Kabanata 4

3268 Words
Mukhang na-corner niya ako sa tanong niyang iyon at hindi ko alam ang isasagot gayung napakadali lang naman sana ng kanyang itinatanong. Mabuti na lamang at dumating si Mang Edwin para yayain kami na maghapunan. Matapos naming kumain ay bumalik ulit kami sa upuan sa silong ng puno ng kaimito para ituloy ang aming inuman. Kasama na namin noon si Mang Edwin na nagdagdag pa ng isang galong TUBA. Nakisali narin sa amin ang ilang kapitbahay. Napuno sa kantahan ang aming umpukan kung kaya't hindi na nabigyan ng pagkakataon si Magdalino na kulitin ako sa kung sino ang taong aking napupusuan. Ewan ko ba, pwede ko namang sabihin sa kanya ng deritsahan na siya ang lalaking iniibig ko subalit hindi ko magawa dahil pinangunahan ako ng kaba. Sabagay, unang beses kong makaramdam ng patatangi sa isang tao kaya ganoon nga siguro iyon. Mag-aalas onse na ng gabi ng matapos kami sa pag-inum. Inalalayan ako ni Magdalino na pumasok sa loob ng bahay gawa ng nakaramdam ako ng pagkahilo. Hindi naman iyon ang unang beses na malasing ako, ngunit dahil sa first time kong makatikim ng tuba kaya ganoon ang tindi mg tama nito sa akin, nag-iinit ang aking sikmura na para bang nakalagok ako ng isang galong suka. Hanggang sa hindi ko napigilan at ako ay dumuwal bago pa man ako nakapasok ng bahay. "Ilabas mo lahat para gumaan ang pakiramdam mo" Ang sabi niya sabay hagod sa aking likod. Nang maisuka ko na lahat ay medyo gumaan nga ang aking pakiramdam ngunit hindi parin nawala ang aking pagkahilo. Iginiya niya ako sa kanyang silid. Hinubad niya ang suot kong damit na natilamsikan ng aking mga isinuka. Nakapikit na ako no'n subalit gising pa ang aking diwa. Lumabas siya ng silid at pagkaraan ng ilang minuto, naramdaman ko na lang ang mainit-init na bimpo na dumampi sa aking pisngi, pababa sa leeg hanggang sa aking dibdib. Nakaramdam ako ng sobrang ginhawa na naging dahilan na tuluyan na akong nakatulog. Nagising naman ako dahil sa sikat ng araw na tumama sa aking mukha na tumagos mula sa butas-butas na bubong ng bahay. Bagamat nakaramdam ako ng pananakit ng ulo, sinikap ko parin na bumangon gawa ng ingay sa labas ng bahay. Lumabas ako para makiusyoso at nakita ko si Mang Edwin na hindi mapakali na nakikipag-usap sa mga kapitbahay. "May nangyari ho ba, Mang Edwin?" Ang tanong ko sa kanya. Napansin ko rin na lahat ng kapitbahay ay naroon sa kanilang bakuran na handaan na lang ang kulang piyesta na. "Si Ejay, Dong, isinugod sa ospital?" "Bakit po?" Nabigla kong tanong. "Hindi namin napansin na umakyat sa puno ng kamatsile at nahulog. Mukhang nabali ang isang braso nito!" Ang natatarantang pahayag niya. "Si Lino po?" "Nandoon sa ospital kasama ng Nanay niya!" Dahil sa nalaman ko, kaagad akong nagpahatid sakay ng habal-habal papuntang ospital ng bayan. Ewan, pero parang lumuwa na ang puso ko sa sobrang kaba at pag-aalala para kay Ejay. Kung totoo ngang nabali ang braso nito, tiyak sasailalim ito sa isang operasyon at sana kakayanin ng kanyang murang katawan. Dahil sa hindi naman kalakihan ang ospital, kaagad kong nahanap ang silid kung saan naka-confine si Ejay. Naratnan ko siyang sumisigaw dahil sa kinakabitan siya ng dextrose no'ng nurse. Si Magdalino nama'y hindi magkandaugaga sa pagpapatahan sa kanya. Bakas sa kanyang mukha ang labis na pag-aalala sa sinapit ng kanyang anak. Kung pwede lang maipasa ang sakit marahil inako na niya ang lahat ng iyon. Bagamat hindi ko pa naman naransan na maging magulang, pero alam kung masakit para sa sa kanya na makitang namimilipit sa sakit ang kaisa-isa niyang anak. "A-anong sabi ng duktor, may bali ba?" Ang tanong ko sa kanya. "May isang buto sa kaliwa niyang braso ang nabali. Kailangan niyang maoperahan sa lalong madaling panahon" Ang naluluha niyang tugon haplos-haplos ang noo ng bata na noo'y unti-unti ng tumitigil sa pag-iyak. "E, kailan naman daw ang operasyon? May pag-asa pa bang maidugtong ang buto ni Ejay?" "Iyon na nga ang problema. Kaya naman daw na maidugtong ng orthopedic ang nabaling buto ni Ejay sa pamamagitan ng pagkabit ng stainless rito kaso lang napakamahal ng stainless na sinasabi ng duktor. Buti sana kung magkaroon ako ng sampung kustomer sa araw na ito para solve na ang problema" May sundot sa akin ang sinabi niyang iyon. Parang hindi ko kakayanin na isiping pagpipiyestahan na naman ng mga bakla at matrona ang katawan niya para lang malikom ang sapat na halagang kakailanganin. Ewan, pero nakaramdam ako ng panibugho at inis. "Magkano ba ang stainless na iyan?" "Fifteen thousand" Nang marinig ko ang halagang kakailanganin ay saglit akong nagpaalam para maghanap ng ATM machine. Pumara ako ng traysikel ng makalabas ng ospital. "Sa ATM machine ho, Kuya" Utos ko sa drayber na mabilis namang tumalima. Tsinek ko muna kung magkano ang laman ng aking account bago ako nagwithdraw. At nang makita kong may sapat pa akong ipon, kaagad akong nagwithdraw ng twenty-five thousand para sa mga gastusin sa ospital. Malaking halaga na iyong kung tutuusin pero balewala iyon sa akin dahil hangad ko ang makatulong lalo na't anak ng lalaking mahal ko ang nangangailangan. Bago bumalik ng ospital, sumaglit muna ako sa isang fastfood para bilhan sila ng pagkain. Sa tabi ng fastfood naman ay nasipat ko ang isang tiyangge na may itinitindang mga laruan. Biglang sumagi sa isip ko ang ipinangako ko kay Ejay ng nagdaang araw. Kaya naman walang pagdadalawang isip na dinampot ko ang pinakamalaking laruang robot na nakapatong sa standee. Sa tantiya ko, nasa apat na pulgada ang sukat no'n, kasing tangkad ni Ej. Hindi naman magkamayaw sa labis na tuwa si Ejay ng ipinakita ko sa kanya ang laruang robot na ipinangako ko sa kanya. Mistulang nawala bigla ang sakit na kanyang nararamdaman ng makita iyon. Iyon nga lang hindi pa niya pwedeng laruin dahil hindi pa niya maigalaw ang kaliwa niyang braso. Subalit hindi naman nakaligtas sa aking paningin ang pagkunot ng noo ni Magdalino nang makita ang laruang robot na dala ko. Para bang sinasabi niyang, "Sa laki ng problema, robot pa talaga ang inuna" Kaya naman tinapik ko siya sa balikat at.... "Huwag kang mag-alala, binayaran ko na ang stainless na sinabi ng duktor at bukas ng umaga ang operasyon ni Ejay" Sa sobrang tuwa ni Magdalino, niyakap niya ako ng buong higpit. Kulang na lang buhatin niya ako at umikot-ikot. Mangiyak-ngiyak siya habang paulit-ulit na sinasambit ang salitang salamat. Ganoon din si Aling Vilma na tuluyan ng pinakawalan ang mga luha dahil sa sobrang tuwa. Makaraan ang tatlong araw matapos ang operasyon ay nakalabas na kami ng ospital. Ako ang umako sa pagbili ng mga gamot na iniresita ng duktor para sa bata. Tumanggi si Magdalino nang una ngunit nagpumilit ako. Kagustohan ko na tumulong kaya wala rin siyang nagawa kundi tanggapin ang tulong na inaalok ko lalo na't wala rin naman silang ibang mapagkukunan. "Hayaan mo, babayaran din kita ng paunti-unti kapag magkapera ako. " Wika niya isang gabi habang nagpapahangin kami sa silong ng kaimito. Kami na lamang ang gising sa mga sandaling iyon. "Hindi naman kita sinisingil kaya hindi mo na dapat iyong bayaran. Isa pa, napamahal na sa akin si Ejay kaya hindi ko maatim na pabayaan siya sa ganoong kalagayan" "Bakit ba ang bait mo sa akin?" Hindi kaagad ako nakaimik sa tanong niyang iyon. Nag-aapuhap muna ako sa kung ano ang pwede kung isasagot, gayung alam ko naman talaga ang totoong kasagutan—iyon ay mahal ko siya. At iyon ang dahilan kung bakit hindi ko sila magawang pabayaan na mag-ama. Kung noon nga ay nagwawaldas ako ng pera sa kawalang katuturan, ngayon pa kaya na nasa tamang pagagamitan? "—Dahil sa laki ng utang na loob ko sa'yo, unlimited extra service na ang maari mong makamtan mula sa akin" Natatawang biro niya na bumasag sa aking pananahimik. "Hindi naman iyan ang habol ko" Ang tugon ko sa biro niya. May laman iyon. "E, ano?" "E, di ang puso mo?" Napatigagal siya sa aking sinabi. Napangiti siya ng hilaw na para bang hindi alam kung ano ang sasabihin. Iyon bang parang, "Weeh" ngunit hindi niya lang kayang isatinig dahil nahihiya siyang barahin ako. "A-anong ibig mong sabihin?" Seryoso ang kanyang mukha. "M-mahal kita, Lino. Alam kong kailan lang tayo nagkakilala pero iyan ang totoo. Noong gabing unang may nangyari sa atin, doon nagsimula ang lahat. Binago mo ang buhay ko sa ikli ng panahong tayo ay nagkasama. Iminulat mo ako sa kahalagahan ng buhay, kung paano magkaroon ng tamang deriksiyon at mangarap" Pahayag ko. "Imposible" Ang narinig kong tugon mula sa kanya. Mga mata niya'y nakatingala sa mga bituin sa kalangitan. "Tama. Napakaimposible nga. Lalaki ka nga pala kaya napakalabong mahulog ka sa isang baklang tulad ko. Ang dahilan ng pagpaubaya mo sa sandaling iyon ay pera" "Hindi iyan ang ibig kong sabihin..." Humarap siya sa akin. "...Oo, lalaki nga ako subalit nang una kitang makita sa bar na pinagtatrabahuan ko, magaan na kaagad ang loob ko sa'yo. Ayaw kong pangunahan ang aking damdamin subalit sa tingin ko nahulog din ang loob ko sa'yo" Namilog ang aking mga mata sa narinig. Kakaibang saya ang biglaang umusbong sa aking damdamin. Hindi ako makapaniwala sa kanyang inihayag. Pakiramdam ko abot-kamay ko na ang kanyang pagmamahal. "I-ibig sabihin mahal mo rin ako?" Paniniyak ko. May nangilid ng luha sa aking mga mata. Dahan-dahan kong inilapit ang aking mukha sa kanyang mukha. Nang malapit ng magpang-abot ang aming mga labi ay ganoon na lamang ang kanyang pag-iwas sabay sabing... "Ayaw ko ng commitment" Siyempre biglaang napalis ang saya na aking nararamdaman kanina lang. Ang sa tingin kong abot-kamay ko na siya, gamilya pa pala ang layo niya sa akin. "Ngunit bakit?" "Isang lang ang dahilan—ang uri ng trabahong meroon ako. Maatim mo ba na ang lalaking mahal mo ay pag-aari ng nakakarami? Masisikmura mo ba na kapag wala ako sa tabi mo, hayun, ikinakalakal ko ang sarili ko?" "May itsura ka, Lino. Malakas ang pangangatawan mo. Bakit hindi ka maghanap ng matino at desinteng trabaho?" "Nakikita mo ba ang kalagayan ng pamilya ko, Dong? Magkano lang ba ang kikitain ko sa sinasabi mong matino at desinteng trabaho? Kaya ba nitong igapang ang mga pangangailangan namin sa araw-araw? Nag-aaral pa lang ako at isang part-time job lang ang pwede kong mapasukan. Mukhang sa sarili ko pa lang ay hindi na sasapat ang sasahurin ko do'n" Katahimikan. "Naiintindihan kita, Dong..." Dong narin ang tawag ko sa kanya bilang endarement. "....Masakit man sa akin na kahit na sino ang nakikinabang diyan sa katawan mo. Pero kahit papaano, masaya narin ako ng malamang may pagtingin ka rin sa akin. Sa ngayon, kuntento na ako doon. Hayaan mo lang sana akong ipadama sa'yo ang pagmamahal ko, sa inyo ng anak mo. May mabigat kang dahilan kung bakit hindi mo kayang iwan ang trabahong iyan at naiintindihan ko iyon. Maghihintay na lang ako sa panahong kaya mo na akong panindigan" At sa sinabi kong iyon nagtagpo ang aming mga labi. Marubdob ang aming naging halikan na nauwi sa isang mainit na pagtatalik. "Mahal kita, Dong at salamat sa iyong pag-unawa. Hindi nga ako nagkamali sa naramdaman ko nang una pa lang kitang makita. Iyon nga lang, saka na ang pag-ibig na iyan kung tapos na ang misyon ko. Kahit naman kasi nauunawaan mo ang trabaho ko, alam kong hindi mo maiwasan ang masaktan. Kung sa pagdating ng araw na iyon ay ako parin ang mahal mo, doon natin simulan ang kabanata ng ating pag-iibigan" Pahayag niya ng matapos kami. "Ngunit paano kung sa paglikwad ng panahon ay makatagpo ka ng taong mas higit pa sa akin?" "Hindi ko man magawang makipahgcommit sa'yo ngayon ngunit isinisiguro kong tapat ako sa salitang aking binitawan. Nandito ka na sa puso ko. Inilaan na kita rito" Itinapat niya ang kanyang palad sa kanyang dibdib. "Maghihintay ako sa araw na iyan, Dong" "Makakaasa ka, Dong" At muling naglapat ang aming mga labi at sa pangalawang pagkakataon inangkin namin ang isa't isa. Nagsasama na kami ni Magdalino sa aking apartment nang bumalik kami ng Davao. Ako na ang umako sa renta para kahit papaano malaki-laki ang maipapadala niya sa kanyang pamilya sa kanilang probinsiya. Ngunit nakikihati naman siya sa mga gastusin sa pagkain. Ayaw kasi niya na pati iyon ay aking aakuin. Gaya ng aking napagplanuhan, itinuloy ko ang pag-aaral sa kursong engineering sa unibersidad kung saan kumukuha rin ng ganoong kurso si Magdalino. Third-year irregular student ako dahil na-credit naman ang halos lahat ng major subject ko. May tatlong minor at isang major subject kung saan magkaklase kami ni Magdalino kaya magkasama kami sa pagpasok araw-araw. Tuwing weekends ang pasok niya sa bar bilang mananayaw. At kapag weeknights, nagho-home service siya sa pagmamassage. Parang tinataga ng isang napakatalim na balisong ang aking puso kapag ganoong umaalis siya ng apartment at may kakatagpuing kustomer. Alam ko kasi na may kalakip na extra service ang pagmamassage niyang iyon. Gusto ko man siyang pigilan ngunit wala naman ako sa posisyon na gawin iyon. Ano bang pinanghahawakan ko? Bagamat sinabi niyang may pagtingin din siya sa akin subalit wala naman iyong kasiguruhan kung hanggang saan ang nararamdaman niya. Paano kung makatagpo siya ng mas may kaya at maibibigay ang lahat ng pangangailangan niya? Anong laban ng isang tulad kong paubos na ang ipon sa bangko? Buti sana kong opisyal na kami dahil kahit papaano may habol na ako pero wala e. Kahit na sino ang lumalandi sa kanya ay wala akong karapatan na barahin dahil wala naman akong pinanghahawakan. Kung tutuusin katulad lang din ako ng iba niyang kustomer na kanyang pinaghahandogan ng katawan kapalit ng pera. "Gising ka pa?" Ang tanong niya ng minsang umuwi siya ng madaling araw. Hindi kasi ako dinadalaw ng antok kapag umaalis siya. Hindi napapanatag ang aking loob. "Hinhintay kasi kita" "Diba sabi ko huwag mo na akong hintayin" Inilapag niya ang dalang kahon ng pizza sa center table. Umupo siya sa couch at naghubad ng sapatos. "Hindi ako mapakali, Dong. Nasasaktan ako. Nagseselos" Bumulwak ang luha ko sa mata. "Magtatarabaho na lang ako para buhayin ka at matulungan ang pamilya mo, basta huminto ka na lang diyan sa trabaho mo!" Isang malalim na buntong-hininga ang aking narinig mula sa kanya. Tumabi siya ng upo sa akin. Inakbayan niya ako. "Pinaliwanag ko na sa'yo ang lahat, Dong. Ngunit naiintindihan ko naman kung hirap mo akong maunawaan. At para hindi ka na masasaktan sa tuwing paglabas ko ng pintuan na 'yan, bubukod na lang ako" "Mas pipiliin mo ba talagang bumukod kaysa ang pagbigyan ako sa aking hiling gayung alam mo naman na para din ito sa iyong kapakanan at sa anak mo? Paano kong makatagpo ka ng siraulong kustomer at gagawan ka ng masama? Paano ka? Paano si Ejay at ang pamilya mo?" Muli siyang nanahimik. Mukhang pinag-iisipan niya ang aking mga sinasabi. Totoo din naman kasi na may ibang nagho-home service na pinapaslang ng kanilang mga kustomer o di naman kaya'y pini-frame-up sa ipinagbabawal na droga. "Kung kinabukasan mo ang inaalala mo, natitiyak kong makakamit mo iyon na di na kailangang pumasok sa trabahong iyan. Nandito ako, tutulongan kita. Pwede akong huminto na muna at magtrabaho at ang pambayad ko sa aking matrikula ay ibibigay ko muna sa'yo. Tutal naman, mayaman na ang pamilya ko. Kahit hindi ako magiging ganap na engineer ay hindi ako mamumulubi" "Iyan ang huwag mong gagawin. Sinabi mong ako ang dahilan kung bakit nagkaroon ng deriksiyon ang buhay mo at natuto kang mangarap kaya hindi ko mapapayagan na ako din ang magiging dahilan kung bakit hindi mo maipursige iyon!" "Handa akong magsakripisyo para sa'yo. Kung iyon lang ang tanging paraan para maipakita ko kung gaano kita kamahal, gagawin ko" Hindi siya nakasagot. Tumayo siya at tumungong banyo. Pagkaraan ay narinig ko ang paglagaslas ng tubig. Hindi ko alam ang tumatakbo sa isip niya. Ngunit buo na ang desisyon ko. Hihinto ako sa pag-aaral. Iwi-withdraw ko ang pera ko sa bangko at ibabayad ko iyon sa dalawang taong natitirang school-year niya. At ang maiiwan ay ipapadala ko kina Aling Vilma sa probinsiya para makapagsimula ng backyard farming. Sapat na siguro iyon para sa pagbababuyan at manokan. College level naman ako kaya tiyak kong makakapasok ako sa isang mall. Iyon ang ipambabayad ko sa upa sa apartment at sa iba pang gastusin. Apat na oras lang ang tulog ko at kinailangan ko ng bumangon para magwithdraw. Iniwan ko siyang mahimbing pang natutulog sa kama. Naitanong ko sa aking sarili, ano bang meron sa taong ito na nakaya kong magpakababa? Nakakatawa lang, paanong ang isang tulad kong mayaman ay magawang magtrabaho sa isang mall para lang sa kanya? Iyon na nga yata ang nagagawa ng tunay na pag-ibig. Matapos kong magwitdraw ay umuwi kaagad ako dala ang tinake-out kong pagkain para sa kanya. Ngunit wala siya roon ng dumating ako. Nakita ko ang pitaka niyang nakalapag sa center table ng sala kaya nasisiguro kong nasa malapit lang siya at wala siyang nilakad. Marahil nasa computer shop lang iyon at nagchachat sa kanyang mga booking. Tumungo akong kusina para initin ang dala kong pagkain. Nakita kong may naluto ng kanin kaya deritso na ako sa paghanda ng mesa na siya namang kanyang pagdating. May hawak siyang nakarolyong bandpaper ngunit hindi ko na iyon pinansin. "Kain na tayo!" Yakag ko sa kanya. "Maliligo lang ako" Dinampian niya ako ng halik sa labi bago tumalikod. Nakita kong ipinatong niya ang nakarolyong bandpaper sa center table. Tiningnan ko iyon nang pumasok na siya sa banyo. Naglumukso naman ang puso ko sa labis na tuwa nang malaman kung ano ang papel na iyon—isang resume. Kung gano'n sinunod niya ang gusto ko...mag-aapply siya ng trabaho. Hindi ko napigilan ang aking mga luha na gumulong habang binabasa ang nilalaman ng kanyang resume. Para na rin kasi niyang sinasabi na tinatanggap na niya ang pagmamahal ko at nakahanda na niyang akapin ang pagbabagong buhay kasama ko. Naratnan niya ako sa ganoong ayos ng makalabas siya ng banya na nakatapis lang ng tuwalya. "Siyensiya na, binasa ko" "Kung ganoon, buking na ang sorpreso ko sa'yo" Kunwaring napangiwi siya. "Hayaan mo, may sorpresa naman ako sa'yo" Bulalas ko. "Talaga ano, yun?" At sinabi ko sa kanya ang dahilan ng pag-alis ko ng maaga. Nakita ko ang bahagyang pagkunot ng kanyang noo. Halatang hindi nasisiyahan sa nalamang itinuloy ko ang planong hihinto na muna ako para siya muna iyong papag-aralin ko. "Walang hihinto. Sabay tayo na gagraduate. Pwede tayong magtrabaho pero ituloy parin natin ang pag-aaral. Kita mo naman na hayan, gumawa ako ng resume para mag-apply ng matino at desenting trabaho, nakinig na ako sa payo mo kaya sana makinig ka na din sa akin!" "Anong nakain mo?" "Wala. Napagtanto ko lang na mahal pala talaga kita at hindi ko kayang nakikita kang nasasaktan kapag nakikipagdeal ako sa mga kustomer ko!" "S-sigurado ka na ba diyan, Dong?" Lumapit siya sa akin. Hinawakan niya ang aking kamay. Mahigpit iyon. "Mahal na kita no'ng una pa lang. Hindi totoong may iniiwasan akong bading sa sandaling iyon, paraan ko lang iyon para mapalapit sa'yo at kilalanin ka. Matagal ko ng inasam na mag bagong buhay, iyon ay kapag may mahanap na akong makakatuwang na hindi alintana ang aking katayuan at kung anuman ang aking nakaraan. Iyon bang tanggap ako kahit sa kabila ng naging trabaho ko. Nang magtapat ka sa akin, hindi kaagad ako naniwala. Ilang beses ko na kasing naranasan 'yan ngunit katawan lang pala ang habol sa akin at sa kalaunan papalitan din na para bang napaglumaan ng laruan. Ngunit sa ipinakita mong pagmamalasakit sa akin at sa anak ko. Ang pananatili mo sa tabi ko sa kabila ng sakit na naramdaman mo dahil sa larangang pinasok ko, doon ko napagtantong mahal mo nga ako at ninais ko na tumbasan iyon" Mahabang pahayag niya na siyang dahilan ng tuluyan ng pagsambulat ng mga luha ko sa mata. Anong saya ko sa panahong iyon na nakamit ko na din ang pinakaasam—ang mahalin at tanggapin ni Magdalino sa kanyang buhay. Inangat niya ang kanyang dalawang palad. Pinahid niya ang aking mga luha gamit no'n. Hinimas niya ang aking pisngi. Inilapit niya ang kanyang mukha sa akin. At sa isang iglap naglapat ang aming mga labi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD