Sa Ngalan Ng Pag-ibig

2220 Words
Ang kwentong inyong matutunghayan ay pawang mga kathang isip lamang. Bunga lamang ito ng malawak na imahinasyon ng isang lumikha. Kung ito man ay may pagkakahawig sa totoong buhay—ito ay hindi sinasadya at pawang nagkataon lamang. PANIMULA: Sa isang kalye—isang malamig na gabi habang bumubuhos ang malakas na ulan, makikitang tumatakbo ang dalawang taong lubos na nagmamahalan. Pebrero katorse sa taong isang libo't siyam na daan, nag-umpisa ang masalimuot na buhay para sa magkasing-irog na sina Valentina at Ramonsito. "Kung hindi natin ito gagawin—baka tuluyan na akong ipakasal ng aking mga magulang sa Lorenzo na iyon irog ko." humugot siya ng malalim na hininga, mukhang desidido na si Valentina sa kanyang pasya na lumayo at makipagtanan sa kanyang kasintahan na si Ramonsito. "Naiintindihan ko irog ko, ngayon din ay lalayo na tayo dito sa Sinait at bubuo tayo ng sarili nating pamilya. Pupunta tayo sa malayo, sa may San Fermin kung nasaan ang aking pinsan. Doon tiyak hindi nila tayo matatagpuan." madilim ang buong gabi, malamig ang buong paligid tinahak ng magkasintahan ang daan patungo sa isang kubling lugar kung nasaan naghihintay ang kanilang gagamitin na karwahe para sa kanilang gagawing pagtakas. "Magmadali tayo irog ko, dahil baka magising ang aking pamilya. Patawarin nila ako pero hindi ko kakayanin na makipag-isang dibdib sa taong hindi ko mahal. Ikaw lamang ang aking mamahalin magpasawalang hanggan Ramonsito mahal ko." madamdaming wika ni Valentina habang sila ay papalayo sa kanilang tahanan. Dahil sa lamig ng gabi at dahil sa lakas ng buhos ng ulan—napagpasyahan nilang sumilong muna sa isang maliit na kubo. "Ganoon din ako sa'yo irog ko. Mahal na mahal kita at handa kong ibigay ang sarili kong buhay para sa'yo. Maligayang kaarawan sa'yo irog ko." magkayakap ang dalawa habang sila ay nakasilong sa isang maliit na kubo na iyon malapit sa isang palayan. "Maraming salamat mahal ko. Dalangin ko para sa araw ng kapanganakan ko, maging maayos ang lahat para sa ating dalawa." nakangiti ito habang nakatingala at haplos- haplos nito ang gwapong mukha ng kasintahan. "Wala kang dapat ipag-alala mahal ko, makakaalis tayo dito ng matiwasay. Tiwala lang mahal ko," masuyong tugon naman ni Ramonsito sa kanya. "Shhh.. Ramonsito mahal ko, nauulinigan mo ba iyon?" halos pabulong na wika ni Valentina ng may marinig itong tila ingay ng mga tao na sa tantya niya ay papalapit ang mga ito sa kanila. "Nauulinigan ko nga mahal ko—huwag kang mag-iingay at akin lamang titingnan. Dumito ka lamang mahal ko," nagwika si Ramonsito kasabay nito ang paglabas nito sa kubo kung saan sila nakasilong. Pagkaraan ng ilang sandali pa bumalik ito na tila tensyonado. "Magmadali ka irog ko. Ang mga tauhan ni Lorenzo nakita ko. Siguro nga'y nalaman na nilang ika'y nawawala kaya hinahalughog na nila ang buong nayon." nakaramdam na ng tako si Valentina noong mga sandaling iyon. Kilala si Lorenzo na isang makapangyarihang tao sa bayan ng Ilocos. Ito ay nabibilang sa pamilyang 'Principalia' kung tawagin dahil ang kanilang pamilya ay kilala sa lipunan. Ito ay isang anak ng Heneral—at ito ang gustong ng mga magulang niya para kanyang mapangasawa. Nanginginig, natatakot man ay pinilit niyang tinatagan ang kanyang loob. Lakas loob siyang naglakad palabas ng kubo na iyon. Wala siyang dapat ikatakot dahil hangga't kasama niya ang taong kanyang sinisinta—alam niyang ligtas siya. "Nasaan naba ang karwahe na ating gagamitin? Malayo paba tayo mahal ko?" muli ay tanong nito kay Ramonsito habang sila ay tumatakbo at suong ang malakas na pagbuhos ng ulan. "Malayo pa mahal ko, nasa dulong nayon pa iyon. Pagod kana ba irog ko? Maaari tayong magpahinga muna dahil mukhang wala namang nakasunod sa atin." muli ay tugon sa kanya ni Ramonsito. "Hindi tayo dapat tumigil mahal ko. Baka maabutan nila tayo. Kaya ko pa, kakayanin ko makasama lamang kita Ramonsito mahal ko." at iyon nga sila ay nagpatuloy sa kanilang pagtakbo sa kabila ng malakas na ulan. "At sa akala niyo ba kayo ay makakalayo pa kayo dito. Hahahah... Sa tingin mo papayag na lamang ako na ilayo mo sa akin ang babaeng mahal ko—ikaw lalake na isang mangmang?" kapwa napalingon sina Valentina at Ramonsito ng marinig nila ang malakas at tila kulog na dumadagundong na tawa ni Lorenzo. "Lorenzo," gulat na gulat na napatakip ng kanyang bibig si Valentina. May hawak itong isang rebolber sa kanyang kaliwang kamay. Nakataas ito sa ere at dahan-dahan nitong itinutok sa kanilang dalawa. Nahintakutan si Valentina ng makita nito ang nakamamatay na bagay na iyon. "Huwag Lorenzo! Nagmamakaawa ako sayo, huwag mong ipuputok ang hawak mo." napaluhod si Valentina habang ito ay nagmamakaawa. "Hindi ako papayag na hindi matuloy ang pag-iisang dibdib natin bukas ng gabi. Ikaw ay akin lamang Valentina. At ang mangmang na iyan ay dapat mawala sa mundong ito!" galit na galit na bulyaw ni Lorenzo. Hindi makakilos si Ramonsito. Tinatantiya niya ang bawat sitwasyon. Wala siyang laban kay Lorenzo—iyon ang nakikita niya ngayon. Tagilid sila. Wala siyang ibang panang-galang kundi ang isang katana lamang na kanyang dala-dala na nakasukbit sa kanyang balikat. "Huwag! Parang awa mo na—sasama ako sayo Lorenzo huwag mo lang sasaktan ang aking si Ramonsito." nananaghoy na pakiusap ni Valentina. Kasabay ng malakas na pagbuhos ng ulan—tumawa ito ng malakas. Tila isang demonyo sa kailaliman ng gabi. "Sige, pagbibigyan kita." wika ni Lorenzo habang ito ay unti-unting lumalapit ito sa dalawa. Nakakita ng pagkakataon si Ramonsito, lalabanan niya ito anuman ang mangyari. Handa niyang gawin ang lahat huwag lang mawalay sa kanyang pinakamamahal. "Lumapit ka sa akin Valentina!" malakas na utos nito habang hindi parin nito ibinababa ang hawak nitong rebolber. Sumenyas ito gamit ang kanyang kanang kamay para lumapit sa kanya si Valentina. "Ibaba mo muna iyan at ako ay lalapit sa'yo Lorenzo." nanginginig na turan ni Valentina. "Huwag mahal ko, hindi mo kailangang gawin iyan. Huwag kang lalapit," muli ay pakiusap ni Ramonsito, pero tila walang naririnig si Valentina ng mga sandaling iyon. "Sige, hahahah... Madali naman akong kausap, at dahil mahal kita pagbibigyan kitang muli." kapagkuwan ay ibinaba nito ang hawak nitong rebolber at si Valentina naman ay dahan-dahan na lumapit sa kanya habang nakataas ang dalawa nitong kamay. Nakakailang hakbang na ito palapit kay Lorenzo ng mapansin nitong unti-unti ay itinaas ni Lorenzo ang hawak nitong baril at itinutok iyon kay Ramonsito.Nanlaki ang kanyang mga mata. "Huwaaagggg..." sumigaw siya ng malakas at tumakbong muli pabalik kay Ramonsito. Isang putok ng baril ang umalingawngaw sa kadiliman ng gabi. Bago pa tumama ang bala kay Ramonsito ay nagawa na ni Valentina na iharang ang kanyang sarili para iligtas ang kanyang pinakamamahal. "Valentinaaaaa..." sigaw