HINDI na siya nakatulog pa kaya maya't maya siyang humihikab habang nakaupo sa mababang silya sa tabi ng lupang inaalisan niya ng mga damo sa loob ng taniman. Nagbabasa naman ng diyaryo si Aristhon sa mahabang upuan ilang dipa ang layo mula sa kaniyang kinalalagyan, nakatayo sa tabi nito ang guwardiyang nakatalaga sa kanilang selda. Liban pa sa guwardiya na iyon nagkalat pa ang ibang mga guwardiya sa kalaparan ng taniman na siyang nagbabantay sa mga presong naroong nagbubungkal ng lupa't nagtatanim ng mga gulay. Lumingon pa nga sa kaniya si Aristhon kaya nagkasalubong ang kanilang mga tingin na tumagal nang ilang mga sandali. Ito ang kusang pumutol sa tinginan nilang iyon sa paglipat nito sa pahina ng diyaryo. Sa pagtuloy nito sa pagbabasa ng mga balita sa labas ibinalik niya rin naman a

