Tahimik ang dalawa sa pagsalo ng kanilang agahan bago pumasok sa paaralan si Eeya. Pansin niya na hindi siya kinikibo ni Isagani na abala sa pagkain sa hinandang piniritong isda na halos kasing laki na niya.
“Galit ka ba dahil nilagyan ko ng harang yung sa panaginip ko?”
“Paanong hindi ako magagalit? Hindi ko naman kasalanan kung bakit naging ganito ako at kung bakit sa ganoong paraan lang ako makakauha ng lakas,” ani Isagani na hindi man lang tinitignan ang dalaga.
Batid ni Eeya na sa kabila ng paghawak niya rito ay nanghihina pa rin siya. “Paano kasi…” bulong nito na aakma sanang hahawakan ang binata.
“Hayaan mo na. Wala naman akong magagawa kung iba na ang tingin mo sa akin ngayon,” may katigasan ang boses ni Isagani na bahagya nang nakakaramdam ng galit.
“Isagani naman.”
“Alam ko naman na mapanamantala na ang tingin mo sa `kin, na walang ibang inisip kundi ang samantalahin ang sitwasyon ko! Pero ano bang magagawa ko? Hindi naman maaaring kumuha ako ng lakas sa ibang babae!”
Natameme si Eeya na hindi inaasan na makitang magalit ang kanyang kasintahan. Batid niyang kasalanan niya ang lahat ngunit hindi niya tanggap ang naging kapalit niyon.
“Dahil wala akong sapat na lakas ay hindi mo ako maasahan sa oras na may dumating na malakas na elemento. Makakabuti kung iiwas ka sa mga lugar na pinamumugaran ng mga kalaban. Tagapangala ka ng templo kaya siguro naman alam mo na ang iyon.” Padabog na tumayo si Isagani at nagsimulang maglakad palayo. “Salamat sa pagkain.”
Nanlumo man sa pagpapakit ng galit ng kanyang kasintahan ay nananatili ang desisyon ni Eeya na panatilihing ganoon ang katawan ni Isagani. Pakiramdam man niya na hindi tama ang kanyang desisyon ngunit tila ba mayroong kakaibang isinisigaw ang kanyang damdamin.
Hindi man niya maalala ang mga nangyayari sa kanyang panaginip ay naninindig ang kanyang mga balahibo sa pag aalala sa mainit na katawan na yumayakap at humahalik sa kanya sa kanyang panaginip na hanggang sa paggising ay nakadikit pa rin sa kanya.
Gayunpaman ay ang pakiramdam na iyon ay nagiging dahilan upang magdalawang isip siya sa tunay niyang nararamdaman para sa binata. “Kung maalala ko siguro kung anong nangyayari sa panaginip ko ay hindi ako magkakaganito.”
Pinagmamasdan ni Eeya ang papel na pinasa sa lahat ng mga mag aaral sa kanilang klase. Patungkol iyon sa susunod na grado at ang kalakip nitong pagbisita sa isang sagradong templo upang magpasalamat sa kanilang pagpasa sa naging pagsusulit.
“Makinig kayong lahat. Bilang ang lahat ng klase sa inyong grado ay nakapasa sa pagsusulit ay minabuti ng paaralan na dalhin kayong lahat sa sagradong templo nang makapagpasalamat kayo sa ibigay na biyaya sa inyo. Kabilang na rin diyan ang ilang aktibidad na maari ninyong gawin kasama ang mga kaibigan ninyo,” wika ng kanilang guro.
“Eeya, maganda ba sa templong ito? Gusto mo bang bisitahin?” ani Rea na nakaupo sa likuran niya.
“Ah, oo,” maikling sambit ni Eeya na hindi inaasahan na itinuturing pa rin siyang kaibigan ni Rea matapos ang nangyari. Nakalimutan niyang wala na pala sa kaibigan ang mga alaala ni Joaquin.
“Hindi ba nakakatakot dito? Ang sabi sabi kasi, may naninirahan daw na halimaw sa templo. Kaya mo ba siyang talunin?” nakapangalumbabang tanong ni Rea.
“K-Kung meron man, nararamdaman ko naman siguro iyon,” nag aalinlangang sagot nito.
