WALA akong ginawa kundi titigan ang MAGIC RED LIPSTICK na ibinigay sa akin ni Matandang Hukluban kanina. Alas-diyes na ng gabi at ako na lang pala ang gising sa bahay namin.
Totoo kaya iyong sinabi sa akin ni Matandang Hukluban na kapag ginamit ko ang lipstick na ito ay babata ulit ako? Hindi kaya naka-shabu lang kanina ang matandang iyon?
Naalala ko tuloy noong 16 years old pa lang ako. Ang ganda-ganda ko noon at ang dami kong manliligaw kahit na kami na noon ni Borge may suitors pa rin ako. At ang walanghiyang Borge na iyon! Matapos ang twenty years ay iiwan din naman pala ako.
Hayop siya!
Nakakainis at naalala ko na naman ang bruhang baklitang Borge na iyon. Ito na nga lang lipstick ang pagtutuunan ko ng pansin.
Matry nga ito pero wag dito. Tama, sa banyo.
Hinakbangan ko na naman ang buong family members ko para makalabas ng bahay at makapunta sa banyo. Medyo sanay na ako sa pahakbang-hakbang na iyan. Minsan nga ay parang nagba-ballet na lang ako eh.
Nang marating ko ang banyo ay nilock ko agad iyon at tinignan ko ang lipstick. Humarap ako sa maliit na salamin at inaapply ko na iyon sa aking bibig. Masyado namang red ang lipstick. After kong maglagay ng lipstick ay naghintay ako ng ilang minuto...
Wakanabitch!
Wala namang nangyari!
May nakalimutan ba akong gawin? Hmm...Oo nga pala, may magic word pa!
Huminga ako ng malalim. Natatandaan ko na ang tono ay katulad dapat nung boses ni Mother Ricky sa isang shampoo commercial.
“Gaganda...Kikinis...Babata...”
Pagkasabi ko noon ay nagulat ako ng biglang magliwanag ang buo kong katawan. Naramdaman ko ang pagbabago sa aking katawan...
Hanggang sa mawala na ang liwanag at napa-OMG ako pagkakita ko ng hitsura ko sa salamin. Diyos ko! Totoo nga ang lipstick-- este ang MAGIC RED LIPSTICK!
Bumata nga ako! Ganitong-ganito ang hitsura ko noong 16 years old ako.
“Ang g-ganda ko na ulit!” Hindi ko makapaniwalang bulalas.
Amaze na amaze na pinaghahaplos ko ang mukha ko. Diyos ko! Ang pretty ko na! At ang kutis ko, ang kinis-kinis na ulit at mala-sutla.
“Thank you! Thank you! Mwaaah!” at kiniss ko iyong MAGIC RED LIPSTICK sa sobrang tuwa ko.
“Sabi ko naman sa iyo, totoo ang kapangyarihan ng MAGIC RED LIPSTICK!”
“Ay kabayong tuwad!” Napasigaw ako ng biglang sumulpot sa likuran ko si Matandang Hukluban. Niyakap ko siya. “Naku! Salamat sa iyo Matandang Hukluban! I believe you na talaga!”
“Sabi ko naman sa iyo eh. Kita mo, ang ganda at bata mo na ulit.”
“Hindi ko po alam ang gagawin ko...”
“Lumabas ka. Magpakasaya. Enjoy life Barbara!”
Nag-isip ako. “Tama ka Matandang Hukluban. Mamamatay akong masaya nito dahil sa MAGIC RED LIPSTICK na ito.”
“Pero tandaan mo lang Barbara na oras na mabura o kumupas sa labi mo ang lipstick, babalik ka sa tunay mong anyo.”
“Opo, tatandaan ko iyan...” Pagkasabi ko noon ay lumabas na si Matandang Hukluban ng banyo at sumakay ito sa isang pink na scooter at sumibad palayo.
Pink talaga ang scooter niya ha?
Ay naku!
Kailangang i-enjoy ko ang pagiging maganda ko ulit. I want a night life! I want freedom!
LAHAT na kalalakihan ay napapalingon kapag ako ay kanilang nakikita. Nakasuot ako ng kulay red na dress. Tinerno ko talaga sa red kong lipstick. Ninakaw ko lang sa kapatid kong si Bunny iyong suot ko.
“Witwew!” Napapangiti ako kapag sinisupulan ako.
“Miss, can I get your number?” sigaw pa ng ilan.
“Wow! Ang ganda mo miss!” puri pa ng iba.
“Aww! Aww! Aww!” Ay may aso! Kinakahol ako.
Medyo binilisan ko ang lakad ko. Ayaw akong tantanan ng askal na ito!
“Aww! Aww!”
“Shoo! Shoo!”
“Aww! Aww! Aww!” Nyah! Nagalit na iyong aso.
Tumakbo na ako. Hinabol na ako ng aso. Wakanabitch! Bakit naman ganito? Maganda na nga ako pero malas pa rin!
Binilisan ko lalo iyong takbo ko. Paglingon ko ay wala na iyong aso. Napagod na yata. Mabuti naman. Pero nagulat ako ng pagharap ko ay bumangga ako sa isang dibdib. Napaatras ako at nanlaki ang mata ko ng makilala ko ang nabangga ko.
“D-dustin!” bulalas ko.
Nangunot ang noo niya. “Huh? Kilala mo ako?”
“Oo naman! Don't you remember me ako si Bar—“ Ay! Betlog ng kabayo! Muntik ko ng makalimutan na iba na nga pala ang hitsura ko ngayon. “Ah...Eh...Bar...Barbie! Ako si Barbie!” bigla ko na lang sabi.
“Paano mo nalaman ang pangalan ko?”
“Hmm. May tumatawag sa iyo kasi kanina sa likuran mo kaya nakinig ko ang pangalan mo,” biglang lumingon si Dustin sa likuran niya. “Ay wala na yung tumatawag sa iyo. Anyway, pasensiya ka na kung nabangga kita ha? Hinahabol kasi ako ng aso!”
“Wala yun. Sa susunod mag-iingat ka Barbie.” aniya sabay ngiti.
Shet! Ayan na naman ang lecheng dimples na iyan! Nakakaloka!
“Thank you! Ang bait mo naman Dustin. Hmm...May pupuntahan ka ba? Baka naman pwede mo naman akong ilibre ng food kahit sa karenderia lang. Midnight snack kumbaga...” Chance ko na ito na makasama siya, no.
Saka di na naman kami alangan na tignan. I am so young kaya na!
Napatawa si Dustin. Ang gwapo niya talaga. “Sige sige. Tutal naman eh bagong sweldo ako ngayon. Tara diyan sa karenderia.” Magkasabay kaming naglakad. Kakakilig naman para kaming magsyota. “Saan ka nga pala nakatira?”
“Ah, doon lang.” sabay nguso ko.
“Saan doon?” at ngumuso rin siya.
Nakanaman! Ang cute niya kapag naka-pout kasi ang pula-pula ng lips niya...Just like my red lipstick, noh!
“Basta doon!” Grabe. Pakiramdam ko talaga ay ang bata-bata ko ngayon. “Malayo pa ba iyong karenderia?” pakurap-kurap kong tanong.
Ngumiti si Dustin. “Ayan na oh! Masarap ang sinigang nila diyan. Tara na." Umupo na kami pagkatapos. "Order ka na.”
“Ikaw na kaya ang umorder kasi nakakahiya sa iyo Dustin...”
“Wag kang mag-alala. Mura lang ang pagkain dito. Order ka na.”
Pa-cute akong ngumiti. “Sige na nga pero konti lang ang oorderin ko kasi, you know. I am concious with my sexy figure.”
“Para ka palang artista. Hehe...Order kana.” Tinawag nito iyong tao sa karenderia. “Ate, oorder na po kami!”
“Ano pong sa inyo?”
Ako na ang umorder. “Limang kanin nga tapos isang adobong baboy. Ayaw ko ng makakakita ng balahibo ng baboy sa taba ha. At saka isang sinigang. Samahan mo na rin ng isang litrong Coke at saka pala pancit na rin. Pabalot na rin ng tatlong palabok!” Pagka-order ko ay tumingin ako kay Dustin. “Yun lang...Ikaw naman ang umorder.” sabi ko.
Nakatulala na parang ewan sa akin si Dustin. “Ah...Isang goto na lang ang sa akin...”
Habang hinihintay namin ang food namin ay napansin ko na parang amaze na amaze na nakatitig sa akin si Dustin. “Oh, bakit ganyan ka makatingin sa akin? Nagagandahan ka ano?”
Natatawang sumagot siya. “Oo naman. Maganda ka Barbie. Wala lang...” sabay kibit-balikat niya. “May naaalala lang ako sa iyo na tao. Parehas kasi kayo ng ugali.”
Kinabahan ako. “S-sino naman?”
“Hmm. Wala iyon. Hindi mo rin naman siya kilala. Oh, ayan na pala order natin. Kain na tayo...”
Masaya kaming kumain. Ang sarap pala niyang kausap. Kinwento niya ang lifestory niya kahit na alam ko na iyon.
“Barbie, subukan mo itong sinigang nila. Siguradong magugustuhan mo iyan.” suhestiyon pa niya.
“OK...” At straight from the mangkok ay ininom ko iyong sabaw ng sinigang. Ng ibaba ko ang mangkok ay wala na iyong laman. Dumighay pa ako ng pagkahaba-haba na tinawanan lang ni Dustin.
Mukhang aliw na aliw siya sa akin.
Dahil nabasa ang labi ko ay awtomatiko kong kinuha ang tissue sa lamesa at pinunasan ko ang labi ko. Pagtingin ko sa tissue ay may mark na kulay pula iyon. Napahawak ako sa labi ko...
Wakanabitch! Nabura ang lipstick!
Bigla akong pinagpawisan. Nakita ko bumalik na sa original na hitsura ang kamay ko. From candle finger ay naging candle holder finger na iyon. Naging puro kalyo na ulit.
Napansin yata ni Dustin na nate-tense ako. “OK ka lang Barbie? May problema ba?”
“Ah...Eh...Kailangan ko ng umalis! Sige Dustin. Bye!” at tumayo na ako at nagtatakbo.
“Barbie sandali! Wag kang tumakbo ako naman ang magbabayad ng kinain natin!” sigaw pa niya.
Hindi ko na siya pinansin. Nag ala-Lydia de Vega na ako. Eksaktong pagliko ko sa kanto ay nagliwanag na ang buo kong katawan at bumalik na ako sa pagiging Barbara...
Nakakainis talaga! Bakit kasi nabura pa iyong lipstick ko. Ang cheap pala ng lipstick na iyon. Hindi waterproof!
Teka...Parang may kulang...
Pagtingin ko sa paa ko ay nahindik ako. Wala iyong kapares ng suot kong doll shoes! Hindi ko na pwedeng balikan dahil siguradong makikita ako ni Dustin.
Anong gagawin ko?
Hindi pa naman ako ang may-ari ng doll shoes na 'yun. Kay Chiqui iyon eh! Paktay...