NAIINIS na sinipa ni Earl ang nakaharang na bato sa kanyang daraanan. Kakalabas lang niya sa isang building at nag-apply siya bilang call center agent. Katulad ng mga nakaraan niyang apply ay hindi na naman siya natanggap. Nakita lang ang kanyang resume ay sinabi na agad sa kanya na hindi siya qualified. Wala naman siyang magagawa. Hindi naman siya pwedeng magreklamo dahil naiintindihan naman niya na may kanya-kanyang qualifications ang bawat kumpanya. Sadyang hindi lang siya pasok sa standards na hinahanap ng mga ito.
Minsan ay naiisip niya na mag-conctruction worker na. Ngunit alam niya na hindi ganoon kalaki ang sahod sa ganoong trabaho. Ang kailangan niya ay trabahong kikita siya ng malaki. Lalo na’t nasa ospital ang tatay niya. Naipadala na niya kanina ang kalahati ng perang meron siya. Limang libo na lamang ang laman ng kanyang wallet. Kung hindi pa siya makahanap ng trabaho bago matapos ang linggong ito, kakapusin na talaga siya.
Sa kanyang paglalakad ay isang babaeng nasa mid-40’s ang humarang sa kanya. Maaliwalas ang mukha nito at disente ang pananamit.
“Good morning. Naghahanap ka ba ng trabaho? May hiring kasi kami for call center agents. Baka interesado ka. Diyan lang ang office namin sa malapit. Halika, sama ka.” Magiliw nitong sabi sa kanya.
“High school graduate lang po ako, e.”
“We accept high school graduates! Ite-train naman kayo kaya walang problema. Ano? Sama ka na sa akin sa office namin for interview and exam. One day process kami kaya baka ngayon din ay magkatrabaho ka na!”
“Talaga po? Kailangan na kailangan ko kasi ng trabaho, e.”
Naengganyo nang husto si Earl sa sinabing iyon ng babae. Kung maha-hire siya ngayon ay malaking bagay iyon sa kanya. Hindi na niya poproblemahin ang pera. Kaya naman walang pagdadalawang-isip na sumama siya sa babae na nagpakilala na si Miss Sally.
Sa isang medyo lumang building siya nito dinala. Umakyat sila sa ikatatlong palapag at pumasok sa isang kwarto. Doon ay may nakita siyang dalawang lalaki na nag-e-exam. Pinaupo siya ni Miss Sally sa tabi ng dalawa at kinuha ang kanyang resume. Matapos iyon ay binigyan na siya ng test paper. Sagutan lang daw niya iyon at kapag natapos na ay ibalik lang niya dito.
Sineryoso niya ang exam. Essay at Math. Kahit hirapan sa paggawa ng essay dahil kailangan ay English ay pinilit niya ang kanyang sarili. Inisip niya na kailangan niya iyong maipasa para magkaroon na ng trabaho.
Matapos masagutan ang fifty items ay nakahinga na siya nang maluwag. Naunahan pa niya ang dalawang lalaki na katabi niya. Hinanap niya si Miss Sally ngunit hindi na niya ito nakita. Bagkus, isang lalaki na malaki ang katawan ang kumuha ng test papers niya.
Nagtaka siya nang hindi man lang nito tinignan ang kanyang test paper. Sinabi nito agad na pasado na siya at pwede na siyang magsimula kung magbibigay siya ng isang libong piso.
“Po? May bayad po pala itong exam?” aniya.
“Oo. May bayad. Tapos kailangan mo pang magbigay ng three thousand para sa training mo at pag-aasikaso namin ng application mo.”
“Ganoon po ba? Magba-back out na lang po pala ako. Wala po kasi akong pera dito, e. Pasensiya na po sa abala.”
“Ano?! Magba-back out ka?!” Tumaas na ang boses ng lalaki at medyo natakot na siya. “Sally!”
Pagkatawag nito kay Miss Sally ay dumating naman ito agad.
“Ano po iyon, sir?”
“Magba-back out daw itong kinuha mo! Ano ba naman ito?!”
“Ano po? Ah, eh… saglit lang po, ha…” Hinila siya ni Miss Sally sa isang tabi at doon siya nito kinausap. “Bakit ka magba-back out? Sayang na itong opportunity na ito…”
“Wala po kasi akong pera na pambayad.”
“Hay! For sure, meron ka diyan kahit magkano sa wallet mo.” Hindi na ito nagpaalam sa kanya. Hinugot na ni Miss Sally ang wallet sa bulsa niya. Aagawin niya sana sa babae ang wallet ngunit naglakad ito papunta sa lalaki habang binubulatlat iyon.
Nakatulala na lang siya nang kuhain ni Miss Sally ang apat na libong piso at iabot iyon sa lalaki.
“May pera ka naman pala, e!” Palatak ng lalaki.
Ibinalik na sa kanya ni Miss Sally ang wallet. Lumunok siya dahil tila may kung anong nakabara sa kanyang lalamunan.
“K-kailangan ko po ang perang iyon--”
“Naku, hindi mo ito pagsisisihan. Kapalit naman ng perang iyon ay magandang trabaho. 'Di ba, sabi mo ay kailangan na kailangan mo ng trabaho? 'Eto na iyon! 'Wag mo nang pakawalan.”
“S-sige po.” Iyon na lang ang nasabi niya. Para kasing nakakaengganyo ang paraang ng pagsasalita nito kaya napapa-oo na lang siya kahit tutol ang buong pagkatao niya.
“O, siya. Umuwi ka na. Bukas ay tatawagan ka namin para naman sa interview mo.”
“Akala ko ba ngayon na nag interview.”
“Bukas na. Kasi pagod na si sir. Hantayin mo text namin bukas, ha?”
“Okay po. Salamat…”
Tila wala sa sarili na umalis siya sa lugar na iyon. Pagkauwi niya ng apartment ay doon lang niya naramdaman ang labis na panghihinayang sa apat na libo na nawala sa kanya sa isang iglap. Iniipit pa naman niya ang natitira niyang pera.
Nanghihina na napaupo na lang siya sa gilid ng kama habang si Liam ay nakaharap sa laptop nito.
“Kumusta ang apply mo?” tanong nito.
“P-parang okay naman.” Hindi siguradong sagot niya.
“Anong ibig mong sabihin?”
“May nag-alok kasi sa akin ng trabaho. Call center agent. Tapos nagbayad ako ng isang libo para sa exam at tatlong libo para sa training at--” Nagulat siya nang malakas na itiklop ni Liam ang laptop nito.
Bumaba ito sa kama at pumunta sa harapan niya. “Nagbayad ka?!”
“O-oo.”
“s**t! Bakit ka nagbayad? Modus 'yon!”
“Modus?”
“Niloko ka lang nila. Walang agency o nag-aalok ng trabaho dito sa Manila na sisingilin ka ng gano’ng kalaking halaga! Ang tanga mo, Earl! Sinabihan na kita!”
Para siyang binuhusan ng malamig na tubig sa sinabi ni Liam. Kaya ba pakiramdam niya kanina ay parang may mali? Naloko siya? Pero paano na 'yong pera niya na ibinayad niya sa mga ito? Wala na? Ganoon na lang?
Magsasalita pa sana siya nang tumunog ang kanyang cellphone. Tumatawag ang nanay niya. Sinabi nito sa kanya na kailangan nila ng sampung libong piso para sa pambayad sa ospital at gamot ng tatay niya. Awang-awa siya sa nanay niya dahil umiiyak ito. Hindi na daw nito alam kung saan ito kukuha ng ganoong kalaking halaga.
