Chapter 9

3352 Words
Tila wala nang ibang marinig si Ashleigh nang mga sandaling iyon, kung ‘di ang pag-iingay lamang ng kanyang puso dahil sa naging pakilala sa kanya ni Gelo sa babaeng nagngangalang Rowena. Hindi niya alam kung bakit ang simpleng bagay na iyon ay nagbigay ng kung anong haplos sa puso niya. Na para bang ang espesyal ng dating no’n sa kanya dahil tila naramdaman niya ang pagproktekta nito sa kanya. Dahil doon ay hindi na niya magawang alisin pa ang mga tingin sa binate. Kung hindi pa muling magsalita si Rowena ay tuluyan nang mapapako ang mga titig niya rito. “Kinakapatid?” tanong muli ni Rowena sabay balin nito ng tingin sa kanya. “Pero… ngayon ko lang siya nakita rito.” “Uhm… hindi kasi siya taga-rito. Narito lamang siya para magbakasyon,” tugon ni Gelo sa tanong ni Rowena. “Ganoon ba?” tatango-tangong sambit ni Rowena habang nakatingin pa rin ito sa kanya at tila mabuti siyang sinusuri. “Hi, ako si Rowena. Girlfriend ako ni Gelo!” pagkuwan ay pakilala ng babae sa kanya kasabay ng paglahad nito ng kamay sa harapan niya. Namilog ang mga mata niya sa naging pakilala nito sa kanya at tila parang may kung anong kumurot sa puso niya dahil doon. “H-Huh?” tanging naging tugon niya dahil sa pagkagulat sa babae. “Rowena…” saway ni Gelo sa babae. Ngumiti ang babae sa kanya. “Joke lang! Hindi niya pa ako girlfriend. Magiging girlfriend pa lang,” sabi nito sa kanya. Gumalaw ang lalamunan niya saka niya tinanggap ang kamay ng babae na nakalahad sa harapan niya at nakipagkamay siya rito. “A-Ako si B-Belle…” marahang tugon niya. Sa totoo lang ay gusto niyang magmaldita sa babae. Pero alam niyang hindi niya pwedeng gawin iyon lalo pa sa harapan ng lalaking nagpapatibok ng kakaiba sa puso niya. Sa lugar na ito, siya si Belle. Hindi siya si Ashleigh. Kung kaya’t sa ayaw man niya o sa gusto, ay kinakailangan iyang hubarin muna ang pagiging maarte at ang pagiging maldita niya bilang si Ashleigh. Matapos makipagkamay ay kaagad nang bumitiw sa kamay niya si Rowena. Halatang-halata niya sa mukha nito ang pagkaplastik ng mga ngiti sa kanya. “So, ilang taon ka na pala? Saka paano kayo naging magkinakapatid ni Gelo?” tanong pa nito sa kanya na sandaling nagpatigil sa kanya. “H-Huh?” Hindi niya malaman ang isasagot sa babae. “Sabi ko ilang taon ka na? Matangkad ka pero mukha ka pa kasing bata. Saka paano kayo naging magkinakapatid nitong si Gelo?” ulit na tanong sa kanya ni Rowena. Gumalaw ang lalamunan niya at nang handa na siyang sumagot ng kahit na anong kasinungalingan ay… “Ninong ko ‘yong papa niya. Okay na?” si Gelo ang sumagot kay Rowena. “Hmm… okay. So, ilang taon na nga siya?” pilit na tanong pa rin ni Rowena tungkol sa edad niya. Muli siyang napalunok nang marahang bumalin ng tingin sa kanya si Gelo. Nabasa niyang kahit si Gelo ay hindi malaman ang isasagot sa makulit na tanong ng babae. “Alam mo, masyado ka nang maraming tanong,” pambabara na lamang ni Gelo kay Rowena. “Bakit? Masama ba? Gusto ko lang naman malaman kung… minor pa siya,” ani Rowena sabay ngiti at balin ng tingin sa kanya. “B*tch! I’m not a minor anymore,” gusto niyang sabihin dito na nasa utak niya. “She’s a minor. Okay ka na?” pagkuwan ay sabi ni Gelo kay Rowena na ikinabalin niya ng tingin dito. Matamis na ngumiti si Rowena dahil sa sinabi ni Gelo. “Okay! So, it means na… para mo lang talaga siyang nakababatang kapatid.” “Ano?” kunot-noong tanong ni Gelo sa sinabi ni Rowena. Ngunit siya ay nakuha niya agad ang nais ipahiwatig ng babae sa mga sinabi nito. Nangangahulugan na hindi siya pwedeng magustuhan ni Gelo dahil minor pa siya. Iyon ang sinasabi ng mga ngiti ni Rowena sa harapan nila. “Wala! So…” Muling bumalin ng tingin ang babae sa kanya. “Sama ka sa amin sa bahay. Birthday ko kasi ngayon. Twenty-two na ako. Magkasing edad na kami ni Gelo ngayon!” masayang sabi nito sa kanya. Gusto niyang mapabuga sa hangin at umirap sa babae nang mga sandaling iyon. Pero dahil sa siya si Belle at hindi si Ashleigh, ay pinigil niya ang sarili at umaktong pilit na kalmado. Kahit na halatang-halata naman ang pang-ookray sa kanya ng babae. Palibahasa’y threaten ito sa kanya dahil ‘di hamak naman na napakalaki ng ganda niya kumpara dito! “Hindi siya pwede, Rowena. Kailangan na niyang magpahinga ngayon,” pagkuwan ay sagot ni Gelo kay Rowena na muling ikinatingin niya rito. “Huh? Bakit naman hindi siya pwede?” tanong ni Rowena saka ito tumingin ng oras sa cellphone na hawak nito. “Eh ang aga-aga pa naman para magpahinga kaagad siya. Alas otso trenta pa lang naman.” “Pasensya ka na talaga pero hindi talaga siya pwede,” giit ni Gelo kay Rowena. Muli siyang binalingan ng tingin ni Rowena at pinagmasdan siya mula ulo hanggang paa. Saka nito napansin ang tila mga sugat at pasa kanyang mga braso at hita. “Okay. Naiintindihan ko na ngayon. Napaano siya? Bakit ang dami niyang mga sugat at mga pasa?” usisa ng babae sa kanila. Pagkuwan ay kaagad na bumalin ng tingin sa kanya si Gelo na ikinakislot ng puso niya. “Sige na, Belle. Pumasok ka na sa kwarto at magpahinga ka na roon,” marahan na sabi nito sa kanya. Hindi na niya nagawang sumagot pa sa binata at sa halip ay marahan na lamang siyang napatango rito. Saka kusang kumilos ang mga paa niya patungo sa kwarto, bitbit pa rin ang story book na kanina niya pa hawak. Pagkapasok niya sa loob ng kwarto ay napaupo siya habang ramdam na ramdam niya ang malakas na pagkabog ng dibdib niya. Aminado siyang bago sa pakiramdam niya ang ganitong klaseng pagkabog ng kanyang dibdib. Sa buong buhay niya ay tila ngayon niya lamang ito naramdaman. At kumakabog ng ganoon ang dibdib niya sa tuwing masasalubong niya ang mga tingin ni Gelo sa kanya, o sa tuwing malapit ito sa kanya. “Ito na ba ito? Ito na ba ‘yong… matagal ko nang gustong maramdaman? Am I in love?” mahinang pagkausap niya sa kanyang sarili. “But… wait! Hindi ba at parang sobrang aga naman nito? Unang kita ko pa lang sa kanya, pagkamulat ng mga mata ko ay kumabog na kaagad ng ganito ang puso ko. Am I really in love already?” Sa labis na pagkabog ng dibdib niya ay nakaramdam siya ng matinding pagkauhaw. Kaya naman sa huli ay napagpasyhan niyang lumabas ng kwarto para kumuha ng inuming tubig. Pagkalabas niya ay kaagad na hinanap ng mga mata niya si Gelo. Pero tulad kanina ay mag-isa na naman siyang naiwanan sa loob ng bahay na ito. Dumeretsyo siya sa kusina saka kumuha ng baso at nagsalin ng tubig mula sa pitchel, upang uminom ng tubig. Habang naglalaro sa isipan niya na masayang-masaya siguro si Rowena dahil magkasama sila ngayon ni Gelo. Pagkatapos niyang uminom ng tubig ay naglakad na siya pabalik ng kwarto, nang bigla siyang magulat nang masalubong si Gelo. Literal na nanlaki ang mga mata niya dahil sa pagkagulat. “Oh? Bakit gulat na gulat ka dyan? Para ka namang nakakita ng multo,” sabi ng lalaki sa kanya. “Huh? Uhm… b-bakit nandito ka?” marahang tanong niya pabalik sa lalaki. “Natural, bahay namin ‘to eh,” sagot nito sa kanya saka ito nagpatuloy sa paglalakad palampas sa kanya at kinuha ang basong pinag-inuman niya saka nagsalin din doon ng tubig at akmang iinom doon. “Uhh!” napasigaw siya. Hindi niya alam kung bakit parang inaawat niya ang lalaki sa pag-inom. “Bakit?” kunot-noong tanong ni Gelo sa kanya habang nabitin ang pag-inom nito. “Uhm… a-ano… k-kasi…” Hindi niya alam paano sasabihin sa lalaki na gumamit na lamang ito ng ibang baso dahil nainuman na niya ang basong hawak nito ngayon. Kung bakit naman kasi hindi niya hinugasan iyon pagkatapos inuman. Masyado siyang nasanay sa nakaugalian niya sa bahay nila. Doon kasi ay hindi naman siya naghuhugas ng kahit na anong pinag-inuman o pinagkainan. “Ano ‘yon?” nababahala nang tanong ni Gelo sa kanya. “Uhm…” Napalunok siya. “W-Wala—” Natigilan siya nang mabilis nang tinuloy ni Gelo ang pag-inom sa basong hawak nito. Pakiramdam niya tuloy ay para na siyang nahalikan nito dahil sa iisang baso lamang na pinag-inuman nilang dalawa. “Bakit hindi ka pa pala natutulog? Anong ginagawa mo rito?” pagkuwan ay tanong pa nito sa kanya matapos uminom. “Uhm…” Ayaw na niyang sabihin na naririto siya dahil uminom siya ng tubig. “T-Teka. Akala ko ba ay na kina Rowena ka?” pag-iiba niya ng usapin saka siya napalunok. “Hindi na ako pumunta,” simpleng tugon lamang nito sa kanya. “Hindi na? Bakit?” Deretsyo siyang tiningnan ni Gelo sa kanyang mga mata saka ito nagsalita. “Dahil hindi kita pwedeng iwan na mag-isa.” Kumislot ang puso ni Ashleigh dahil doon kasabay ng tila kung anong pagbabara sa lalamunan niya, dahilan upang mahirapan siya paglunok. Pagkatapos no’n ay tinalikuran na siya ni Gelo saka ito tuluyang umalis at pumasok sa kabilang kwarto. Naramdaman naman ni Ashleigh ang pag-iinit ng magkabilang pisngi niya kaya nagmadali na siya sa pagkilos at pumasok na rin sa sariling silid. Humiga kaagad siya sa papag na higaan saka niya ipinikit ang kanyang mga mata. Pero dinig na dinig niya ang malakas na pagkabog ng dibdib niya at ramdam na ramdam niya ang pagwawala nito. Kung kaya’t sa huli ay napamulat siyang muli ng kanyang mga mata. “Dahil hindi kita pwedeng iwan na mag-isa.” Ngayon ay paulit-ulit na naglalaro sa isipan niya ang boses at ang sinabing iyon ni Gelo sa kanya. Wala namang espesyal doon pero hindi niya maunawaan ang sarili kung bakit ganito na ang nararamdaman niya nang dahil lamang doon. Mukhang mahihirapan siyang makatulog nang mahimbing ngayong gabi. KINABUKASAN… Nagising si Ashleigh nang tumama ang sinag ng araw sa kanyang mukha, dahil sa paglipad ng kurtina mula sa bintana. Marahan niyang iminulat ang kanyang mga mata at bumungad sa kanya ang kakaibang itsura ng silid. Napabalikwas siya ng bangon nang maisip kung nasaan siyang lugar. Pero kaagad ding nagbalik sa isipan niya ang sitwasyon niya ngayon. Oo nga pala at wala siya sa kanyang sariling silid sa kanilang tahanan. Oo nga pala at nasa ibang lugar at nasa ibang bahay siya. Hahanapin sana niya ang cellphone niya pero naalala niyang wala na nga pala ito. Dahil walang kahit isang natirang gamit sa kanya pagkatapos ng aksidenteng nangyaring sa kanya. Aksidente na sinadya para mamatay siya. Napahigit siya ng malalim na paghinga. Kumusta na kaya ang kanyang ama at ang kanyang mga kaibigan na kanyang iniwanan? Paano nga ba siya makababalik sa dating buhay kung may nagtatangka na sa buhay niya? Naputol sa pag-iisip si Ashleigh nang marahan niyang makita ang unti-unting pagbukas ng pintuan ng silid na kinaroroonan niya. “Gising ka na po pala, ate!” masayang bungad ni Tonya sa kanya. Kaagad siyang gumiti sa bata. “Good morning, Tonya,” bati niya. “Hmm… afternoon na po, eh,” tugon nito sa kanya na ikinapagtaka niya. “Huh? Afternoon? Hapon na?” “Opo, ate. Mukhang napasarap po ang tulog ninyo,” ani Tonya saka ito lumapit sa kanya. Ang totoo ay hindi siya kaagad nakatulog kagabi dahil kay Gelo. Kung kaya’t inumaga na siya nang dalawin siya ng antok. “Mukha nga…” naging sagot na lamang niya sa bata kasabay ng marahang pagkamot niya sa ulo niya. “Kain ka na po, ate! Sayang po kagabi, may dala po kaming hotdog at fried chicken ni Jake para sa inyo ni Kuya Gelo. Pero okay lang po dahil ininit naman na po iyon ni lolo kanina.” “Talaga? Salamat huh. Uhm… ‘yong kuya mo… hindi na ba siya nagpunta kagabi roon sa birthday-an?” “Hindi na po, ate. Hindi nga rin po siya pumasok kagabi sa trabaho niya eh,” sagot ni Tonya na ikinagulat niya. “Huh? Hindi na rin siya pumasok sa trabaho niya? Bakit daw?” sunod-sunod na tanong niya. “Hindi nga po namin alam eh.” “Ganoon ba…” “Tara na po sa labas, ate. Para makakain ka na rin po,” yaya ni Tonya sa kanya na sa huli ay pinaunlakan na niya. “Oh, ija. Gising ka na pala,” nakangiting bati sa kanya ni Mang Gener. “Magandang hapon po. Uhm… pasensya na po kayo dahil tinanghali ako ng gising—” “Ayos lang iyon, ija. Hindi mo kailangang humingi ng pasensya. Isa pa, ay mas mabuti nga iyon at nakapagpahinga ka ng maayos,” putol sa kanya ng matanda. “O siya, halika at kumain ka na. Para makainom ka na rin ng mga gamot mo,” yaya pa nito sa kanya sa may hapag-kainan. Ngumiti siya rito saka sumunod. Pagkaupo niya ay siyang labas naman ni Gelo mula sa kabilang kwarto. Kapwa silang nagkatinginang dalawa pero una siyang nagbawi ng tingin dito. Naramdaman na naman niya kasi ang abnormal na pagtibok ng puso niya. “Oh apo, mabuti at nagising ka na rin. Halika at kumain ka na rin dito,” saad ni Mang Gener kay Gelo na bahagyang ikinabilog ng mga mata niya. Ibig sabihin ba no’n ay kagigising lamang din nito? “Uhm... sige lang po, lo. Mamaya na lang po ako kakain,” sagot ni Gelo sa lolo nito. “Anong mamaya pa? Halika na at sabayan mo na rito si Belle sa pagkain,” giit ng matanda na sa huli ay sinunod na lamang din ni Gelo. Hirap na napalunok si Ashleigh nang maupo sa tapat niya ang binatang si Gelo. Isa-isa namang inilapag ni Mang Gener ang mga ulam na niluto nito para sa kanila. Tulad kahapon ay puro lutong gulay ang mga iyon. Ginisang sayote at ginisang ampalaya na may itlog. Napatitig si Ashleigh sa mga pagkaing nasa harapan niya. Kung may gulay man siyang ayaw na ayaw niyang kainin, ay ampalaya iyon. Kahit na kailan ay hindi niya nagustuhan ang lasa no’n. “Sige na at kumain na kayo,” nakangiting sabi ng matanda sa kanila saka sila nito iniwanan na dalawa sa hapag-kainan. Katahimikan ang bumalot sa kanilang dalawa nang mga sandaling iyon. Ngunit sa loob niya ay nagwawala ng husto ang puso niya sa kaba sa hindi maipaliwanag na dahilan. Na sa sobrang lakas ng pagwawala nito’y pakiramdam niya ay nairirinig na ito ng binata. “Uhm… sige na,” basag ni Gelo sa katahimikan nila, tinutukoy na siya na ang mauna sa pagsandok ng ulam. Kaagad naman siyang kumilos at kumuha ng ginisang sayote at inilagay iyon sa kanyang pinggan. Pagkatapos ay binitiwan na niya ang panandok. “Ayaw mo ng ginisang ampalaya?” pagkuwan ay tanong pa ng lalaki sa kanya. “Huh?” “Masustansya ‘yan. Kumain ka rin,” sabi pang muli ni Gelo sa kanya. “Geez! Alam kong masustansya ‘yan, pero hindi ko ‘yan bet!” salitang gusto sana niya sabihin sa lalaki pero sa huli ay pinili na lamang niyang manahimik, saka siya maliit na ngumiti at marahang tumango rito. Inabot niya ang panandok saka siya naglagay rin ng ginisang ampalaya sa kanyang pinggan. Pero syempre, kaunti lamang iyon. Ngunit namilog ang mga mata niya nang biglang dinagdagan ni Gelo ang ginisang ampalaya na ulam sa pinggan niya. “Kulang ‘yan. Dagdagan mo pa dahil masustansya ‘yan,” sabi nito sa kanya. “Uhh. Okay na. Sa tingin ko ay okay na ito,” awat naman niya sa lalaking patuloy na naglalagay ng ginisang ampalaya sa pinggan niya. “Hindi pa ‘yan okay. Alam mo makabubuti sa iyo ang pagkain mo ng mga gulay, lalo na itong ampalaya. Malakas itong makapagpagaling ng mga sugat eh,” wika ni Gelo sa kanya habang patuloy pa rin sa paglalagay ng ginisang ampalaya sa kanya. “S-Sandali. Sa tingin ko’y okay na talaga ‘to,” awat niyang muli. “Bakit ibinibigay mo sa kanya ang lahat ng ginisang ampalaya? Ikaw dapat ang kumakain niyan!” Kapwa silang napalingon nang dumating bigla si Mang Gener sa harapan nila. “Gelo, kaya ko iniluto ‘yan dahil s aiyo.” “Pero, lolo, alam mo naman pong—” Hindi maituloy ni Gelo ang nais nitong sabihin at sa halip ay nag-aalinlangan itong bumalin ng tingin sa kanya. “Oo, alam kong hindi ka kumakain