Year 2009
"Farrah!" tawag ni Ate Winnie sa akin nang makalabas ako ng gate ng aming eskwelahan.
"Ba-bye, Farrah, bukas na lang!" Tumakbo na ang kaibigan ko patungo sa school bus na naghihintay sa kanya.
Lumapit naman ako agad kay Ate Winnie nang mawala ang school bus na sinasakyan ni Alexa sa aking paningin.
“Bakit nandito ka?" tanong ko.
“Sinusundo ka malamang!" nakabusangot niyang sagot sa akin.
“Bakit nga?"
Napabuntong hininga si Ate Winnie at hinila na ako palayo sa eskwelahan. "Basta! Doon tayo matutulog kay Lola Melba ngayon."
Pumara ng tricycle si ate para magpahatid sa bahay ng Lola Melba namin. Pagbaba ng tricycle ay nakita ko ang mga kapatid ko na naglalaro sa harapan ng bahay ni lola.
“Lester, si Annie, ha," wika ni Ate Winnie na itinuro pa ang aming bunso.
“Oo, 'te!" sagot lang nito at nagpatuloy na ulit sa paglalaro.
Sumunod ako kay ate sa loob ng bahay at nakita ko si Lola Melba na nagpapahinga sa tumba tumba nito kaya agad akong lumapit sa kanya.
“Mano po, la."
“Kaawaan ka ng Diyos." Sinipat pa niya ako saglit. "Magbihis ka na sa itaas at bantayan mo ang mga kapatid mo para makapagluto ng hapunan ang Ate Winnie mo,” anito.
“Tumango lang ako at umakyat na sa itaas. Agad kong tinungo ang pinakadulong kwarto. Kwarto iyon ni mama noong dalaga pa lang siya. Kaya naman sa tuwing narito kami ay iyon ang kwartong gamit namin palagi.
Tatlo lang noon ang kwartong naroon sa second floor. Ang masters bed room ay kwarto ni lola. Ang isa ay sa mama namin at ang isa ay sa tiyuhin kong nasa Maynila. Nagpadagdag ng isa pang kwarto si Tito Brenan para sa dalawa nitong anak para sa tuwing magbabakasyon ay may sariling kwarto ang mga ito dito sa bahay.
Kahit masikip ang kwarto ni mama ay hindi kami maaaring mag reklamo dahil bawal buksan ang kwarto nila tito at ng mga anak niya. Maselan ang mga iyon at kagagalitan rin kami ni lola. Kahit mainit ay nagtya tyaga kami sa iisang electricfan. Tanging ang kwarto lang ni mama ang walang aircon dito sa bahay ni lola.
Matapos magbihis ay napaupo ako saglit sa kama. Nilibot ko ng tingin ang buong kwarto sabay buntong hininga.
“Mukhang alam ko na kung bakit nandito na naman kami," wika ko.
Napabuntong hininga na lang ulit ako at nagpasya na ring lumabas ng kwarto para tingnan ang mga kapatid ko sa labas na naglalaro.
Kasalukuyang naghuhugas ng pinggan si Ate Winnie at nililinisan ko naman ang mga kapatid ko nang dumating si mama.
Nagkatinginan kami ni Ate Winnie nang makita naming tahimik na naupo si mama sa sofa. Sinenyasan ako ni Ate Winnie na iakyat na ang mga kapatid namin sa itaas na agad ko namang sinunod.
“Mama!" Palahaw ni Annie nang makita nito si mama.
Muntik pa akong mahulog sa hagdanan habang buhat ang aming bunso dahil sa kagustuhan nitong lapitan si mama na hindi yata narinig ang pag iyak ng aming bunso.
“Annie!"
Agad tumahan si Annie dahil sa sigaw na iyon ni lola. Yumakap ito sa aking leeg at doon tahimik na umiyak.
Bago tuluyang makaakyat ay nilingon ko ulit si mama tahimik pa rin itong nakaupo sa sofa. Awang awa ako kay mama dahil sa mga sugat at pasa nito sa mukha at katawan.
Nang makatulog ang tatlo ay maingat akong lumabas ng kwarto. Tumabi ako kay ate nang makita ko itong nakaupo sa huling baitang ng hagdanan.
“Anong nangyari?" mahinang tanong ko.
“Ano pa nga ba?" mapait ang ngiting sagot ni ate sa akin. “Hindi na ako magtataka kung bukas makalawa, eh, may bago na naman tayong kapatid na aalagaan." Sumimangot pa ito.
Alam ko na ang ibig sabihin ng ate ko. Nag away na naman ang mama at papa namin.At sa tuwing nangyayari iyon ay dito ang takbuhan namin sa bahay ni Lola Melba. At kapag nagkabalikan na naman sila ay tiyak na magbubuntis na naman si mama.
“Sinabi ko naman kasi sa 'yo noon pa na hiwalayan mo na ang lalaking 'yon!"
Umayos ako sa pagkakaupo nang marinig ang boses ni Lola Melba.
“Hindi ka ba naaawa sa sarili mo, Korina?! Tingnan mo nga ang sarili mo?! Hindi kita pinalaki para gawing punching bag lang ng hayop na lalaking 'yon!"
“Ma, hindi ko naman ginagawa 'to para sa sarili ko, eh! Ginagawa ko 'to para sa mga anak ko. Ayaw kong maging produkto sila ng sirang pamilya!" giit ni mama.
“Magkakawatak watak rin ang mga anak mo kapag namatay ka!" sigaw ni lola. "Mabibigyan mo pa ba ng buong pamilya ang mga anak mo kung napatay ka na ng walang kwenta mong asawa sa bugbog?!"
Nanlamig bigla ang aking buong katawan sa isiping mawawala si mama sa amin. Ayaw ko na mangyari iyon. Hindi ko kakayanin 'yon. Minsan ko na ring nakita kung paano bugbogin ni papa si mama. At sa tuwing naaalala ko iyon ay nanginginig talaga ako sa takot.
“Anak, isipin mo ang mga anak mo. Maiintindihan nila kung hindi man sila lalaking buo ang pamilya. Tama na ang pagpapakasakit, anak. Ayaw kong dumating ang araw na ako ang maglilibing sa 'yo. Dahil hinding hindi ko kakayanin 'yon, Korina!"
Dumaan ang mga araw ngunit hindi kagaya ng dati ay walang papa na dumadalaw dalaw dito sa amin. Noon kasi ay isang linggo lang ay pinupuntahan na kami ni papa para suyuin kami at si mama para bumalik na sa bahay. Ngunit ngayon ay wala.
“Ano na ngayon ang balak mo?"
Nahinto ako sa pagbaba nang marinig ang boses ni Lola Melba.
“Magta-trabaho po ako, ma," sagot ni mama. "Ngayong hiwalay na kami ni Ronnie kailangang buhayin kong mag isa ang mga anak ko."
“Na noon mo pa sana ginawa, Korina. Hinintay mo pa talagang maging lima 'yang mg anak mo bago ka matauhan!"
“Umasa lang po ako na baka magbago pa ang papa nila,” ani naman ni mama.
“Kaya pinarami mo ng ganyan ang mga anak mo?" turan naman ni lola. “Sa panahon ngayon isa lang nga ay mahirap ng buhayin ‘yang lima pa kaya!”
“May inalok pong trabaho ang kaibigan ko sa Saudi. Makikipagsapalaran po ako para kumita ng malaki. Kung dito lang ako sa atin at aasa sa mga labada hindi po sasapat iyon para sa amin."
“Saudi?" mahinang sambit ko. "Aalis si mama?"
“Hindi ba't masyadong delikado do'n, anak?" wika ni Lola Melba. “Hindi naman nagkakalayo ang sweldo ng mga kasambahay dito at doon,” pahayag pa nito.
“Dalawang taon lang naman po ang kontrata. Saka siniguro naman po ng kaibigan ko na maganda ang magiging employer ko."
Nagmamadali akong bumaba ng hagdanan habang hilam sa luha. "Aalis ka, ma?"
Natigilan sina mama at lola nang bigla akong sumulpot na umiiyak.
“Hindi ka p'wedeng umalis! Ayoko, ma!" Palahaw ko pa.
“Saglit lang ang dalawang taon, anak." Alo ni mama sa akin. "Para rin sa inyo 'to. Hindi tayo mabubuhay sa paglalabada lang."
“Tama ang mama mo, Farrah. Halos lahat kayo nag aaral. Gatasin pa si Annie,” wika naman ni Lola Melba. “Wala na kayong amang aasahan kaya sa ayaw n’yo man o sa gusto kailangang magtrabaho ng mama ninyo sa malayo para tustusan kayong lahat.”
“Hihinto na lang po ako, ma!"
Natigilan kaming tatlo ng magsalita si Ate Winnie. Katulad ko ay umiiyak din ito.
“Mga anak, tanging pag aaral lang ang kaya kong ibigay sa inyo. Magtapos kayo ng pag aaral na hindi ko nagawa noon," ani mama saka kami niyakap. "Gusto ko kayong bigyan ng magandang buhay. Ayaw kong maranasan ninyo ang hirap mga anak."
“Pero, ma-"
“Wala ng pero pero, Winnie!" Saway ni lola kay ate. “Walang hihinto sa pag aaral! Magta-trabaho ang mama n'yo sa malayo kaya ako ang mag aalaga sa inyo. Ayaw ko ng matigas ang ulo. Hangga't nasa poder ko kayo susundin n'yo ako! Tingnan n'yo ang nangyari sa mama n'yo. Dahil sa katigasan ng ulo na akala n'ya kaya na n'yang mabuhay mag isa, tingnan n'yo ang nangyari. Nagluwal s'ya ng limang anak na kasama n'yang naghihirap ngayon!"
Fifteen years old lang si mama ng mag tanan sila ni papa noon. Masyadong mahigpit ang mga magulang ni mama at si Tito Brenan kaya hindi niya nagagawa ang mga ginagawa ng mga ternager na kagaya niya. Sa kagustuhang maging malaya at na-inlove ng maaga ay nakipagtanan si mama. Namatay rin si lolo na may sama ng loob sa kanya.
Dahil sa katigasan ng ulo niya at pagpapairal ng puso ay hindi naging maganda ang sinapit ng buhay niya. Bukod sa pagiging lasenggero at babaero ay binubugbog rin ni papa si mama at minsan ay sa harapan pa namin mismo.
At ang araw nga na pinangangambahan ko na mangyari ay dumating na. Paggising ko ay wala na si mama. Umalis na si mama patungong Saudi Arabia para magtrabaho ng dalawang taon. At tanging pag iyak na lang ang nagawa namin dahil nakaalis na si mama ng wala man lang kaming alam.
“Mabilis lang ang dalawang taon. Hihintayin kita, mama," humihikbing sabi ko habang yakap yakap ang picture frame namin.