CHAPTER 12 (BACK TO SCHOOL)

1574 Words
Chapter 12 (BACK TO SCHOOL) Lena's POV: Habang naglalakad ako sa loob ng campus, malayo pa ang aking classroom, isang pamilyar na tinig ang umagaw sa aking atensyon. "Lena! Sandali!" hingal na tawag ng isang lalaki. Paglingon ko, si Jake, isang kaklase ko at malapit ko ring kaibigan. Tumatakbo ang binata palapit sa akin. "Oh? Ano'ng nangyari?" tanong ko nang makalapit siya, medyo hingal pa ang lalaki na tila'y hinahabol niya ang kanyang paghinga. "Wala naman. Matagal na rin tayong hindi nagkita. Nabalitaan ko kasi na nagkasakit ka raw, sabi ng mga kaibigan mo. Kaya hindi ko mapigilan ang saya ko na makita ka ulit," paliwanag niya. Sa totoo lang, si Jake ay hindi lang basta gwapo; mabait at matalino rin siya, kaya naman lagi akong kumportable kapag kami'y nag-uusap. "Oo nga, nagkasakit ako. Siguradong marami akong namiss na lessons," malungkot kong sabi, napagtantong ito pala ang palusot na sinabi ng mga kaibigan ko. "Marami nga, Lena. Pero huwag kang mag-alala. Kung gusto mo, tuturuan kita. Pwede tayong mag-aral sa bahay namin," alok niya, nakatingin diretso sa aking mga mata habang nakangiti. "Gusto ko sana, kaso maghahanap pa kasi ako ng trabaho," mahina kong sagot. "Ikaw talaga, Lena, ang sipag mo. Pero kung ako ang tatanungin, mas mabuting unahin mo muna ang pag-aaral mo bago 'yang trabaho mo," paalala niya habang tapik-tapik ang aking balikat. May punto nga ito. Kaya naman pumayag ako sa kanyang alok na mag-study session kami sa kanilang bahay. Pagdating namin sa classroom, agad kong napansin ang kakaibang tingin ng mga kaklase ko. Hindi ko nga pala nabanggit na si Jake pala ay ang campus heartthrob dito sa University na pinapasukan namin. Kaya yung tinginan nila sa amin, halatang may panghuhusga. Kung ano-ano tuloy na bulungan ang siyang narinig ko mula sa mga ito. "Bakit sila magkasama?" "Magkasabay pa talaga." "Oh my gosh, kakapasok niya lang, landi na agad." Iyan ang iilan na mga usap-usapan nila na talagang binigyan nila nang malisya ang pagsasama namin ng binata. Tila ba masyado silang interesado kay Jake. Kaya kahit anong issue, ibabato nila sa akin. "Huwag mo na silang pansinin," bulong ni Jake. Bago siya umupo, binigyan niya ako ng isang napakatamis na ngiti dahilan para tumango naman ako. Hindi na rin ako nagpaapekto pa sa mga bulungan ng iba naming kaklase, bagkus ay pinili kong umupo na rin sa upuan. "Sabi ko na nga ba, type ka ni Jake!" biglang sulpot ni Shane sa likuran ko. Napansin ko rin ang palihim na paglapit ng mga kaibigan ko sa aking pwesto. "Pati ba naman kayo, dadagdag sa issue?" usal ko sa kanila. "Hindi naman sa ganon, Lena, halata lang kasi namin. Nung wala ka nga, ilang beses ka niyang tinanong kung saan ka nakatira. Pero siyempre, hindi namin sinabi para hindi kami mapagbintanganang nagsisinungaling," paliwanag ni Shane na may malumanay na sabi. Napailing na lang ako habang naka-upo sa aking upuan sa unahan. Maya-maya, dumating ang aming guro at nagsimula na ang klase. Sa gitna ng diskusyon, naalala ko ang babaeng nakatabi ko sa jeep kanina— sobrang ganda niya. Sana lahat pinagpala ng ganoon. Mabilis na lumipas ang oras at uwian na. Si Jake ay agad lumapit sa akin. "So, tara?" aya niya. Biglang nagbago naman ang ekspresyon ng mga kaibigan ko. "Anong tara ka d'yan? Saan mo dadalhin ang kaibigan namin?" pagtatanong ni Gail. "Mag-aaral kami. Tutulungan ko si Lena sa mga lesson na hindi niya naabutan. Para kahit papaano ay makahabol siya sa atin," paliwanag ni Jake. Tumango-tango na lang sila, pero kitang-kita ko ang mga mapang-asar na ngiti sa kanilang mga labi. "Ikaw Jake ah, para-paraan ka masyado sa kaibigan namin. Pwede mo namang sabihin na namiss mo si Lena," pang-aasar ni Hanna habang sinusundot ang tagiliran ni Jake. "Ano ba Hanna! Huwag kang ano d'yan. Tumigil ka," saway ko. Kaso itong si Jake, talagang sinagot pa ang tanong ni Hanna. "Oo. Namiss ko si Lena. Namiss ko siya ng sobra," pag-aamin nito at namumula ang kanyang pisngi. Napakunot tuloy ang noo ko sa kanyang sinabi. "Ayieeeehh, sabi na nga ba, type mo si Lena," sabi ulit ni Hanna. Napatawa na lang kami ni Jake para kahit papaano ay maibsan ang awkward na nararamdaman ko. At para matapos na itong pagtatambal ng mga kaibigan ko sa amin ay mabilis kong hinigit ang braso ng binata upang makaalis na sa sitwasyon na 'yon. Baka kung ano pa ang masabi nila at mas kumalat ang tsismis. "Sorry Jake, ganoon talaga ang mga kaibigan ko. Huwag mo na lamang sila pansinin," sabi ko nang makalabas na kami ng campus. "Okay lang, Lena. Sanay na ako sa kanila. Tsaka, kilala ko na rin naman sila dahil classmates ko rin sila," tugon ni Jake na may ngiti. "Sabagay. Anyway, mag-isa ka lang ba sa bahay niyo?" pag-iiba ko ng usapan. "Hindi. Nag-text kasi 'yung pinsan ko, kararating lang niya galing ibang bansa," sagot nito. "Huh? Anong ibig mong sabihin? Doon din siya titira sa bahay mo?" naguguluhan kong tanong. "Oo. Dapat nga sa hotel siya tutuloy, pero nagbago raw ang isip niya," paliwanag niya. Hindi na ako nagtanong pa, nahiya na ako baka kasi isipin niyang tsismosa ako. Kaya sumakay na kami ng taxi patungo sa kanilang bahay. Drake's POV: Nagbago ang isip ni Sarah. Sa halip na sa hotel kami tumuloy, dito na pala kami napadpad sa bahay ng pinsan niyang si Jake. Hindi naman ito problema dahil malapit na rin ako sa pinsan niya. Dagdag pa, may duplicate key si Sarah kaya madali kaming nakapasok. "Hayy, nakakaproud talaga ang pinsan ko. Tingnan mo, kaya na niyang buhayin ang sarili niya. Nagkaroon siya ng sariling bahay," sabi ni Sarah habang nakaupo sa sofa. Isa sa mga nagustuhan ko kay Sarah ay ang kanyang pagiging relax sa loob ng bahay. Wala siyang pakialam sa suot niya, at madalas, nakataas ang paa sa mesa habang nakaupo. Sa madaling salita, walang kaarte-arte ang babaeng minahal ko. Natatawa akong tumingin sa kanya habang pinapanood siyang kumakain ng chocolate. "Ano bang tinatawa mo dyan? May nakakatawa ba sa akin, Drake?" tanong niya, nakakunot ang noo. Umupo ako sa tabi niya at pinunasan ang chocolate na naiwan sa labi niya. "Natutuwa lang ako sa'yo, honey. Matagal ko rin kasing hindi nakita ang ganitong kilos mo," sabi ko naman. "Talaga? Namiss mo ako, Drake?" she asked me. "Oo naman. Sobrang namiss kita, Sarah... Halos araw-araw ka ngang laman ng isip ko," malambing kong sagot. "Sus. Baka naman niloloko mo lang ako? At sinasabi mo lang 'yan para alisin ang pagod ko sa biyahe," ani nito. "Bakit naman kita lolokohin, honey? — Ikaw ang babaeng dapat sineseryoso at hindi pinaglalaruan," pagbabanat na salita ko sa kanya. Nakita kong namula siya dahil sa sinabi ko. "Ano bang nakain mo at naging sweet ka masyado ngayon ha? Hindi ako sanay sa ganyang banat mo, Drake ha," tanong nito. "Ganito naman talaga ako pagdating sa'yo, honey. Hindi ba halata?" kunwari kong tampo. Piningot niya ang ilong ko at lumapit ang mukha sa akin. "Mas lalo kang pumogi ngayon, Drake," saad ni Sarah na halatang kinikilig ito. Nananatiling ganon ang posisyon namin hanggang sa biglang bumukas ang pinto. Sabay kaming napalingon. Gulat na gulat ako nang makita si Jake na may kasamang babae. At ang babaeng iyon ay walang iba kundi si Lena. Ganoon din ang gulat na reaksyon ni Lena habang nakatingin sa akin at kay Sarah. At tsaka ko lang napagtanto na wala na pala akong disguise. Tinanggal ko na kasi ang wig at makeup sa mukha ko. At ang suot ko ngayon ay ang damit mismo ni Jake. "Oh bro, andito ka rin pala!" masayang bati ni Jake at tinapik pa ako nito sa balikat. "Couz, mabuti naman dumating ka na. Kanina pa kita hinihintay. — By the way, may pasalubong akong chocolates para sa'yo. Pati na rin 'yung paborito mong sapatos, nabili ko na," singit ni Sarah. "Salamat, couz. Hindi mo talaga nakalimutan ang pasalubong mo sa akin — Nga pala, pakikilala ko sa inyo si Lena, classmate ko," sabi ni Jake, dahan-dahang hinila si Lena papalapit sa kanya. Hindi pa rin nawawala ang gulat sa mukha ni Lena, tila ba nakakita ng multo. "Lena, gusto ko ring makilala mo ang pinsan ko na si Sarah. Yung nabanggit ko sa'yo na kakauwi pa lang galing abroad. Pansamantalang titira muna siya rito sa bahay ko... At siya naman si Drake, ang lalaking patay na patay sa pinsan ko," nakangiting wika ni Jake. Sa mga sandaling iyon, hindi ko alam ang aking sasabihin. Tila hindi makagalaw ang aking bibig, at ang tingin ko ay nakatuon pa rin kay Lena. Ang liit talaga ng mundo, nagkrus muli ang aming landas sa hindi inaasahang pagkakataon. "Sinama ko si Lena dahil mag-aaral kami rito. Masyado na kasi siyang nahuhuli sa mga lesson, kaya tutulungan ko siya... Sige, doon na kami sa kwarto ko. — Enjoy kayo love birds ha," paalam ng binata kasabay nang paghawak nito sa kamay ni Lena. Sinundan ko sila ng tingin hanggang sa pumasok sila sa kwarto. "Grabe! First time kong makakita na may dinalang babae rito si Jake. And I think, there's something special about that woman. Feeling ko, type 'yon ng pinsan ko," sabi ni Sarah habang may ngiti sa labi. Hindi ko na lamang ito pinansin, bagkus ay tumayo ako at wala akong ganang tumungo sa kusina para uminom ng tubig. Kung espesyal man si Lena kay Jake, isa lang ang masasabi ko — hindi sila bagay sa isat-isa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD