Simula nang umuwi kami galing La Union isang buwan na ang nakakalipas ay masasabi ko na may pagbabago. Masaya ako dahil kahit papaano ay tinatrato na ako ng maayos ni Sandro. Noong ikasal kasi kami ay parang hangin lang ako dito na dinadaan daanan lang niya, ngayon ay kinakausap na niya ako at kapag may itatanong ako dito ay sumasagot na ito ng maayos. Kakauwi ko lang galing sa eskwelahan at napaaga ang uwi ko dahil wala yung dalawang prof ko nang maabutan ko sina Nay Nena na naglilipat ng gamit sa katabing kwarto ni Sandro. “Nay? Ano pong meron?” Tanong ko dito habang nakasilip ako sa loob ng kwarto. “Lilipat ka na raw ng kwarto iha, dito na sa taas ang magiging kwarto mo, nandito na yung mga gamit mo at naayos ko na lahat” nakangiting sagot sakin ni Nay Nena. “Ho? Seryoso po kayo?”

