Kabanata 3
NAPAKO sa kanyang kinatatayuan si Sabrina nang makita ang pamilyar na bagay na hawak ng kanyang asawa. Hindi niya akalain na magagawa nitong makita ang bagay na ‘yon at sa hindi pa inaasahan na pagkakataon.
“H-hubby... I can exp—”
Hindi na niya nagawa pa na tapusin ang kanyang sinasabi at muntik na siyang mapatalon sa gulat nang bigla na lang nitong itinapon ang hawak na pakete.
“f**k it, Sab! Ang buong akala ko ba ay nagkaintindihan na tayo? Akala ko pareho na tayo ng gusto? Anong kalokohan ‘to?”
Napatakip na lang sa kanyang bibig si Sabrina bago sunod-sunod na tumulo ang luha sa kanyang mga mata.
“I’m sorry. Akala ko rin ay handa na ako. Pero hindi pa pala.”
Sinubukan niyang lapitan ang asawa. Ngunit napailing ito at mabilis na humakbang palayo sa kanya. Tila may punyal na sumaksak sa kanyang puso nang dahil sa itinuran nito.
“So, all this time, it’s just me. Ako lang ang may gusto na magkaroon tayo ng anak. Baka naman ako lang din ang nagmamahal sa ‘ting dalawa?”
Napatungo si Tyler at napasabunot ito sa sariling buhok dahilan para mas lumakas pa ang hagulgol ni Sabrina.
Hindi niya kaya na makita ang asawa na nagkakaganito. And it’s all her fault.
“I’m sorry. Yes. I’m not yet ready to have a baby. But that doesn’t mean that I don’t love you because I really do. Hindi ako papayag na magpakasal agad noong inalok mo ako kung hindi,” paliwanag niya rito.
Dahan-dahan namang napaangat ng tingin si Tyler bago malungkot siyang nginitian at walang buhay ang mga mata nito na tumuon sa kanya.
“But you don’t love me enough.” Nalaglag ang balikat nito. “You should have just told me instead and I will understand. Still, you choose to make me believe in your lies and betray me.”
Bago pa siya makapagsalita ulit ay nanlulumo na nilampasan na siya ng asawa. Wala na siyang ibang nagawa pa kung hindi tingnan ang papalayo nitong bulto.
Gustuhin man niya na yakapin at hagkan ito ay hindi niya magawa. Dahil natatakot siya na baka ipagtulakan lang siya nito palayo.
Nang tuluyan na itong nawala sa kanyang paningin ay bigla na lamang siyang napaupo sa lupa at napaiyak.
TULALA lang si Sabrina habang nakatingin sa labas ng bintana ng mansyon nila. Alas-otso na ng gabi at hanggang ngayon ay hindi pa rin umuuwi si Tyler. Alam naman niya na kailangan nito ng oras para mapag-isa. Pero hindi pa rin niya maiwasan ang mag-alala.
Noong sinubukan naman niyang tumawag sa kumpanya nito ay ipinaalam sa kanya ng secretary nito na si Rodel na hindi naman bumalik roon ang kanyang asawa. Kahit ang mga kaibigan nito ay tinawagan din niya. Ngunit walang nakakaalam na kahit sino sa kanila kung nasaan ba si Tyler ngayon.
“Ma’am Sabrina, nakahain na po sa mesa. Halika at kumain na po kayo.”
Nanatili lang ang kanyang atensyon sa labas ng bintana at hindi nagpatinag sa kanyang kinatatayuan.
“Mamaya na po, Manang. Hihintayin ko na lang po muna si Tyler,” walang gana niyang sambit.
Hindi naman nakaligtas sa kanyang pandinig ang paghugot nito ng malalim na hininga.
“Wala po akong alam sa kung ano ang tunay na nangyari at hindi naman ako magtatanong pa. Ang kaso lang ay hindi ka na kumain kanina. Baka magkasakit ka naman niyan kung magpapalipas ka ulit ng gutom ngayon. Kahit pa may hindi kayo magandang pagkakaunawaan ni Sir Tyler ay nasisiguro ko na hindi niya rin gugustuhin na magpalipas ka ng gutom,” wika ng mayordoma sa mababang boses.
