Mahangin noon at nakaupo ako sa damuhan na nasisilungan ng punong mangga habang kumakanta, napatigil lang ako sa pag-awit ng April Boys song nang may marinig akong palakpak mula sa likuran ko.
“Ang galing naman talaga ng girlfriend ko.”
Nilingon ko siya at nakita ko ang nakangiti kong boyfriend na nakasandal sa puno ng mangga na sinisilungan ko. Napangiti ako at agad tumayo saka mabilis siyang niyakap.
“Hindi halatang miss mo ako, ah!” sambit niya.
“Miss naman talaga kita, eh! Tatlong araw kaya tayong hindi nagkita!” sagot ko. Naramdaman ko rin ang pagyakap niya sa akin at paghalik sa ulo ko.
“Na-miss din kita. Pasensya ka na kung hindi kita mapuntahan palagi. Alam mo naman na pinapraktis ko ang mga kanta para sa audition,” sagot niya. Bumitaw ako sa yakap at naupo kami pareho sa damuhan.
Yes, nagpapraktis siya ng pagkanta. Maganda kasi ang boses niya at talagang may patutunnguhan kung iingatan. Pangarap niya rin kasing maging vocalist ng isang banda kaya nagsisikap siya at ako naman ay palagi lang nakasuporta. Siya rin ang nagtuturo sa akin na kumanta at madalas namin kantahin ay kanta ng April Boys Medley. Kaya nagamit ko ang pagtuturo niya sa akin kumanta, dahil nagagamit ko iyon para rumaket sa mga banda o ilang resto bar na nangangailangan ng singer. Hindi ganoon kataas ang standards nila basta lang kaya kong aliwin ang mga customer nila sa boses ko.
“Naiintindihan ko naman iyon at alam mong nakasuporta ako palagi sa ‘yo,” sambit ko.
“Naks naman! ‘Yan ang girlfriend ko kaya mahal na mahal kita, eh!” sambit niya dahilan para pamulahan ako ng mukha.
“Heh!”
“Kinikilig ka naman!” wika niya pero natahimik ako at agad niyang napansin iyon.
“Oh, natahimik ka?”
“Hanz, totoo bang mahal mo ako kahit na seventeen lang ako tapos ikaw twenty na?” tanong ko at nilingon siya. Hinawakan niya ang kamay ko at tinitigan ako sa mata.
“Mahal na mahal kita, Raia. Pinapangako ko rin na hindi kita iiwan.”
Hindi na ako umimik pa at yumakap na lang. Nakontento na ako sa mga salitang ‘yon. Napanatag na ang puso ko roon. Basta kasama at alam kong nariyan siya, magiging masaya ako.
Hapon na at nakauwi na rin ako. Kailangan na rin kasi umalis ni Hanz dahil may praktis sila ng mga kaibigan niya. Summer naman ngayon kaya hindi pa ako busy sa eskwela.
Habang nagwawalis ako ng bakuran ay biglang tumalsik ang dust pan. Hindi na ako nagtaka kung sino ang gumawa no’n dahil kilala ko na. Si Tito Rudy na lasinggero at sugalero na asawa ni Tita Luisa. Si Tita Luisa kasi ang nagkupkop sa akin nang mamatay ang aking ina. Hindi sila kasal pero nagsasama na sa iisang bubong.
“Nagwawalis ka riyan, nakapagluto ka na ba?” Napabuntonghininga na lamang ako sa tanong niya. Lasing man o hindi, nakasigaw siya lagi sa akin.
“Wala pa pong bigas at wala pa si Tita,” sagot ko lang at nagpatuloy sa pagwawalis. Akala ko umalis na siya pero bigla niyang hinablot sa akin ang walis.
“Bastos ka, ah! Sumasagot ka na?” bulyaw niya.
Imbes na sumagot ay iniwan ko siya roon. Ayokong maging bastos kahit hindi naman siya dapat irespeto. Pareho sila ni Tita na malupit sa akin. Palagi mainit ulo ni Tita sa akin dahil nag-iwan daw si mama ng pabigat sa kaniya. Galit din kasi siya kay mama dahil nagsakripisyo siya noong dalaga pa sila para makapag-aral si mama pero maaga itong nabuntis at nang maipanganak ako ay siya rin naman pagbawi ng buhay kay mama, kaya naman sa akin isinisi ng Tiya ang lahat.
Pumasok ako sa kuwarto at hindi ko pa man nasasarado ang pinto ay narinig ko na ang boses ni Tita.
“Ano na namang ingay ‘yan, Rudy? Naglalakad pa lang ako roon ay rinig ko na boses mo,” wika ni Tita. Isinarado ko na ang pinto at hinawakan na lamang ang libro.
Mag-aaral muna ako habang bakasyon kaysa pakinggan sila. Wala pa rin naman patawagan sa mga raket ko ngayon. Fourth year high school na ako sa pasukan kaya konting tiyaga pa. Makaka-graduate na rin ako. Kahit mahirap makisama rito ay magtitiis ako para sa pangarap ko.
“Hoy, Raia! Baka gusto mong lumabas diyan at magsaing? Para kang prinsesa, ah!” singhal niya. Hindi na ako nagsalita pa at kumilos na lang.
Lumapit ako sa bigasan at halos paubos na ang laman. Dalawang gatang na lang ang maiisaing ko. Kulang pa ito kay Tito kapag maluto na.
Pagkatapos ko magsaing ay pinaghain ko na sila pero napatalon ako sa gulat nang hampasin ni Tita ang mesa.
“Ano ‘to? Nasaan ang ulam?” tanong niya sa akin.
“W-wala naman po kayo ibinigay na ulam para lutuin,” sagot ko. Napaatras ako nang tumayo si Tita at lapitan ako. Hinablot niya ako sa braso.
“Bakit hindi ka bumili, may pera ka, ‘di ba? Bakit hindi mo binawasan ang pera mo para bumili ng ulam?”
Hindi ako umimik. Oo may pera ako pero iniipon ko iyon para sa pag-aaral ko. Bukod sa raket na pagkanta ay um-e-extra din ako ng labada para magkapera dahil alam kong hindi naman nila ako pag-aaralin.
Malakas niyang binitiwan ang braso ko kaya nawalan ako ng balanse. Hindi ako nagreklamo at tumayo na lang.
“Maghanap ka ng kakainan mo! Tutal may pera ka naman, bumili ka ng pagkain mo!” sigaw niya bago ako talikuran. Mayroon siyang kinuhang supot sa bayong niya at nakita kong adobo iyon. Bumalik siya sa pag-upo, isinalin ang ulam at kumain silang mag-asawa na tila wala ako.
Imbes na panoorin sila ay lumabas ako ng bahay. Magtitinapay na lang muna ako ngayon.
“Raia?” Habang nagbibilang ako ng barya ay may tumawag sa akin. Nilingon ko siya at nakita kong si Denise iyon.
“Denise, ikaw pala,” sagot ko. Napansin ko na ang dami niyang dalang paper bags.
“Oo, papunta ako kina Hanz dahil pinapahatid ito ni mommy,” wika niya. Tumango na lang ako. Close sila ni Hanz kaya wala lang sa akin ang pagpunta niya roon.
“Sige, mag-ii—”
“Rai!” Napatigil ako at mabilis nilingon ang pamilyar na boses. Agad sumilay ang ngiti sa labi ko at patakbo siyang nilapitan.
“Hanz!” tawag ako at nang makalapit ay agad ko siyang niyakap.
“Bakit ka nasa labas?” tanong niya.
“Bi—”
“Hanz, pinapabigay ni Mommy, mabuti at nagkita tayo rito,” pagsingit ni Denisse.
“Rai, tinatanong kita, bakit ka nasa labas?”
“Kasi—”
“Hanz, sabay na tayong pumunta—”
“Denise, kung ibibigay mo ‘yan kay mama ibigay mo na. Mauna ka na roon dahil sasamahan ko pa si Raia.” Pagputol niya sa sinasabi ni Denise. Hindi ko alam kung namalikmata lang ba ako pero parang inirapan ako ni Denise bago siya tumalikod sa amin.
“Bakit mo naman pinaalis agad si Denise, gusto lang naman yata na sumabay sa ‘yo,” saad ko.
“Tss. Huwag mo siyang pansinin. Ikaw ang importante sa akin. Bakit ka nasa labas?” tanong niya. Hindi ko alam kung dapat ko bang sabihin ang nangyari pero hindi rin naman sikreto sa kaniya ang pagmamalupit nila Tiyang.
“Huwag mo sabihing sinaktan ka na naman?”
“H-hindi naman. Gusto lang bawasan iyong ipon ko para sa pag-aaral ko kaya nagalit sa akin, kaya ito hindi ako pinakain. Lumabas lang ako para bumili sana kahit tinapay,” sagot ko.
Napapikit siya at napahinga nang malalim. Alam ko na nag-aalala siya sa akin kaya ngumiti ako at hinawakan siya sa braso.
“Huwag ka mag-alala dahil okay pa naman ako. Kaya ko pa tiisin sila Tiyang,” sambit ko. Bumuntonghininga lang siya at niyakap ako. Marahan niya akong hinalikan sa noo.
“Konting tiis na lang, Raia, kukunin din kita sa kanila,” bulong niya. Tumango lang ako at agad din humiwalay sa yakap.
“Saan ka pala pupunta?” tanong ko. Hindi muna siya sumagot at tinaas lang ang kamay na may supot.
“Dadalhan sana kita ng paborito mong siomai,” wika niya. Napangiti ako nang marinig ang sinabi niya. Pakiramdam ko ay naghugis puso ang mga mata ko.
“Hala! Salamat, Hanz! Tara samahan mo ako na ubusin ito!” masayang sambit ko at naglakad kami pauwi pero hanggang doon lang kami sa may puno ng mangga. Mayroon doon upuang gawa sa kahoy. Doon kami tumambay, nagkuwentuhan habang kinakain ang siomai.
Sa ganitong paraan ay nakalimutan ko ang mga problemang pasan ko. Kapag ganitong kasama ko siya ay nagiging kontento at masaya ako.