YEAR 2021
Inalis na ang mahigpit na kuwarentenas sa buong lungsod ngayong linggo, ngunit hindi pa rin ganap ang kalayaan ng mga mamamayan na gumalaw nang ayon sa kanilang kagustuhan.
Tahimik akong nakahiga sa kama habang pinapanood ang balitang kumakalat sa sosyal medya. Mabuti naman at niluwangan na nila ang kuwarentenas.
Tanging mga mahalagang lakad gaya ng pagpasok sa trabaho, mga lakad na para sa pag-aaral, pagkuha ng medikal na serbisyo, at pamimili ng pangunahing pangangailangan ang pinapayagan sa ngayon.
Kung ganon ay hindi na ako mahihirapan sa lakad ko bukas. Napalingon ako sa aking mesa na minsan ay puro papel at kwadernong nakakalat ang nasa ibabaw. Isang kulay kayumanggi na kwadernong gawa sa mumurahing katad ang kumuha ng aking atensyon. Napabalikwas ako ng bangon at nagmamadali itong inabot bago buksan para magsulat.
May mga sandaling gusto mong kalimutan ngunit ayaw ng iyong isipan kahit mabigat na sa iyong puso. Mga alaalang pilit mong iniiwasan pero paulit-ulit kang binabalikan.
Napabuntong-hininga ako sa aking sinusulat sa maliit na kwadernong hawak. Mabigat man ngunit nakangiti dahil malapit na ako sa dulong pahina.
Sa bawat pahinang puno ng emosyon, masaya man o malungkot ay nakaukit ang karanasang punong-puno ng aral na humubog sa aking pagkatao.
Abot-tenga ang ngiting pinakawalan ng aking mga labi sabay sarado ng kwaderno at nilapat sa aking dibdib bago niyakap ng mahigpit. Ipinikit ko ang aking mga mata at hinayaan ang aking isip na sariwain ang mga alaalang nabuo bago nagtapos ang aking yugto sa hayskul.
Binalikan ko ang huling araw. Nakatayo ako sa gilid ng intablado habang hinihintay na tawagin ang aking pangalan para sa huling pagmartsa suot ang togang-puti na ilang taon kung pinaghirapan at inaasam.
Habang bitbit ko lang noon ang isang simpleng pangarap sa mga oras na iyon. Ang makapagtapos upang makaahon sa simpleng buhay sa kabundukan.
Hindi kami mayaman, ngunit hindi rin kami mahirap. Galing ako sa pamilyang sagana sa pagkain ang hapag-kainan. Dalawang klase ng ulam sa mesa, dalawang klase ng putaheng may karne, ngunit hindi mawawala ang gulay dahil ito ang pangunahing produkto ng aming sakahan.
Walang katumbas ang sarap sa tuwing nagsasalo-salo kami, lalo na at sabay-sabay kaming kumakain habang masagana ang tawanan at pag-uusap. Anak ng lupa ang aking mga magulang, maging ako ay tinuruan nilang magsaka kahit noong ako’y nasa murang edad pa. Hindi dahil kailangan kong magtrabaho ngunit para maintindihan ko ang pinanggalingan ng aming angkan.
Gamit ang lupang pinamana sa aking mga magulang, masaya kaming naninirahan dito. Mabundok at malayo man sa syudad ay buo at kontento na kami kasama ang mga anak-pawis na kaagapay ng aking magulang sa pagsasaka.
Ngunit sa bawat araw na lumilipas ay napapatanong ako sa aking sarili kung ano ang sistema at klaseng pamumuhay sa syudad. Makakaya ko kayang makihalubilo sa mga taong lumaki sa syudad?
Bago ako lamunin sa malalim at walang kabuluhang pag-iisip, nilapag ko ang kwaderno at tumayo para ihanda ang dadalhin bukas. Kinuha ko ang may katamtamang laking bag at ipinasok ang mga gagamitin at dadalhin sa pagluwas sa syudad. Pagkatapos ay sunod kong inihanda ang higaan.
“Para sa pangarap, para sa magandang kinabukasan.” sambit ko bago tuluyang isarado ang mga mata at tuluyang magpahila sa antok na aking nadarama.
NAGISING AKO sa sigaw ng konduktor ng bus. “Pampublikong terminal ng Sierra del Sur, may hihinto ba dito?”
“Hanggang dito lang po.” tugon ko sabay buga ng malalim na buntong-hininga at inayos ng sarili bago tumayo.
Kasing bilis ng aking mga biyas ang dagungdong ng aking puso. Dumadagdag pa ang lamig na nagmumula sa aircon ng bus. Ang lamig ay sumisiksik sa aking balat papunta sa aking mga buto’t parang tinutanaw ito.
Nang makababa ng bus ay napapikit ako at dinamdam ang init ng paligid. Hindi mapagkakailang mas sariwa ang hangin sa bukid dahil sa maiitim na usok na humahalo sa hangin.
Ang ugong ng mga sasakyan ay nakakapanibago dahil sa tahimik at tanging mga huni ng ibon at mga hayop na ingay sa bukid. Maingay ang paligid dahil sa samot saring tinig na nagmumula sa taong dumadaloy sa paligid.
“Uptown” bungad na sigaw ng mamang nagmamaneho sa dyip. “Maharlika Heights” dagdag nito.
Napatingin ako sa aking relo. “Dalawang oras bago ang nakatakdang eksaminasyon sa pagpasok sa isa sa tinitingalang paaralan ng lugar.” sabi ko sarili. Bagamat sa taas ng oras ay nagmamadali akong tumakbo para makasakay sa dyip, hindi ko tansiyado ang pasikot-sikot kaya mas mabuting mas maaga.
Siksikan na sa loob kahit maaga pa. Iba’t-ibang tao ang aking nakasabay ngunit panigurado akong papunta sa trabaho ang karamihan sa kanila. Kabado man ay sigurado ako sa sarili kong makakaya ko ang bagong mundo na tatahakin ko.
“Para sa pangarap at magandang bukas.” Ipinikit ko ang aking mata at tamihik na binigkas sa isip ang mga kataga upang magsilbing pampalubag-loob.
Ilang minutong byahe, ilang hinto, ilang pasahero na din ang bumaba bago ako makarating sa tapat ng tarangkahan ng paaralan. Napanganga ako ng bumungad sa akin ang puting malaking gusali sa likod ng malaking tarangkahang gawa sa bakal.
Sa laki at ganda ng paaralan, hindi mo aakalaing pang-gobyerno ito. Mula sa labas ay mabibilang mo na nasa lima o anim na palapag na may mga bintanang salamin habang nakadungaw ang mga nakasabit na mga kurtinang may iba’t-ibang klase ng kayumangging kulay sa bawat bintana.
Sa gitna ay nakaukit sa gusali ang simbolo ng paaralan at ang pangalan, POLITEKNIKONG UNIBERSIDAD NG SIERRA DEL SUR. Wala na akong sinayang na segundo at dali-daling pumasok sa loob para magliwaliw ng kaunti para maging pamilyar sa paaralang papasukan kung sakaling palarin.
Ilang minuto ang lumipas at natagpuan ko nalang ang aking sariling nakaupo sa upuang may patungan ng braso at sulatan na gawa sa bakal. Determinado habang nakatutok sa mga letra at numerong nakaukit sa papel, kumakabog ang dibdib at segu-segundong pinapahiran ang pawis habang isa-isang iniintindi ang tanong sa pagsusulit.
Matapos ang tatlong oras na ginugol sa pagsagot ay agad akong tumayo at saka lumapit sa makinaryang magwawasto sa aking papel. Nanginginig man ang daliri ay dahan-dahan kong pinasok sa parihabang nasa isang pulgada ang sukat ang nasagutang papel. Ilang minuto lang ay isang maliit na papel ang lumabas. Nakaukit sa papel ang iskor at porsyento ng tamang sagot kasama ang letrang magsasabi kung ako ay pasok sa paaralan.
IPAGPAUMANHIN! NGUNIT NABIGO ANG ANTAS NG IYONG ISKOR AT PORSYENTONG NAKUHA PARA MAKAPASOK SA AMING PAARALAN.
Ang kaba at pagkasabik ko ay parang halik ng hangin na pinalitan ng lungkot ng mabasa ang nakasulat. Nangingilid man ang luha ay pasimple ko itong pinunasan at taas noong tumindig bago inangat ang kaliwang paa’t humakbang palabas habang unti-unting tinanggap ang kabiguan.
Isang matamis at malapad na ngiti ang ginawad ko sa guwardiya na nagbabantay sa bakal na tarangkahan ng paaralan. Saktong pagkalabas ko ay may umurong na dyip.
“Maharlika Heights” sigaw ng konduktor. “Dadaan sa paaralan.”
Nagtagpo ang tingin naming dalawa. “Ikaw binibini? Saan ang punta mo?”
“I—I…instituto ng—ng Sining at Arkitektura—.” hindi ko na natapos ang isasagot ko.
“Sakay na!”
Dali-dali akong sumakay ng marinig ang hudyat ng konduktor. Taliwas sa nasakyang dyip kanina, maluwang at maaliwalas ito dahil bilang lang ng aking mga daliri ang taong nakasakay.
“Binibini, pupunta ka ba ng ISAM para sa eksaminasyon sa pagpasok?” tanong ng konduktor sa aking harapan.
Nagtagpo ang aking mga kilay sa narinig. “ISAM!?”
“INSTITUTO NG SINING AT ARKITEKTURA NG MAHARLIKA.” diretsong sagot niya.
“Ah— O…. oo, malayo pa ba?” nauutal kong sagot.
“Nandito na tayo.”
Nagulat ako sa sagot nito. Masyado akong nagagambala at naiirita sa presensya niya. Ngunit hindi maipagkakaila ang kanyang kakisigan, perpektong hugis ng panga, matangos na ilong at litaw na litaw ang pagka-pilipino sa kayumangging balat.
“Galingan mo!”
Napalingon ako sa sinabi niya.
“Mag-ingat ka lang d’yan dahil maraming laki sa layaw sa paaralan at buong subdibisyon.” paalala nito. “At saka… kalma ka lang, nauutal ka sa kaba. Bago ka ba dito?”
Napatango nalang ako sa tanong niya. “Maraming salamat!”
Nagulat ako sa kindat na iniwan niya bago pokpukin ng marahan ang bubong ng dyip bago umandar. Sa tingin ko ay hindi nagkakalayo ang agwat ng aming edad.
MAHIGIT TATLONG ORAS din akong nakaupo sa bakal na upuan sa loob ng isang malawak at mataas na silid-pangtagapakinig. Mula sa itaas ng hagdan ay tanaw ang malapad na puting pisara at nakaangat na plataporma.
Natagpuan ko nalang ang aking sarili sa gilid ng daanan sa labas ng silid na aking pinasukan kanina. Kabado at pinagpapawisan habang bitbit ang isang sobre. Sobre kung saan nakalagay ang resulta ng eksaminasyon.
“Tabi!”
Napalinga ako sa kaliwa’t kanan ng marinig ang sigaw.
Laking gulat ko ng isang maskulado at maugat na kamay ang humawi sa akin mula sa likuran. Tila bumagal ang oras at ang ritmo ng pangyayari sa paligid ng tumama ang aking kamay sa lubak-lubak at matigas na bagay. Napako ang tingin ko sa kanyang malamlam at malamig na mga mata.
“Sabing tabi, bakit ka kasi nakaharang sa daanan.” sabi niya gamit ang malalim at malamig na boses.
Sabay kaming tumayo at pinagpag ang damit ng matumba sa magaspang na sementadong daan. Sa lakas ng paghawi niya ay nawalan ako ng balanse. Habang siya naman ay nawalan ng balanse habang sakay sa kanyang iskeytbord.
Tinignan niya lang ako gamit ang blankong mga mata. Sasagot pa sana ako ng bigla niyang binalik ang hedpon sa kanyang tenga bago muling sumampa sa iskeytbord at dahan-dahang umalis palayo.
“Bastos!” buong lakas kong sigaw para marinig nito. “Pogi sana, suplado at bastos nga lang.” bulong ko sa sarili.
Muli kong binaling ang aking atensyon sa sobreng kanina ko pa hawak-hawak. Napaluha nalang ako ng mabasa ang mga letrang bumungad pagbukas ko.
“LUBOS KONG IKINAGAGALAK ANG IYONG MATAAS NA MARKA.”