“KAIN lang nang kain, Princess,” sabi ni Aling Merlina nang nakadulog na sila sa hapag. Simple nga lang ang inihanda nitong pagsasaluhan nila. Pansit at puto ang nakahain sa mesa. Walang soft drink o juice kundi tubig na malamig lang. Wala namang reklamo si Princess Grace. Masarap magluto ang nanay ni Lyndon. At mas masarap ang mainit na pag-aasikaso nito sa kanya.
“Kayo rin po, Nanay, saluhan n’yo na kami,” sabi niya.
“Nanay” na rin ang tawag niya rito. Noong una ay “Aling Merlina” lang, pero ito mismo ang nagsabi na tawagin niya itong “Nanay.” Iyon din ang gusto ni Lyndon na gawin niya kaya tumalima siya.
“Oo nga, `Nay, kain na. Kanina pa kayo ikot nang ikot diyan, dalawa lang naman kaming pinapakain n’yo,” nakangiting tudyo ni Lyndon sa ina.
“Sige na, mauna na kayo,” tanggi ni Aling Merlina at ikinumpas pa ang kamay. “Alam n’yo naman na ganito akong mag-asikaso.”
Sa lahat ng pagkakataong isinama siya ni Lyndon sa bahay ng mga ito, pakiramdam ni Princess Grace ay isa siyang panauhing pandangal kung asikasuhin ng matanda. Kahit wala itong magarbong pagkain na maihain sa kanya, asikasong-asikaso naman siya nito. At aminado siyang komportable na rin siya sa bahay na iyon kahit na luma na iyon at kulang sa modernong appliances. Napakalinis ang buong bahay. Kahit ang banyo na makaluma rin ang inidoro ay hindi kakikitaan ni kapirasong mantsa o dumi.
Pero sa tuwina ay inihihingi ni Aling Merlina ng paumanhin ang pagiging mahirap ng mga ito.
“Sa ganito man lang ay makabawi ako sa iyo, Princess Grace,” sabi nito na hindi na rin bago sa kanyang pandinig. “Hanggang ngayon ay hindi ako makapaniwalang gugustuhin mo ang anak ko. Mahirap lang kami. Mayaman kayo. Pangalan mo na mismo, prinsesang-prinsesa na. At hindi rin ako makapaniwalang tatanggapin ng mga magulang mo ang anak ko.” Nangilid pa ang mga luha nito. “Kung sana ay hindi agad nawala ang tatay ni Lyndon. Sana’y may maipagmamalaki naman kami maski paano.”
“`Nay, wala naman tayong dapat ikahiya kung mahirap man tayo ngayon,” malumanay na kontra ni Lyndon sa ina. “Hindi naman siguro tayo habang-panahong mahirap. Magsisikap ako. Siguradong makakaahon din tayo.”
Naikuwento na noon sa kanya ni Lyndon ang buhay ng pamilya nito. Pitong taon lang ito nang maulila sa ama. May-kaya pa ang mga ito noon, may bahay at lupa sa Maynila na ginawang bakery at variety store ang ibaba ng bahay. Malakas daw ang kita ng tindahan dahil maraming kalapit na mga boardinghouses at dormitoryo ang kinaroroonan ng bahay.
Araw at gabi raw ang pagmamasa ng tinapay ng dalawang tauhan habang magkatuwang naman ang mga magulang nito sa pagkakaha sa tindahan at bakery. Pero nang mawala ang ama ni Lyndon, bigla na lang umanong may lumitaw na babaeng nagsasabing unang asawa ng ama nito. Suportado ng pamilya ng ama ni Lyndon ang babaeng iyon kaya ang kabuhayan at pag-aaring naipundar para sana dito at sa nanay nito ay nakamkam.
Walang mataas na pinag-aralan si Aling Merlina at hindi kasal sa ama ni Lyndon kaya wala itong nagawa kundi ang iyakan na lang ang nangyari at nagpasyang umuwi sa bahay ng mga magulang sa Sierra Carmela.
