpit ang panga ko. “Lalo ka.” Tahimik ang paligid. Tanging t***k ng dibdib ko ang naririnig ko...mabilis, galit, takot. Hindi sa kanya. Sa sarili ko. Lumapit ako sa bar, kumuha ng baso, pero hindi ko ininom. Nakatingin lang ako sa repleksyon ko sa salamin...isang lalaking sanay manalo, pero walang ideya kung paano humawak ng isang bagay na hindi niya kayang kontrolin. “Ang tatay ko,” bigla kong sambit, parang pinutol ko ang hangin. “Hindi siya tapos.” Hindi siya nagsalita. Alam kong nakikinig siya...iyon ang mas delikado. “May mga taong tinanggal. May mga dokumentong nawala. May mga buhay na binayaran para manatiling tahimik.” Napangisi ako. “At ngayon, may bago na naman siyang leverage.” “Anong ibig mong sabihin?” tanong niya. Huminga ako nang malalim. Ito na ’yon. Ang bahagi na hindi ko kailanman ibinabahagi...kahit kanino. “Alam niya ang tungkol sa ’yo,” sabi ko. “Hindi lang bilang bahagi ng kontrata. Bilang… kahinaan ko.” Nanigas siya. “Ano’ng gagawin niya?” “Depende,” sagot ko. “Kung gaano kita pahihirapan.” Lumapit siya nang isang hakbang. “Kairo, hindi ako bagay na pwedeng gamitin laban sa ’yo.” “Sa mundo ko,” mariin kong sagot, “lahat ay pwedeng gawing sandata.” Doon ko nakita ang galit sa mata niya. Hindi hysterical. Hindi dramatiko. Isang malamig na apoy. “Kaya mo ba akong ikulong sa ginto para lang matahimik ang konsensya mo?” tanong niya. “Tataasan ang security, babawasan ang galaw ko, aayusin ang narrative....ahat sa ngalan ng ‘proteksyon’?” “Para sa kaligtasan mo,” sagot ko agad. Umiling siya. “Hindi mo ako nililigtas. Kinukulong mo ako.” Parang may tumama sa dibdib ko. Hindi suntok...kutsilyo. Eksakto sa lugar na pinakaiingatan ko. Lumapit siya pa. Napakalapit na. Ramdam ko ang init ng hininga niya. Isang hakbang na lang, pwede ko na siyang hawakan....o itulak palayo habambuhay. “Kung ganito ka magmahal,” sabi niya, mahina pero matatag, “nakakatakot ka.” Sumagot ang katawan ko bago ang isip. “Kung mawawala ka...” Huminto ako. Kinagat ang dila. Hindi ko pwedeng tapusin ang pangungusap na ’yon. “Sabihin mo,” hamon niya. Tumalikod ako ulit. “Wala kang maririnig.” Tahimik siyang tumawa...hindi masaya. “Ayan na naman. Ang maskara.” Isinuot ko nga. Buo. Matibay. Nakasanayan. “May mga patakaran,” malamig kong sabi. “Susundin mo sila. Lalo na ngayon.” “Dahil natatakot ka,” sagot niya. “Dahil responsable ako,” balik ko. “Hindi,” mariin niyang sagot. “Dahil nasasaktan ka.” Tumama ulit. Pero hindi ako umatras. Hindi ko kaya. Kapag umatras ako ngayon, wala nang babalikan. “Kailangan mong matutong manatili sa linya,” sabi ko, pormal, parang CEO sa boardroom. “Kung gusto mong manatili sa mundong ’to.” “Hindi ako sigurado kung gusto ko,” sagot niya. At doon, sa simpleng linyang ’yon, parang gumuho ang sahig sa ilalim ko. Lumakad ako palayo, patungo sa bintana. Kita ang ilaw ng lungsod...lahat ng bagay na pinaghirapan kong sakupin. Pero sa unang pagkakataon, parang kulungan ang lahat. “Pwede ka nang umalis,” sabi ko, hindi lumilingon. Tahimik ang mga hakbang niya papunta sa pinto. Bawat isa, parang martilyong bumabagsak sa ulo ko. Bago siya tuluyang lumabas, nagsalita siya. “Kairo,” sabi niya, may kakaibang lambot na mas masakit pa kaysa galit, “hindi ka halimaw… pero hindi ka rin ligtas mahalin.” At nagsara ang pinto sa likod niya. “Kung sakaling magbago ang isip mo,” bulong ko sa katahimikan, “huwag mong gawing kasalanan ko.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD