Chapter 3

1234 Words
Nakayuko ako habang umiiyak sa loob ng rehas. Hindi ganitong buhay ang pinangarap ko. Hindi ito ang gusto ko. “Raia . . .” Napaangat ang tingin ko nang marinig ko ang isang pamilyar na boses. Basang-basa ng luha ang mukha ko, magulo ang buhok at may pasa sa pisngi nang makita ako ni Hanz. Pero hindi ko iyon inisip. “H-Hanz, t-tulungan mo ako. W-wala akong kasalanan,” pagsusumamo ko. Siya lang ang alam kong makatutulong sa akin. Hinaplos niya ang pisngi ko. Kahit ayokong kaawaan niya ako at maging pabigat sa kaniya, wala akong pagpipilian. Kailangan ko ng tulong niya dahil may pangarap pa ako. “Shhh. Tahan, Rai. Gagawin ko lahat para mailabas ka rito,” sambit niya pero mas lalo lang akong napahagulgol. Napakuyom ang kamao niya habang umiling ako. “M-maniwala ka sa akin. H-hindi ko sinadya, Hanz. P-pinagtanggol ko lang ang sarili ko . . .” sambit ko sa nanginginig kong boses. “Oo, naniniwala ako sa ‘yo. Ano ba ang nangyari?” tanong niya. “P-pinagtangkaan niya akong pagsamantalahan . . .” sambit ko. “A-ano?” gulat niyang sabi at napahawak sa rehas. “At walang ginawa ang Tiyang mo para dito? Mas kinampihan pa niya ang lalaking iyon?” tanong niya at tumango lang ako. Parang may kung anong galit na nabakas sa mukha ni Hanz. Pinagmasdan niya akong may namumuong awa sa kaniyang mukha. Hindi ko alam kung ano ba ang iniisip niya sa akin. Dahil ako, ang naiisip ko lang ay ang mga pangarap ko. Ang dami ko pang gustong gawin sa buhay ko. Mag-bi-birthday pa ako sa makalawa. Magkokolehiyo pa ako. Tutuparin ko pa ang pagiging singer ko, pero paano ko iyon magagawa kung nandito ako sa loob ng rehas na ito. Napayuko ako. Sobrang sakit na sa isang iglap ay natuldukan lahat. Naramdaman kong inangat niya ang mukha ko. Pinahiran niya luha ko at ngumiti sa akin. Sa oras na iyon, nang makita ko ang ngiti niya, pakiramdam ko lumakas ako. Pakiramdam ko nagkaroon ako ng bagong pag-asa. “Hintayin mo ako, gagawa ako ng paraan para makalabas ka rito,” wika niya. Marahan lang akong tumango. “Hihintayin kita,” sambit ko. Hinalikan niya lang ang noo ko bago siya umalis. Hindi ko alam kung saan siya pupunta pero habang pinagmamasdan ko siyang naglalakad palayo ay nakaramdam ako ng takot at kaba na ngayon ko lang naramdaman habang lumalayo si Hanz sa akin. Nang mawala siya ay napasandal ako sa pader at napaupo. Tahimik na nagdadasal na sana ay maging maayos ang paraan ni Hanz. “Raia! Raia!” Napalingon ako nang may tumawag sa akin at nakita ko si Tiyang Luisa na mayroong kasamang babae. Sa postura ng babaeng kasama niya ay mapapansin na galing ito sa mayamang pamilya. Napatayo ako at nagkaroon ng pag-asa. Tutulugan ba ako ni Tiyang na makalabas dito? “Siya! Siya ang babaeng pumatay sa anak ninyo. Gumagawa pa siya ng kuwentong pinagtangkaan daw siyang gahasain ng asawa ko!” sambit ni Tiyang. Gumuho ang pag-asa kong tutulungan niya ako. Kung ganoon ay ina ito ni Tiyo Rudy? Mabilis akong umiling para muling depensahan ang sarili. “Hindi po ako gumagawa ng kuwento, Tiyang! Tulungan ninyo po ako, pakiusap po. May pangarap pa po ako,” pagmamakaawa ko pero tila bingi si Tiyang. “Umasa ka talagang tutulungan kita? Pagkatapos kitang kupkupin at palakihin ng ganiyan, ito ang isusukli mo? Papatayin mo lang pala ang asawa ko. Alam mo, Raia, nagsisisi akong pinalaki pa kita! Sana pala, dinala na lang kita sa bahay-ampunan!” Kahit masasakit ang mga sinasabi ni Tiyang ay paulit-ulit lang akong umiiling. “Hindi po. Wala po akong kasalanan. Nagsasabi po ako ng totoo. Tulungan ninyo po akong makalaya rito, Tiyang. Pakiusap po,” sambit ko. Umirap lang si Tiyang kaya napatingin ako sa babaeng kasama ni Tiyang nang maglakad ito palapit sa rehas “Sa tingin mo talaga makakalaya ka pa rito? Pagkatapos mong patayin ang anak ko, tingin mo hahayaan kitang maging malaya at masaya? Nagkakamali ka, hija,” sambit niya. Umiling ako habang umiiyak. “Pinagtanggol ko lang po ang sarili ko. Pakiusap po, wala po akong kasalanan.” “Shut up!” sigaw niya at mas lumapit pa. Tumapat siya sa bandang malapit sa tenga ko. Bumulong siya, “Gagamitin ko lahat ng pera ko huwag ka lang makalabas dito. Hindi ko hahayaang maging malaya ka. Dito ka na mamamatay.” Pakiramdam ko, binuhusan ng malamig na tubig ang katawan ko nang marinig iyon. May kung anong parang nadurog na pag-asa sa akin para makalaya. Nanlambot ang mga tuhod ko at napaupo ako. Unti-unti ay nanlabo na naman ang tingin ko dahil sa mga luha. At bumuhos na lang ang mga luha ko habang sinusundan ng tingin ang babaeng naglalakad palayo. Paano na ako ngayon? Dapat ba hinayaan ko na lang si Tiyo Rudy? Dapat ba hindi na lang ako lumaban? Dapat ba naging mahina na lang ako? Hindi ba ako mapupunta rito kung ganoon ang ginawa ko? Yumuko ako sa mga tuhod ko at umiyak. Wala na akong ibang magawa kung hindi ang umiyak nang umiyak. Nawawalan na ako ng pag-asa. Parang gusto ko na lang mawala sa mundong ito. ‘Hintayin mo ako.’ Biglang nag-echo sa utak ko ang boses ni Hanz. Mapait akong napangiti habang nakatingin sa paa kong marumi. Para akong batang musmos na inabandona. Hindi ko na mapigilan na kaawaan ang sarili ko. Kahit anong gawin ko para maging matatag, nanghihina ako sa tuwing naiisip kong sa loob ng rehas na ito ay wala akong kakampi. Hindi naman ako naghangad ng maganda at madaling buhay para magkaroon ng ganitong sukli. Lahat naman pinaghihirapan kong makuha. Lahat natiis ko para sa pangarap ko pero bakit ganito? “Raia.” Napatigil ako sa pag-iisip nang may tumawag sa akin. Nang mag-angat ako ng tingin ay nakita ko si Denise na kasama ang mama ni Hanz. Dahan-dahan akong tumayo at nag-iwas ng tingin. Hindi ko kayang salubungin ang titig ng mama ni Hanz. Ayaw niya sa akin noon. Mas aayawan niya ako ngayon at nakakahiyang makita niya ako sa ganitong kalagayan. “Hindi rin kami magtatagal. Nagpunta lang kami rito para sabihin sa ‘yong maghintay ka lang daw sabi ni Hanz at ilalabas ka niya rito.” Napatingin ako sa kanila nang marinig iyon. “T-talaga po?” Hindi ko na napigilang matuwa sa balitang iyon. “Oo kaya maghintay ka lang. Tara na, Denise.” Hindi ko alam pero parang nakita kong ngumisi si Tita Camilla bago tumalikod. “Bye for now, little Raia,” sambit ni Denise at tinalikuran na rin ako. Hindi ko maintindihan pero parang may kung ano sa kanila. Parang may mali. Huminga ako nang malalim at umiling-iling. Hindi naman dapat ako nag-iisip ng kung ano. Sinabi naman nila na hintayin ko si Hanz. Kontento na ako roon. Pinunasan ko ang pisngi ko at mapait na ngumiti bago naglakad sa isang sulok. Sa ngayon, kailangan ko muna hintayin si Hanz. Alam kong hindi niya ako pababayaan. Hindi ko mapigilan mapabuntonghininga. Nagdiriwang sana kami ngayon ni Hanz para sa pagpasa nila sa Rock Records. Nagtatawanan at nagkukuwentuhan. Magkasama sana kami ngayon hindi ganito na malayo siya sa tabi ko. Pinatong ko ang ulo ko sa dalawang kong tuhod at pumikit. Baka sakaling paggising ko ayos na lahat, na isa lamang itong panaginip. Isang masamang panaginip.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD