LUMIPAS ang halos limang buwan mula nang ayawan ni Irish ang kasal kay Gio Avalon. Natanggal ang kanyang mga scholarships sa eskwelahan at ngayon ay pumapasok siya sa iba't ibang part time job para lamang matustusan ang kanyang pag aaral. Hindi man siya itinakwil ng kanyang mga mahal sa buhay, ngunit hindi naman siya kinakausap ng mga ito. Idinistansya ng kanyang mga magulang ang kanilang sarili sa kanya.
Nangungupahan din si Irish ng maliit na kuwarto malapit sa eskwelahan nila. Every weekend na lang siya pumupunta sa Avalon Farm para dalawin ang kanyang pamilya. Masama pa rin ang loob nila kaya para lamang siyang hangin na 'di nakikita.
"Itigil na kaya natin ito. Kasalanan ko kung bakit ka nahihirapan ng ganito, Irish. Nahihirapan din akong tignan ka," malungkot na sabi ni Henry habang kaharap ang kanyang nobya. Nasa isang fast food chain sila at pareho silang walang pasok sa kanilang part time jobs.
Hinawakan ni Irish ang kamay ni Henry na nakapatong sa ibabaw ng lamesa.
"Hindi ako papayag sa gusto mong mangyari. Ilalaban natin ito. Saka, okay lang ako. 'Wag kang mag alala sa akin. Kaya ko naman ang mga trabaho ko. Ilang taon na lang ang titiisin ko. Ikaw, makakabalik ka rin sa pag aaral mo. Makaka-graduate rin tayong dalawa sa senior high," pinilit ni Irish na ngumiti kay Henry. Pangarap niya na makapagtapos ng abogasya. Kaya hindi siya susuko para sa pangarap niya.
Nahihirapan na siya at napapagod. Ngunit, ayaw niyang ipakita ito kay Henry. Dahil alam niyang ito ang sasabihin ng nobyo sa kanya. Pinipilit niyang maging matatag para sa kanilang relasyon. Mananaig ang pagmamahalan nilang dalawa. At hindi sila magpapatalo sa mga pagsubok. Malalampasan nila ito at magiging maayos din ang lahat.
"Naawa ako na tignan ka. Maganda ang buhay mo sa Avalon Farm. Alam ko na hindi ko kayang ibigay 'yon sa iyo. Nakokonsensya ako. Kung hindi ko sana ipinilit ang nararamdaman ko para sa iyo, sana masaya ka pa. Sana hindi ka namili, kung ako o ang lalaking dapat na pakakasalan mo. Sana hindi ka nagpapakapagod sa pagtatrabaho para lamang makatapos ng senior high. Sayang, matalino ka pa naman," mahabang sabi ni Henry. Hindi niya akalain na may lalaki nang nakalaan para kay Irish. Wala namang nababanggit ang nobya sa kanya. Huli na ng malaman niya ang tungkol sa engagement nito.
Hindi mayaman ang pamilya nina Henry. Ngunit, maayos naman ang trabaho ng mga magulang nito. Kumbaga ay sapat lamang ang pang araw araw nilang panggastos. Pero, walang kaso kay Irish kung mahirap lamang ang nobyo. Kaya nilang pagsikapan lahat at magsisipag para magkaroon ng magandang buhay sa hinaharap.
Marami na rin ang isinakripsiyo ni Irish para kay Henry. Sana'y hindi mabalewala lahat ng 'yon.
Magaan na hinaplos ni Irish ang mukha ni Henry. "Okay lang ako. Kaya ko, hindi ako mapapagod kahit sampu pa ang maging part-time job ko. Basta andiyan ka lang para sa akin. Ikaw ang lakas ko, Henry. Ikaw lang ang kailangan ko."
Hindi na nakapigil si Henry sa ngiti. Hinawakan niya ang kamay ni Irish na nasa kanyang mukha.
"Promise ko sa iyo, pagkakuha ko ng permanenteng at matatag na trabaho, pakakasalan kita, Irish. Ikaw ang babaeng alam ko na magiging asawa ko. At pagsisikapan kong makuha 'yon dahil mahal kita," sinserong pangako niya sa kanyang nobya.
Mangilid ang luha sa mga mata ni Irish. Wala siyang ibang mamahalin kundi si Henry. Ang puso at isip niya, maging ang kanyang katawan, ay para lamang sa kanya.
Naging mahirap ang lahat kay Irish. Pero kinaya niya. Nakasuporta naman sa kanya si Henry. Tumigil muna ito, isang taon lang naman para matulungan siya sa kanyang pag aaral.
Mabilis nagdaan ang pitong buwan, kahit paano ay nakakabawi na si Irish. Nasasanay na rin siya sa buhay niya. Nakakapagod man pero pilit niyang titiisin ang lahat para mapatunayan niya sa kanyang mga magulang at sa mga Avalon na hindi siya nagkamali sa buhay na pinili niya. Ipapakita niyang 'di niya pinagsisisihan na si Henry ang pinili niya.
"Irish, sasama ka ba sa group project natin?" tanong ni Mabel sa kanya. Katatapos lang ng klase nila at kasalukuyang nasa tambayan nila para pag usapan ang kanilang group project.
"Puwede bang hahabol na lang ako. May pasok pa kasi ako mamaya. Babawi na lang ako. Ako na lang ang magde-design ng project natin." Palagi na lang hindi sumasama kapag may mga school project sila. Pero kumukuha siya ng ibang gawain para kahit paano ay makatulong pa rin siya sa mga kaibigan niya.
Mahirap palang pagsabayin ang trabaho at pag aaral.
"Hindi sa pinagsasabihan ka namin, Irish. Pero parang unfair naman sa amin na 'di ka sumama sa paggawa ng school project. Dapat tulong tulong tayo. Graduation na natin after three months. Wala ka bang planong bawasan ang mga part time jobs mo para tuunan mo ng pansin ang pag aaral mo?" Untag ni Lara sa kaibigan. Sila ang madalas na nag-a-adjust para kay Irish. Naiintindihan nila ang sitwasyon ng kaibigan nila. Ngunit 'di dapat naaakpektuhan ang pag aaral nito. Matalino pa naman ang kaibigan nila. Dinig nila ay hindi na ito kasama sa mga may honor.
Malungkot na napatingin si Irish sa mga kaibigan niya. "Pasensiya na kayo. Nahihiya na rin ako sa inyo na palagi niyo akong pinagbibigyan. Susubukan kong sumama sa school project natin mamaya." Napaayon na rin siya dahil sa nahihiya na siya sa mga ito. Pinagbibigyan siya ng mga kaibigan niya dahil sa trabaho niya.
"Tinutulungan ka naman ba ni Henry? May nakakita raw sa kanya na may kasama na ibang babae sa mall," sabat naman ni Cathy. "Hindi ko siya sinisiraan sayo. Pero kung ayaw mong maniwala sa amin. Puwede mo siyang puntahan after ng school project natin."
Nabigla si Irish at hibdi kaagad nakaimik. "Parang hindi magagawa sa akin ni Henry ang sinasabi niyo. Mahal niya ako, nag-stop nga siya para tulungan ako sa pangtuition ko." 'Di siya naniniwala sa mga sabi sabi lang. Wala silang matibay na ebidensya na nagloloko ang boyfriend niya.
Marahas na napabuga ng hangin si Cathy. Alam na nilang hindi sila paniniwalaan ni Irish. Siyempre masakit iyon para sa kaibigan nila. Ipinaglaban nito sa lahat ng tao, pati sa mga magulang niya. Pagkatapos malalaman nilang nambabae pala at niloloko lang si Irish.
"Kaibigan mo kami. Kung hindi ka naniniwala, sumama ka na lang. Kasi palagi raw sila sa mall. Doon ata nagtatrabaho ang babae," nasabi ni Mabel.
Ayaw na ipakita ni Irish na nasasaktan siya. Pinipilit niya ang sarili na okay lang ang lahat.
"S-Sige, para patunayan ko sa inyo na hindi ako niloloko ni Henry."
"Pero, paano kung totoo ang makikita mo? Anong gagawin mo?" Mga tanong ni Cathy.
Nanamlay ang mga mata ni Irish. Sa totoo lang, hindi niya naisip na mangyayari na lokohin siya ng nobyo niya. Ito ang lahat sa kanya. Isang taon na rin sila at alam niyang may mga pagkukulang siya na hindi niya maaring ibigay dito.
"H-Hindi ko a-alam. Never naman kami nag away. At napaka-ideal niyang boyfriend. Guwapo, mabait, maalaga at mapagmahal. Kaya wala akong nakikita na senyales na magagawa niyang mangaliwa." Kibit ang kanyang balikat na sagot.
"Nasaan na ang matapang na Irish? Parang sa kabila ng makikita mo ay patatawarin mo pa rin 'yan. Wala talaga akong tiwala sa pagmumukha ng boyfriend mo. There's something about him na hindi ko talaga magustuhan para sayo. Pero, wala naman akong magagawa kung mahal mo. Ikaw ang may katawan at ikaw ang magdedesisyon para sa inyong dalawa. Kahit na ayaw namin kung mahal mo. Wala kaming magagawa." Litanya ni Cathy na halata ang pagkadisgusto kay Henry para sa kaibigan.
'Okay. Magkita na lang tayo mamaya sa bahay nina Cathy. Magpapaalam lang ako sa part time ko na mag under time." Pahayag ni Irish. Gusto rin niyang makita kung totoo 'yon o hindi. Baka nga may itinatagong kalokohan si Henry sa kanya.
"Mag iingat ka, Irish. Tawagan mo ako kaagad 'pag hindi ka makakapunta. Puwede naman sunduin ka na lang namin sa shop," mungkahi ni Mabel.
"Hindi na. Sure ako na pupunta sa bahay ni Cathy. Mauna na ako." At tinignan ni Irish ang kanyang wristwatch. Saka muling napatingin sa kanyang mga kaibigan. "Kailangan ko na talagang umalis. Mala-late na ako." Nagmamadaling paalam niya. Hindi na niya hinintay na sumagot ang mga kaibigan niya at kaagad siyang tumalikod sa kanila.
'Di napansin ni Irish ang tumulong luha sa mga mata niya. Guguho ang lahat sa kanya sa oras na mapatunayan niyang niloloko siya ng lalaking pinakamamahal. Sana' makayanan niya mamaya at magiging matapang pa rin.