Past events serve as bases of the present moments
Morphie
NALULUMBAY nang lubusan ang aking mga mata habang sinisilayan ang nasirang kagandan ng aming kaharian. Mabilis pa sa isang kisap mata ang mga nangyari. Mistulang delubyo ito kung tutuusin. Sa buong buhay ko, ngayon ko lang naranasan ang ganitong katinding pagkawasak.
Bakit lahat nalang ng mahahalagang tao sa buhay ko ay kinukuha ng kapalaran sa akin? Wala na ba akong karapatan na lumigaya? Matagal nang wala ang mga magulang ko! Pati ba naman ngayon ay kukuhain niyo pa rin ang kaibigan ko? Isa nalang siya sa nagbibigay ng saya at inspirasyon sa akin.
Hindi ko mapigilan ang isipan ko na sumbatan ang dakilang Diyos na sinasamba naming mga Fairouah, si Jesuah. Tunay na mapait na kaparalan ang handog niya sa aking buhay. Mukhang ayaw niya akong lumigaya. Hindi ko makita sa malinaw na lente kung ano ang dahilan niya kung bakit patuloy niyang kinukuha ng biglaan sa akin ang mga taong dahilan kung bakit humihinga ako ngayon at lumalaban sa buhay.
Lunod ako ngayon sa mga masasakit na emosyon kaya hindi ko magagawang makita sa malinaw na pananaw ang dahilan sa likod ng mga pangyayaring ito. Gising ako, pero wala ang isip ko sa realidad, sa kung ano ang kasalukuyang nagaganap sa paligid ko.
Nandito ako, nakaupo sa isang sanga ng puno. Nanginginig na nakayakap sa aking mga tuhod habang patuloy na dumadaloy ang baha ng luha sa aking mga mata. Ang mga mata ko ay pinagmamasdan ang delubyong regalo ng kasamaan.
Maaayos pa kaya ito? Babalik pa kaya sa normal ang aming kaharian? Maibabalik pa ba sa dati ang mga ekstrukturang nasira na? Magkakaroon pa kaya ng matiwasay na paglalakbay ang mga kaluluha ng mga nasawi nang walang laban?
Hayst. Ang dami kong katanungan! Pinapasakit lang ng mga ito ang aking isipan. Naalala ko no'n kung paano walang habas na pinatay ang aking mga magulang.
Walang espisipikong araw sa mundo namin, basta ang alam lang namin, ang bawat araw ay punong-puno ng nag-uumpaw na biyaya galing sa Kaniya, sa aming Diyos na si Jesuah.
“Anak Morphie, gumising ka na riyan para makita mo ang malagintong pananim sa kabukiran."
Akala ni nanay ay natutulog pa ako. May takip kasi ang katawan ko ng telang napalilibutan ng mga lilang bulaklak. Hindi niya alam nagdarasal lang ako. Gustong-gusto ko na rin makita ang magandang tanawin.
Ito ang dasal ko...
Papa Jesuah, sana po ay gabayan niyo ang mahal na reyna para parati po kaming maging ligtas at magkaroon ng maaayos na tirahan. Sana rin po ay pahabain niyo pa po ang buhay ni Nanay at Tatay para makasama ko pa po sila hanggang sa aking pagdadalaga... ay patay... sorry po, papa Jesuah. Lalaki nga pala ako na may pusong babae, sana okay lang po sa inyo. Pero, ito po talaga ang dasal ko.
Si Kelly naman po papa Jesuah, sana, hindi siya magkagusto sa akin dahil bakla po ako. Hindi tunay na lalaki, parang hindi nga naman po tama kung iisipin pero nakadidiri nga po e.
Ayon po, sana lahat ng mga taong paruparo sa buong Kampensina, at sa buong Lepidoria ay magkaroon po ng maayos at ligtas na buhay. Sana po ay ilayo niyo po kami sa mga Mutuah. Ang papangit po kasi nila. Ang sasama po nila. Sana po ay maging mabait na rin sila para wala nang gulo dito sa mundo ng Insectia.
Naabala ako ni nanay sa pagdarasal ko. Kaya binuksan ko na ang tela at bumulaga sa kaniya ang nakangiti kong mukha. Ito ang nagpapaganda sa umaga ni nanay ko. Napangiti rin siya nang makita ako.
“Nanay, magandang buhay po. Kanina pa po ako gising, hihi!” Hinalikan ko siya sa pisngi niya. Masigla akong tumayo sa higaan kong malambot na dambuhalang dahon na hugis bulaklak.
Bigla nalang sumulpot si Psycher sa silid. "Nay Elen at Morphie, tara na raw po sabi ni tatay Darren."