ni Ramonsito ng makita nitong humarang ang dalaga sa kanyang harapan. Dahilan para ito ang matamaan—imbes na sa kanya dapat ang bala na iyon. Tumama ang bala sa dibdib ni Valentina. Nahintakutan siya ng mga sandaling iyon—lalo noong maramdaman niyang tila may mainit at malagkit na likidong umagos mula sa dibdib ng kanyang kasintahan. At doon ay bumagsak si Valentina sa kanyang mga bisig. Nang mapansin ni Lorenzo na nagkamali siya ng kanyang natamaan—siya ay nagmamadaling sumakay ng kanyang kabayo at kaagad na lumisan. "Mahal ko, huwag kang bibigay irog ko. Mahal na mahal kita. Nagmamakaawa ako sayo, huwag kang pipikit. Ngayon din ay dadalhin kita sa manggagamot na kakilala ko. Gagaling ka irog ko." nagsusumamo habang panay ang pag-iyak ni Ramonsito. "Ma-ma-hal na ma-hal kita irog ko. Ku-kung kailangan kong ibigay ng paulit-ulit ang bu-hay ko para sa'yo ay ga-gawin ko ma-i-ligtas lamang kita." nahihirapan na siyang magsalita habang siya ay karga-karga ni Ramonsito para dalhin sa bahay ng isang dalubhasang kakilala niya. "Shhh..Huwag ka munang magsasalita mahal ko, malapit na tayo sa bahay ng doktor na kakilala ko. Gagaling ka mahal ko at magsasama tayong muli. Magiging masaya tayo, bubuo pa tayo ng ating pamilya, pakatandaan mo yan irog ko," sobrang pag-aalala ni Ramonsito ng mga sandaling iyon. Hindi niya kakayaning mawala sa kanya ang kanyang pinakamamahal. Nanginginig at natatakot na siya habang patuloy ang pag-agos ng dugo mula sa katawan ng babaeng kanyang pinakamamahal. Binilisan pa niya ang kanyang pagtakbo habang karga-karga nito si Valentina. Hindi na niya alintana ang malakas na pagbuhos ng ulan. "Doktor Gonzalo—parang awa mo na buksan mo ito. Kailangan ko ng tulong mo, si Ramonsito ito! Nagmamakaawa ako sa'yo ako ay iyong pagbuksan." patuloy ang kanyang pagtawag at pagsigaw habang sila ay nasa tapat ng bahay ng dalubhasang doktor na iyon. Ilang sandali pa ay nagbukas na ang pintuan. Laking pasasalamat niya ng makita nito ang doktor na lumabas at may hawak-hawak na lampara. "Dios mio Ramonsito, que sucedio?" gulat na gulat na bulalas ng dalubhasa ng makita nito ang duguang babae na karga-karga ni Ramonsito. "Siya ay may tama. Tulungan mo ako doktor. Iligtas mo ang buhay ng mahal ko." sila ay pinapasok ng dalubhasa sa kanyang tahanan kung saan mayroon itong munting klinika doon. "Masyadong maraming dugo ang nawala sa kanya Ramonsito. Delikado ang buhay ng babaeng ito. Dapat ipaalam mo na ito sa kanyang pamilya." wika pa ng doktor sa kanya. "Ano ba ang lagay niya doktor? Tapatin mo ako," nahihintakutang tanong nito. "Patawarin mo ako Ramonsito pero sa nakikita ko malabo ng mailigtas natin ang buhay ng babaeng ito. Tumama ang bala malapit sa puso niya at kailangan niya ng agarang operasyon. Pero—tatapatin na kita Ramonsito, walang kasiguraduhan na mabubuhay pa ito, maliban na lang kung____," "Maliban kung ano doktor?" "May mga ugat na naapektuhan malapit sa kanyang puso. Kahit maoperahan pa ito ngayon wala ng kasiguraduhan na mabubuhay pa ito. Kung may magbibigay ng kanyang puso para sa binibining ito, maaaring maisalba pa natin ang kanyang buhay. Pero malabong may makuha tayong puso ngayon. Kaya kung ako sa'yo puntahan mo na ang pamilya ng binibini na ito upang sila ay maabisuhan. Hala Sige, humayo ka Ramonsito at puntahan mo na ngayon din ang pamilya ng binibining ito." nakatulala at hindi makaimik si Ramonsito. Nagawang ialay ni Valentina ang kanyang sarili para lamang siya ay mailigtas sa kapahamakan. Ganoon kadalisay ang pag-ibig sa kanya ng dalaga. Hanggang sa isang desisyon ang kanyang napagpasyahan. Huminga siya ng malalim bago siya muli ay nagwika. "Ako, kunin mo ang puso ko." nagulat ang dalubhasa ng ito ay nagwika. "Nahihibang kana ba Ramonsito? Ito ay hindi biro," napataas ang boses na turan ng doktor. "Para sa babaeng mahal ko, handa kong ialay ang sarili kong buhay. Doktor, iligtas mo si Valentina—ngayon din mismo gawin mo na ang operasyon." umiling-iling naman ang doktor sa kanya. "At paano ang pamilya mo? Hindi ko kayang kitilin ang buhay mo para lamang mailigtas ang babaeng ito. Nasisiraan kana ba ng bait Ramonsito?" ngunit buo na ang kanyang pasya. Kung may dapat Mang mabuhay sa kanilang dalawa ito ay si Valentina. Mas gugustuhin niyang siya ang unang mawala sa mundong ibabaw—dahil hindi din niya kakayaning mabuhay ng mag-isa ng wala ang babaeng kanyang sinisinta. Nagawang iharang ni Valentina ang kanyang sarili para lamang siya ay mailigtas —ngayon siya naman ang gagawa ng paraan para ito ay mailigtas. "Mangako ka sa akin doktor, gagawin mo ang lahat para siya ay mailigtas. Sige na doktok, nagmamakaawa ako sa'yo ngayon din ay isagawa mo na ang operasyon." muli ay pakiusap nito sa manggagamot. "Ngunit labag ito sa batas Ramonsito. Hindi mo ba alam na maaari akong matanggalan ng lisenya kapag nalaman ito ng mga kinauukulan? Paano ang pamilya mo? Tiyak kakasuhan nila ako," muli ay tutol ng doktor sa kanyang kagustuhan. "Walang makakaalam nito doktor, mananatiling lihim ito kung sa pagitan nating dalawa. Ang pamilya ko, huwag kang mangangamba dahil wala silang kakayahan para magreklamo. Baka nakakalimutan mo, isa lang akong anak mahirap at wala kaming kakayahan para sa mga bagay na iyan." nangilid ang kanyang mga luha habang sinasambit ang mga katagang iyon. Naluluha siyang lumapit kay Valentina at ginawaran ng masuyong halik sa kanyang noo. "Maligayang kaarawan sa'yo mahal ko." naluluhang sambit nito kay Valentina habang haplos- haplos nito ang kanyang mukha. "Wala man akong maipagmamayabang sayo—wala man akong maibigay na kahit na anong materyal na bagay sayo. Wala man akong kayamanan—sana maging sapat na regalo para sa'yo ang puso ko. Pakaiingatan mo ito mahal ko, hanggang dito na lamang tayo. Hihintayin kita sa susunod na buhay irog ko," kasabay ng pagbuhos ng masasaganang luha mula sa kanyang mga mata. Tila nakikiramdam din ang kalangitan sa kanyang paghihirap ng kanyang kalooban. Pero mas gugustuhin na niya ito kaysa naman siya ang maiwan sa mundong ito ng mag-isa. "Ito doktor," iniabot nito sa dalubhasa ang isang sulat kamay na kanyang ginawa. "Mangako ka sa akin doktor na pagkatapos nito ay tutulungan mo ang aking pamilya para lumayo sa lugar na ito. Mangako ka rin sa akin na walang malalaman si Valentina ukol sa nangyari sa akin." walang imik ang doktor habang ito pinagmamasdan siyang umiiyak at nakikiusap. "Paalam muli sa'yo irog ko. Tanggapin mo ang aking munting regalo. Puso ko para sa'yo sa araw ng mga puso. Puso ko para sa'yo sa araw ng kapanganakan mo. Maligayang kaarawan sa'yo mahal ko, paalam." iyon ang mga huling katagang binitawan ni Ramonsito para sa kanyang sinisinta. Muli ay ginawaran niya ito ng masuyong halik sa kanyang noo—sa kanyang pisngi at huli sa kanyang mga labi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD