"Mizhe," anang matinis na tinig na umagaw ng atensyon niya mula sa pinanonood na Barbie movie. Nagsisimula na siyang mawili sa panonood ng mga Barbie, na maghapon nang naka play sa malaking T.V. dito sa playroom ni Shasha. Gustung gusto ng bata ang Barbie movies at laging naka-play sa T.V. kahit pa hindi naman nakatutok ang atensyon sa palabas kundi sa kinukulayan nitong si Barbie din. At siya naman, namamagod dahil sa day off niya at nababagot dahil silang dalawa lang ng bata ang magkasama pati ang alaga nitong si Dark, ang german shepperd na aso at kulay itim pa.
Kakabalik lang niya sa mansion. Inihatid siya ni Aidan pero pagdating sa convenience store bago pumasok ng village ay bumaba na siya at nagtawag na lang ng taxi papasok sa village. Nakatikim pa siya ng malumanay na sermon mula kay Nanay Carrie, ang mayordoma ng Montellano Mansion. Late na daw siya nakabalik, dapat ay alas sais kaninang umaga ay nakabalik na siya. Pero dahil sa nangyari kahapon pag uwi niya at sa request ni Aidan na maextend pa kahit saglit ang time nila kaya sumugal siyang malate at hapon na nakabalik dito. Actually, dapat ay kanina pa siya nakabalik, pero pagkatapos niyang maligo kanina ay napilit pa siya ng last one kuno ni Aidan. Ang pangako nitong saglit ay nabigo dahil hindi naman saglitan ang last kuno nito. À⁶ Alas kwatro y media na siya nakabalik ng mansion at mangiyak ngiyak pa si Shasha ng salubungin siya sa gate. Napabuntung hininga siya ng maalala ang lalaki. Nangingirot pa ang kanyang little girl at nanlalambot pa ang tuhod niya. Buti na lang at hindi malikot na bata si Shasha dahil kahit papaano naipapahinga niya ang pagal na katawan kahit binabantayan ito.
Nilingon niya si Shasha na kasalukuyang nagsusumikap makatayo mula sa pagkakadapa sa sahig at nagkukulay sa coloring book nitong Barbie. Muntik pa itong mapasubsob pero agad namang nabalanse nito ang katawan hanggang sa tuluyan ng makatayo at tumakbo papunta sa kanya, bitbit nito ang kakatapos lang nitong kulayang si Barbie na nakasakay sa Unicorn.
"Pretty, Mizhe?" tanong nito sa kanya,nakatingin ito sa kanya at nagniningning ang mga matang hinihintay ang kanyang sagot.
Inabot niya ang coloring book at tiningnan ang gawa nito, parang nagmukhang rainbow si barbie at ang unicorn sa dami ng colors na bumalot dito. Napangiti siya at tinulungan itong makasampa sa kanya at kinandong ito.
"Opo, so pretty, Sha," puri niya rito. Inabutan siya nito ng crayons, at nagcolor silang dalawa.
Hindi niya mapigilang mapangiti sa tuwing tatawa ang bata. Parang musika sa pandinig niya ang malulutong nitong tawa at malambing na boses tuwing magsasalita ito. Tatlong taon pa lang ito pero matatas na itong magsalita, medyo bulol at hirap pa nga lang sa ibang mahihirap na salita.
Natigilan siya, kabaliktaran ni Shasha ang buhay niya noong bata siya. Napailing siya at pilit binara ang alaalang biglang lumitaw sa gunita niya. Hindi naman iyon maganda o kaya ay masayang alala na kakailanganin pa niyang gunitain at balik balikan pa sa ala-ala. Matagal na niyang ibinaon sa sulok ng kanyang isipan ang mga memoryang iyon at hindi na dapat pang buklatin at usisain pa.
Wala sa sariling napa buntung hininga siya. Awtomatikong nagbalik sa isip niya ang nangyari kahapon. Apat na buwan na siya dito sa Montellano Mansion, nakakalabas pa nga siya at sigurado siyang ligtas ang manatili dito dahil ni minsan ay hindi siya binagabag ng walanghiyang intsik na iyon. Halos makalimutan na nga niyang may naghahanap nga pala sa kanya. At ang nanay niya. Hindi niya lubos maisip kung ano ang nasa kukote nito para ibenta siya sa matandang intsik na 'di hamak na mas matanda pa sa kanya ng tatlong beses. Napailing siya. Alam niyang hindi siya mahal ng ina simula pa siguro ng isilang siya. Patunay niyon ang mga pasa at sugat na bumalot sa katawan niya, ang mga bulyaw at sermong bumingi sa kanya habang lumalaki siya sa piling ng ina. Pero hindi niya inakalang ganuon katindi ang pagwawalang bahala sa kanya ng ina na kayang kaya nitong sirain ang buhay niya sa kamay ng matandang intsik. Hindi naman basta bastang tao si Mr. Chua, may gang ito sa lugar nila na talamak sa paghahasik ng lagim at wala pa siyang nababalitaang bababe na nakalayang buhay sa kamay nito. Malupit ito, at hindi kaila sa kanyang balot ng dugo ang mga kamay nito. Mas pinili niyang mabuhay kaya tumakas siya at nagtago at nangatulong bago pa siya makuha ng matanda. Wala siyang balak sumuko sa kapalarang pilit ipinapakain sa kanya ng ina. Kung ayaw niya ay ayaw niya. Kahit tawagin pa ng ina ang diyablo mula sa impiyerno para gapiin siya ay lalaban at lalaban siya at ililigtas ang sarili sa matalas na kuko ng ina. Wala sa bokabularyo niya ang magpadaig sa mga paninira sa kanya ng ina. Marahan siyang nag inhale- exhale breathing exercise para kalmahin ang sarili.
Napalingon siya kay Shasha ng maramdaman niya ang marahan at mumunting mga haplos nito sa braso niya. Nawaglit sa isip niya na may kasama siyang paslit dahil sa alalahaning dala ng ina. Nakatingala ito sa kanya at bakas sa inosenteng mga mata ng bata ang pag aalala sa kanya. Sa murang edad nito, napaka sensitibo na nitong makiramdam sa mga taong nasa paligid nito bunga ng malupit din nitong ina at ate. Bahagya siyang nakakarelate dito, pero para sa kanya ay napakaswerte pa rin ni Shasha, at aminado siyang nakakadama siya ng inggit dito. Dahil hindi katulad niya, si Shasha ay mayroong ama na nagtatanggol at nag aasikaso dito. Kung anong ikinasama ng ina nito ay siya namang ikinabait ng ama nito. Mapait na ngiti ang sumilay sa kanyang labi habang nakatitig sa maamong mukha ng bata. Gumuhit sa puso niya ang sakit at pighati para sa sariling buhay niya. Masalimuot, malungkot at puno ng hinagpis, at mabibilang lang sa daliri ang mga pagkakataong naging masaya siya sa tanang buhay niya na kasama ang ina.
Ipinukol niya ang tingin kay Barbie na nasa T.V. para itago sa bata ang mga matang namamasa sa luhang nagbabadyang maglandas doon. Humugot siya ng malalalim na paghinga para kalmahin ang puso.
"Are you okay, Mizhe?" naiiyak na tanong ni Shasha. Maging si Dark ay napalapit na rin sa kanya at dinilaan ang pisngi niya. Inaalo siya. Gumaan bahagya ang pakiramdam niya. Alam niyang malas man siya sa ina, swerte naman siya sa mga taong pinili niyang pagkatiwalaan at mahalin. Sapat na iyon para manatili siyang matatag sa anumang pagsubok na dumating.
"Opo, I'm okay, Sha," nakangiting tugon niya rito. Natawa siya ng ipulupot nito sa leeg niya ang mga braso at mahigpit siyang niyakap. Umungot din si Dark at ipinatong ang ulo sa balikat niya. Hinaplos niyang pareho ang ulo ng dalawa.
Nasa ganuong sitwasyon sila ng makarinig siya ng tikhim sa likuran nila.
