"Kumusta na kayo ng syota mo, Rafael? Isinuko na ba ang bataan?" nakangising bungad sa kanya ng kaibigang si Narding. Ito ang nagmamaneho ng owner-type-jeep na service nila nang araw na iyon. Nasa passenger seat siya at nasa likod naman sila Miguel at Tisoy.
"Pati ba naman 'yan, gusto ninyong malaman, ano ba naman kayo. Walang ganyanan, syota ko 'yun tol!" sagot niya. Hindi niya gusto na binabastos ng mga kaibigan ang kasintahan. Lalo na at napakabuti ni Rima at tanggap siya nito kahit na wala siyang maipagmamalaki. Isa pa, mas lalong tumaas ang respeto niya sa dalaga noong may nangyari sa kanila at nalaman niyang siya ang nakauna rito.
"Ang kj mo naman, Rafael. Tinatanong lang namin." sabat ni Miguel.
"Bakit ba atat kayong malaman ang bagay na 'yon?" baling niya.
"May pustahan kasi kami 'tol. Ang taya ko, bibigay siya kaagad. Ang pusta nitong dalawa sa likod, hindi raw!" natatawang wika ni Narding. Tila nagpanting ang magkabilang tainga ni Rafael. Malakas niyang hinila ang kwelyo ng suot ni Narding, dahilan upang magpa giwang-giwang ang dala nilang sasakyan. Mabilis namang sumaklolo sina Tisoy at Miguel at inawat silang dalawa.
"Relax lang mga 'tol, nagkakatuwan lang tayo rito." ani Tisoy.
"Nagkakatuwaan? Tama bang pagkatuwaan ninyo ang syota ko?!" singhal ni Rafael.
"Sorry na, hindi na mauulit. Ikaw naman, hindi na mabiro." ani Narding.
"Huwag ninyong isinasali si Rima sa kawalanghiyaan ninyo dahil hindi ako papayag." maigting na bigkas niya.
"Tama na 'yan, ano ba kayo." awat ni Miguel. Pilit nitong pinakalma si Rafael at nagtagumpay naman ito sa huli.
Nanghingi ng pasensiya ang tatlo kaya kumalma rin si Rafael. Ipinagpatuloy nila ang biyahe hanggang sa makarating sila sa kanilang paroroonan. Ang sadya nila ay ang malaking bahay sa Sta. Inez kung saan balak nilang pagnakawan. Ang sabi kasi ni Narding, mukhang marami raw gamit na naiwan ang dating may-ari na pwede nilang maibenta. Sumama lang siya dahil siniguro ng mga ito ang kikitain nila sa oras na magtagumpay sila sa plano. Ang bahay na iyon ay abandonado at ang caretaker ay umuuwi sa gabi. Ibig sabihin, malaya silang makakapasok sa bahay na iyon nang hindi nahuhuli. Bago pa man sila sumige sa misyon nilang iyon ay matagal nang nagmanman ang tatlong kaibigan. Kaya alam na ng mga ito ang gagawin sa pagpunta nila roon. Kalkulado na ng mga ito ang oras ng dating at alis ng caretaker. Ang gagawin lang niya ay sumama sa mga ito at tumulong. Ang magiging kita nila sa pagbebenta ng mga nakaw ay paghahatian nilang apat na magkaibigan.
Napabuntong-hininga siya. Hindi na siya umimik habang nasa biyahe, kung hindi lang siya pinabugbog at minaliit ng ama ni Rima. Hindi sana siya papayag sa gusto ng mga kaibigan. Ngunit dahil sa pang-aalipusta nito ay kinailangan niyang kumapit sa patalim para makaipon. Ayaw niyang patuloy siyang maliitin nito. Titiyakin niyang makakaipon siya ng sapat na salapi at ipapamukha kay Apolonio na hindi siya pipitsuging nilalang.
"Narito na tayo mga 'tol." ani Narding. Inihimpil nito ang sasakyan sa lilim ng puno ng mangga habang nakatitig sa malaking bahay. Nakita pa nila ang caretaker ng bahay kung saan masipag na nag-aayos at nagtatabas ng mga damo sa garden. Tiningnan ni Narding ang orasan sa kaliwa niyang kamay. Malapit nang mag alas-sais. Ilang minuto na lang ay aalis na ang caretaker at malaya na silang makakapasok sa bahay. Sinipat nila ang taas ng bakod ng bahay at sa tingin nila ay kaya nila itong akyatin. Ang ilang kabahayan sa paligid ay medyo malayo rin ang pagitan at pare-parehas mga nakasara ang pinto.
"Sigurado ba kayong ligtas 'tong gagawin natin mga 'tol? Ayokong makulong." aniya sa tatlo.
"Ikaw naman, huwag mong sabihing dinadaga ka na naman Rafael? Akala ko ba desidido ka na?" ani Miguel.
"Alam naman ninyo kung bakit ako pumayag. Para ito kay Rima. At wala sa plano ko ang makulong kung saka-sakali." aniya.
"Huwag kang mag-alala. Ilang linggo naming minatyagan ang bahay na ito at ang caretaker. Halos dito na nga kami tumira ni Tisoy at sigurado ako na kalkulado natin ang sitwasyon. Sa oras na umuwi 'yang caretaker, ni minsan hindi pa 'yan bumalik." ani Narding.
"Sige," anang binata. Kinakabahan man ay kagat-dila na lang din si Rafael. Total, naroon na rin naman siya. Wala na iyong atrasan. "Ano nga pala ang nangyari sa dating may-ari? Bakit nila iniwanan ang bahay na iyan at gaano kayo kasigurado na may kaperahan diyan? Kung ako ang may-ari, bakit ko iiwanan ang bahay na 'yan nang nakatiwangwang kung may kayamanan pala ako sa loob na maiiwan? Oh, kung iiwanan man, titiyakin kong may bantay at hindi ko hahayaan na abandonado."
"Ganito kasi 'yan, ang balita ko. Mga dayuhan daw ang dating may-ari niyan. Kaso nagloko 'yung babae, sa galit ng dayuhan pwinersa niya 'yung asawa niya na dalhin sa ibang bansa 'yung babae. Ni hindi na nga raw nakapag-impake 'yung magpamilya. Diretso airport na nga raw."
"Ganoon?" ani Rafael.
"Hindi lang 'yun, ang tsismis ng taga rito, napatay daw nong kano 'yung kabit ni misis. Kaya umeskapo na kaagad. At baka nga dito rin inilibing 'yong kalaguyo eh. Kaya kumuha ng caretaker, para hindi maging abandonada ng tuluyan at hindi pag-interesan ng iba at baka matuklasan pa ang sekreto ng bahay na iyan."
"Nakakakilabot naman 'yan." ani Tisoy.
"Kung anuman ang katotohanan sa likod ng pag abandona ng bahay na iyan ay wala na tayong pakialam. Ang balak natin ay kumuha o pumingas ng kayamanan nila diyan. Alam ni'yo ba na sobrang yaman ng may-ari niyan. Kaya kung anuman ang naiwan nila riyan ay barya lang sa kanila." ani Narding.
Tumango-tango sila Miguel at Tisoy at nanatili namang tahimik si Rafael.
Matiyaga silang naghintay na magkakaibigan hanggang sa tuluyan na ngang umalis ang kaisa-isang caretaker ng malaking bahay. Nagpalipas muna sila ng mahigit trenta minutos at nang lumatag na ang dilim sa paligid ay palihim silang pumasok sa bahay. Patakbo nilang tinungo ang malaking pintuan at sapilitan iyong binuksan. Sinalubong sila ng malamig na ihip ng hangin na nagbigay sa kanila ng kakaibang kilabot.
"Maghiwa-hiwalay tayo," suhestiyon ni Narding. "Para mapadali tayo sa gagawin, kami ni Rafael sa taas. At kayo ni Miguel naman dito sa ibaba." anito kay Tisoy. Kaagad namang sumang-ayon ang dalawa. Bitbit ang maliit na flashlight ay mabilis silang umakyat ni Narding sa second floor. Malawak at malinis ang buong paligid. Halatang alaga ng caretaker, bawat kwarto ay binuksan nila at kinalkal bawat aparador na makita nila. Si Narding ay nasa kabilang side. Samantalang sa kabila naman siya.
Maingat na binuksan ni Rafael ang isang pintuan sa bandang dulo at sa tantiya niya ay iyon ang master bedroom ng may-ari. Napakalaki ng sukat ng buong kwarto. Namataan niya pa ang malaking portrait ng isang babae at lalaki na magkayakap. Marahil ay iyon ang tinutukoy kanina ni Narding. Gwapo ang lalaki ngunit nakakatakot ang hitsura nito, mayroon itong malaking nunal sa itaas ng kilay at mahaba ang balbas nito. Samantalang maamo naman ang mukha ng babae ngunit mababanaag ang lungkot sa mga mata nito kahit pa nakaguhit ang ngiti sa labi.
Mabilis niyang tinungo ang aparador at kabinet na nakita sa gilid. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang ilang pirasong alahas na ginto na nakalagay pa sa kahon. Mabilis niya iyong kinuha at isinilid sa kanyang bag. Paniguradong malaki ang kikitain nila dahil doon. Ilang gamit pa ang nakita niya at inilagay niya sa bag bago siya nakuntento at nagpasyang lumabas ng kwarto. Ngunit bigla siyang natigilan nang mamataan niya ang isang lumang kahon sa sulok ng kabinet. Hindi niya pa iyon nabubuksan. Dala ng korsiyudad ay kinuha iyon ng binata. Maliit lang ang kahon na iyon ngunit may kabigatan.
"Ano kaya ito?" aniya sa sarili.
Hindi na niya pinagkaabalahang buksan dahil tinawag na siya ng mga kasama. Sa loob ng isang oras ay matagumpayan nilang nalimas ang mga naiwang ari-arian sa bahay na iyon. Nagtatawanan pa sila dahil mukhang lahat ay naka jackpot sa mga nakuha. Punong-puno ang mga bag nilang apat.
"Saan tayo maghahati-hati?" tanong niya sa tatlo.
"Sa bahay mo na lang, Rafael." ani Tisoy.
"Sige, tara sa bahay." aniya. Mahigpit niyang niyakap ang dalang backpack at ni minsan ay hindi niya iyon nilapag hanggang sa makauwi sila. Pagkababa nila sa sasakyan ay nagpahuli siya sa mga kaibigan. Maingat niyang binuksan ang bag at kinapa ang nakuhang maliit na kahon at pasimple iyong inihulog sa kanyang halamanan. Kung anuman ang laman niyon ay dapat siya lamang ang makakita at magmay-ari. Malakas ang kutob niya na magiging swerte siya sa kahon na iyon, kaya naman ayaw niya itong ipakita sa tatlo.
"Buksan na ninyo ang mga bag. Para magkaroon tayo ng patas na hatian." utos ni Narding. Lahat naman sila ay nagsitalima. Kanya-kanyang bukas ng bag. At lahat sila ay napanganga sa mga nakita. Hindi lang pala si Rafael ang nakakuha ng mga ginto dahil maging ang tatlo ay may nakuha rin. Mula sa gintong kasangkapan at pang display. May mga alahas rin silang mga nakuha.
"Jackpot!" nakangising wika ni Narding.
"Para tayong nanalo sa jueteng nito, ang problema saan natin 'to ibebenta? Hindi pwede dito dahil baka ma trace lang tayo." ani Miguel.
"Mahirap ba 'yon? Eh di pumunta tayo sa Manila. Ma trace pa ba nila 'yan." ani Tisoy.
Nagkasundo ang apat na magkakaibigan na maghati-hati sa mga nakuha nila. Pagkatapos ay bahala na silang magbenta ng mga nakuha nilang parte. Masayang naghiwa-hiwalay ang apat at wala silang kamalay-malay sa panganib na kalakip ng kanilang kapangahasan.
***
"Anak, bakit hindi ka pa matulog?" tanong ni Mang Ipe sa anak na si Lorraine. Nasa labas ng kubo ang dalaga at tahimik na nakaupo sa silyang yari sa pinutol na sanga ng mangga. Nakatingala sa kalangitan ang dalaga at tila nag-aabang ng bulalakaw sa kalangitan.
"Hindi pa po ako makatulog, 'tay. Bakit po?" sagot niya sa ama.
"Mag alas-nuebe na ay hindi ka pa nagpapahinga, maaga pa tayo bukas, anak." malumanay na wika ng matanda. Napabuntong-hininga ang dalaga. Oo nga pala, maaga na naman silang mag gagapas sa tubuhan.
"Sige po 'tay, susunod na po ako." aniya.
Nanatiling nakatayo si Mang Ipe sa may pintuan at nang makita na tila wala pa rin sa sarili ang anak ay nagpasya itong kausapin ang dalaga at bigyan ng payo.
"Anak, iniisip mo na naman ba si Sir Gabriel?" anito.
"Bakit ni'yo po alam?" malungkot niyang sagot.
"Alam ko namang may lihim kang pagtatangi sa anak ng amo natin, pero alam mo naman ang sitwasyon natin, hindi ba? Masyadong mataas ang kinalalagyan ng pamilya nila habang tayo ay nasa laylayan lamang nila."
"Hindi ko naman po nakakalimutan, 'tay..." mapait na wika niya.
"Ganoon talaga ang buhay anak, hindi lahat ng ibig nating makuha ay makukuha natin kaagad. At hindi rin naman ibig sabihin na hindi natin nakuha ay hindi na tayo pwedeng magmahal." ani Mang Ipe.
"Paano ni'yo po nasabi, 'tay?" tanong niya.
"May pag-ibig na kahit hindi magkasama ay patuloy na naipapadama sa pamamagitan ng pag-unawa sa isa. Hindi ka totoong nagmamahal kung hindi ka marunong magpaubaya para sa ikakabuti ng mahal mo."
"Hindi ko naman siya kailangang ipagparaya dahil hindi naman kami, at baka hindi nga rin niya alam na crush ko siya eh." aniya.
"Hayaan mo anak, ang kapalaran ay may sariling proseso para matupad kung ano ang nakatakda para sa bawat nilalang. Kung para sa iyo talaga si Sir Gabriel, gaano man kayo paglayuan ng tadhana ngayon. Kayo pa rin tiyak sa huli. Dahil ganoon maglaro ang kapalaran. Kahit gaano man siya katagal na maihatid sa'yo. Kahit ilang liko pa ang gawin niya sa buhay niya, kung para siya sa iyo, matatagpuan niya isang araw ang sarili niya na naglalakad patungo sa kung saan ka naroon."
Hindi maipaliwanag ni Lorraine kung ano ang ibig sabihin ng ama at kung saan galing ang pinaghuhugutan nito ng mga salita.
"May problema ba 'tay? Naaalala mo ba si Inay?" aniya.
"Ha? Wala naman akong problema anak." anang matanda. Tumayo na ito mula sa pagkakaupo. "Halika na sa loob at matulog na tayo. Huwag mo nang hintayin na may dumaan pang bulalakaw dahil baka lumilipad na aswang ang makita mo riyan!" pananakot ng ama.
Kaybilis na tumayo ng dalaga at sumunod sa ama. "Ito namang si Itay, nanakot pa." himutok niya.
"Eh ayaw mong pumasok," natatawang sagot nito sa kanya. Kaagad nang pumasok sa kwarto si Lorraine. Samantalang naiwan si Mang Ipe na nakatungo sa kawalan. Tama ang kanyang anak. Muli na naman niyang naalala ang ina nito. Sayang nga lamang at ang pag-iibigan nila ay hindi pinalad. Dahil kahit kailan ay hindi sila nito pwedeng magsama. Buti na nga lamang at napunta sa kanya si Lorraine at sa kanya ito lumaki. Malaking pasasalamat niya dahil may iniwan itong magandang alaala sa kanya, bago siya nito iniwan.