"Bakit hindi ko siya matawagan?" tanong ni Diva sa sarili niya. Ang sabi ng lalaking 'yon lagi siya nitong tatawagan pagdating nito sa Maynila. Kahapon pa siya nag-aalala dahil kahapon niya pa ito hindi makontak. Lagi na lang gano'n ang sistema ni Brent! Hiniram din nito ang cellphone niya. Ang sabi nito may titingnan lang ito sandali pero hindi na nito ibinalik iyon sa kaniya hanggang sa nakalimutan na niyang kunin dito. Ngayon tuloy ay nakikigamit siya kay Roberta. "Umupo ka nga lang! Kanina pa ako nahihilo sa 'yo, eh!" sita sa kaniya ni Roberta. Naghihimay kasi ito ng gulay habang siya ay palakad-lakad sa harapan nito. "Hindi ko kasi makontak si Brent, eh. Kanina ko pa siya tinatawagan pero hindi ko siya makontak!” naiinis niyang pahayag kay Roberta. "Kahapon din ganoon din!"