"Can I join?"
Kinabahan siya ng marinig ang boses ni Sir Aidan sa likuran nila. Nagtayuan ang balahibo niya ng maramdaman na niya ang pagpulupot ng braso nito sa balakang niya at ang pagpatong nito ng ulo sa balikat niya mula sa likuran niya.
"Are you okay, Sweetie?" bulong nito sa tainga niya.
Napalunok siya, hindi alam kung paanong pakakalmahin ang pusong halos lumuwa na sa dibdib niya sa sobrang bilis at lakas ng t***k niyon.
"O-okay lang, sir," nauutal na sagot niya. Napahigpit ang yakap niya kay Shasha.
Nahigit niya ang paghinga ng maramdaman niyang dinampian siya ng masuyong halik sa sentido niya ni Sir Aidan. Marahan ding humaplos sa braso niya ang palad nitong nakapulupot sa kanya, na tila ba ay pinapawi nito ang anumang lungkot na namumuo sa puso niya.
Kumislot ang puso niya sa ipinakita ng mag ama sa kanya. Sa tanang buhay niya, ngayon lang siya nakakita ng ibang kadamay sa lungkot at sakit maliban sa matalik na kaibigan. Binalot ng saya ang puso niya sa naramdamang init mula sa mag ama. At kahit alam niyang gulo ang kahahantungan oras na makita sila sa ganuong sitwasyon ng ibang tao ay nagpikit mata na lang muna siya. Ayaw niyang itaboy ang napakasarap na pakiramdam na nararanasan ng mga oras na iyon, mas gusto niyang namnamin iyon kahit ilang saglit lang.
"Daddy, Mizhe is sad," wika ni Shasha sa ama, kumalas pa ito ng yakap sa kanya at hinarap ang ama.
"Why? What did you do, baby?" tanong naman dito ng ama. Bahagya na rin itong lumayo sa kanya pero nananti ang palad nito sa braso niya. Marahang pumipisil at nagdudulot ng kaiga igayang init sa buong pagkatao niya na nagbibigay kapanatagan sa puso niya.
"No. I did'nt do 'nything," tanggi ni Shasha sa ama na may kasama pang pag iling.
Muli siyang niyakap ng bata at isinubsob pa ang ulo sa leeg niya. Napalunok naman siya ng maramdaman niya ang marahang pagdampi ng labi ni Aidan sa sentido niya. Nagtagal iyon doon ng ilang sandali at halos sumabog ang puso niya sa magkahalong saya at kaba dahil masyadong expose ang lambingan nila nang amo.
Nabunutan siya ng tinik sa lalamunan ng tumunog ang cellphone nito. Lumayo ito, pero bago ito tumayo ay pinisil nito ang palad niya habang matiim na nakatitig sa kanya.o
"Hello? Yes," tugon nito sa telepono habang naglakad palabas ng playroom at naiwan na silang dalawa ni Shasha.
"I'm okay now, Sha. Thank you," malambing na tugon niya sa bata.
"Sure?" paniniguro pa nito at nakangiting tumango siya bilang tugon.
"Okay," wika nito saka kumalas sa leeg niya at muling bumalik sa ginagawa. Nakangiting pinagmasdan niya ito habang masiglang kinukulayan si Barbie.
Nakatutok ang atensyon nila sa pagkukulay ng makarinig siya ng komosyon sa labas. Nabaling ang atensyon niya kay Shasha ng bigla itong tumayo at nagmamadaling kumalong sa kanya sabay yapos.
Nagtataka man ay hindi na niya nagawa pang mag usisa dahil narinig na niya ang tinig ng taong sanhi ng ikinilos ni Shasha.
"Where's Aidan?" tanong sa kanya ng taong lumitaw mula sa bumukas na pinto ng playroom. Si Ma'am Krystel, asawa ni Sir Aidan. Ang gara ng ayos nito at kakarating lang nito galing out of town trip. Para itong superstar sa ganda at pananamit nito. Hindi rin halata sa itsura nitong may dalawa na itong anak at nasa early thirties na. Para lang itong nasa twenties kung sisipatin. Ang alam niya dati itong kandidata ng Miss Universe.
"Uh, h-hindi ko po alam, Ma'am," nauutal at magalang na tugon niya.
Hindi nakaligtas sa kanya ang pagtaas nito ng kilay habang matamang nakatitig sa kanya. Napalunok siya at marahang tinapik si Shasha na mahigpit na nakayapos sa kanya at nakasubsob ang ulo sa balikat niya. Ramdam niya ang bahagyang panginginig ng katawan ng bata habang nasa presensiya ng ina nito.
"Sha, greet your mom," mahinang usal niya sa bata. Naramdaman niya ang pagpatak ng pawis niya sa likuran niya.
Dahan dahang umangat ang ulo ng bata at nilingon ang ina sa doorway.
"'Llo, Mommy," mahinang usal ng bata, hindi niya tuloy maiwasan mag isip kung nakaabot iyon sa ina.
"So, you still know I'm your mom," pasaring ng ina saka umalis na.
Pareho pa silang nagpakawala ng buntung hininga ni Shasha ng mag sarang muli ang pinto at nawala na sa doorway ang ina nito.
Pinunasan niya ang pawis na namuo sa noo niya habang kausap ang among babae. Napasulyap siya sa bata. Nakatanaw pa rin ito sa pintong nilabasan ng ina. Hindi niya maarok ang tumatakbo sa murang isip nito habang nakatanaw sa nakapinid na pinto. Kung minamantrahan ba nito ang pintong huwag ng magbukas para sa ina o dahil sa nalulungkot ito dahil ganuon lang ang ipinakita ng ina dito. Napabuntung hininga siya. Hindi niya masisisi si Shasha kung bakit ganuon ang reaksyon nito pagdating sa ina. Lagi na'y sinisinghalan ito ng ina kahit wala namang ginagawang masama o mali ang bata. Kahit nga wala itong ginagawa ay pinagagalitan pa rin nito ang bata.
"You okay, Sha?" marahang tanong niya sa bata.
Kumurap ito at lumingon sa kanya. Parang piniga ang puso niya ng makitang namamasa ang mga mata. Niyakap niya ito at marahang hinaplos ang likod para paglubagin ang loob nito.
Kung kanina'y siya ang inaalo ni Shasha, ngayon naman ay nabaliktad ang kanilang sitwasyon. Hanga din siya dahil sa murang edad nito ay matapang at marunong itong tumanggap at umunawa ng sitwasyon nito.
"Mommy don't love me," malungkot na pahayag nito habang nakayakap at nakapatong ang ulo sa balikat niya.
Napipilan siya. Hindi niya alam kung anong isasagot doon, hindi naman niya pwedeng sabihing 'It's not true' kasi hindi naman tanga ang bata. May isip na ito at nauunawaan ang mga nangyayari.
"But Daddy loves you, Sha," iyon ang tanging naisip niyang ipangpalubag loob dito.
Kumalas ito sa kanya at tumitig sa kanya.
"Do you love me too, Mizhe?" inosenteng tanong nito. Nakatitig sa kaniya ang mga mata nitong puno ng pag asa at kainosentehan. Naantig naman ang puso niya sa tanong at ekspresyon nito.
"Yes, I do love you, Sha," puno ng katapatang sagot niya sa bata.
Parang nabunutan ng tinik ang puso niya ng makitang nagliwanag ang mga mata nito at sumilay ang magandang ngiti at kasiyahan sa mukha nito. Muli siyang niyakap nito ng mahigpit sa leeg.
"Thank you, Mizhe. Daddy and you are enough for me," masiglang wika nito.
Pasimple siyang nahirinan sa narinig at bumalot ang pag aalala at pangamba sa puso sa lihim nila ng Daddy nito.
"Ahm, do you want to eat now?" pag iiba niya ng topic sa bata.
"Yes," agad na sagot nito na may pagtango pa. Natatawang kinarga niya ito at lumabas sila ng playroom para kumuha ng snacks nito.