CHAPTER 06
Krisha Fyel Reyes
Alam n’yo ba ‘yung pakiramdam na ayos at masaya ka naman kahapon at noong nakaraang araw. Tapos bigla ka na lang babagsakan ng isang napakabigat na problema? Ganito ‘yon, eh. Ito ‘yon ngayon.
‘Yin hindi mo alam ang gagawin, wala kang matanggap sa sestima mo. ‘Yung pakiramdam na parang kataposan na ng lahat para sa ‘yo.
Para akong tinatanggalan ng kaluluwa sa katawan habang tinitingnan ang maliit na bagay sa kamay ko. Dalawang kulay pula na linya.
Positive.
Hindi ako makagalaw, tanging pagkurap lang ng mata at ilang beses na buntonghininga ang nagagawa ko. Bumibigat ang dibdib at ang paghinga ko. Tila tumigil sa pag-inog ang mundo ko.
“Ano?” nag-angat ako ng tingin nang marinig ang malamig na boses ni Lola. Gaya ko ay hindi makitaan ng expression ang mukha niya. Malamang!
Isang malalim na buntonghininga pa ulit ang ginawa ko bago itinapon ang hawak na pregnancy test sa kamay ko. “P-positive.” Sabay iwas ko ng tingin. Nanginig ang kamay ko kaya itinago ko ito sa ‘king likuran.
Naalog yata ang utak ko nang isang tumatagingting na sampal ang natanggap ko mula sa kanya. Masakit. Pero namamanhid ang buong katawan ko at wala akong maramdaman. Walang pumapasok na kung ano sa utak ko. Parang wala akong maintindihan. Pakiramdam ko ako ang pinakabobo na tao sa mundo ngayon.
“Nababaliw ka na ba, Krisha! P-paano mo n-nagawa sa ‘kin ‘to? B-bakit! Buntis ka!” Hindi ko tiningnan ang galit na galit kong Lola. Nanatiling nakapaling ang mahapdi kong mukha galing sa pagkakasampal niya. Naramdaman ko na lang ang sunod-sunod na pagtulo ng mga maiinit luha ko. I felt like an empty and hollow sheet right now.
Hinawakan niya ‘ko sa magkabilang braso at niyugyog na para bang may makukuha siyang kung ano sa ‘kin. Sumisigaw na siya at umiiyak. “Krisha!”
Binitiwan niya ‘ko at sunod-sunod na pinaghahampas sa kung saan tatama ang mabibigat niyang mga kamay. “N-nakakahiya ka! Ano na ang gagawin mo niyan ngayon? Desi sais ka pa lang Krisha! P-paano mo nagawa sa ‘kin ‘to! Paano mo nagawa ‘to sa sarili mo?” umiiyak niyang ani. Inalog niya ulit ako ngunit nanatili lang akong tahimik na umiiyak.
Wala. Walang pumapasok sa isip ko. Ako, b-buntis? Buntis ako?
“Hirap na nga ‘ko sa ‘yo tapos dadagdagan mo pa ‘ko ng isa! Ano’ng ipapakain mo r’yan! Anong isusustinto mo, eh kahit High School hindi ka pa tapos! Grade Ten ka pa lang! Krisha paano mo nagawa sa ‘kin ‘to!” Isang sampal pa ulit ang dumapo sa pisngi ko.
“Ang landi mo! Ang ama ng bata nasaan? Iharap mo sa ‘kin ang lalaking ‘yon!” Umangat ang tingin ko kay Lola. Basang-basa ang mukha niya at nanginginig ang buong katawan ngunit mas una kong naisip si Glen.
D-dapat malaman ‘to ni Glen! Kaming dalawa ang dapat managot dito. Hindi lang ako dapat. Kailangan niyang malaman ‘to.
“Nasaan ang ama ng bata Krisha! Magbihis ka at haharapin natin ang mga magulang ng lalaking ‘yan.” Sunod-sunod ang ginawa kong pag-iling kay Lola. Pinunasan ko ang mukhang basang-basa ng luhang ayaw tumigil sa pagtulo. Natauhan lang yata ako dahil sa sinabi ni Lola.
“P-upuntahan ko si, Glen. Kakausapin ko siya. Sasabihin ko ang tungkol sa. . . ang tungkol dito.” Pinanlakihan niya ‘ko ng mata. Mahapdi na ang mga mata ko at mas lalo akong nahirapan sa paghinga. Pakiramdam ko ay mababaliw ako.
“Sasama ako! Hindi pwedeng ikaw lang mag-isa Krisha. Dalian mo r’yan, magbihis ka na! Pupuntahan natin ang lalaking ‘yon!”
“Hindi na, La! Ako lang ang pupunta sa kanya. Hindi mo na kailangan sumama.” Yumuko ako at napatingin sa mga naglalaro kong kamay, tila ba may sarili itong utak.
“Nababaliw ka na ba talaga!” sigaw niya ulit, ‘yon na yata ang pinakamalakas niyang sigaw. Sigurado akong pinapakinggan na kami ng mga kapitbahay naming chismosa ang agahan. Naisip kong pinapahinaan na nila ang volume ng mga TV at radyo nila para makinig sa ‘min.
Argh! Nababaliw na nga yata ako at inuuna ko pa silang isipin.
“Krisha!” Nanggigigil niyang hinawakan ang balikat ko. “Umayos ka! Pupuntahan natin ang lalaking ‘yon! Kakausapin natin ang mga magulang niya. Hindi pwedeng. . . hindi pwedeng hindi ka niya panagotan!” Sa galit ay pumiyok ang kanyang huling salita. Nakakatakot si Lola, ngayon ko lang yata siya nakita na ganito ka galit sa ‘kin, pero walang puwang ang sindak sa ‘kin gayong may iba akong kinakaharap ngayon.
Paulit-ulit na iling ang naging sagot ko sa kanya. Tinanggal ko ang hawak niya sa braso ko at isang beses na humakbang paatras. Muli akong umiling at nagtungo sa sala. Doon ako umupo dahil nanghihina na ang tuhod ko. Agad namang sumunod sa ‘kin si Lola.
“Krisha! Magbihis ka at pupuntahan natin ang lalaking—” Ulit niya pero pinutol ko na. Buo na ang desisyon ko sa gagawin ngayon.
“Hindi ako tatayo rito kung ipipilit mo ang gusto mo! Ako ang kakausap kay Glen,” matigas kong ani. Kinuyom ko ang kamao, taas baba ang dibdib ko sa bigat ng aking bawat paghinga.
“Krisha Fyel!” Halos masira ang buong bahay sa lakas ng sigaw niya. Sinamaan niya ‘ko ng tingin kaya umiwas ako at yumuko. Hindi ko rin alam paano ko sasabihin sa kanya pero alam kong dapat!
Bahala na kung ano’ng maging reaction niya. Bahala na kung matuwa siya o hindi basta sasabihin ko sa kanya!
“Lola, hayaan mo muna ako rito please?” nangungusap kong ani. Pagod ang mga mata na pinasadahan ko siya ng tingin. May luha sa kanyang pisngi, alam kong pagod na pagod na siya sa ‘kin but I can’t pull myself right now. Hindi ko rin alam ano ang gagawin, nalilito ako at natatakot para sa mangyayari sa ‘kin.
”Hayaan?” Galit at puno ng paghihinagpis ang kanyang boses.
“Lola, please.” Pinalis ko ang luha dahil sunod-sunod na naman ang pagtulo ng mga ito. Walang kataposan ang mga luha ko, wala yata itong plano na tumigil sa pag-iyak.
I hate crying because it makes me weak, but right now. . . all I can do was to cry non-stop.