niyan, kaya nga ako nagluto niyan ngayon para kumain ka!” sabi ni Mang Gener sa apo nitong si Gelo. Dahil doon ay marahan niyang binalingan ng tingin si Gelo na ngayon ay namumula dahil sa tila pagkapahiya sa kanya. Mariin niyang naitikom ang mga labi niya nang makita niya kung gaano ka-cute ang lalaki sa harapan niya ngayon. Gusto niyang mapangiti ng matamis pero syempre ay pigil-pigil niya lamang iyon. “Lolo naman eh,” sa huli ay reklamo ni Gelo kay Mang Gener. “Ah basta, kumain ka niyan,” ani Mang Gener saka ito lumapit sa kanila at nilagyan ng ginisang ampalaya ang pinggan ni Gelo. Ngayon ay kapwa na silang maraming ginisang ampalaya sa kani-kanilang pinggan. “Sige na, kumain na kayo at bawal magtira ng pagkain,” mahigpit at mariing bilin pa ng matanda sa kanila bago sila nitong tuluyang iniwanan muli. Napakamot sa ulo si Gelo habang nakatingin sa pagkain niya. Hindi naman niya maiwasang hindi mapangiti dahil napaka-cute tingnan ng lalaki sa pagmamaktol nito sa harapan niya. Nang mag-angat ng tingin sa kanya si Gelo ay mabilis siyang nag-iwas ng tingin kasabay ng pagkagat niya sa kanyang ibabang labi. “Tinatawanan mo baa ko?” pagkuwan ay tanong nito sa kanya. “H-Huh? H-Hindi ah,” nauutal na tugon niya sa lalaki saka siya mabilis na sumubo ng pagkain niya. Pero sa pagmamadali niyang sumubo ng pagkain ay naparami yata ang pagsandok niya sa ampalaya, kung kaya’t halos hindi maipinta ang mukha niya nang malasahan niya ang pait ng gulay. Napangiwi siya kasunod ng mabilis niyang pag-inom ng tubig. Maya-maya pa ay nakita niya si Gelo na tinatawanan na siya ngayon. “Ayaw mo rin ng lasa, ‘no?” wika nito sa kanya sa pagitan ng patawa. “Alam ko na, kainin mo na lang din itong sa akin,” pagkuwan ay sabi pa nito sa kanya. “Ayaw ko nga. Kainin mo ‘yang sa iyo,” mabilis na tugon naman niya rito. Kahit cute ang lalaki ay hindi siya nito mauuto! Buong-buhay niya ay hindi talaga siya kumakain ng ampalaya. Walang sinoman ang nakakapilit sa kanya na kumain no’n, kahit pa ang kanyang mga magulang. Kaya kahit na cute ang lalaking ito na nasa harapan niya ay hindi siya nito mauuto! Sumeryoso ang mukha ni Gelo nang tanggihan niya ito. “Talaga? Ayaw mo?” “S-Sabi ng lolo mo… kainin mo raw ‘yan. Niluto niya ‘yan para sa iyo, nadamay lang ako rito,” tugon niya. “Kung hindi mo kakainin itong akin, hindi na kita pahihiramin ng mga damit ko.” “Huh?” Namilog ang mga mata niya sa sinabi nito sa kanya. “Iyang t-shirt na suot mo, saka ‘yang shorts, alam mo bang sa akin lahat ‘yan?” Napatingin siya sa sarili. “Sa iyo ‘to?” gulat na tanong niya. Saka niya lang naisip kung sino ang nagbihis sa kanya noong mga panahong wala pa siyang malay. “Oo sa akin ‘yan. Pasalamat ka at pinahiram kita ng mga damit ko. Kaya kainin mo na ‘to kung gusto mong may magamit ka pa sa susunod,” pananakot ng lalaki sa kanya. She can’t believe it! Parang bata si Gelo kung umasta. But she can’t deny the fact na ang cute-cute pa rin nito kahit parang bata itong nakikipagkalakalan sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD