Unti-unting nagising ang diwa ni Ashleigh mula sa tila matagal na pagkakahimlay. Ramdam niya ang pagsakit ng buong katawan niya na tila ba binugbog ito ng husto. Bukod doon ay kumikirot din ang ulo niya at ang mga sugat niya.
Pero salamat sa Diyos at buhay siya! Salamat sa Diyos dahil kahit nararamdaman niya ang mga sakit na iyon ay buhay naman siya ngayon.
Maya-maya pa ay marahan na niyang iminulat ang mga mata niya. At sa pagmulat niya ay tila isang anghel ang bumungad sa kanya. Namilog ang mga mata niya at tila nahirapan siyang alisin ang buong atensyon at tingin sa gwapong binata na nasa harapan niya ngayon. Bukod doon ay kaagad ding nakaramdam ng kakaibang pagkabog ang dibdib niya dahil sa pagtatama ng mga tingin nila sa isa't isa. Kakaibang pagkabog na tila ngayon niya lamang naramdaman sa buong buhay niya.
At maya-maya lang ay may isang batang babae ang dumating. "Kuya Gelo, tawag ka na ni lolo kakain na raw. Sabi mo susunod ka na—" Natigilan sa pagsasalita ang batang babae nang dumapo ang mga tingin nito sa kanya at makita siya nito na gising. "Gising na siya?" pagkuwan ay excited na sabi nito kasabay ng mabilis na paglapit sa kanya. "Oo nga at gising ka na po!" saad pa nito saka ito mabilis na tumalikod sa kanya at umalis.
Mulia niyang binalingan ng tingin ang gwapong lalaki na nasa harapan niya at nakita niyang gumalaw ang lalamunan nito saka ito mabilis na kumilos palayo sa kanya at nag-iwas ng tingin.
"Uhm... b-buti gising ka na," marahang litanya nito sa kanya.
Maya-maya pa ay may dumating muli ang batang babae na may kasama ng isang matandang lalaki at isang batang lalaki.
"Ija, salamat sa Diyos at nagising ka na," wika ng matandang lalaki sa kanya kasabay ng paglapit nito sa kanya. "Huwag kang mag-alala at ligtas ka rito. Ano ba ang pangalan mo? At sino ang taong gumawa sa iyo nito? Sabihin mo rin sa amin kung nasaan ang pamilya mo para maibalik ka namin sa kanila ng maayos at ligtas," sunod-sunod na sabi ng matandang lalaki sa kanya.
Nang matitigan niya ang matandang lalaki ay kaagad na nagbalik sa isipan niya ang huling nangyari sa kanya bago siya mawalan ng malay. Natatandaan niyang ito ang lumapit at nagligtas sa buhay niya sa bingit ng kamatayan. Naalala rin niyang mahigpit niyang ipinakiusap sa matanda na huwag siya nitong dalhin sa hospital o sa ibang lugar dahil sa takot niyang baka may makasunod sa kanya.
Gumalaw ang lalamunan niya saka niya tinapunan ng tingin isa-isa ang bawat naroroon sa kanyang harapan.
"Ija, sige na. Huwag kang mag-alala dahil ligtas ka rito. Kaya sabihin mo sa amin kung sino ang nagtangka sa buhay mo. Sabihin mo sa amin kung paano ka namin matutulungan... ano ba ang pangalan mo, ija?" ulit na tanong ng matandang lalaki sa kanya.
Mabilis na nagbalik sa isipan niya ang sinabi ng lalaking muntik nang pumatay sa kanya.
"Pasensya ka na, Ija. Napag-utusan lang ako."
Kung ganoon ay may gustong magpapatay sa kanya. Pero sino? At bakit?
Nang mga sandaling iyon ay tila naramdaman niyang ligtas siya sa lugar na kinaroroonan niya ngayon laban sa taong gustong pumatay sa kanya. Hindi niya kilala ang tao na iyon at wala siyang ideya sa kung sino mang nasa likod ng pagtatangka sa buhay niya. kung kaya't...
"H-Hindi ko alam," mahinang sagot niya sa matandang lalaki na ikinakunot ng noo nito maging ng gwapong binata na nasa harapan niya.
"Ano?" tanong ng matandang lalaki sa kanya.
Muling gumalaw ang lalamunan niya. "H-Hindi ko alam kung sino ako. At hindi ko alam kung ano ang sinasabi ninyo..." pahayag niya.
Tama. Naisip niyang magpanggap na muna na wala siyang naaalala upang hindi siya paalisin ng mga ito rito sa kinaroroonan niya ngayon. Ayaw niyang bumalik kaagad sa kanyang dating buhay hangga't hindi siya nakakasiguro sa kanyang sariling kaligtasan. Dahil kapag nalaman ng taong gustong pumatay sa kanya na ligtas siya, ay sigurado siyang babalikan lamang siya nito.
Isa pa ay gulong-gulo ang isipan niya sa ngayon. Kaya naisip niyang mas makabubuti para sa kanya kung dumito lamang muna siya.
At bukod doon ay... sinulyapan niya ng tingin ang gwapong binata na nasa harapan niya. Ngayon niya lamang naramdaman ang kakaibang pagkabog ng puso niya dahil sa binata. Kung kaya't... gusto niyang manatili muna sa lugar na ito dahil dito.
"Ang ibig mo bang sabihin, ija, ay... wala kang naaalala sa mga nangyari sa iyo?" tanong muli ng matandang lalaki sa kanya.
"O-Opo," pagsisinungaling niya. "W-Wala po akong maalalang kahit na ano."
"Ibig sabihin po kahit ang pangalan niyo ay hindi niyo rin po alam?" singit na tanong naman sa kanya ng batang babae.
Marahan siyang tumango rito. "Oo. Hindi ko alam... kung sino ako."
"Ibig sabihin po may anesthesia ka?" singit na tanong naman sa kanya ng batang lalaki na ikinatitig niya rito.
"Tanga!" balin ng batang babae sa batang lalaki kasabay ng pagbatok nito rito ng may hindi naman kalakasan. "Anong anesthesia? Baka amnesia kamo."
Gusto sana niyang matawa sa dalawang batang cute na nasa harapan niya. Kaya lang ay kailangan niyang magmukhang inosente sa harapan ng mga taong gusto niyang kumupkop muna sa kanya pansamantala.
"Paano na 'yan kung wala kang naaalalang kahit na ano?" tila nababahalang usal ng matandang lalaki sa kanya.
"A-Ano po bang nangyari sa akin? Bakit ako nandito? Sino po ba kayo? Sino ako? Nasaan ako?" sunod-sunod na tanong niya sa mga ito para magmukha siyang kapani-paniwalang walang naaalalang kahit na ano. Mabuti na lamang at minsan siyang nakapanood ng isang drama dahil kay Sandra, na kung saan ay nagka-amnesia ang bida.
"Lo, kailangan na natin siyang dalhin sa hospital," pagkuwan ay seryosong sabi ng gwapong binata sa matandang lalaki na ikinabilog ng mga mata niya. Hindi maaari! Hindi siya maaaring dalhin ng mga ito sa hospital!
"Hospital? Teka. Sino ba kayo? Bakit ba ako nandito? Ano bang nangyari sa akin? Sino ako?" tila natatarantang sunod-sunod na tanong niyang muli sa mga ito.
"Ija, kumalma ka na muna. Okay?" marahang sabi ng matandang lalaki sa kanya.
"Paano po ako kakalma kung hindi niyo naman sinasabi sa akin kung sino kayo at kung bakit ako nandito? Kung anong nangyari sa akin?" Kung naririto lang ang dalawa niyang kaibigan ay tiyak siyang pagtatawanan siya ng mga ito sa pag-arte niya ngayon.
"Ganito, ija. Uhm... nasangkot ka yata sa isang aksidente. Isang araw ay natagpuan na lamang kita na puno ng dugo at sugat sa katawan," saad ng matandang lalaki sa kanya na kaagad na nagbigay ng matinding pagkirot sa ulo niya. "Subukan mong alalahanin, ija. Baka may matandaan ka," dagdag pa nito sa kanya.
Ngunit gumusot lamang ang mukha niya dahil sa matinding pagkirot ng ulo niya. Hindi naman totoong may amnesia siya at alam naman talaga niya ang nangyari sa kanya. Kaya lang sa tuwing naaalala niya ang masalimuot at nakakatakot na bangungot na iyon ay sumasakit ng husto ang ulo niya.
Sa tindi ng pagsakit at napapikit na siya at napasapo rito.
"Ayos ka lang ba, ija?" alalang tanong sa kanya ng matandang lalaki.
"Lo, sa tingin ko po ay mas mabuti kung hahayaan na muna nating siyang makapagpahinga. Kaya huwag po muna natin siyang pilitin na may maalala sa mga nangyari sa kanya," pagkuwan ay sabi ng gwapong binata sa matandang lalaki.
"Tama po si kuya, lolo. Mukha pong nasakit ang ulo niya," sabi naman ng batang babae.
"O siya, ang mabuti pa kaya ay tawagin mo muna ulit si Aling Kosing para matingnan siya," balin ng matandang lalaki sa batang lalaki.
"Si Aling Kosing po? Hindi po ba natin siya dadalhin sa hospital, lo? May anesthesia po siya," tugon ng batang lalaki.
"Amnesia sabi, Jake. Huwag ka ngang bobo nag-aaral ka pa man din," mahinang pagalit ng batang babae sa batang lalaki.
"Ayun po, lolo. May amesya po siya," sabi muli ng batang lalaki na ikinailing na lamang ng batang babae dahil mali pa rin ang pagbigkas nito sa gusto nitong sabihin.
Hirap na napalunok si Ashleigh nang marinig niya na pinag-iisipan nila kung dadalhin ba siya ng mga ito sa hospital.
"Sige na, Jake. Basta tawagin mo na muna si Aling Kosing," utos muli ng matandang lalaki na sa huli ay sinunod na lamang ng batang lalaki.
Pagkatapos no'n ay iniwan na siya ng mga ito mag-isa sa silid na kinaroroonan niya, upang hayaan na muna siyang makapagpahinga.
Nang kumalma na siya ay kaagad na rin namang nawala ang pagsakit ng ulo niya. Pero ramdam pa rin niya ang hapdi at kirot ng mga sugat at pasa niya sa kanyang buong katawan.
Humigit siya ng malalim na paghinga habang nananatiling nakaratay sa isang papag. Hindi niya akalain na pagkatapos ng lahat ng pangit na nangyari sa kanya ay buhay pa rin siya hanggang ngayon. Ang buong akala niya ay katapusan na niya at hindi na siya masisikatan pang muli ng araw.
Nang dahil sa trahedyang nangyari sa kanya ay nawala ang lahat ng pera at gamit niya. Wala na rin ang cellphone niya kaya paano niya pa makakausap ang mga kaibigan niya?
"Ilang araw na kaya mula nang umalis ako sa amin?" malungkot at mahinang pagtanong niya sa kanyang sarili. Sigurado siyang galit na galit na talaga ang kanyang ama sa kanya. Na baka nga tuluyan na siyang itakwil nito pagkatapos ng ginawa niyang pagtakas. "I'm so sorry, dad. Pero hindi ko alam kung makababalik pa ba ako sa iyo pagkatapos ng lahat," malungkot na usal niya pa.
Ilang sandali pa ang lumipas nang magambala siya sa kanyang pagmumuni-muni, dahil sa sunod-sunod na pagkatok sa pintuan. Inayos niya ang sarili saka tuluyang bumukas ang pinto at iniluwa no'n ang batang babae. Bumungad ito ng nakangiti kaagad sa kanya habang may hawak itong isang baso ng tubig.
"Hi po, ate. Baka po nauuhaw kayo. Inom po muna kayo," magalang na alok sa kanya nito.
Tamang-tama dahil pagkagising pa lang niya kanina ay nakaramdam na talaga agad siya ng pagkauhaw. Pero naisantabi niya iyon sa dami ng kanyang inisip.
"S-Salamat," tugon niya sa batang babae saka niya ininom ang dala nitong tubig.
"Ako po si Tonya," pagkuwan ay nakangiting pagpapakilala pa sa kanya nito.
"Tonya?"
"Opo. Tonya po ang pangalan ko," mabait na sabi nito sa kanya.
Matamis siyang napangiti rito. Una pa lang ay naramdaman na niya ang kabutihang loob ng bata sa kanya. "Salamat, Tonya. Ako naman si—" Kaagad siyang natigilan sa pagsasalita. Naalala niyang hindi niya nga pala pwedeng sabihin ang pangalan niya dahil ang alam ng mga ito ay wala siyang naaalala na kahit na ano tungkol sa nakaraan niya.
"Okay lang po 'yan, ate," pagkuwan ay sabi ni Tonya sa kanya.
"Huh?"
"Naiintindihan ko po na nalulungkot ka dahil wala kang maalala tungkol sa iyo. Pero huwag po kayong mag-alala dahil tulad po ng mga napapanood ko sa palabas sa TV, bumabalik din po 'yong alaala ng mga taong nagkaka-amnesia. Kaya sigurado po akong babalik din isang araw ang lahat ng alaala mo. Darating po ang araw na maaalala mo rin po ang pangalan mo," madaldal na sabi sa kanya ni Tonya.
Kaagad siyang nakaramdam ng guilt dahil sa panlolokong ginagawa niya sa mga taong tumutulong sa kanya ngayon.
Maliit na ngumiti na lamang siya rito at maya-maya lang ay dumating na ang batang lalaki na inutusan ng matandang lalaki kanina, kasama ang isang maedad na babae.
"Mabuti at nagising ka na, ija," nakangiting sabi sa kanya ng maedad na babae.
"Aling Kosing..." tawag ng matandang lalaki roon sa maedad na babae. "Pwede bang paki-tingnan muna ulit siya."
"Aba'y oo naman. Sige na at iwan niyo na muna kami. Kailangan ko ring linisan ang mga sugat niya," tugon ni Aling Kosing sa matandang lalaki at sa huli ay tuluyan na nga silang iniwanan ng mga ito.
IDINIKIT ni Ashleigh ang tainga niya sa dingding, habang pilit na pinakikinggan ang pag-uusap ng matandang lalaki at ni Aling Kosing, na naglinis at naglagay ng mga halamang gamot sa mga sugat niya. Masakit pa rin ang buong katawan niya pero nakakatayo at nakakalakad naman siya ng dahan-dahan.
Hindi siya pamilyar sa mga ipinainom sa kanya ni Aling Kosing na ayon dito ay gamot at pampalakas daw, pero ininom na lang din niya kaysa tiisin niya ang mga sugat niya.
"Sa tingin ko ay mas makabubuti para sa kanya kung dadalhin mo na siya sa hospital. Lalo pa at hindi niya maalala ang nakaraan niya. Kailangan niya ng doctor na titingin sa kanya para gumaling siya at matulungan siya sa kalagayan niya," mahabang sabi ni Aling Kosing sa matandang lalaki na nagligtas sa kanya.
"Kung ako lang ay gusto ko naman talaga siyang dalhin sa hospital. Kaya lang..." Hindi itinuloy ng matandang lalaki ang sinasabi nito.
"Mang Gener, pananagutan mo ang batang iyon kung ano man ang mangyari sa kanya. Kaya kung ako sa iyo ay ipagamot mo na siya sa hospital at ilapit sa mga pulis, para maibalik na siya sa kanyang pamilya," ani Aling Kosing.
"Salamat, Aling Kosing. At katulad ng pakiusap ko rin sa iyo noong nakaraan. Sana'y walang kahit na sino ang makaalam ng tungkol sa bagay na ito."
"Makakaasa ka."
Doon na tuluyang natapos ang usapan na pinakikinggan ni Ashleigh mula sa dingding ng silid na kinaroroonan niya. Nakagat niya ng mariin ang ibabang labi niya dahil mukhang dadalhin na talaga siya sa hospital ng matandang lalaki.
Ilang sandali lang nang marinig niya ang ilang mga yabag na papalapit sa kanyang silid. Kung kaya't kahit na masakit ang mga hita at binti niya ay pinilit niyang makalakad ng mabilis pabalik sa kanyang higaan. Mabuti naman at saktong pagbukas ng pinto, ay nakahiga na siya ulit.
"Ija, kumusta ang pakiramdam mo?" mabait na tanong sa kanya ng matandang lalaki. Mula sa pagkakahiga ay marahan siyang bumangon upang makaupo sa higaan. "Oh, ija. Huwag ka nang bumangon at baka mahilo ka," alalay sa kanya ng matanda.
"Okay lang po ako. Okay na po ako, salamat po sa inyo," marahang usal niya.
"Nagugutom ka na ba? Gusto mo bang kumain?" tanong pang muli ng matandang lalaki sa kanya.
"Hindi po. Okay lang po ako. Salamat po ulit," tugon niyang muli rito.
Humigit ng malalim na paghinga ang matandang lalaki saka ito muling nagsalita. "Ija—"
"Paaalisin niyo na po ba ako?" mabilis na putol niya sa gustong sabihin ng matanda.
"Huh?"
"Dadalhin niyo po ba ako sa hospital at sasabihin sa mga pulis ang nangyari sa akin?"
"Ija, mas makabubuti kasi para sa iyo kung ganoon ang gagawin ko. Mas magiging ligtas ka kung maibabalik ka namin sa pamilya mo," tugon ng matanda sa kanya.
"Pero... wala po akong maalala."
"Alam ko, ija. Kaya nga mas makabubuti kung—"
"Kaya hindi po ako nakakasiguro sa kung sinong pwede kong pagkatiwalaan. Ang sabi niyo po'y kayo po ang nagligtas at nagdala rito sa akin."
"Ako nga, ija."
"Kung ganoon po, wala po akong ibang pwedeng pagkatiwalaan sa ngayon kung 'di kayo lamang."
Sandaling natahimik ang matanda dahil sa sinabi niya. Lingid sa kanyang kaalaman ay iniisip ngayon ni Gener ang naging pakiusap niya rito bago siya mawalan ng malay noong araw na iligtas siya nito.
Maliit na ngumiti si Gener saka ito muling nagsalita. "Maghahanda na ako ng hapunan. Tatawagin ka na lamang namin kapag kakain na. Magpahinga ka na muna rito," sabi nito bago siya nito tuluyang iniwanan.
Alam niyang maling-mali ang magsinungaling. Lalo pa sa mga taong tumulong at kumupkop sa kanya. Pero kailangan niya iyong gawin dahil wala siyang ibang pwedeng mapuntahan sa ngayon. Natatakot siya para sa sariling buhay dahil sa nangyari sa kanya. May taong gustong pumatay sa kanya kung kaya't hindi rin ito ang tamang panahon para bumalik siya kaagad sa kanila.
Ilang sandali pa ang lumipas nang muling bumukas ang pintuan ng silid na kinaroroonan niya. Bumungad sa kanya ang nakangiting si Tonya.
"Hi, ate! Kain na po tayo," aya nito sa kanya.
Marahan siyang kumilos para bumangon at tumayo. Agad naman siyang nilapitan at inalalayan ni Tonya hanggang sa makalabas sila ng silid.
Kaagad na gumala ang mga mata niya sa paligid na tila may hinahanap na mabuti. Pero bigo siya nang hindi iyon matagpuan sa huli.
Dinala siya ni Tonya sa maliit na hapag-kainan at maingat na pinaupo roon. Kaagad na kumalam naman ang sikmura niya pagkakita niya sa mga pagkaing nakahain sa harapan niya. Ang iba roon ay hindi siya pamilyar dahil lutong gulay. Pero sa itsura at amoy ng mga iyon ay sigurado siyang masarap ang mga iyon.
"Tawagin mo na rin ang kuya mo," balin ng matanda sa batang lalaki, na kaagad namang sinunod nito.
At ilang sandali lang ay naramdaman niya ang pagdating ng binata. Hindi niya alam kung bakit kumabog ang dibdib niya bigla ng malalakas. Gumalaw rin ang lalamunan niya dahil sa biglaan niyang paglunok.
Nang mag-angat siya ng tingin ay kaagad niyang nasalubong ang tingin ng binata sa kanya. Lalo tuloy nagwala ang puso niya dahil doon. Magulo ang basang buhok nito na halatang kagagaling lamang sa pagligo.
"Kain na tayo," masayang sambit ni Tonya saka nagsiupuan ang mga ito sa kani-kanilang pwesto. Naupo ang binata sa katapat niyang pwesto at hindi pa rin nito inaalis ang seryosong mga tingin sa kanya. Bagay na patuloy na nagpagagalaw sa puso niya.
"Let's pray!" pagkuwan ay sabi naman ng batang lalaki saka ito nagdasal bago sila kumain.
Nakapikit ang lahat habang nagsasambit ng dasal ang batang lalaki. Siya naman ay malayang pinagmamasdan ang mga ito. Naalala niyang noong huling pagdadasal niya bago kumain ay noong bata pa lamang siya at buhay pa ang kanyang ina. Dahil mula nang mamatay ang ina niya ay hindi na siya sinasabayan ng kanyang ama sa pagkain.
Humapdi ang puso niya dahil sa malungkot na alaalang iyon.
"Amen!" sabay na sambit ni Tonya at ng batang lalaki saka nagsimula ang mga ito sa pagkain. Nang muli siyang mag-angat ng tingin ay nasalo niya muli ang titig ng binata sa kanya.
"Ija, kain ka na. Masarap ang mga iyan," sabi ng matandang lalaki sa kanya saka nito nilagyan ng ulam ang pinggan niya.
"S-Salamat po," marahang usal niya. Ngayon ay naiilang na siya dahil sa panay na pagtingin ng binata sa kanya, na para bang sinusuri siya nito ng maigi.
"Ang pangalan ko nga pala ay Gener. Tawagin mo na lamang akong Lolo Gener," ani matanda sa kanya.
Maliit siyang ngumiti. "Salamat po, Lolo Gener..."
"Ito naman is Tonya at ang kapatid niyang si Jake," pagpapakilala pa ni Gener sa kanya sa dalawang bata. At sa huli ay tinapik ni Gener ang balikat ng binatang nasa tapat niya. "At ito naman ang apo ko, si Gelo."
Sumulyap siya sa binata. Sa wakas ay alam na niya ang pangalan nito.