Episode 44 The Evidence

2754 Words
Kausap ni Gian ang head upang humingi ng tauhang magbabantay kay don Jaime. "Sige, magpapadala ako ng tao diyan. Kung sakali ngang may kinalaman si don Jaime sa ginagawa ni Congressman ay hindi natin siya pwedeng palagpasin." Huminga ng malalim ang binata. Pinababantayan niya ang don para sa kaligtasan nito samantalang pinababantayan ng kanyang head upang dakpin ito kung sakali. "Wala siyang kinalaman sir," matigas niyang wika. "Malalaman natin 'yan kapag nahuli si Delavega. Ang batas ay batas Gian, walang utang na loob pagdating sa batas alam mo 'yan." Alam ng binata na hindi gumagawa ng masama ang don kaya kampante siyang wala itong kinalaman. Muling tumunog ang kanyang cellphone. "Vince pare, anong balita?" "Pare, malaki ang pasasalamat sa'yo ng matanda. Eh sa totoo lang gusto ko siyang barilin din eh!" "Gago! Huwag mong gawin 'yan!" "Oo alam ko. Pinag-aaralan na ni don Jaime ang mga ibinigay mo at kumuha na rin siya ng kilalang abogado para hindi makapagpiyansa ang mga salarin." "Mabuti. Si don Jaime kumusta?" "Pinababantayan ko, mahirap na, pinalibutan na ang mansyon nila. " "Nga pala pare, tapos na ba ang misyon mo?" "Tapos na. Tamang-tama nga itong pinapagawa mo eh." "Anong development? May kinalaman nga ba siya talaga?" "Inaalam pa pero sigurado akong meron." "Gano'n ba? Sige pare salamat, nagpadagdag ako ng magbabantay huwag mong paalisin si don Jaime diyan. " "Oo sige na pare, binabantayan ko pa si don Jaime. " "Salamat. " Pumasok ang dalaga. "Gian, ang daming mga lalaki  na nakabantay sa labas, may politician kaya na dinala dito?" "Talaga? Saan?" "Nagkalat sa buong hospital. " Lumabas siya kasunod ang dalaga. Sinalubong sila ng isang lalaki. "Magandang umaga sir. " "Magandang umaga rin. " Napakunot ang noo ng dalaga. "Si Vince ba ang nagpadala sa inyo?" "Opo. " Napangiti ang binata, talagang tinupad ng kaibigan ang sinabi. Hindi lang si don Jaime ang pinababantayan ng head nila maging siya. Ang kaibahan lang, pinababantayan siya bilang proteksyon si don Jaime para hulihin kung sakaling may kinalaman ito kay Delavega. "Kung gano'n, nagpapasalamat ako sa inyo." "Walang anuman po sir, trabaho po namin ang bantayan kayo. " "Maraming salamat. " Muli silang pumasok sa loob. Hinampas siya ng dalaga. Napalingon siya rito. "Aray bakit ba?" "Hindi mo agad sinabi! Ang pangit mo talaga!" Napangiti ang binata. "Malay ko bang pulitiko nga ang binabantayan nila. " Umupo siya sa kama at tumabi ang kasintahan. "Sa totoo lang, napaka maalalahanin ni Vince, nakakatuwa na may kaibigan kang tulad niya. " "Tama ka, kaya hindi ko naman pinagsisihang minsan ay itinaya ko ang buhay ko para sa kanya." "Sandali lang, ano na pala ang nangyari?" "Sa lolo mo? Nasa bahay ninyo at binabantayan ni Vince. Kumuha na rin ng abogado ang lolo mo para magdiin sa kaso." "Salamat. Malala na pala ang kundisyon ng kumpanya wala man lang akong kaalam-alam. Ang tanga ko namang general manager!" Kinabig niya ito ng braso at niyakap. "Nakita mo na hindi ba? Talagang pinabagsak nila ang lolo mo, pero babawi tayo, sandali lang ang maliligayang araw nila." Sumandal ang dalaga sa kanyang dibdib. "Hindi ako makakapayag na darating ang araw na 'yon ng wala man lang kayong kalaban-laban. Hindi ko 'yon mapapayagan. " "Salamat, pero natatakot ako para kay lolo. " "Hindi siya makakalabas sa bahay ninyo hanggat hindi ko sinasabi. " "Gano'n? Hindi ako makapaniwala na kaya mo ng hawakan ang lolo ko ngayon. " "Naalala ko ang sinabi ni Vince, kaya ko raw hawakan at kontrolin ang mga mayayamang tao kaya sabi niya kaya ko rin daw kontrolin ang nararamdaman ko, dahil sabi nga niya pag-ibig lang daw ito madaling alisin. Pero ang pag-ibig na 'yon, ang kumokontrol sa akin. " Nilingon siya ng dalaga. "Hindi ko alam na may kakayanan ka palang komontrol ng mga bigating tao sa lipunan gaya ng lolo ko. " "Ewan ko ba, hindi ko naman sinasadya. " "Minsan napakayabang mo, pero minsan naman napaka mapagkumbaba mong tao. Kaya lalo tuloy akong nahuhulog sa'yo. Baka ikamatay ko na pag iniwan mo ako. " Napangiti ang binata. "Hindi ko 'yon gagawin dahil ikakamatay ko rin kapag nawala ka. " Huminga ng malalim ang dalaga. "Makakabalik pa kaya si lolo?" "Malapit na, hintayin mo lang. " "Salamat Gian, kapag nangyari 'yon, ibibigay ko kahit ano pa ang hihilingin mo. " Tinitigan niya ang dalaga. "Huwag mong sabihin 'yan baka mapasubo ka. " Tiningala siya nito. "Bakit? Basta ba kaya ko eh bakit hindi. " "Naalala ko, muntik mo na nga palang ibigay ano? Kung hindi lang tumawag si Vince eh. " Namula ang dalaga! "Hmp! Wala na bang iba bukod doon?" Niyakap niya ang nobya. "Wala naman na akong dapat hilingin pa dahil ikaw lang ay sapat na. Sana nga lang, matatanggap na tayo ng lolo mo para mawala na ang bigat sa dibdib ko. " "Gagawa ako ng paraan, titiyakin kong matatanggap ka niya. Masakit ang mga sinabi ng lolo ko sa'yo ha. " "Talaga ano naman?" "Tinawag ka niyang kriminal. " "Tama naman siya hindi ba? Nagmahal ka ng isang kriminal. " "Hindi kriminal ang tingin ko sayo, dahil ang tingin ko sa'yo ay isang bayani. " Natawa ang binata. "Ginagawa mo lang ang trabaho mo para sa ikabubuti ng karamihan kaya hindi kita tatawaging kriminal. " "Naiintindihan mo na ako ngayon. " "Siyempre mahal kita eh. " --- Abala ang mga tao sa loob ng kumpanya. May mga nakuhang mga bagong investors at bagong share holders. May mga inaalisan ng posisyon at may pinapalit. "I can guarantee you, you won't regret joining the MEDC Mr. Chang." "Thank you President Han." Nagpirmahan ang dalawang lalaki sa kontrantang hawak nila. "We are selling some stocks anyway." "That's good, I will tell my business friends about that." Ngumisi ang Presidente pagkatapos ng usapan. Tinungo nito ang opisina ng Chairman. "Sir, nakuha na po natin si Mr. Chang." "Mabuti, maghanda tayo darating ngayon si boss, malinis na ba ang mga tao natin? Wala ng natirang hindi atin?" "Malinis na po sir." "Mabuti, mamaya darating siya." "Wala pong problema Chairman, ngayong tayo na ang humahawak sa kumpanya wala ng sagabal pa. Magagawa na natin lahat ng gusto nating gawin." Nagtawanan ang mga ito ngunit naudlot nang bumukas ang pinto at iniluwa ang isang lalaki. "O, Gonzalo anong problema?" "Chairman, may problema tayo paparating ang mga NBI!" "Ano!" Napatayo ang dalawang opisyal sa pagkabigla. "May kaso tayong tax evasion!" "Trabaho mo 'yan hindi mo magagawaan ng paraan?" "Pasensiya na po pero hindi ko na hawak ito." "Ako ng bahala, sunugin lahat ng ebidensiya!" "Opo!" Pag-alis ng tauhan ay tinawagan ng Chairman ang amo. "Boss, may problema po tayo." --- Makalipas ang tatlong araw. Nakalabas na ng ospital si Gian at kasalukuyang nagpapagaling sa kampo kasama niya ang kasintahang si Ellah. Ito ang pinakaligtas na lugar para sa kanilang dalawa. Nasa sala siya at nakaupo nang tumunog ang kanyang cellphone. Agad niyang sinagot. " Vince pare, anong update? " "Pare nanonood ka ba ng T.V?" "Hindi pa." "Manood kayo. Kumilos na si don Jaime. Tiyak magkakagulo na ang kumpanya.  Nasa opisina na ang ebidensiya at hinuhuli na ngayon ang mga salarin." "Salamat pare!" "Sige." Tumabi sa kanya ang dalaga. "Anong sabi?" "Buksan mo ang T.V." Agad naman siyang sinunod ng dalaga. Bumungad sa kanila ang dalawang lalaki. Nakaposas ang General Manager at ang Presidente, dinumog ng medya ang mga ito. "Sa wakas!" Hiyaw ni Ellah at umupo sa kanyang tabi sa naroong sofa. Pero sandali lang ang ngiti nito nang makita ang sumunod na eksena. "WALA AKONG KINALAMAN DITO! DAMAY LANG AKO!" Sigaw ng lalaki kasunod ang iba pa habang hawak ng mga pulis. Kitang-kita ni Gian ang pagkunot ng noo ng katabi. "S-sandali pati ba ang presidente kasali!" Hindi siya sumagot. Matagal na siyang naghihinala dito at napatunayan niya 'yon. "Sandali, ang kinabitan mo ba ng camera ay silid ni Calvin Go?" Tumango ang binata. Silid ng dating Presidente ang pinasok niya noon. Nakuha ng reporter ang atensyon nila. "Nagkakagulo ngayon sa MEDC isa sa pinakamalaking mining company sa bansa dahil sa isang malaking eskandalong naganap. Na 'di umano'y kinasasangkutan ng Direktor na si  Mr. Mark Javier, President William Han at Chairman Calvin Go at marami pang iba." Natigagal si Ellah at nilingon si Gian. " Si Calvin Go ang Chairman? " Hindi sumagot ang binata at nanatili lang nakatingin sa telebisyon. " Bandang alas singko ng hapon ng hulihin ang mga nabanggit ng mga pulis dahil sa matibay na ebidensiyang nagpapatunay sa 'di umano'y sabwatan ng mga ito sa pag mamaniobra ng kumpanya na naging dahilan ng pagpapatalsik ng dating chairman na si don Jaime Lopez. Sa ngayon ay..." "Pati pala ang Calvin Go na 'yon kasabwat!" "Hindi siya kasabwat, " wika niya. "Kung gano' n bakit hinuli siya?" Mataman niyang tiningnan ang dalaga. Naaawa siya na wala itong kaalam-alam. "Don't tell me siya ang... " nanlalaki ang mga matang sambit nito. "Oh s**t!" Bumuntong hininga siya bago sumagot. "Tama ka, siya ang utak ng lahat." Nabaghan ang dalaga sa narinig. "A-ano!" Panahon na para malaman ng kasintahan ang katotohanang matagal na niyang alam. "Noong una hindi ako naniwalang kasabwat siya dahil malinis ang kanyang trabaho. Hindi natin siya nakitaan ng masamang motibo pero siya pala ang master mind. Siya ang nagplano kung paano pabagsakin ang chairman. Kasabwat niya ang dalawa sa pagmamaniobra. Ang accountant naman ang taga proseso ng mga dokumento." Nanghihinang napaupo si Ellah. "A-ang akala ko kakampi namin siya." "Hindi mo kilala ang mga tauhan ninyo. Matagal na nila itong ginagawa pero pa unti-unti. Una ka nilang tinira para pabagsakin. Kaya kayo nagka reject sa inyong produkto. Ang pagtaas ng twelve percent ng inyong supplier ay kagagawan din nila. At ang pinakahuli ay ibinenta nila ang inyong stocks sa iba pero sila pa rin ang nagmamay-ari. " Namula ang dalaga sa galit. "Napakawalang hiya nila!" "Nalusutan nila ang kasong tax evasion sa ngayon pero hindi magtatagal dadagdag 'yon sa kaso nila." "My God!" Natampal nito ang noo. "Tingan mo 'to." Binuksan niya ang cellphone at may ipinakitang video. "Ang presidente 'yan 'di ba?" "Dating presidente, pakinggan mo ang usapan nila." Pinanood ni Ellah ang video. Pumasok ang dalawang lalaki, ang Marketing manager at ang direktor sa loob ng opisina ng Presidente. "Mr. President, " umupo sa sofa ang direktor na si William Han. "Nagawa niyo ba ang pinagagawa ko?" "Yes sir. Kunting panahon na lang mapapasa atin na ang kumpanya." "Good. Ipagpatuloy niyo lang ang pagbebenta ng stocks. " "Yes Mr. President." "Dapat ako na ang mamumuno sa kumpanya at hindi ang apo ng matandang 'yon. " "Dapat lang sir! Kayo ang naghihirap ng lahat tapos ipapasa lang sa kamag-anak?" Nagsalita ang Marketing manager na si Mark Javier. "Matinik din siya, nagawan niya ng paraan si Mr. Garcia." "Dahil 'yon sa gwardya niya." "Pati ang reject nabawi rin." "Dahil pa rin sa gwardya niya." "Pero hindi 'yon sapat para siya na ang hahawak sa atin." "Tama. Malalaman ko rin kung bakit nagagawa ng Villareal na 'yon ang humadlang sa ginagawa natin." "Paiimbestigahan mo sir?" "Wala akong nakuhang impormasyon, pero hindi bale, wala naman silang magagawa dahil kontrolado na natin ang sitwasyon." "Tama Mr. President. Ngayon pa na wala na ang apo kasunod na ang lolo!" Hagalpak ng tawanan ang mga ito. "Hindi ko alam na pag-ibig lang pala ang kahinaan ng apo at nagkusang mag resign hindi tuloy tayo masyadong nahirapan." "Ang galing mo talaga Mr. President." "Nakikita ko kasing hirap siya kapag wala ang kanyang gwardya." "Pag-ibig lang pala ang katapat ng tigre na 'yon!" dagdag ni Javier. "Go back to work marami pa tayong gagawin bago mapasa akin ang kumpanya." "Hindi magtatagal kayo na ang magiging bagong Chairman!" Kumuyom ang kamao ng dalaga matapos ang panonood. "Napakahayop ng presidente na 'yon! Pinagkakatiwalaan siya ni lolo pero siya pa pala ang utak! Napakawalang hiya! Dapat maparusahan talaga ang mga hayop na 'yon!" "Hindi ko agad sinabi sa'yo dahil malaking tao ang babanggain niyo." "Tauhan lang siya ni lolo!" "Iba ang amo niya. Sigurado akong may nasa likod ng Chairman na 'yon na siyang totoong nagmamay-ari ng inyong kumpanya. " Nilingon siya ni Ellah. "May iba pa? Sino?" "Iyon ang aalamin ko." Tumalim ang tingin ng dalaga sa kawalan. "Tama ka. Alam kong walang kakayahan ang isang Calvin Go na ariin ang kumpanya. Gian, alamin mo kung sino ang nagmamay-ari ng kumpanya namin." Ibinalik niya ang cellphone sa bulsa. "Gagawin ko, nakakaawa ang lolo mo na masadlak sa ganitong sitwasyon." "Sandali paano mo nakuhanan ng video ang pag-uusap nila?" "Malakas ang kutob kong may kinalaman ang presidente kaya nilagyan ko ng spy cam ang opisina niya. Silang tatlo ang nilagyan ko at hindi nga ako nagkamali." "Gian, ano na ang mangyayari sa mga 'yon?" "Sa ngayon iimbestigahan sila at dahil matibay ang ebidensiya tiyak kulong silang lahat at tiniyak ko rin na hindi sila basta-basta makakapag piyansa." "Parang nakahinga na ako ng maluwag." Huminga ng malalim si Gian. "Sana pumunta dito si don Jaime kapag pwede na siyang makalabas. " "Oo, papupuntahin ko siya dito. " "Hindi, huwag mong utusan ang lolo mo, hayaan mong siya mismo ang pumunta dito. " "Pupunta kaya siya?" "Nararamdaman kong pupunta siya." --- Tinawagan ng dalaga ang assistant manager. Mula ng matatanggal si Jen ay ito na ang nakakausap niya. "Myra, kumusta diyan?" "Dinakip ho si Mr. Javier at President Han pati na si Chairman Go. Sila pala ang may pakana nito, Ms. matagal na akong may hinala na talagang hindi mapagkakatiwalaan 'yang si Mr. Javier. " "Matagal ko na ring alam, binigyan ko na sila ng pagkakataon noon pero binalewala nila. " "Ms. lumalabas na ngayon ang mga masasamang ginagawa nila." Kinabahan siya. "Anong ibig mong sabihin?" "Si Mr. Javier ang pasimuno ng pananabotahe sa purchasing at kasabwat ang supervisor." "Ano? Paano nangyari 'yon?" "Ms. doble ang presyo ng binibili nating produkto dahil ang twenty five percent ay napupunta sa kanilang bulsa. " "s**t!" napamura ang dalaga sa galit. "Matagal na pala nilang niloloko ang kumpanya. Hindi lang nila nagalaw ang three percent Ms." "Paano mo 'yan nalaman?" "Mismong ang seller ang nagsumbong dahil bigla na lang daw ho siyang iniwan sa ere ni Mr. Javier kahit hindi pa tapos ang kontrata. " "Baka pati ang planta na sinusuplayan natin ay minani obra din ng hayop na 'yon?" "Inaalam na po namin Ms. kung gaano karami, sa ngayon kumpirmadong dalawang planta ang ginalaw." "Bullshit!" "Ms. magpakatatag kayo, lilipas din po ito, kaya magpakatatag po kayo. " "Salamat Myra, mag-iingat ka. Alam kong wala na akong karapatang makialam dahil wala na ako sa kumpanya kaya maraming salamat sa pagtitiwala. " "Kayo pa rin ang G.M. Ms." "Salamat. " "Mag-iingat po kayo Ms. Ellah. " "Mas mag-iingat ka diyan." Nang matapos ang usapan, muli siyang bumalik sa sala kung saan nakaupo si Gian. "Saan ka galing?" "Tinawagan ko ang assistant manager. " "Kumusta na?" "May natuklasan silang kalokohan ng mga hayop na 'yon. Matagal na pala nila akong ginagago! Ang tanga ko naman!" Sinabunutan ng dalaga ang sariling buhok. "Stop it. " "Minaniobra nila ang planta, pati purchasing! Bullshit wala na silang patawad!" Nanghihinang napaupo ang dalaga sa sahig. Bumaba ang binata at hinimas-himas ang likod ng dalaga. "Lahat yata sa kumpanya ginalaw ng mga hayop na 'yon. May palagay akong maging ang tunnel ay ginalaw din nila. Lahat sila nagsasabwatan! Samantalang ako halos mamatay sa pag-iisip kung paano mapapaunlad ang kumpanya!" Nagsisigaw na ang dalaga. "Mga hayop sila! Mga walang hiya!" Naaawang niyakap siya ng mahigpit ng nobyo at inakay paupo. "Huwag mong sisihin ang sarili mo, sadya lang may mga taong halang ang bituka. Lilinisin natin ang lahat ng bulok sa inyong kumpanya. Pangako ibabalik ko sa ayos ang lahat." "Ngayon ko pinagsisihan ang pag-alis ko sa kumpanya. Tama ka Gian, sana hindi na lang ako umalis! Kung alam ko lang matagal ko na silang pinalayas!" Napaiyak na ang dalaga. "Ang akala ko kilala ko ang mga tauhan namin, 'yon pala wala akong kilala kahit isa! Mga hayop sila!" Patuloy pa rin sa pag-iyak ang dalaga. "Mga hayop sila!" "Tama na, tama na, makakabawi rin tayo, huwag kang mag-alala malapit ng mawala ang mga traydor sa inyong kumpanya. " Hinalik-halikan ng binata ang buhok ng dalaga. Ubos na ubos na ang pagtitimpi ni Ellah kung pwede lang sanang pumatay o magpapatay ginawa na niya! Ang ginawa ng mga kalaban ay hindi basta-bastang maayos, kahit pa makabalik sila, sasaluhin nila lahat ng problemang iniwan ng mga dating opisyal. Hindi pa masyadong magaling ang kanyang lolo subalit ganito ang problemang masasangkutan nito. Paanong sa isang iglap hindi na sila ang may hawak sa kumpanyang pinaghirapan?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD