Nang matapos si Delsin sa kanyang pag-aapply ng trabaho kung saan-saan, eh maaga siyang umuwi sa bahay nina Alexis. Naabutan niyang nanunuod ng telebisyon si Oryang kasama ang anak nito.
Pupunta na sana siya sa banyo para umihi nang bigla naman siyang tinawag ni Oryang habang hawak nito ang anak.
“Delsin, pwede ba tayong mag-usap?” tanong ni Oryang sa kanya.
Lumapit si Delsin at ngumiti pa kay Oryang bago tuluyang nagsalita.
“Oh, Oryang, bakit? May problema ka ba?” tanong ni Delsin, nag-aalala siya para sa asawa ni Alexis.
“Gusto ko kasing maki-usap sa iyo, kung pwede ay umalis ka na lang dito sa amin. Alam mo naman, hindi na namin kaya pa na magpatira ng iba dito. Hindi na rin kasi kaya ng budget naming mag-asawa,” sagot ni Oryang, para bang nagmamakaawa pa siya kay Delsin.
“A-Ah, ganoon ba? Naiintindihan ko naman ang sinasabi mo, kaya lang ay hindi ko rin naman alam kung saan ako titira. Alam mo naman, wala akong kakilala rito,” mahinahon na sagot ni Delsin kay Oryang.
“Eh kung gusto mo, itatawag na lang kita sa kaibigan ko. Doon ka makitira muna habang wala ka pang matitirhan,” sabi ni Oryang, medyo inis na siya dahil ayaw pumayag ni Delsin sa gusto niya.
“Hindi ba pwedeng dito na lang ako, Oryang? Tutulong naman ako sa gawaing bahay saka kapag may trabaho naman na ako eh maghahati kami ni Boyong para sa kuryente,” sagot naman ni Delsin, mahinahon pa rin siya.
“Eh kailan pa iyon? Naloko ka nga noong papasukan mo. Hindi malabong maloko ka ulit ng mga taga Maynila. Sa laki nito, sobrang dami ang manloloko,” may inis na sa pananalita ni Oryang.
“Oryang, hindi naman ako katulad nila eh. Gagawin ko naman ang lahat para makapagbayad sa inyo ni Alexis. Alam ko rin naman na kailangan niyo ng pera eh. Kung pwede, iihi muna ako tapos saka na lang natin pag-usapan ‘to ha? Baka kung ano pa ang masabi natin sa isa’t isa,” mahinahon pa rin si Delsin na pumunta sa banyo.
Habang nasa loob siya ng banyo, pilit pa rin niyang iniisip kung ano ‘yong sinabi ni Oryang kanina sa kanya. Ang sakit-sakit, hindi man lang ba siya bibigyan nito ng pagkakataon na patunayan ang kanyang sarili? Hindi rin naman kasi madali ang maghanap ng trabaho eh.
“Eh kung gusto mo, itatawag na lang kita sa kaibigan ko. Doon ka makitira muna habang wala ka pang matitirhan.”
“Eh kailan pa iyon? Naloko ka nga noong papasukan mo. Hindi malabong maloko ka ulit ng mga taga Maynila. Sa laki nito, sobrang dami ang manloloko.”
Dahil nahihiya siya kay Oryang, paglabas niya ng banyo ay agad siyang naghugas ng plato. Tahimik lang siya doon habang si Oryang ay nanunuod pa rin sa telebisyon kasama ang anak.
Nang makita ni Oryang na naghuhugas si Delsin ng plato ay nilapitan niya ito. Tiningnan niyang maigi si Delsin, galit na galit ang kanyang mga mata.
Dahan-dahan siyang pumunta sa kusina at itinapon sa sahig ang pagkain ng kanyang anak. Saka siya umarte na para bang naitapon niya iyon at hindi talaga sinasadya.
“Ay, naku! Pasensya ka na at naitapon ko, Delsin. Pakilinis na lang ha? Tutl naghuhugas ka lang rin naman dyan sa kusina eh,” sabi ni Oryang, akala mo siya ay inosente.
Hindi na nagsalita pa si Delsin at kumuha na lang ng pamunas saka pumunta doon sa sahig para punasan ang kinalat na pagkain ng anak ni Oryang.
Dahil sa nangyari ay tawa nang tawa si Oryang sa itsura ni Delsin ngayon. Sa loob-loob ni Delsin ay galit na siya dahil alam naman niya sa kanyang sarili na hindi niya dapat hinahayaan si Oryang na gawin iyon sa kanya. Pero, alam din naman niya na babae si Oryang kaya dapat ay hindi niya patulan ito.
Pagkatapos noon eh tahimik na naglakad si Delsin sa lababo para labhan ‘yong pamunas. Pagkatapos noon ay pumasok na sa kwarto si Oryang, kita sa mukha niya ang saya at inis niya kay Delsin.
Dahil gusto niyang wala masabi sa kanya si Oryang ay naglinis na lang siya ng buong bahay. Doon man lang ay naisip niya na sana eh hindi na magalit pa sa kanya si Oryang.
Pagkatapos noon ay pumasok na siya sa kwarto para magpahinga.
Paggising niya ay nakarinig naman siya ng sigawan sa labas ng kwarto. Agad siyang lumabas para tingnan kung ano nga ba ang nangyayari sa labas.
“Ano bang ginagawa mo? Bakit ginugulo mo ang bahay, Oryang?!” galit na galit na sabi ni Alexis sa asawa.
“Hindi naman dapat na ayusin ang bahay na ito! Alam ko naman kung paano, bakit siya nangingialam sa istilo ko ha?!” galit rin na sagot ni Oryang kay Alexis.
“Hindi ba pwedeng magpasalamat ka na lang at ginawa niya iyon? Tutal, matagal na rin naman noong huli mong nalinis ang bahay natin, ah?” sagot ni Alexis.
“Oryang, maayos naman ang ginawa ng pinsan ko. Wala ka naman dapat ika-galit sa kanya,” paki-usap naman ni Boyong.
Dahil sa mga narinig niya, hindi na niya naiwasan pa na hindi lumapit sa kanila. Sobrang gulat na gulat siya sa naging reaksyon ni Oryang na tila ba may mali doon sa ginawa niya.
“Oryang, may problema ba tayo? Nilinis ko lang naman ang bahay niyo kasi gusto ko na kahit man lang dito ay makatulong ako. Baka kako hindi mo na ako paalisin kapag ginawa koi to. Mukhang hindi pa rin pala uubra,” malungkot na sabi ni Delsin, gulat na gulat sina Alexis at Boyong sa kanilang narinig.
“Pare, pasensya ka na sa asawa ko. Baka may stressed lang siya kaya siya ganito. Hayaan mo, ako naman na ang kakausap sa kanya. Pasensya ka na ulit. At saka, nagustuhan ko naman talaga ang ginawa mong linis dito sa bahay. Maraming salamat,” sabi ni Alexis para naman mabawasan man lang ang tension sa kanila.
“Pare, pasensya ka na rin kung naisipan pa naming ni Boyong na makatira dito sa inyo. Hayaan mo, Oryang. Aalis na rin kami dito,” may diin na sabi ni Delsin.
“Buti naman kung ganoon! At least wala na ang salot dito sa bahay namin!” sabi naman ni Oryang.
“Ha? Anong sinasabi mo na aalis na tayo dito? Saan tayo titira niyan?” may pagtatakang tanong ni Boyong sa kanyang pinsan.
“Pare, huwag naman sanang ganyan, magagawan ko pa naman ng paraan ‘to. SAka, kung aalis kayo dito, saan kayo pupunta? Delsin, pag-usapan naman natin,” pagmamakaawa nan i Alexis sa kanya,
Kahit ganoon, buo na ang pasya ni Delsin na umalis na sa bahay nila Oryang at Alexis. Para kasi sa kanya, sobra na ang ginagawa ni Oryang sa kanilang dalawa ni Boyong, lalo na sa kanya.