Kabanata 17 : Goodbye, Guatemala

1059 Words
Dumating ang umaga, ngunit wala pa rin sa wisyo ang diwa ni Mattia. Naghatid ng almusal sa kaniyang kuwarto ang isang tagapangasiwa ng hotel, ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang ganang kumain. Nakalapag lamang ang putahe sa side table habang mabangal niyang inaayos ang mga gamit. Itinupi at pinagpatong-patong niya ang mga damit sa maleta. Nang kunin ang wooden mask upang ipasok din ito doon, bigla siyang natigilan at napaisip. Muli na namang nanumbalik sa kaniya ang masalimuot na nangyari. "Anong gagawin ko ngayon? Kahit binigyan ako ng pampalubag-loob ni Coach Caiden at Ma'am Silvia... hindi ko pa rin naipanalo ang misyon. At kung mission failed ang resulta, malamang... failed din ang application ko sa HEAP," kausap niya sa sarili. "Anong sasabihin ko kay Lolo Guido? Anong sasabihin ko kina Joriz at Chubs?" At lalo siyang nakaramdam ng kalungkutan Malalim na napabuntong-hininga na inilagay niya ang wooden mask souvenir sa loob ng maleta. Pagkatapos ay isinara na niya ito. Natigilan siya nang may kumatok sa pinto. Tumayo muna siya upang pagbuksan ang tao sa labas. Tumambad sa kaniya ang mukha ni Rainzel, nakaayos na ang dalaga at binigyan siya ng kiming ngiti. "Tawag na tayo ni Coach Caiden. Nandoon na raw si Señor Gonzales sa ibaba." "Sige. Lalabas na rin ako," matamlay niyang sabi. Bandang ala-seis ng umaga nang umalis sila sa hotel at sinundo ng puting van ni Señor Gonzales. Noong una, ang akala ni Mattia ay ihahatid na sila ng informant sa airport ngunit nagtaka siya nang mapansing iba ang daan na tinatahak nila. Bumaling siya kay Coach Caiden na katabi ni Señor Gonzales sa unahan. "Coach, saan tayo papunta?" "Magpapaalam tayo sa kliyente natin. Nandoon siya sa entrance ng hiking site," simpleng wika nito. Napanganga siya at nagtaka ang ekspresyon ng mukha. "Anong ginagawa ni Ma'am Silvia roon? Akala ko ay nasa lamay pa siya?" "Kahapon pa nailibing ang bangkay ng kapatid niya at pinsan. Ang isa pang biktima na si Banjoko naman ay nakuha na ng pamilya nito." Si Rainzel ang sumagot sa katanungan niya. "Huh? Ganoon kabilis?" "Tradisyon nila na ilibing agad ang bangkay at hindi paglamayan." "Oh..." Iyon lamang naging tugon niya. Naging tahimik muli ang biyahe hanggang sa makaabot sila sa patutunguhan. Bumaba sila sa sasakyan at iniwan muna ang mga gamit. Nilakad nila ang entrance ng hiking site at nakita agad doon si Silvia. Nang huminto sila sa tapat ng babae ay binigyan sila nito ng pilit na ngiti. "Maraming salamat, Ma'am Silvia," nauna si Coach Caiden na bumati. "Ako dapat ang magpasalamat," anito at inilahad ang mga palad. Tinanggap iyon ni Caiden at nakipagkamay. "Katulad ng sinabi ko sa sulat, hindi ko kayo sinisisi." Nakita nila ang lungkot sa mga mata ng babae. Lalo lamang nakaramdam ng guilt sina Mattia at Rainzel. Napatingin sila sa apoy ng tatlong kandilang nakatirik sa lupa. Nabalitaan ng mga residente ang kawalang hustisya sa pagkamatay ng tatlong biktima. At mukhang nag-alay ng bulaklak at nagsindi ng kandila ang mga ito upang magdasal at makiramay. "Ngunit ipanalangin n'yo nawa ang katahimikan ng kaluluwa ng pinsan at ng kapatid ko." Nangilid ang luha nito ngunit agad ding pinunasan. Tumango si Rainzel samantalang nagyuko lamang ng ulo si Mattia. "Itaas ninyo ang mga ulo ninyo, Mattia at Rainzel. Alam kong ginawa ninyo ang lahat ng makakaya ninyo at dahil doon kaya saludo ako sa inyo. Hindi man kayo nagtagumpay na sagipin sila, pero nagtagumpay pa rin kayo na mahanap ang kapatid ko." Lumapit ito sa kanilang dalawa at nakipagkamay rin. "At pangako rin namin sa inyo, ituturo namin sa mga tao na mabubuti ang mga black cadejo." Nang marinig ni Mattia ang sinabi ni Silvia ay napatitig siya kay Coach Caiden. Tumango lamang ang lalaki. Mukhang ang coach nila ang nagsabi kay Silvia ng tungkol dito. Kahit papaano, nabawasan ang nararamdaman niyang bigat sa dibdib. Pilit siyang ngumiti. Nag-iwan sila ng pasasalamat at respeto sa isa't isa. Pagkatapos ay humiwalay na ng landas si Silvia. Lihim nilang ipinalangin sa isip na sana'y magkaroon din ng kapayapaan sa puso ng babae. Naglakad muli sila pabalik sa sasakyan. Ngunit bago lumulan sa van, napatigil si Mattia sa paglalakad at lumingon sa Acatenango. Itinanim niya sa utak ang memorya ng kagandahan ng lugar at hindi rin niya pwedeng kalimutan ang karanasan. Mabuti o masama man ang nangyari, dito ay marami siyang natutunan. Tatalikod na sana siya ngunit may naaninag ang gilid ng kanang mata niya sa labas ng kagubatan. Tumitig siya roon at napanganga nang makita ang kawan ng mga black cadejo na nakatingin sa gawi niya. Naramdaman ni Mattia na nagpapaalam rin ang mga ito. Para siyang mapapaiyak ngunit pinigil niya ang sarili. Sa halip, nag-iwan siya ng malawak na ngiti at kumaway sa mga cadejo. "Pangako, babalikan ko kayo. Pangako, babalik ako kapag may sapat na akong lakas upang magapi ang mga masasama." Nang makita ng mga ito ang pagkaway niya, tila nakuntento ang mga ito at bumalik na muli sa pagtatago. "Pwede rin pala sila magpakita sa umaga," sabi ni Rainzel. Napalinga siya sa babaeng katabi. "Nakita mo rin sila?" aniya. "Oo." "Tara na mga bata," tawag ni Coach Caiden. Naudlot ang kanilang pag-uusap at bumaling ang atensyon sa coach na umupo sa tabi ni Señor Gonzales. Mukhang hindi napansin ng dalawang lalaki ang mga black cadejo. Tumalikod na sila at sumakay sa loob ng van. Sa hindi mawaring dahilan, kahit papaano ay gumaan ang kanilang kalooban. *** Nang maihatid sila ni Señor Gonzales sa La Aurora International Airport, hindi na bumaba pa sa sasakyan ang lalaki. Nag-park na lamang ito sa gilid at hinintay na maibaba nila ang lahat ng bagahe. "Well, I guess this is it then," wika ni Caiden nang maibaba nila ang lahat ng gamit. Nakadungaw lamang sa bintana ng kotse si Señor Gonzales. Nagbigay ito ng pilit na ngiti sa kanila at parang naiiyak pa na nagwika. "Yeah, seems like it." "Thanks for everything, Señor Gonzales." "Its my pleasure, sir." Sumaludo ito bilang paggalang. Pagkatapos ay tinanggal nito ang bara sa lalamunan at tumitig sa dalawang kabataan. "Hey, you two... take care of yourselves, okay?" "Uh, I hate goodbyes," wika ni Mattia pagkatapos ay nagbigay ng malungkot na ngiti. "Thanks for the memories, Señor Gonzales." "Thank you too. Safe travels and goodbye," iyon lamang at ibinaba na nito ang bintana ng kotse. Kumaway ang dalawang kabataan. "Take care, Señor." ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD