"Maghiwalay na tayo, Morris."
Lakas loob na sinabi ni Carlo sa kanya. Tila nabingi naman si Morris sa kanyang narinig. "Ha? Anong sinabi mo?" Tanong niya. Napapikit naman ng kanyang mga mata si Carlo. Hindi niya kayang makita ang reaksyon sa mukha ni Morris. Hindi niya kayang makita ang sakit na idudulot ng kasalanan na kanyang nagawa sa taong pinakamamahal niya.
"Sabi ko ay maghiwalay na tayo." Buong tapang na inulit ni Carlo ang kanyang binitawang salita.
Hindi naman makapaniwala si Morris. Wari'y isang matalim na punyal ang itinarak sa kanyang puso ng mga bawat kataga na namutawi mula sa bibig ni Carlo. "Bakit wifey? Sabihin mo sa akin kung bakit gusto mo akong hiwalayan dahil hindi ko talaga maintindihan." Ang nasasaktan sabi ni Morris. Hindi naman malaman ni Carlo kung paano niya sisimulan ang kanyang nais sabihin. Pinaghandaan niyang maigi ang magiging pag-uusap nila ngayon gabi. Mula sa mga salita na kanyang gagamitin hanggang sa kahuli hulihang linya na kanyang sasabihin ay sinigurado niyang naitatak niya sa kanyang isipan. Ngunit sa isang iglap ay nawala na parang bula ang lahat ng kanyang kinabisado. Umurong ang kanyang dila at hindi na siya nakapagsalita pa sa harapan mismo ni Morris.
"Please wifey. Gusto kong marinig mula sa'yo ang dahilan kung bakit mo ko hihiwalayan." Ang pakiusap ni Morris. Napabuntung hininga si Carlo. Ito na marahil ang tamang pagkakataon upang aminin niya dito ang totoo. Alam ni Carlo na anuman ang mangyari ay masasaktan at masasaktan pa rin si Morris sa dulo ng kanilang pag-uusap.
Huminga muna siya ng malalim bago niya muling binalingan si Morris.
"Hiwalayan mo na ko, Morris. Hindi ako naging tapat sa'yo." Pag-amin ni Carlo.
Napakunot noo naman si Morris. "A-Anong i-ibig mong s-sabihin?" Ang nauutal na tanong niya.
"Hindi ko napigilan ang aking sarili kagabi. Nakipaghalikan ako kay Sir Bullet." Ang diretsahang pagtatapat ni Carlo sa kanya.
Tila bomba na sumabog sa mukha ni Morris ang naging pag-amin sa kanya ni Carlo. Wala siyang kamalay malay na ang kanyang kasintahan ay nagawang magtaksil sa kanya. Sa puntong yun ay nagsimula ng tumakas ang mga luha sa mata ni Morris. "Bakit mo yun ginawa sa akin? Hindi pa ba sapat sa'yo ang pagmamahal na ibinibigay ko? Dahil ba sa driver niyo lang ako at siya naman ay mayaman? Dahil ba ito sa pagseselos mo kay Zoey kaya nagawa mo ang bagay na yan? Nakukulangan ka pa ba sa akin kaya humanap ka ng iba? Ipapalit mo ba sa akin yung Bullet na yun?" Ang magkakasunod na tanong niya kay Carlo.
"Alam ko na walang kapatawaran ang ginawa ko sa'yo ngunit hihingi pa rin ako ng patawad sa kasalanan nagawa ko. Hindi ko sinasadya ang nangyari, ngunit alam ko na hindi mo din naman ako paniniwalaan kahit ano pa ang maging dahilan ko. Wala kang kasalanan sa nangyari, ako ang naging mahina, ako ang naging marupok sa sitwasyon. Labas dito ang antas ng pamumuhay natin dalawa. Wala kang pagkukulang, sa akin ang problema. Naging mapusok ang aking damdamin dahil sa matinding selos ko sa inyong dalawa. Sa totoo lang, sapat na sapat ang pagmamahal na ibinibigay mo sa akin. Sa sobrang sapat nito ay hindi ko na napipigilan ang aking emosyon at nakakagawa na ko ng mga bagay na hindi tama sa ating relasyon. Kaya naisip ko na mas makakabuti para sa ating dalawa kung tayo ay maghihiwalay na lang. Ako ang sumira ng tiwala mo at ng relasyon natin. I'm sorry, Morris." Ang paliwanag ni Carlo.
Tuluyan ng bumuhos ang mga luha sa pagitan nila Carlo at Morris. Napalitan ng pagtangis ang katahimikan ng buong paligid. Iyak nang iyak si Morris habang nakasubsob ang mukha nito sa kanyang dalawang kamay. Lumapit sa kanya si Carlo at lumuhod sa kanyang harapan.
"Patawarin mo ko, Morris. Anuman ang magiging desisyon mo ay tatanggapin ko. At kung iniisip mo na kaya ako makikipaghiwalay sa'yo ay dahil magiging kami ni Bullet ay nagkakamali ka. Wala akong balak na humanap ng iba dahil aminado ako na hindi ko pa kayang humawak ng isang relasyon. Mas makakabuti para sa akin na unahin na muna ang aking pag-aaral bago ang pag-ibig." Paglalahad ni Carlo.
Patuloy sa pag-iyak si Morris. Gustuhin man ni Carlo na patahanin ito ay hindi niya magawa dahil siya ang naging sanhi ng pagtangis nito. Minabuti na lamang niya na hayaan muna ito hanggang sa kumalma ang kanyang emosyon.
Halos kalahating oras din bago nagsimulang humupa ang pag-iyak ni Morris. Iniabot ni Carlo ang kanyang panyo ngunit tinanggihan siya nito. "Mahal mo na ba si Bullet?" Tanong ni Morris sa garalgal nitong boses. "Sinasabi ko sa'yo ngayon pa lang na hindi ko mahal si Bullet." Ang mabilis na sagot ni Carlo. Tiningnan siyang maigi ni Morris. Doon napagmasdan ni Carlo ang namumugto nitong mga mata. Hindi niya napigilan ang sarili kaya kanyang pinunasan ang mga luha nito ng hawak niyang panyo.
"I'm sorry." Wika ni Carlo habang pinupunasan ang mga luha ni Morris. Nagsisisi siya kung bakit nagawa niyang bumigay sa mga halik ni Bullet. Nasasaktan siya na makita si Morris na nagdurusa ng dahil sa kanya. Kung pwede lang na maibalik ang oras ay gagawin niya ito upang sa gayon ay maitama niya ang kanyang nagawang pagkakamali.
Nabigla na lamang si Carlo ng halikan siya ni Morris. Maalab at punong puno ng pagmamahal ang naging paghalik nito sa kanyang mga labi. Sinuklian naman ito ni Carlo, nagpaubaya siya sa gusto ng kanyang nobyo. Tumagal ang naging halikan sa pagitan nilang dalawa. Kapwa sila naghahabol ng hininga ng maghiwalay ang kanilang mga labi.
"Mahal na mahal kita, Carlo. Ayaw kong mawala ka sa akin. Kaya kong magpatawad at kalimutan ang lahat ng nangyari ngayon basta huwag mo lang akong hihiwalayan dahil hindi ko kakayanin na mawala ka sa akin." Pahayag ni Morris. Nangilid ng mga luha ang mata ni Carlo sa naging desisyon nito. "Morris hindi ako karapat dapat sa pagmamahal mo. Labis itong gagawin mo kumpara sa naging kasalanan ko sa'yo." Ang nahihiyang sabi niya.
"Pero mas mahalaga ka sa akin kaysa sa kasalanan mo. Kaya hindi ako bibitiw sa relasyon natin kahit ano pa ang mangyari." Sagot naman ni Morris sa kanya.
Niyakap ni Carlo ng mahigpit si Morris. "I'm sorry. I'm so sorry." Ang mga salitang namutawi sa bibig ni Carlo habang ito ay humahagulgol sa pag-iyak. "Ssshhhh tahan na wifey. Baka sabihin nila engineer at ma'am ay pinapaiyak kita. Tahan ka na dyan." Ang pag-alo ni Morris sa kanya. Kinuha niya ang panyo na hawak ni Carlo at siya naman ang nagpunas ng mga luha nito. "Pasensya ka na hubby. Kasalanan ko ito kaya hindi ko maiwasang umiyak sa harapan mo." Sabi naman ni Carlo.
"Tama na ang iyakan natin wifey, baka iba na ang isipin ng mga taong makakakita sa atin." Ang nakangiting sabi ni Morris. "Sorry ulit hubby. Gusto ko lang sana na aminin sa'yo ang lahat dahil ayaw ko na maglihim. Kahit ang kapalit ng pag-amin ko ay ang posibleng paghihiwalay natin ay pipilitin kong tanggapin dahil kasalanan ko naman ang lahat ng ito. Ako ang nagkulang. Sorry talaga, hubby." Paghingi ng paumanhin ni Carlo.
"Alam ko naman yun wifey at nagpapasalamat ako na naging tapat ka sa akin. Aaminin ko sa'yo na masakit ang ginawa mo sa akin pero wala eh, mas nangingibabaw sa puso ko ang pagmamahal ko sa'yo. May pagkukulang din ako sa'yo dahil hinayaan kita na kainin ng selos kay Zoey. Pareho tayong nagkamali at nagkulang pero hindi ko basta basta susukuan ang relasyon natin. Kaya sana ganun ka din sa akin." Wika ni Morris.
"Salamat sa panibagong pagkakataon na ibinigay mo sa akin, hubby. Pangako ko sa'yo na hinding-hindi ko ito sasayangin. Mahal na mahal kita hubby." Sagot naman ni Carlo.
"Mas mahal na mahal kita, wifey." Muli siyang hinalikan ni Morris sa labi. "Wifey maiba muna tayo. May gusto akong itanong sa'yo." Wika niya. "Ano yun hubby?" Sabi naman ni Carlo.
"Hanggang anong base ang inabot ni Bullet sa'yo kagabi?" Tanong ni Morris.
Muling sumagi sa alaala ni Carlo ang sinabi ni Bullet sa kanya habang sila ay pauwi na.
"When I've got my first and second base from you."
"Wifey?" Nagulat si Carlo ng tawagin siya ni Morris. "Ha?" Tanong niya. "Okay ka lang? Sabi ko hanggang saan base umabot yung lalaki na yun sa'yo?" Nagpipigil na sabi ni Morris.
"Aaahhh ano..." Hindi agad makasagot si Carlo sa tanong ni Morris. "Wifey magsabi ka ng totoo sa akin. Hindi ba niya nabanggit sa'yo yung base na tinutukoy ko?" Tanong muli ni Morris. "Alam ko hubby yung ibig sabihin ng base na tinatanong mo." Sagot ni Carlo.
"Ibig sabihin meron nga. Ngayon sabihin mo sa akin wifey kung hanggang saan base ang kanyang inabot." Tanong muli ni Morris. Wala ng nagawa si Carlo kundi sabihin dito ang totoo.
"First and second base." Sabi ni Carlo.
Napapikit si Morris. May kaunting kirot sa puso siyang naramdaman sa naging sagot ni Carlo.
"I'm sorry, hubby." Paghingi ng paumanhin ni Carlo. "Okay lang, wifey. Mabuti na lamang at hanggang second base lang ang inabot niya sa'yo. Kung nagkataon na umabot siya sa third at fourth base ay baka sugurin ko na siya sa bahay niya." Banta ni Morris. Agad naman pinakalma ni Carlo ang nobyo.
"Pakiusap hubby huwag kang magpadalos dalos sa iyong desisyon. Maaaring maapektuhan hindi lang tayong dalawa kundi yung negosyo ni nanay. Nakikiusap ako sa'yo please, huwag mo siyang susugurin. Ako na lang ang lalayo sa kanya huwag lang kayong mag-away." Sabi ni Carlo.
Nakaisip naman si Morris ng paraan upang hindi na muling makalapit si Bullet sa kanyang kasintahan. "Gusto kong magsimula tayong muli, wifey. At maniniwala lang ako na totoo ang intensyon mo kapag tinawagan mo siya sa harapan ko at sasabihin mo sa kanya na iiwasan mo na siya." Hamon niya kay Carlo.
Nabigla man si Carlo sa kagustuhan ng kanyang nobyo ay minarapat niya itong gawin upang maiwasan ang gulo sa pagitan nina Morris at Bullet. "Sige hubby. Kung ito ang magiging paraan para lang mapanatag ang loob mo, sige gagawin ko ang gusto mo." Sabi niya kay Morris bilang pagtanggap sa hamon nito. Kinuha niya ang kanyang cellphone at tinext si Bullet.
Carlo:
Good evening sir. Free ka ba ngayon? Pwede ka bang tumawag sa akin? May nais sana akong sabihin sa'yo, importante lang. Salamat.
Send. Hindi pa nagtatagal ay tumawag na si Bullet sa kanya. Pinakita muna ni Carlo kay Morris kung sino ang tumatawag.
"I-loud speaker mo para marinig ko." Utos ni Morris. Ginawa naman ito ni Carlo.
"Hey. What's the matter?" Bungad ni Bullet sa kabilang linya.
"Aaahhh Good evening sir. Hindi na po ako magpapaligoy ligoy sa'yo. Didiretsahin na po kita sa pakay ko." Ang kinakabahan sabi ni Carlo.
"Okay. I'm all ears. What is it?" Tanong ni Bullet.
Huminga muna si Carlo. "Nasa tabi ko po ngayon yung nobyo ko na si Morris. Inamin ko po sa kanya ang nangyari sa atin kagabi dahil pakiramdam ko ay kailangan itong malaman ng kasintahan ko. Hindi po kasi ako sanay na maglihim lalo pa at kasalanan ko. Nagdesisyon po kami na iiwas na lamang ako sa inyo upang hindi na pagmulan pa ng pag-aaway namin. Maraming salamat po sa mga tulong na ibinigay ninyo sa akin nung mga panahon na kailangan ko ng karamay pero tama po si Morris, kaming dalawa lamang ang tanging makakapag-ayos ng problema namin dahil kami ang magkarelasyon at siya po ang pipiliin ko." Paliwanag ni Carlo.
Hindi agad sumagot si Bullet sa kabilang linya. Dinig naman ni Carlo ang malalalim nitong paghinga. Ilang saglit pa ay nagsalita na ito.
"I will respect your decision. And Morris, don't you ever try to hurt him again or else I will steal him from you. Do you understand?"
Sumagot naman si Morris. "Hinding hindi ko siya sasaktan pare. Mahal na mahal ko si Carlo."
"I'm sorry for intruding your relationship. Anyway, have a great night to the both of you." Wika ni Bullet sabay baba nito ng tawag.
"Sana ay naging masaya ka sa ginawa ko." Sabi ni Carlo pagkatapos ng tawag. "Sobrang masaya, wifey. Hindi ko alam na magagawa mo ito para sa akin. I love you, wifey." Wika ni Morris sabay yakap sa kanya ng mahigpit. "I love you and sorry for everything, hubby." Sagot naman ni Carlo.
Makalipas ang isang linggo ay muling nagbalik sa normal ang lahat. Magmula noon ay hindi na muling nakita pa ni Carlo si Bullet. Naging klaro naman kay Morris ang naging pangako nila sa isa't isa. Nagagawa na nitong iwasan at tanggihan si Zoey kaya naging panatag na din ang loob ni Carlo. Napapansin naman nito ang madalas na pagsulyap sa kanya ni Zoey ngunit pinapabayaan na lamang niya ito. Mula kasi nung sinabihan niya ito ay hindi na siya muling kinausap pa ng babae.
Natapos na ang unang batch ng mga baked cookies at naideliver na ito sa office nila Bullet. Hindi na sumama si Carlo sa paghatid bilang respeto na din sa kanyang nobyo na si Morris. Ngayon ay ang huling batch naman ng mga cookies ang kinakailangan nilang matapos. Mayroon na lamang silang dalawang araw para gawin ito kaya ang lahat ng tao ay abala sa paggawa.
"Wifey." Tawag ni Morris. Kasalukuyan silang nasa kusina at naghahanda ng tanghalian. Walang pasok ngayon sa trabaho si Morris. Gusto sana niyang ayain si Carlo sa labas para mag-date ngunit minabuti na lamang niya na samahan ito sa bahay upang tulungan ito. Marami pa kasing gagawin sa mga orders at kakaunti lang ang tauhan ng ina ni Carlo kaya nakisali na din siya sa pagbabake at pagbubuhat ng mga kahon.
"Bakit hubby? Diyos ko ang pawis mo! Teka nga kukuha ako ng tuwalya para punasan yang likod mo." Ang sabi ni Carlo at pagkatapos ay saglit na umalis ito ng kusina. Pagbalik niya ay may dala na itong tuwalya pampunas.
"Oh talikod ka." Utos ni Carlo. "Yes wifey." Sagot naman ni Morris saka ito tumalikod. Itinaas ni Carlo ang damit nito upang mapunasan ng mabuti ang kanyang likod. "Hubby basang basa na yung damit mo ng pawis. Hubarin mo na yan at magpalit ka ng bago." Ang naiiritang utos ni Carlo.
Agad naman hinubad ni Morris sa harapan nito ang suot na t-shirt na basang basa ng pawis. Tumambad kay Carlo ang pawisang katawan ni Morris. Bigla itong napalunok ng laway sa kanyang napagmamasdan. "Wifey pakipunasan naman itong dibdib ko please." Ang pakiusap ni Morris sa kanya. Lumapit naman si Carlo sa kanya, ipinatong nito ang kanyang kamay na may hawak ng tuwalya sa dibdib ni Morris at tsaka nagsimulang punasan ito. Napansin naman ni Morris ang pagiging kabado ni Carlo.
"Nanginginig ka ata wifey. Relax, ikaw lang ang nakakatikim nito." Tila nang-aakit na bulong ni Morris sa tenga ni Carlo. "Ano ka ba hubby, nakikiliti ako." Wika ni Carlo habang pinupunasan ang dibdib nito. "Totoo naman ang sinasabi ko wifey. Sa'yo lang ang katawan ko. Ikaw lang ang may karapatan na lawayan ito." Nang-aakit na sabi ni Morris. "Hubby ano ka ba? Mamaya may makarinig sa'yo tapos magsumbong pa kay nanay. Oh ikaw na ang bahalang magpunas ng katawan mo. Magpalit ka na din ng damit at magluluto pa ko ng tanghalian natin." Ang sabi ni Carlo. Kakamot kamot naman ng ulo si Morris habang papaalis ito ng kusina.
Pagkatapos magluto ay tinulungan siya ni Tin na maghanda sa lamesa. Isa isa naman na nagsilapitan ang mga gumagawa sa may sala para kumain.
"Siya nga pala anak, may pabor sana si nanay sa'yo kung okay lang." Wika ni Susan habang sila ay kumakain. "Ano po yun 'nay?" Tanong naman ni Carlo sa kanyang ina. "Pwede bang ikaw muna ang sumama sa pagdedeliver ng mga cookies sa bahay ampunan?" Sabi ng kanyang ina. "Ho? Bakit po 'nay?" Tanong muli ni Carlo.
"Hindi kasi ako pwede sa araw na yun dahil mag-aayos ako ng mga permits sa City Hall kasama si Zoey. Don't worry kasama mo naman si Ferdie at yung iba pang mga trabahador. Sila ang mag-aassist sa'yo sa gagawin sa pagdedeliver. Please, anak pumayag ka na sa request ni nanay." Ang pakiusap ni Susan sa kanyang anak.
Pasimpleng sumulyap si Carlo kay Morris upang hingin ang kanyang permiso. Wala naman nagawa ang kanyang nobyo kaya tumango na lamang ito bilang pagsang-ayon sa pakiusap ng ina ni Carlo.
"Sige po 'nay. Ako na po ang bahala sa huling delivery." Sagot naman ni Carlo sa kanyang ina. "Naku salamat, anak. Maaasahan ka talaga." Puri ni Susan kay Carlo.
Pagkatapos ng tanghalian ay muling nagbalik ang lahat sa paggawa. Dahil natapos na ni Carlo ang lahat ng lalagyanan ng cookies ay lumipat naman ito sa pagbabake. Naging abala si Carlo sa buong maghapon. Nakaalalay naman sa kanya ang nobyong si Morris.
"Sigurado ka ba hubby sa pagpayag mo na ako ang sasama sa pagdedeliver?" Tanong ni Carlo. Nasa labas sila ng bahay at kasalukuyang nagmemeryenda, break time kasi nila ngayon.
"Oo naman wifey. Sigurado ako doon sa desisyon ko, tsaka si ma'am naman ang humingi sa'yo ng pabor kaya dapat mo lang pagbigyan ang hiling ng iyong ina." Sagot naman ni Morris sa kanya.
"Salamat, hubby. I love you." Wika ni Carlo.
"I love you too, wifey." Sagot naman ni Morris.
Bagamat nagpapasalamat siya sa pagpayag ni Morris sa pakiusap ng kanyang ina ay hindi maiwasan ni Carlo na mangamba. Posible kasi silang magkita ni Bullet doon sa bahay ampunan at hindi niya gugustuhin na mangyari yun.
Hindi na kakayanin ni Carlo na muli pang masaktan si Morris ng dahil sa kanya.
Hindi na muli...
SUSUNDAN...