“Hindi ka dapat nagpapaloko, Earl! Sayang iyong pera mo. Alam mo naman na kailangan mo iyon dahil nasa ospital ang tatay mo tapos pinakawalan mo lang sa isang trabaho na hindi sigurado. Well, hindi naman talaga iyon sigurado dahil naloko ka. At sigurado ako na naloko ka. Alam na alam ko na ang modus na iyan ng mga hayop na--”
“Liam…” Pigil niya sa sermon nito.
“Ano iyon?”
Parang mapapaiyak na siya. “K-kailangan ko ng sampung libo para kay tatay… Saan ako kukuha ng ganoong pera? Isang libo na lang ang meron ako dito.” Para siyang isang bata na napahikbi. Akala mo ay inagawan ng tsokolate ng kalaro.
Natigilan si Liam at mataman siyang tinignan. Matagal itong nakatingin sa kanya na para bang may iniisip ito. Maya maya ay huminga ito nang malalim. “Gusto mo ba talaga ng trabaho? 'Yong sigurado na?” Tumango siya. “Kaya mo ba ang ginagawa ko?”
“Ha?” Maang na tanong ni Earl.
“Iyong maghuhubad at magpe-perform ka sa harap ng webcam.”
“P-parang hindi ko 'ata kaya, Liam.”
“Kahit para sa pamilya mo? May paunang bayad na ten thousand ang bagong performer sa boyslive.com kapag nagustuhan ka ng boss namin. Noong nag-uumpisa pa lang ako, ang isang gabi ko ay dalawang libo pataas. Pero ngayon na kilala na ako sa site na iyon, kumikita na ako ng limang libo pataas. Isang gabi lang iyon, Earl. Wala namang mawawala sa iyo. Hindi ka naman makikipag-s*x. Walang mawawala sa iyo. Kung iniisip mo naman na may makakakilala sa iyo, sa tingin mo ba, may nagbo-boyslive.com ba sa lugar niyo?”
Aaminin niya. Nakakatuksong tanggapin ang trabahong sinasabi ni Liam dahil sa malaking pera na involve. Ngunit kaya ba niya? Dignidad at pagkatao pa rin niya ang nakataya sa trabahong iyon. Dignidad at pagkatao na ipinaglaban niya noon kay Bon. Kakainin ba niya lahat ng sinabi niya sa harap nito?
“Pag-iisipan ko muna…”
“Earl, magpapalabas ka lang sa harap ng webcam! Papasayahin mo lang ang mga watchers mo. Masasarapan ka na, magkakapera ka pa. Pag-isipan mo. Bukas ay kailangan ko ng sagot mo para mai-recommend na kita sa boss namin. Okay?” Tinapik siya nito sa balikat at lumabas ito ng apartment nila.
Nang mapag-isa ay nag-umpisa na siyang mag-isip.
Dignidad o ang tatay niya? Ano ba ang mas matimbang para sa kanya?
Hindi maililigtas ng dignidad niya ang buhay ng tatay niya kaya dapat na siguro niyang tanggapin ang alok na trabaho ni Liam. Tama naman ito, walang mawawala sa kanya. Hindi naman siya mahahawakan ng mga manonood sa kanya.
Ilang sandali pa ay bumalik na si Liam. May dala itong ilang stick ng barbecue. Ulam daw nila mamayang gabi.
“Wala pala akong pang-ambag diyan. Ikaw na lang ang kumain mamaya. Medyo busog pa naman ako,” aniya.
“Ang arte mo! Saka mo na ako bayaran kapag may pera ka na.”
“Ah, Liam. Nakapagdesisyon na pala ako. Tatanggapin ko na iyong trabaho na sinasabi mo.”
Napangiti nang malaki si Liam sa sinabi niya. “Salamat naman at nakapag-isip ka ng tama! Huwag kang mag-alala dahil okay ito. Hindi kita ipapasok dito kung alam kong mapapahamak ka. Trust me!” sabi nito.
Tumango na lang siya bilang pagsagot. Kinakabahan siya. First time niyang papasok sa ganitong uri ng hindi normal na trabaho.
“May tiwala naman ako sa iyo, Liam,” aniya.