Elen ang pangalan ng nanay ko, at Darren naman ang pangalan ni tatay. Masaya silang nagmamahalan. Sa kanila ko nakikita ang tunay na pag-iibigan. Pag-ibig na kahit hindi masagana ang buhay na pinagsasaluhan pero sa kanila, kahit may problema, hinding-hindi mo makikita na mayroon sila no’n.
Wala talaga akong kapatid. Nag-iisa lang na anak. Hindi ko naman kaano-ano si Psycher dahil isa siyang taong lobo. Kapag nagagalit siya, nagiging isang malaki at mabagsik siyang lobo na natatakot ako. Pero hindi niya naman ako na aabutan dahil binubuka ko ang asul kong pakpak at saka lumilipad, adi, hindi niya ako maaabot.
Sumunod kami ni nanay kay Psycher palabas ng bahay naming Bulaklak. Doon sa labas, nakita ko ang bawat Kampensina na masayang-masaya rin sa umaga. Sila rin ay may kaniya-kaniyang ginagawa. Alam ko maghahanap din sila ng pagkain sa taniman. Puro asul ang kanilang mga pakpak. Ang sarap pagmasdan sa paningin.
"Morphie, sakay ka nalang sa likuran ko. Tumakbo nalang tayo papunta sa bukid.” Ito sabi sa akin ni Psycher.
"Huh? Ayaw ko nga. Baka malaglag mo pa ako. Ang bilis-bilis mo kayang tumakbo. May pakpak naman ako. Puwede akong lumipad. Mas mabilis pa sa iyo." Tumanggi ako sa kaniya. Natatakot kasi akong mahulog. Minsan nahulog na niya ako. Ayaw ko nang maulit iyon dahil hindi naman niya ako sinasalo. Nasasaktan lang ako. Ang katawan ko, feeling ko ay balot nan g madilim na marka.
"Wala ka talagang tiwala sa akin. Hindi naman kita pababayaan at hahayan na mahulog,” ang pamimilit niya sa akin.
Parang bata si Psycher. Pero bata pa pala talaga kami. Kaso umaarte siya ng bata-bataan. Eh, tumatalsik naman ang laway niyang hindi ko nagugustuhan ang amoy kapag hindi siya nagmumumog gamit ang tubig na likha ng kalikasan.
"Psycher, malaki na ako. Kaya ko nang lumipad ng mabilis,” ang katwiran ko. Totoo naman kasi ang sinabi ko.
"Anong malaki ka riyan ang sinasabi mo? Eh, binubuhat ka pa nga ni tatay Darren minsan. Tapos tinatayo ka pa niya kapag nabubuwal ka sa pagsasanay!" Tumawa siya ng malakas habang nakahawak sa tiyan niya.
Minsan, inaasar talaga ako ng taong lobo na ito! Kung hindi lang ako natatakot sa pangil niya kapag nagiging lobo siya ay binulag ko na ang mga mata niya gamit ang bolo sa pakpak ko. Biro lang, hindi ko kayang gawin iyon. Lab ko si Psycher kahit ang pangit niya.
Nagsasanay kasi kami nila tatay sa pakikipaglaban dahil parangap din namin ni Psycher na maging Cavalleros, sila ang mga grupo ng mga mandirigma dito sa kaharian namin. Sila ang lumalaban sa mga nagbabalak na manggulo sa buong Lepidoria. Kapag malaki na kami ni Psycher sasali kami, pero dahil sa medyo malambot akong kumilos, baka si Psycher nalang ang tumuloy at maging Kampensina nalang ako habang buhay.
Pumunta na kami sa taniman ng mga pagkain namin. Kami rin ang nangangawisa ng produksyon para sa pagkain sa buong palasyo. Nang makarating kami roon nila nanay, nagulat ako sa pagkamangha dahil ang ganda-ganda nga ng mga tanim. Hindi lang ginto ang kulay ng mga ito, iba't-iba ang mga kulay nila. Naaaliw ang mga mata ko.
"Nanay at tatay! Mas maganda po sila kumapara noon!" Napatalon ako sa tuwa at saya.
"Pagsawaan mo na nang tingin Morphie dahil aanihin na rin natin iyan mamaya. Mawawala na iyan. 'Di ba po tatay Darren?" si Psycher.
"Oo, anak. Kaya sulitin niyo na ang pagtanaw rito. Mamaya pagkatapos namin mag-ani sa isang bahagi, magsasanay naman tayo!" ang sagot ni Itay na mas lalo kong ikinasaya.
"Sige po, itay! Sobrang saya nga po no’n! Handa na rin po ako."
Marami akong gagawin ngayong araw. Naupo kami sa isang pitak ni Psycher. Sina nanay at tatay naman, pinuntahan ang mga kasamahan nila. May nakita si Psycher na prutas. mabilis siyang pumunta roon at kinuha ito.
"Tig-isa tayo oh.”
“Salamat, Psycher!”
"Morphie!? Psycher!?" Nakita namin si Kelly na parating sa kinauupuan namin. "Nandito na rin pala kayo! Akala ko, ako ang mauuna sa inyo e." Naupo siya sa tabi namin.
"Oo, Kelly. Maaga kasi kaming nagising. Gusto mo ba?" Inalok ko siya ng prutas na binigay sa akin ni Psycher.
"Hindi na. Sa inyo nalang. Kumain na ako sa bahay kanina, uwi rin ni lolo galing sa mga puno sa kakahuyan," sagot niya.
Mabait rin ang lolo ni Kelly. Mahal na mahal siya. Ako, wala nang lolo, pero may tatay at nanay pa rin ako. Kaya sobrang suwerte ko.
"Ang ganda talaga dito, no? Alam ko na ang dapat nating gawin! Maglaro tayo ng habulan. Bilisan niyong ubusin iyan, para makalaglaro na tayo!" si Kelly.
"Oo nga para magalaw-galaw ang katawan natin ngayong umaga," ang siyang sang-ayon ko. Kaya naman binilisan namin ni Psycher ang pagkain. Mga bata pa kami kaya puro paglalaro lang din ang iniintindi namin.
Matapos kaming kumain, nagsimula na kaming maghabulan.
"Bawal gumamit ng pakpak, ha? Malulugi ako sa inyo,” ang sigaw ni Psycher. Siya kasi ang naunang taya. Siya lang din ang walang pakpak sa aming tatlo.
"Wala sa usapan iyan. Blehhh!" Naghawak kami ng kamay ni Kelly at sabay na binuka ang mga pakpak namin matapos ay lumipad.
"Ang daya niyo talaga! Hindi porket wala akong pakpak eh. Ayaw ko na!"
Tumingin ako kay Kelly at bumaba kami kay Psycher. Ang bilis-bilis niya naman magtampo.
"Sorry na Psycher. Ako naman ang taya sige," sabi ni Kelly rito.
"Oo nga, sunod ako naman. Tara na, nga!" Sumaya na ulit ang mukha niya. Tumayo kami ng sabay at hinabol kami ni Kelly. Napuno ng halakhak at hingal ang habulan namin hanggang sa mapahinto kami dahil sa nagsusulputan na mga Mutuah sa himpapawid.
"Ang mga Mutuah!" ang sigaw ng mga Fairouah na naririto. Agad ay nagpakawala ang mga Mutuah ng mga sandata. Nagulat ako ng may humatak sa akin. Matapos nito, nawalan ako ng malay.
Pagkagising ko, ito na ang masalimuot na bangungot sa buhay ko. Wala na ang mga magulang ko. Napatay sila sa biglaang paglusob ng mga kalaban.
"Nay!? Tay!? Hindi po kayo puwedeng mawala, hindi ko pa po kakayanin! Gumising po kayo, paki-usap."
Hindi lang panangis ko ang siyang maririnig sa paligid, kung hindi pati maging ang mga panangis ng mga iba pang fairouah na namatayan ng kanilang pamilya. Sana, hindi nalang din ako niligtas ni Psycher para sabay-sabay na kaming namatay nila nanay at tatay. Ayaw ko nang nabuhay pa sa mundo kapag hindi sila kasama dahil sila ang hininga ko.
Niyakap ako ni Psycher. Humagulgol ako ng malakas sa mga bisig niya.
"Pagbabayarin natin sila Morphie sa tamang panahon,” ang bulong niya. Sa maikling salita niyang ito, nabuo ang maliit na pundasyon ng dahilan ko upang ipagpatuloy ang buhay ko.
“Morphie, kanina pa kita hinahanap. Ngayon na gagawin ang huling misa sa bangkay ni Kelly. Tara na.”
Pinahiran ko ang mga luha ko sa mga mata at inayos ang sarili ko. Hindi ako nag-iisa sa hamon ng tadhana sa akin. Nandito si Psycher. Pinapaalala niya sa akin na kailangan kong maging matatag, maghiganti, at pagbayarin ang mga Mutuah sa ginawa nila sa amin.
Tumayo ako ng tuwid. Huminga ng malalim, at ngumiti kay Psycher.
"Salamat."