Hindi nawawala ang malakas na pagkabog ng dibdib ni Ashleigh, lalo pa nang tuluyan na siyang makasakay sa loob ng eroplanong magdadala sa kanya patungo sa Palawan. Rumerehistro sa isipan niya ang posibleng galit na itsura ngayon ng kanyang ama dahil sa ginawa niya. Kung may sakit na high blood lamang ito ay panigurado siyang inaatake na ito ngayon at baka isumpa na rin siya nito.
Mahigit isang oras ang lumipas at ang naging byahe niya patungo sa kanyang destinasyon. Hindi niya iyon namalayan dahil sa pagiging abala ng isipan niya sa pag-iisip sa galit niyang ama. Kung mapipigilan niya lamang sana ang kanyang ama sa gusto nito ay hindi naman siya tatakas at aalis ngayon. Ngunit mukhang kahit na anong gawin niyang pagkausap dito ay desidido na talaga ito sa gusto nito, kaya nauwi na siya sa pagdedesisyon na tuluyang tumakas upang hindi matuloy ang nais nito para sa kanya.
Hindi siya makapapayag na basta na lamang maikasal sa lalaking ni pangalan ay hindi naman niya alam. Gusto niyang maranasan mismo ng puso niya kung paano magmahal ng totoo. Gusto niyang maramdaman ng puso niya ang pagtibok nito na para lamang sa lalaking nakatadhana sa kanya.
Nang makuha na niya ang lahat ng gamit niya ay mabilis na siyang lumabas ng airport. Pero sandali siyang natigilan nang mapansin niya ang isang lalaking tila nakatingin at nagmamanman sa bawat ikinikilos niya. Dahil doon ay nakaramdam siya ng kaba. Unang pumasok sa isipan niya na baka tauhan ito ng kanyang ama. Kaya naman mabilis na siyang umalis at sumakay ng taxi patungo sa pinakamalapit na hotel sa lugar, para doon na rin muna magpalipas ng gabi at makapagpahinga.
Siniguro niyang walang sinoman ang nakasunod sa kanya pagkadating niya ng hotel. At nang mapanatag ang loob niya ay tuluyan na siyang nag-check in doon.
Pagod niyang ibinagsak ang sarili sa malambot na kama ng silid na inokupahan niya sa hotel. What a tiring day. Sigurado siyang nagkakagulo na ngayon sa dinner party sana niya dahil sa hindi niya pagsulpot doon. At sigurado siyang galit na galit na ngayon sa kanya ang kanyang ama.
Gusto sana niyang buksan ang cellphone niya dahil naalala niyang tawagan ang mga kaibigan niya, kaya lang, panigurado siyang kapag binuksan niya ang cellphone niya ay tatawagan at kokontakin lamang siya ng kanyang ama at ng kanilang mga kasambahay. Kaya naman sa huli ay minabuti na lamang niyang magpahinga na lamang at ipabukas na lamang ang pagtawag sa kanyang mga kaibigan.
Kinabukasan ay maaga siyang nagising. Hindi pa rin kasi naaalis sa isipan niya ang ginawa niyang pagtakas sa ama. Iniisip niya nang pauli-ulit kung gaano na ito kagalit ngayon sa kanya.
Habang abala sa pag-iisip ay bigla namang kumalam ang sikmura niya. Naalala niyang wala pang laman ang tiyan niya mula pa kagabi. Kaya naman kumilos siya at nag-ayos ng kanyang sarili para lumabas at bumili ng makakain. Marami naman siyang dalang cash pero hindi niya alam kung gaano katagal siyang magpapakalayo sa kanyang ama, kaya kailangan niyang tipirin ang perang hawak niya. Kaya kahit na pwede naman siyang um-order na lamang ng pagkain sa hotel, ay pinili niyang lumabas na lamang para bumili ng pwede niyang makain.
Dumeretsyo siya sa isang convenience store at sa huli ay roon na niya napagpasyahan kumain.
"One hundred fifty pesos po, ma'am," nakangiting sabi sa kanya ng kahera.
Agad naman siyang nagbayad dito saka siya naupo sa isa sa mga bakanteng table roon para kumain. Rice and tuna omelette ang binili niyang pagkain, at orange juice naman ang kanyang inumin.
"Ibang klase rin talaga 'yong tipid tips na turo ni Jamie," nakangiting pagkausap niya sa kanyang sarili dahil naalala niyang si Jamie ang nagturo sa kanya ng ganitong pagkain sa ganitong convenience store. Sa halagang isang daan at limampung piso kasi ay mabubusog na siya.
"Breaking news report. Idineklara nang missing person ng bilyonaryong negosyanteng si Ark Madrigal ang nag-iisa nitong anak na si Ashleigh Madrigal..."
Natigilan sa pagsubo ng pagkain si Ashleigh nang marinig niya ang balitang iyon. Marahan siyang napalingon sa katabing table at doo'y nakita niya ang dalawang babaeng may pinapanood sa cellphone ng mga ito.
"Ayon dito'y dadalo lamang sana ang anak sa simpleng selebrasyon ng mga ito para sa 18th birthday nito sa isang five-star hotel. Pero hindi na nakarating ang kanyang anak at hindi na ito ma-contact hanggang sa mga sandali at oras na ito. Hinala ng kanilang pamilya ay maaaring isa sa mga kakompetensya nila sa negosyo ang nasa likod ng pagkawala ni Ashleigh Madrigal..."
Namilog ang mga mata niya sa kanyang mga narinig. Marahan naman siyang nilingon ng dalawang babae kaya mabilis siyang umiwas ng tingin at itinago ang mukha sa mga ito. Mabuti na lamang din at naisipan niyang magsuot ng sumbrelo. Dahil nakakatulong ito upang maitago kahit na papaano ang kanyang mukha mula sa ibang tao.
Dahil doon ay hindi na niya naituloy ang pagkain at mabilis na lamang siyang umalis. Bumalik siya ng hotel sa kanyang silid na kumakalam pa rin ang sikmura. Paano'y nakaisang subo lamang siya ng pagkain. Hindi pala magandang ideya na roon siya kumain. Sana pala'y tinake-out na lang niya ang biniling pagkain.
Sa pagkaasar niya ay padabog niyang ibinagsak ang sarili sa malambot na kama.
"Ang O.A naman ni daddy. Missing person talaga? Pina-media niya pa talaga ako. At ano raw? Isa sa mga kakompetensya nila sa business ang may dahilan ng pagkawala ko? Wow!" mangha niyang pagkausap sa kanyang sarili habang napapailing-iling pa.
Ilang sandali lang nang biglang may sunod-sunod na kumatok mula sa pintuan ng kanyang silid. Kumabog ang dibdib niya noong una dahil sa gulat. Pero kalauna'y tinayo na rin niya iyon nang magsalita ang isang bellboy. Pero bago niya buksan ang pinto ay nagsuot siyang muli ng sumbrelo at ng shades saka niya ipinuyod ang kanyang mahabang buhok.
"Good morning, ma'am! Here's your breakfast po," magalang na sabi sa kanya ng lalaki. Agad na dumapo ang tingin niya sa dalang pagkain ng lalaki, kaya hindi na niya inabalang tingnan pa ito sa mukha.
Fried rice with tuna ham and cheese omelette, hot coffee with wine, at isang slice ng cake ang mga pagkaing nasa harapan niya ngayon. Dahil sa pagkatakam ay muling kumalam ang silmura niya. Ramdam na ramdam na talaga niya ang pagkagutom kaya naman hirap siyang sunod-sunod na napalunok habang nakatitig siya sa mga pagkaing nasa harapan niya.
"Uhm... sorry, but... I didn't order anything—" Hindi na niya naituloy ang sinasabi niya dahil mabilis na nagsalita ang lalaki sa harapan niya. Pero tulad pa rin kanina ay hindi niya inabala ang sariling tingnan ang itsura nito dahil sa mga pagkain lamang nakatuon ang kanyang paningin. Alam niyang nagmumukha na siyang patay-gutom dahil doon.
"It's free, ma'am. It's a birthday treat of our hotel for you—"
"Thank you!" mabilis at excited na putol niya sa lalaki kasabay ng mabilis din niyang pagkuha ng mga pagkain dito. At pagkatapos no'n ay mabilis din siyang tumalikod dahil sa pagka-excite niyang kumain.
"Happy birthday, ma'am. And I hope all your birthday wishes come true," saad ng lalaki sa kanya na siyang nagpatigil sa kanya.
Kahapon ang 18th birthday niya pero ni isa'y wala man lang bumati sa kanya ng happy birthday. Hindi ang kanyang ama na mas naging abala sa pag-aasikaso ng mga bisita at pag-aayos ng dinner party sana para sa kanya. Hindi rin ang kanyang Yaya Vangie na naging abala sa pag-aasikaso rin ng dinner party at ilang mga bagay. At hindi rin maging ang dalawa niyang kaibigan na naging abala sa pagtulong sa kanya para makatakas siya.
Tila nalimutan niyang mag-celebrate ng birthday niya kahapon dahil sa pagiging abala niya sa pagpaplano sa pagtakas niya. No cakes, no gifts, and no greetings. Kung kaya't tila isang paghaplos sa puso niya ang malambing na pagbati ng estrangherong lalaking iyon sa kanya.
Dahil doon ay marahan niyang nilingon ang lalaki para tingnan at pasalamatan ito. Ngunit mabilis na itong yumuko sa harapan niya bilang pagbibigay galang saka ito mabilis na tumalikod at maingat na isinara ang pinto ng silid niya.
Bahagya siyang nakaramdam ng pagkadismaya dahil hindi siya nabigyan ng pagkakataon na mapasalamatan ang lalaki. Dumapo sa sahig ang mata niya dahil sa isang maliit na bagay na nakaagaw pansin sa kanya. Kumunot ang noo niya saka niya marahang ibinaba sa mapagpapatungan ang tray ng pagkain niya. At pagkatapos ay dinampot niya ang maliit na bagay na iyon.
"Angelo Tuazon," mahinang pagbasa niya sa pangalang nakaukit doon. Name tag ito ng bellboy na iyon.
Mabilis niyang binuksan ang pintuan ng kanyang silid para sana habulin ang lalaki, pero bigo siya dahil parang bulang naglaho na ito.
Humakbang siya palabas ng kwarto niya pero napahawak siya sa kanyang tyan nang muling kumalam anag sikmura niya.
"Okay, mamaya ko na lang siya hahanapin para ibalik ang name tag niya. Sa ngayon ay kailangan ko na munang pagbigyan ang sikmura ko at baka magtampo na ito nang tuluyan sa akin," mahinang pagkausap niya sa kanyang sarili saka siya bumalik na sa loob ng kanyang silid.
Ashleigh enjoyed her slice of cake after she finished her breakfast. Salamat sa libreng pa-breakfast ng hotel na ito.
Kahit na mag-isa siya ngayon ay masaya at natutuwa naman siya. Kaya naman hindi na rin siya makapaghintay pa sa adventure na haharapin niya magmula ngayon, sa pamumuhay na malayo sa pudar ng kanyang ama at mga kasambahay nito.
Nang matapos si Ashleigh sa pagkain at sa pagpapahinga ng ilang sandali, ay nag-ayos na siya ng kanyang sarili at naghanda para sa kanyang pag-alis, upang magtungo na sa lugar na pag-i-istay-an niya. Sa rest house ng pamilya ng kaibigan niyang si Jamie.
Sinundo siya ng isang bellboy nang tumawag siya ng assistance para sa mga gamit niya.
"Angelo?" masayang tawag niya sa bellboy na nasa harapan niya.
"Po?" tila naguguluhan namang tanong pabalik ng bellboy sa kanya. Bumaba ang tingin niya sa dibdib nito hanggang sa mabasa niya ang pangalan nito. It's Rome, not Angelo.
"Uhm... sorry, nothing," nasabi na lamang niya saka siya tuluyang lumabas ng silid. Kaagad namang sumunod ang bellboy sa kanya dala ang kanyang mga gamit.
Ngunit nang hindi makatiis ay kaagad din siyang muling bumalin ng tingin sa bellboy na kasama niya. Bahagya pang nagulat ang lalaki sa ginawa niya kaya napaatras ito.
"Uhm... by the way, do you know Angelo Tuazon?" tanong niya rito.
"Angelo Tuazon po, ma'am? si Gelo po?" tanong nito pabalik sa kanya.
"Gelo?" Kumunot ang noo niya.
"Yes po, ma'am. Si Gelo po. Si Angelo Tuazon. Bakit po? May kailangan po ba kayo sa kanya?"
"Uhm..." Nagpatikhim siya. "Wala naman. Ibabalik ko lang sana sa kanya ito," sagot niya sabay pakita ng name tag. "Nahulog niya kasi kanina."
"Ah okay po, ma'am. Kaya lang... wala na po siya eh," sagot ng lalaki sa kanya.
"What? Wala na siya?"
"I mean... nakapag-out na po siya kanina, ma'am. Night shift po kasi siya."
"Oh, I see..."
"Kung gusto niyo po, ma'am, ako na lang po ang magbabalik ng name tag niya sa kanya. O kung gusto niyo po, pwede niyo rin pong iabot na lang sa lobby," mabait na sabi sa kanya ng lalaki.
Ngumiti siya rito saka niya iniabot ang name tag ni Angelo rito. "Ikaw na lang ang magbalik sa kanya, salamat," saad niya.
Nakangiting tinanggap naman ng lalaki ang name tag. "Okay po, ma'am. Salamat din po." At pagkatapos ay tuluyan na nga silang bumaba sa lobby.
Habang nagche-check out si Ashleigh, ay tila bigla niyang naramdaman na para bang kanina pa may nagmamasid na kung sino sa kanya mula sa kung saan. Kaya naman kaagad niyang iginala ang kanyang paningin sa kabuuan ng hotel. Mula sa mga mababait at nakangiting staff, hanggang sa mga abalang visitors and customers ng hotel, ay napukaw ang atensyon niya ng isang lalaking nakaupo sa may lounge at nakatingin sa kanya habang may hawak itong magazine, na tila ba ay nagpapanggap lamang ito na nagbabasa roon.
Dahil doon ay kaagad siyang nakaramdam ng takot at kaba. Natatandaan niya rin kasing ito rin ang lalaking nakita niya kagabi pagkalabas niya ng airport na nakatingin at tila nagmamanman sa kanya.
Nang matapos siya sa pag-check out sa hotel ay mabilis na siyang lumabas at kaagad na pumara ng taxi.
"Saan po tayo, ma'am?" magalang na tanong sa kanya ng taxi driver.
Sandali siyang natigilan dahil hinanap niya sa isipan niya 'yong sinabi ni Jamie sa kanya na lugar na pupuntahan niya. Pero dahil sa dami ng iniisip niya ay tila nalimutan niya kung saan siya patungo. Pero mabuti na lamang at naka-save iyon sa cellphone niya. Iyon nga lang at kakailanganin niyang buksan ang cellphone niya para makita iyon.
"Uhm... wait lang po, kuya, huh," pakiusap niya sa taxi driver saka niya mabilis na kinuha ang cellphone mula sa bag niya at binuksan iyon.
"Sige lang po, ma'am," magalang na tugon muli ng taxi driver sa kanya.
Sunod-sunod ang pagtunog ng cellphone niya dahil sa mga notifications and messages na nare-receive niya pagkabukas niya ng cellphone niya. Ang ilan doon ay galing sa kanyang mga kaibigan na kagabi pa naghihintay ng mensahe mula sa kanya kung nakarating ba siya ng ligtas sa kanyang destinasyon. At ang karamihan doon ay galing sa kanyang Yaya Vangie at sa kanyang ama.
Napalunok siya at sinikap niyang huwag muna pansinin ang mga mensaheng iyon at pilit niyang hinanap ang kanyang pakay sa kanyang cellphone.
"I found it na po. Uhm... sa Brgy. Malamig po," mabilis na sabi niya sa taxi driver.
"Okay po, ma'am!" masiglang tugon ng taxi driver saka nito inumpisahan nang paandarin ang sasakyan.
Muli namang pinatay ni Ashleigh ang cellphone niya at itinabi iyon sa kanyang bag. Humigit siya ng malalim na paghinga saka niya nilingon ang likuran nila upang matingnan kung may sumusunod ba sa kanila o ano.
"Bakit po, ma'am? May problema po ba?" pagkuwan ay tanong ng taxi driver sa kanya.
"Uhm... wala naman po," sagot niya.
"Mukha pong hindi kayo taga-rito. Nasa bakasyon po kayo?" tanong muli ng taxi driver sa kanya.
"Yes po, kuya."
"Sana po ay ma-enjoy ninyo ang pag-stay ninyo rito sa Palawan," sabi pa nito na maliit niyang ikinangiti.
"Salamat po."
Ilang sandali pa ang lumipas nang mapansin niyang tila pabalik-balik ang tingin ng taxi driver sa side mirror ng sasakyan. Dahil doon ay marahan niyang tiningnan ang nasa likuran niya at laking gulat niya nang makita ang isang itim na sasakyan na tila bumubuntot sa kanila.
"Kuya, may problema po ba?" kinakabahan na tanong at balin niya sa taxi driver.
"Eh kasi po, ma'am, kanina ko pa napapansin ang sasakyan na iyan. Parang sinusundan po tayo eh," sgaot ng taxi driver sa kanya na mas lalong nagpalakas ng kaba niya.
"P-Po?"
"Ma'am, kilala niyo po ba kung sino sila? Kayo po ba ang sinusundan nila? Mga kasama niyo po ba sila?" sunod-sunod na tanong pa nito sa kanya.
Hirap siyang napalunok. Kung tauhan ng daddy niya ang sumusunod sa kanila ay dapat lang na matakot at kabahan siya, dahil malalagot siya sa daddy niya nang hindi niya pa naisasagawa ang plano niya sa pag-alis niya. Pero... bakit tila kakaibang takot at kaba ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon? Na para bang... may ibang intensyon ang taong sumusunod sa kanila.
"H-Hindi ko po sila kilala, kuya. Pwede niyo po ba silang iligaw?"
"Sige po, ma'am!" mabilis na tugon ng taxi driver sa kanya saka nito binilisan ang pagmamaneho.
Hindi na niya alam kung saan sila patungo dahil sinisikap ng taxi driver na mailigaw ang taong sumusunod sa kanila. Ngunit bigo sila dahil nasusundan pa rin sila nito.
"Ma'am, mukhang matindi po ang habol nila sa inyo. May tinatakasan po ba kayong problema, ma'am?" alalang tanong ng taxi driver sa kanya.
"Po? W-Wala po, kuya. Hindi ko po sila kilala. Please, gumawa po kayo ng paraan para makaiwas at makalayo tayo sa kanila," takot na tugon naman niya sa taxi driver hanggang sa...
Kapwa silang malakas na napasigaw at napayuko nang paputukan na sila ng baril ng sumusunod sa kanila na sasakyan.
"Diyos ko! Ayaw ko pang mamatay! Kawawa naman ang mga anak ko!" takot na dasal ng taxi driver habang patuloy ito sa pagmamaneho nang mabilis.
Sa sobrang takot naman ni Ashleigh ay naluluha na ito hanggang sa maabutan sila ng itim na sasakyan at malakas na binangga ang taxi na sinasakyan nila. Kaya naman kaagad na nahulog ang sinasakyan nilang taxi sa malalim na bangin.
"Mommy, please, help me! Daddy, I'm so sorry!" dasal ni Ashleigh bago siya tuluyang tumilapon at mawalan ng malay.