“Siguro?” taas kilay na pag ulit ni Rea. “Oo nga pala, hindi ka pa ganoon kagaling sa minana mong kapangyarihan.” Bahagyang nakatawa si Rea na nanunuya sa kaibigan.
“Pwede kaya nating isama si Amalia?” Sinadya ni Eeya na ibahin ang usapan dahil alam niyang patuloy siyang lolokohin ni Rea kung hindi niya iyon gagawin.
Nang mananghalian ang dalawa ay agad nilang pinuntahan si Amalia na nasa kabilang klase pa. Ilang araw na rin siyang balisa at kahit tanungin nila ay hindi nito sinasabi kung bakit siya nagkakaganoon. Noong una ay inisip nila na baka dahil inaalala nito ang pagsusulit ngunit nang makapasa siya ay hindi pa rin nagbago ang kanilang kaibigan.
Tahimik na nakaupo si Amalia sa loob ng klase at nakatanaw sa bintana. Hinila ni Rea ang malapit na upuan patungo malapit sa kaibigan. Habang si Eeya naman ay nilapitan ang mesa nito.
“Tigilan mo na ang pagmumukmok mo, Amalia. Mabuti pa ay pagplanuhan na lang natin ang mga pupuntahan natin sa templo,” ani Rea na inilagay ang papel sa mesa ng kaibigan.
HIndi kaagad sumagot si Amalia na nanatiling nakatanaw sa malayo. Malalim na buntong hininga ang pinakawalan nito bago ito lumingon sa mga kaibigan. “Hindi ako sasama.”
Gusto sanang tumawa ni Rea sapagkat sa pagkakilala niya sa kababata ay lagi itong nauuna sa mga bakasyon dahil hilig niya ang maglibot sa iba’t ibang lugar. Ngunit nang makita niya ang mga mata nito ay batid niyang hindi ito nagbibiro. “Bakit? Ano bang pinuproblema mo?” mahinahong tanong ni Eeya.
“Ang totoo niyan…” Tinignan niya nang masinsinan ang mga kaibigan. “May bumabagabag sa aking halimaw. Kahit saan ako magpunta, naroroon din siya. Hindi niya ako tinatantanan. Gusto ko mang pumunta sa templo pero inaalala ko na baka makagulo lang ako dahil sa kanya.”
Bata pa lamang sila ay madalas ng magsabi si Amalia na nakakakita siya ng mga elemento. Palagi siyang humihingi ng tulong noon sa lola ni Eeya at isa iyon sa mga dahilan kung bakit sila naging malapit. Matagal na nang huling beses siyang nagsabi patungkol doon at inakala ni Eeya na wala na itong nakikita pa.
“Kailan pa ito, Amalia? Bakit hindi ka nagsasabi?” tanong ni Eeya na hindi makapaniwala sa ibinunyag ng kaibigan.
“Medyo matagal na. Naging abala ka sa ibang bagay nitong nakaraang mga linggo kaya hindi na ako nag abalang magsabi sa `yo.”
“Huwag ka ng mag aalala. Hindi ka naman pababayaan ni Eeya.” Tumayo si Rea at inakbayan si Eeya. “ `Di ba, Eeya? Kaya mo ang halimaw na iyon?”
Minata siya ng kaibigan at alam niyang nais nitong umuo siya kahit pa alam nilang dalawa na hindi pa siya ganoon kagaling sa pagbasbas ng mga halimaw.
Tumango tango si Eeya upang palakasin ang loob ni Amalia. “Sayang naman din kasi kung hindi ka makakasama dahil lang sa halimaw na iyon. Ako na ang bahala doon.”
HIndi man kampante sa sariling kakayahan ay alam ni Eeya na siya lamang ang makakatulong kay Amalia. Hindi man siya sigurado kung magagawa niya iyon lalo pa’t galit si Isagani sa kanya ay alam niyang kahit pa paano ay napagaan niya ang pakiramdam ng kaibigan.
Tahimik pa rin si Isagani nang makauwi na si Eeya mula paaralan. Kahit anong inahin ni Eeya ay titikim lamang ito at iiwan na iyon para muling humiga kahit sa mesa lamang.
“Hindi mo na talaga ako kakausapin?” taas kilay na bulalas ni Eeya na nakakaramdam na ng inis sa inaasta ng binata.
Bahagya lang gumalaw si Isagani na nakahiga at nakatalikod sa kanya. “Bahala ka! May lakad kami bukas sa ibang templo at huwag mong asahan na isasama kita!”
Mabilis na napatayo si Isagani at agad na hinarap ang dalaga. “Hindi pwede! Dapat mo akong isama!”
“Ayoko! Bahala ka sa buhay mo!” Pagdadabog ni Eeya habang inaayos ang pinagkainan nila.
“May nararamdaman akong panganib, Eeya. Hindi ko alam kung bakit narito sila sa bayan ninyo. Pero ang pagpunta sa templo ay malaki ang posibilidad ba makakatagpo ka ng malakas prisensya doon.”
“Wala na akong pakialam!” Tinungo ni Eeya ang lababo, Hindi man niya sadya ay pabagsak niyang nailagay ang mga ginamit na plato roon.
Lumundag si Isagani mula sa mesa para sundan ang dalaga. “Nababaliw ka na ba? Wala kang magagawa kung hindi mo makikita ang kalaban!”
Agad na lumingon si Eeya sa kanya. “Kaya kong basbasan ang kahit na anong halimaw kahit wala ka!” galit nitong sigaw.
“Bahala ka!”
May galit man sa puso ng dalaga ay nanaig ang lungkot nang pagmasdan niya ang papalayong kasintahan. Gulong gulo ang kanyang isip sa kanyang nararamdaman para sa binata.
“Mas makakabuti na ang ganito, Isagani. Kailangan ko munang lumayo sa `yo.”
Sa gitna ng malawak na kagubatan nakahimlay ang templong binista ng mga mag aaral kasama sina Eeya, Rea, at Amalia. Maganda man ang tanawin ay hindi magawa ni Eeya na matuwa sa kanyang nakikita. Sa dalawang araw na lumipas ay hindi sila nagkikibuan ni Isagani.
“Ngayong tapos na kayo sa pagdarasal at pagpapasalamat ay pwede na kayong maglibot kasama ang mga kabigan ninyo. Bumalik kayo rito pagsapit ng alas singko, maliwanag ba?” sigaw ng kanilang guro.
Hawak ni Rea ang papel na kung saan makikita ang iba’t ibang lugar na maaari nilang bisitahin sa palibot ng lugar. “Malapit pala rito ang isa pang templo.”
Napansin ng dalawa na malayo ang tingin ni Eeya at hindi nakikiniga sa kanila. “Eeya?” ani Amalia.
Nang luminon ay ngumiti si Eeya upang magpanggap na wala itong pinuproblema. “Pasensya na, may iniisip lang ako.”
“Punta tayo sa isa pang templo. Eto oh,” ani Rea habang itinuturo ang isang templo malapit sa kagubatan.
Lumapit si Amalia sa kanyang kaibigan. “Ayos ka lang ba?”
“O-Oo naman. May naisip lang talaga ko bigla,” pagpapanggap nito. “Bakit?”
“Nag aalala lang kasi ako na baka sa pagdating ng halimaw ay hindi mo siya magawang palayasin. Para kasing hindi mo kaya.”
Agad na lumapit si Rea upang pagtakpan muli si Eeya. “W-Wala lang sa kundisyon si Eeya pero sigurado akong makakaya pa rin niyang labanan ang halimaw kung dumating man `yon. `Di ba, Eeya?” Siniko siko niya ito na agad na nagpatango sa kanya saka ngumiti.
“Tara na! Huwag mo ng isipin `yan. Marami pa tayong pupuntahan!” Masayang bulalas ni Rea habang hinila ang dalawang kaibigan patungo sa kanilang destinasyon.
Kampante pa si Eeya sapagkat wala pa siyang nararamdamang kakaiba kahit pa nasa templo at paligid na ito. Hiling niya na sana hindi magpakita ang halimaw dahil alam niyang kung wala si Isagani ay hindi niya ito makikita.