Napakurap siya upang pigilan ang muling pagbuhos ng kanyang mga luha. Hanggang ngayon kasi ay mayroong isang tanong sa kanyang isip na gusto niya mahanapan ng kasagutan.
“Masama po ba akong asawa?” halos pabulong niyang tanong sa butihing mayordoma.
Dumaan ang ilang segundo ng nakakailang na katahimikan bago ito sumagot.
“Matagal na akong naninilbihan sa pamilya ng mga Fortalejo at naging malapit agad sa ‘kin si Sir Tyler noong bata pa lang siya. Kaya naman ay parang anak na rin ang turing ko sa kanya at kahit hindi na ako nagkaroon pa ng sarili kong pamilya ay ayos lang sa ‘kin.”
Naramdaman niya ang pagtabi nito sa kanya.
“Kaya hanggang ngayon na nag-asawa na siya ay walang pagsidlan ang saya na naramdaman ko noong sabihin niya sa ‘kin na gusto niya akong isama rito sa sarili niyang mansyon upang maging mayordoma rito.” Tila nagniningning ang mga mata ng mayrodoma habang inaalala ang ibang parte ng nakaraan.
“Isang taon pa lang kitang nakakasama rito. Ganoon pa man ay masasabi ko na hindi ka kailanman naging masamang asawa. Sa totoo lang ay labi-labis ang pasasalamat ko sa panginoon na ikaw ang naging kabiyak ng alaga ko. Kaya kung sino man ang nagsabi na ikaw ay masamang asawa ay hindi ako magdadalawang isip na awayin ‘yon,” matapang nitong wika.
Sa pagkakataong ‘yon ay napaharap na siya sa mayordoma. “Hindi po ba kayo napapaisip na paano kung nagkaroon kayo ng sariling pamilya? Hindi n‘yo po ba ginusto na magkaroon ng sariling anak?” Halos pigil niya ang hininga habang matiim na nakatingin dito.
Biglang dumaan ang lungkot sa mga mata nito.
“Magsisinungaling ako kung sasabihin kung hindi. May mga pagkakataon na naiisip ko rin na paano nga kung nagkaroon ako ng asawa at anak na naghihintay sa pagbabalik ko? Nasaan kaya ako ngayon? Nasa poder pa rin ba ako ng mga Fortalejo?”
Humarap ito sa kanya at masuyo nitong hinawakan ang kanyang dalawang kamay bago marahan na pinisil ang mga ito.
“Pero ito na ang pinili kong landas. Nakakalungkot man ngunit kailangan kong panindigan ang naging desisyon ko,” determinado nitong aniya.
“Basta ang tanging masasabi ko lang ay hindi naman kailangan na magkaroon ang isang tao ng asawa at anak para masabi na napapabilang ito sa isang masaya at buong pamilya. Mapalibutan ka pa lang ng mga taong totoo na nagmamahal sa ‘yo kahit hindi mo pa sila kadugo ay sapat na upang ikaw ay ituring na kabilang sa isang pamilya.”
Napatango-tango naman si Sabrina at mabilis na pinahid ang luha na kumawala sa kanyang mata. “Maraming salamat po.”
Kinagat niya ang ibabang labi nang masuyo siyang yakapin ng matanda at mahinang tinapik-tapik nito ang kanyang likod.
“Normal lang naman ang pagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mag-asawa. Pero kahit ganoon ay nasisiguro ko na magkakaayos din kayo. Naniniwala ako na mas magiging matimbang pa rin ang pagmamahal sa inyong mga puso.”
Sa pagkakataong ‘yon ay sumilay ang mumunting ngiti sa mga labi ni Sabrina. Dala-dala ang pag-asa na magiging mabuti rin ang lahat sa pagitan nilang mag-asawa.
“Sana nga po.”
Kumalas na ang mayordoma sa pagkakayakap sa kanya at muli siyang hinawakan sa kanyang kamay. “Kaya kumain ka na, hah?”
Malalim siyang napabuntonghininga. “Sige po. Pero kung ayos lang po sana ay sabayan n’yo po ako,” nahihiya niyang turan dito. Pakiramdam niya ay para siyang bata na naghahanap ng makakasama.
“Oo naman. Ikaw talagang bata ka.”
Hindi na siya umimik pa at hinayaan na lang ang matanda na igiya siya patungo sa hapag kainan. Sana lang talaga sa pag-uwi ng kanyang asawa mamaya ay magkaayos na silang dalawa.
NGUNIT sa pagsapit ng hatinggabi ay hindi pa rin umuuwi si Tyler. Kaya naman ay lubha ng nag-aalala si Sabrina. Hindi siya mapakali habang nagpapalakad-lakad sa sala at maya’t maya na tumitingin sa bilog na orasan.
Ayaw niya sanang mag-isip ng kung anu-ano. Pero hindi niya maintindihan kung saan ba nanggagaling ang kakaibang klase ng kaba na nararamdaman niya ngayon.
Kaya naman kahit alanganing oras na ay muli niyang tinawagan si Rodel. Higit kanino man ay ito kasi ang malapit sa kanyang asawa at madalas nitong nakakasama. Magbabakasakali siya na may makuha pa na ibang impormasyon mula rito.
Umabot pa ng tatlong ring bago ito tuluyang sumagot.
“Hello?” aniya nito sa inaantok na boses.
Napahilot siya sa kanyang sentido. “Hello? Si Sabrina ito. Pasensya na sa istorbo. Pero may itatanong lang sana ako.”
“Kayo po pala, Mrs. Fortalejo. May problema po ba?”
Napahugot siya ng malalim na hininga bago muling bumaling sa orasan. “Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin umuuwi si Tyler. May ideya ka ba sa kung saan siya maaaring pumunta?”
Saglit itong natahimik sa kabilang linya na tila ba nag-iisip bago sumagot. “Ang alam ko po ay may isang bar na paboritong puntahan si Sir Tyler. Lalo na kapag wala po siya sa mood. Kaya lang ay hindi ko na po maalala ang pangalan nito dahil isang beses pa lang po niya nabanggit sa ‘kin ang tungkol sa lugar na ‘yon.”
Mariin siyang napapikit. “Ganoon ba? Maging ako ay hindi ko alam ang lugar na paborito niyang puntahan kapag may problema siya, eh.”
Gustong matawa ni Sabrina. Sa ilang taon nilang relasyon at pagsasama ni Tyler ay may mga bagay pa rin pala siya na hindi alam tungkol sa asawa.
“Sige. Pasensya na ulit sa istorbo at maraming salamat.” Ibinaba na niya ang tawag.
Napahigpit ang hawak niya sa kanyang cellphone bago nanghihinang napaupo sa sofa. Sana ay mali siya ng iniisip kung nasaan man ang asawa niya ngayon.
Napahilamos siya sa kanyang mukha bago muling tumanaw sa labas ng bintana. Pakiramdam niya ay naninikip ang kanyang dibdib nang dahil sa labis na pagkabalisa. Sa oras lang na mayroong hindi magandang nangyari sa kanyang asawa, o mahanap nito sa ibang babae ang isang bagay na hindi niya magawang ibigay ay wala siyang ibang sisisihin kung hindi ang sarili.
Hindi nagtagal ay naramdaman na niya ang pagbigat ng talukap ng kanyang mga mata dulot na rin ng magkahalong mental at pisikal na pagod. Pilit man niyang pigilan ay sumuko rin siya sa huli.
Hanggang sa tuluyan na siyang nakatulog sa sofa kasabay ng pagpatak ng luha sa kanyang nakapikit na mga mata.