Ang lumang bahay nga na iyon ang naiwan kay Aling Merlina nang pumanaw ang mga magulang nito.
“Hindi ko alam kung matatawag akong bastardo,” sabi ni Lyndon sa kanya noong ipinagtapat sa kanya ang buong buhay nito. “Hindi nga siguro kasal ang nanay at tatay ko, pero apelyido ni Tatay ang dala-dala ko hanggang ngayon. Saka pitong taon na ako nang atakihin sa puso si Tatay. May isip na rin ako noon kahit paano. At naaalala kong palagi ko siyang kasama. Madalas ay naglalaro kami ng trumpo. Nakapagitna pa ako sa kanila ni Nanay sa pagtulog. Inihahatid din niya ako sa school. Tatay ko siya, Prin. At kahit kailan, hindi ko nadamang itinuring niya ako na ibang tao. Ganoon ba ang bastardo?”
“Hindi ka inabandona ng tatay mo. Saka apelyido nga niya ang gamit mo,” sabi naman niya.
Tinitigan siya ng binata. “Tanggap mo pa rin ba ako, Princess?”
Hindi niya alam kung matatawa ba nang mga sandaling iyon. At kahit gustuhin siguro niyang tumawa ay hindi niya magagawa. Seryosung-seryoso kasi ang mukha at tono ni Lyndon.
“At bakit naman kita hindi tatanggapin?” sabi na lang niya.
Isang buntong-hininga ang pinakawalan ng binata. “Ang laki ng pagkakaiba natin. Mayaman ka, mahirap ako. Ikaw, sigurado kang kasal ang mga magulang mo. Ako, alam mo na ngayon kung ano ako. Sigurado na rin ang kinabukasan mo samantalang ako, napakalabo pa. Parang kasindepende kung may bibili ba o wala sa mga gulay na paninda ng nanay ko.”
“Insecure ka yata ngayon, Lyndon?” pabirong sabi niya. “Hindi ka naman dating ganyan, ah. `Di ba, ikaw na ang may sabi sa akin dati na hindi hadlang sa buhay ang pagiging mahirap? Basta palaging magsisikap ang tao, hindi problema kung mahirap ka man.”
Parang nahihiyang ngumiti ito. “Pasensiya ka na, Prin. Paminsan-minsan kasi, hindi ko rin maiwasang makaramdam ng ganito. Lalo na kapag talagang sobrang hirap na ang inaabot namin ni Nanay.”
Nakadama ng awa si Princess Grace sa boyfriend. Alam niya, kapag ganoon ay mahina ang benta sa pagtitinda ng gulay ni Nanay Merlina. At alam din niya, dumarating ang pagkakataong pumapasok si Lyndon sa school nang walang baon o kahit pamasahe, hindi lang nito ipinapahalata sa iba. Pero dahil kilala niya si Lyndon, alam niya kung kailan ito mayroon o walang hawak na pera.
Samantalang siya, ni minsan ay hindi naranasang mawalan ng pera. Palagi ngang sobra ang baon niya. At kapag ganoon ang sitwasyon ay alam na niya ang gagawin. Nunca na tatanggap si Lyndon ng pera mula sa kanya. May pride ito. Kahit na sabihing girlfriend siya nito at hindi naman malaking bagay para sa kanya na siya ang mag-aabot dito ng pera paminsan-minsan ay hindi nito papayagang gawin niya iyon.
Ilang beses nang ginawa ni Princess Grace iyon at nauuwi lang sila sa pag-aaway. Kaya nakaisip siya ng ibang paraan. Sa breaktime ay mabilis siya sa pagbabayad ng merienda nila. O di kaya ay mag-isa siyang pumupunta sa canteen at bumibili ng pagkain nila.
Kahit hindi agad tinatanggap ni Lyndon ang mga pagkain dahil na rin sa hiya, alam niyang hindi rin nito tatanggihan iyon kinalaunan. Kokonsiyensiyahin pa niya ito na nabubulag ang tumatanggi sa grasya.
Marami na silang pinagsamahan, parang pelikula na may drama, comedy at kilig. Lahat ng iyon ay mami-miss niya kapag lumuwas na siya sa Maynila. Higit sa lahat ay mami-miss niya ito nang husto.
“Napaano ka na diyan, Princess?” pukaw ni Lyndon sa kanya. “Nabulunan ka ba ng puto?” biro pa nito.
“Hindi, ah! Ang sarap nga ng puto ni Nanay, eh.” Nakangiting tiningnan niya si Aling Merlina.
“Nagbalot ako nang kaunti, Princess Grace. Iuwi mo sa mama at papa mo para matikman din nila itong handa ni Lyndon. Mayroon ding pansit. Pinalalamig ko lang bago takpan para hindi mapanis.”
“Naku, kahit hindi na po sana,” nahihiyang sabi niya.
“Ano bang hindi?” anito. “Si Lyndon ay hindi na mabilang kung ilang beses na pinakain ng mama mo. Sa ganito man lang ay makabawi ako kahit kaunti. O, baka malibang kayo sa oras, pasado alas-otso na. Lyndon, nangako tayo na ihahatid mo si Princess sa kanila nang alas-nuwebe.”
Nagkatinginan sila ni Lyndon. Mababasa sa kanilang mga mata ang pagtutol na magkahiwalay na pero alam nilang wala silang magagawa.
Pagkatapos kumain ay nagkuwentuhan sila nang kaunti pero maya’t maya rin ang pagpapaalala sa kanila ni Aling Merlina ng oras.
“Hindi sa itinataboy kita, Princess. Ayaw ko lang masira ako sa magulang mo. Ako mismo ang nangako sa kanila na uuwi ka sa takdang-oras,” malumanay na sabi nito mayamaya.
Ngumiti siya. “Wala po kayong dapat ipag-alala, Nanay. Naiintindihan ko po.”
Tumayo na rin si Lyndon. “Ihahatid ko na siya, Nanay.”
“Sumama na kaya ako?” ani Aling Merlina. “Hindi ba’t mas maganda kung pati ako ay maghahatid kay Princess Grace? Para makita ng mga magulang niya na marunong tayong tumupad sa pangako.”
“Bakit po hindi?” sang-ayon niya.
“`Nay, ihahatid ko lang po si Princess Grace. Hindi naman ako magtatagal sa kanila.” Nilapitan pa nito ang ina at inakbayan. “Mahal po ang pamasahe sa tricycle kapag ganitong gabi na,” pabulong na sabi nito kahit umabot iyon sa pandinig niya.
“Oo nga pala,” parang napapaisip na sabi ni Aling Merlina. “Siya, hindi na ako sasama. Basta mag-iingat kayong dalawa, ha?” Nakatingin ito sa kanya habang sinasabi iyon. “Siguradong matatagalan bago uli tayo magkita, Princess,” malungkot na sabi nito. “Siguradong dalagang-dalaga ka na kapag nagkita uli tayo. Huwag ka sanang magbabago.”
“Wala pong dahilan para magbago ako, Nanay,” sagot niya. Lumapit siya, niyakap ito at hinalikan sa pisngi. “Maraming salamat po sa magandang pagtrato ninyo sa akin.”
“Kuu, ano bang salamat? Dapat lang iyon dahil mahal ka ng anak ko. Siyempre, mahal na rin kita.”
Tumikhim nang malakas si Lyndon. “Baka magkaiyakan pa po kayo niyan,” tudyo nito.
Hanggang sa may gate ng bahay ay hindi matapus-tapos ang pagpapaalaman nila ni Aling Merlina.
“Madalang nang dumaan ang tricycle kapag ganitong oras,” sabi ni Lyndon nang ilang sandali na silang nag-aabang ng masasakyan. “Mabuti pa siguro ay lumakad na tayo papunta sa kanto. Mas madali tayong masasakay roon.”
“Mag-iingat kayo, ha?” bilin uli sa kanila ni Aling Merlina.