Habang nagbibisekleta ay nakasimangot pa rin ako. "Anong akala niya sa'kin, mahina? Ha?! Hindi niya alam kung gaano ako kadedikado sa trabaho. Masipag ako at maasahan. Ano naman kung delikado, edi mag-iingat ng mabuti. Hays! Palibsa si Alex, walang bilib sa'kin e!" Naiinis kong saad habang nagmamaneho ng bisekleta.
Narinig ko naman ang malakas na busina niya kaya muntikan na 'kong matumba sa gulat.
Tinaliman ko siya ng tingin. "Huwag mo nga akong sundan! Umuwi ka na! Maghahanap-buhay pa 'ko," taboy ko sa kaniya. Hindi siya nakasuot ng helmet at nakasabit lang 'yon sa kaliwang braso niya. Tinapatan niya ako at sinabayan sa kalsada.
"Galit ka?" Inosenteng tanong niya.
"Ano sa tingin mo?" Masungit kong tanong sa kaniya at saka siya inirapan.
"Ang ganda mo," wika naman niyang nakangiti.
"Tse!" Bulyaw ko. Kala niya mauuto niya 'ko sa mga paandar niyang gano'n. E... kaya nga ako hindi natatanggap sa university, dahil pangit ako e.
Hindi siya umuuwi at sinasamahan lang ako sa kalsada. Nabubwesit ako dahil kanina ko pa siya pinapaalis pero panay ang sunod sa'kin. Nakikisigaw din ng balot. Sinasabayan pa 'ko.
Hanggang sa kinuha niya sa likuran ang basket ng balot. Hindi ko alam kung paano niya nagawa 'yon habang nakasakay siya sa malaking motor niya pero para bang kay dali.
"Hoy! Saan mo dadalhin 'yan!?" Malakas kong tawag sa kaniya. Humarurot naman ang motor niya kaya binilisan ko ang pagpedal. Baka mabasag ang mga itlog. Naku, may katumbas na salapi 'yon. 'Di ko pa nababawi ang puhunan.
"Alex!" Malakas kong sigaw habang hinahabol siya. Hindi ko na nga alam kung nasaan e dahil sobrang bilis niya.
"Kapag nakita kita, makakatikim ka ng tadyak sa aking lalaki ka!" Galit kong usal habang hinihingal na sa pagpedal.
Pawisan na 'ko at hindi ko mahanap si Alex kung saan. Babayaran niyang lahat 'yon kapag nalaman kong basag ang mga paninda kong penoy at balot. Thirty pieces pa 'yong balot at tig-bente ang isa kaya bale, 600 'yon. Tapos bente pirasong penoy, tig-disi-nuebe ang isa. Kaya bale, 380 naman 'yon. 980.00 pesos lahat 'yon at kapag nadamay pa ang mga itlog pugo ay sisingilin ko siya ng doble. Akala niya!
Huminto na 'ko sa pagpedal dahil kinakapos na 'ko sa hangin. Ang bilis pa ng t***k ng puso ko dahil sa kapaguran.
Maya-maya lang ay may huminto sa harapan kong motor. Nilingon ko 'yon at nakita ko si Alex na bumaba. Kahit pagod ay binitawan ko ang bisekleta ko at sinugod siya. Akma ko siyang susuntukin pero agad niyang nailagan at nahawakan ang kamay ko. Galit ko 'yong binawi. Lalo akong nabuwesit sa ngiting ginagawad niya sa'kin.
Inabot naman niya sa'kin ang basket ko. Wala ng laman 'yon kaya umusok ang ilong ko sa galit at pinagsisipa siya. Umaatras naman siya para makailag. Masasabi kong sanay siya dahil para bang kalkulado niya bawat gagawin ko kaya mabilis niyang mailagan. Hindi ko man lang siya matamaan kahit konti.
"Saan mo dinala ang mga paninda ko?!" Galit kong akusa sa kaniya.
"Relax," wika niya. Matalim ko pa rin siyang tinitignan.
Huminto ako sa pagsipa sa kaniya nang maramdaman ang ngawit sa mga binti ko. Mas lalo akong napagod. Taas-baba ang dibdib ko sa kapaguran at idagdag pa ang galit at inis ko sa kaniya.
Dinukot niya sa bulsa ang pera at inabot sa akin. "Naubos lahat," wika niya.
"Bilangin mo kung sakto," dagdag niya pa. Mangha ko siyang tinignan. Sakto lahat. Pati chicharon ay naubos din.
"Papaanong. . ." Mangha kong tanong.
"Secret," sagot naman niyang nakangisi.
"Makakauwi ka na ng maaga. Lika na, sakay na kita," alok niya.
Bumalik ako sa bisekleta ko at tinayo 'yon. Sumakay ako at hindi pinansin ang alok niya. Maiiwan ang bike ko kung sasakay ako sa kaniya. At saka, ang taas masiyado ng motor niya. Baka mahulog ako at ma-hospital pa. Dagdag gastos pa 'yon.
"Hindi na," masungit kong sagot. Hinawakan naman niya ang manibela ng bike ko. Binaba ang mukha sa akin kaya napaatras ang ulo ko.
"Nagtatampo ka?" Tanong niya. Pero bakit parang may lambing? Ang lapit pa ng mukha kaya mas natititigan ko ang magagandang features ng mukha niya.
"Naiinis ako sa'yo!" Bulyaw ko sa mukha niya. Nginisian naman niya ako.
"Delikado nga kasi do'n," wika niya.
"Kaya ko naman siguro 'yon. Wala ka bang bilib sa akin?" Wika ko.
"Sumakay ka sa motor ko at pag-usapan natin 'yan," aniya.
Nilingon ko ang bike ko. "Para, Kuya!" Tawag niya sa dumaang tricycle. Nalagpasan kami kaya pumihit pabalik. Huminto sa harapan namin at agad tinuro ni Alex ang bike ko. "Paki-sakay naman ito, Kuya," pasuyo niya sa driver.
"Saan ko dadalhin?" Tanong naman ng driver ng tricycle.
"Sa tahian ni Nana Sabel," sagot ni Alex. Tahian 'yon ni Nana ko. Pero hindi na siya nagtatahi ngayon dahil malabo na ang mata niya. Ayaw naman niya magsalamin dahil mahal nga raw kasi. At saka, nanginginig na rin kasi minsan ang mga kamay niya kaya huminto na siya. Pero sa pananahi niya iginapang ang pag-aaral ko hanggang matapos ko ang senior high school. Kaya ngayon, ako naman ang naghahanap-buhay para sa'ming dalawa.
Inabutan ni Alex ng bayad 'yong driver. Nakita kong nilagay sa likuran ng sidecar ang bike ko at saka tinali. Pati basket ko ay sinali na rin doon.
"Sige," paalam no'ng driver at saka umalis.
"Baka hindi makauwi ang bisekleta ko," usal ko. Hindi ko kilala ang driver na 'yon. Baka nakawin ang bike ko.
"Makakauwi 'yon. Kilala rito sa'tin ang tahian ng lola mo. At isa pa, kapag ninakaw niya ang bike mo. . .malalaman ko rin kung saan siya nakatira," wika niya na puno ng kumpiyansa lalo na sa huli niyang sinabi.
Nauna siyang sumakay sa motor. Halos manginig ang tuhod ko habang umaangkas sa motor niya. Ang taas nga.
"W-Wala akong kakapitan," kabadong sabi ko. Mahina naman siyang tumawa at kinuha ang magkabilang kamay ko at nilagay sa abdomen niya. Hindi ako sanay kaya magaan lang ang paghawak ko.
"Mahuhulog ka kapag ganiyan. Dapat, yumakap ka sa'kin," wika niya.
"O-Okay," sagot ko at hinigpitan. Halos nakasubsob na 'ko sa ulo niya. Ngayon ko lang napansin na ang bango pala ni Alex.
Nilingon niya ako kaya muntikan ko ng mahalikan ang pisngi niya. "Okay ka na?" Tanong niya. Nininerbyos akong lumunok.
"O-Oo. Pero hindi pa 'ko ready mamatay," sagot ko. Tumawa naman siya at binuhay ang makina. Inabot niya sa'kin ang helmet niya. Sinuot ko 'yon. Amoy ni Alex ang helmet. Hindi amoy pawis at mabango.
"Basta kasama mo 'ko, akong bahala sa'yo," wika niya at nagsimulang magmaneho.
Todo kapit ako sa kaniya dahil ang bilis niyang magpatakbo. Lalo na kapag nilalagpasan niya lang ang mga nadadanan naming sasakyan.
"A-Alex! G-Gusto ko pang mabuhay!" Sigaw ko sa kaniya.
"Kalma lang!" Malakas niyang boses.
"Kakalma lang ako kung babagalan mo ang takbo mo! Wala tayo sa karera, ano ka ba?!" Singhal ko sa kaniya.
Sana pala, inalis ko muna ang salamin ko para hindi ko makita kung gaano kami kabilis.
Nakayakap ako ng mahigpit habang matulin pa rin ang takbo ng motor. Mabilis kaming makakarating kung saan man ako dadalhin ni Alex. Pero mabilis din akong mababawian ng buhay kapag nadisgrasya kami. Tahimik akong nagdasal na sanay humaba pa ang buhay ko, "Diyos ko, kailangan pa 'ko ng Nana ko. Gusto ko pang mahanap ang Mama ko."