Ang biyaya
3rd Person POV
“Ayy naku, beh! H-hindi, sayo ang pera na ‘yan.”
Maingat na kinuha ni Katherine ang pera ng inabot ng bata at siya na mismo ang nagbalik nito sa bag ng bata.
Habang ginagawa iyon ay palinga-linga siya sa paligid, kinakabahan na baka mapagkamalan pa siyang nang-uuto ng batang mayaman. Naku, Diyos ko, baka akalain ng mga tao rito ay nang-aabuso siya ng makulit na bata.
“Pero—” tangkang sabi ng bata.
“Sa susunod, huwag kang nagbibigay ng kung kani-kanino ng pera, lalo na kung hindi mo kilala, okay? Naku kang bata ka, maki-kidnap ka ng wala sa oras,” sermon niya, halatang stress na.
Ngunit imbes na matakot, tinawanan lang siya ng bata. Pinanlakihan niya ito ng mata, ngunit lalo lang siya nito pinagtawanan. Napailing na lang siya, napangiti.
“Ano pala ang pangalan mo? Nasaan ang mga magulang mo? Naku, at hinayaan ka nilang mag-isa,” tanong niya, may halong pag-aalala sa boses.
“Uhmmm, Harrison! Ikaw, ate?” masiglang sagot ng bata.
“Ate Kath. Saan ang magulang mo? Ibabalik na kita, baka hinahanap ka na nila,” sagot ni Katherine, hinahaplos ang ulo ng bata.
“Kasama ko si daddy ko, pero nag-buy siya ng ice cream tapos hindi ko na alam,” sabi nito.
Sabay kibit-balikat, parang wala lang.
“Nawawala ka nga, buti hindi ka umiiyak?” tanong niya, bahagyang namamangha sa tapang ng bata.
“Kasi strong ako! Sabi ni daddy, may new mommy na ako kaya dapat behave ako para pumayag si mommy!”
Napangiwi si Katherine sa narinig. Naaawa siya bigla. Nagloko ba ang tatay nito? O baka naman patay na ang ina? Hindi niya alam kung saan man sa dalawa. Ayaw naman niyang magtanong pa—masyadong sensitibong usapan iyon.
“Sige, tara na. Hanapin natin si daddy mo. Kawawa ka naman kung mag-isa,” sabi niya.
Nilahad niya ang kanyang kamay, ngumiti si Harrison at walang pag-aalinlangan kinuha ang kamay niya. “Let’s go, Ate Kath!” masiglang wika nito. Napatawa na lang si Katherine. Naku, ang cute ng batang ‘to! Parang gusto na niyang nakawin na lang ang batang ito, kung hindi lang siya makakasuhan ng k********g!.
Pero bago pa man sila makalayo, may biglang tumawag. “Sir Harrison!” sabay silang napalingon.
Tatlong lalaking naka-itim ang paparating, lahat naka-sunglasses, halatang mga bodyguard.
Parang eksena sa mga drama na napapanood niya!
Biglang bumitaw si Harrison sa kanya at masayang tumakbo papunta sa mga lalaki. Sinundan niya naman ito ng tingin hanggang sa nakarating na ito sa tatlong bodyguard.
“Anong gagawa niyo dito?” tanong ni Harrison, halatang masaya na makita ang tatlo.
“Sir Harrison, buti at ligtas ka. Hinahanap ka ng daddy mo. Kaya nagpunta kami rito para tumulong sa paghahanap,” seryosong sabi ng lalaking nasa gitna.
Bahagya pa itong tumingin kay Katherine, bago muling ibinalik ang pansin sa bata.
Habang nag-uusap ang tatlo at ang batang makulit, napansin ni Katherine na lumapit sa kanya ang isa sa mga bodyguard. Medyo kinabahan siya.
“Maraming salamat sa pagbabantay kay Sir Harrison, ma’am. Bilang pabuya, magbibigay kami ng twenty thousand,” mahinahon ngunit seryosong sabi ng lalaki.
Napatulala siya sa makapal na perang inilalabas nito. “Naku, hindi ko po ‘yan matatanggap!” Mabilis niyang tanggi, nanginginig pa ang kamay.
“Hindi kami tumatanggap ng ‘hindi’,” mariing sabi ng bodyguard, nakalahad pa rin ang pera.
Wala na siyang nagawa kundi kunin iyon. “M-maraming salamat po,” mahina niyang sagot, halos hindi makatingin.
Tumalikod agad ang lalaki, bumalik sa pwesto na para bang walang nangyari.
“Bye-bye, Ate Kath!” kaway ni Harrison habang papalayo.
“B-bye…” mahina niyang sagot. Napangiti na lang siya habang pinagmamasdan ang papalayong si Harrison habang nagtatalon habang sinusundan naman ito ng ng tatlong bodyguard.
Napakaaliwalas ng pakiramdam niya. Malas man ang araw niya kanina, parang sinagip ito ng isang batang makulit at mabait.
Inilagay niya agad ang pera sa loob ng bag—baka ma-holdap pa siya!
“Thank you, Lord,” mahina niyang bulong.
Sabay tingala sa langit. Naka-ngiti siyang naglakad paalis ng parke, na may gaan ng pakiramdam.
Pagdating niya sa apartment ay nadatnan niya ang matandang lalaki, nakatayo sa tapat ng kotse, pawisan na pawisan dahil sa tirik na tirik ang araw.
“Lolo, umuwi na po kayo! Ang init ng araw, baka ma-heat stroke pa kayo,” sabi ni Katherine, halata ang pag-aalala.
Ngumiti lang ang matanda. “Salamat, hija. Babalik na lang ako bukas.”
“Naku, hindi na po. I-contact ko na lang kayo kapag may desisyon na ako.”
Sagot niya sabay kuha ng maliit na notepad at ballpen sa bag.
Ngunit umiling ang matanda. “Hindi na kailangan, hija. Mayroon akong calling card.”
Inabot nito ang isang maliit na papel.
“Tumawag ka lang kapag may desisyon ka na, at agad ka naming susunduin.”
Tumango siya. “Sige po, maraming salamat. Papasok na po ako.”
Bahagyang yumukod ang matanda bago tuluyang umalis. Napangiwi si Katherine. Wala pa ba itong balak mag-retire? Parang mas matanda pa ito kaysa sa namayapa niya nang lolo!
Pumasok siya sa loob ng apartment. Dahil sa natanggap na blessing, nag-advance agad siya ng dalawang buwan sa upa.
Wala nang aalalahanin sa ngayon.
Isang linggo ang lumipas na puro kain at tulog lang ang ginawa niya. Halos mabaliw siya sa sobrang boredom kaya nang sa wakas ay bumalik ang trabaho, halos lundagin niya sa tuwa ang pinto ng café.
Pagdating niya sa trabaho, parang walang nangyari. Wala man lang nagtaka kung bakit walang pasok sa loob ng isang linggo. Typical day.
“Katherine, table three,” masungit na sabi ni Myca,
Ngumiti lang siya at tumango. Kinuha niya ang tray at dahan-dahang naglakad papunta sa table three.
Ngunit bigla siyang napahinto.
Pamilyar ang lalaking nakaupo roon. Nakatago ang mukha sa ilalim ng hoodie—katulad ng lalaking nakita niya noong nakaraang linggo, sa panggabi niyang trabaho.
Nararamdaman niya ang panginginig ng kamay, ngunit pilit niyang nilabanan ang sarili. Mahal ang hawak niyang order, mahal pa sa sweldo niya ngayong araw.
Huminga siya ng malalim, pinilit ngumiti at ipagpatuloy ang paglalakad. Isa lang itong customer. Wala siyang dapat katakutan.
Pero habang papalapit, naramdaman niya ang mga matang nakatingin sa kanya mula sa ilalim ng hoodie.
At sa unang pagkakataon, nakaramdam siya ng kakaibang kaba—hindi takot, kundi parang may kakaibang koneksyon na hindi niya maipaliwanag.