Kabanata 12

2040 Words
Kabanata 12 ITINAAS ni Tyler ang hawak na bote ng beer bago malakas na humiyaw. Nitong mga nagdaang linggo ay nagmistula na niyang tirahan ang bar. Mas mahaba pa kasi ang panahon na inilalagi niya roon kumpara sa mansyon. “Cheers!” wika niya bago diretsong nilagok ang hawak na bote. “Ty, lasing ka na. Ihahatid ka na namin,” awat sa kanya ng assistant niya na si David. “Kaya nga. Saka baka hinahanap ka na ni Sabrina. Anong oras na rin, eh. Paniguradong nag-aalala na sa ‘yo ang asawa mo.” Inayos naman ng secretary niya na si Rodel ang mga nagkalat na bote ng beer na wala ng laman bago pinagsama-sama ang mga ito sa ibabaw ng mesa. Napailing naman si Tyler at iwinaksi ang mga kamay ni David na pilit pumipigil sa kanya bago siya tumingin kay Rodel. “Ikaw ang umuwi na. Kailangan ka ng asawa mo lalo pa at kapapanganak lang niya. You’re supposed to be enjoying your leave. Pasensya ka na at naistorbo pa kita,” pagtataboy niya rito. “Hindi mo naman ako naistorbo. Saka nandoon naman ngayon sa bahay ang nakatatandang kapatid ni Mayen. Kaya kahit papaano ay may kasama naman siya. Mas mapapagalitan ako ng asawa ko kapag hindi ko nasiguro na nakauwi ka ng maayos.” Natawa ito bago siya tinapik sa balikat. Nagbaba siya ng tingin at pinakatitigan ang hawak na bote. “Ayos lang ako. Kaya sige na. Kung magiging KJ lang din naman kayo ay mas mabuting umuwi na lang kayo. Lubayan n’yo na akong dalawa.” “Hindi naman sa ganoon. But you look so wasted already, man. Tipong kapag tumungga ka pa ng ilang bote ng beer ay baka magkita na kayo ni San Pedro.” Tumayo na si David at nakapameywang siyang tinitigan. “Isa pa ay hindi ka lang naman namin boss. You’re also our friend. Nakakasuka man pakinggan ay nag-aalala rin kami sa ‘yo,” lakas loob na pang-aasar nito sa kanya. Sa pagkakataong ‘yon ay sumilay ang sinserong ngiti sa mga labi ni Tyler nang dahil sa sinabi ni David. Truth be told, the three of them are friends since their college years. Scholar sa university na pinapasukan niya noon sina David at Rodel nang mapalapit siya sa mga ito. Hindi man mayaman ang mga kaibigan niya sa aspetong pinansyal ay mayaman naman ang dalawa sa kagandahang asal at pagiging tapat na tao. Maaasahan sa oras ng pangangailangan at higit sa lahat ay isang tunay na kaibigan. Hindi tulad ng ibang tao na nakipaglapit sa kanya noon na walang ibang hinangad kung hindi ang pera niya. Pero nang magsimula ng magtrabaho sa kanya ang dalawa ay naging masyado ng pormal ang mga ito na para ba’ng wala silang pinagsamahan. Na kahit wala na sila sa loob ng opisina ay nadadala pa rin ng mga ito ang ganoong klase ng katangian sa tuwing nasa labas na sila. Kaya naman ay ganoon na lang din ang tuwa na nararamdaman niya nitong mga nakaraang araw dahil nagsimula na ulit siyang kausapin ng dalawa hindi bilang isang boss ng mga ito at nagagawa na rin siyang biru-biruin. “Isa pa ay hindi ka namin hahayaan na mag-isa rito. Dahil bukod sa katotohanan na mahihirapan ka makauwi ay baka may makakita na naman sa ‘yo rito na kung sino. Pagkatapos ay magugulat na lang tayo kinabukasan na may eskandalo ka na naman na kinasangkutan,” paliwanag pa ni Rodel. “That’s right. Magmula ng mangyari ang...” Natigilan at napatikhim si David nang bigyan niya ito ng matalim na tingin. It’s been three weeks since the unfortunate incident happened. Alam niyang bukod sa pagkawala ng kanilang anak ay may ibang sakit pa na iniinda ang kanyang asawa sa katawan nang dahil sa naging pagkakabagsak nito. Hindi rin niya nakalimutan ang pangako sa sarili na hindi niya hahayaan na masira ng kahit anong issue ang pagsasama nilang mag-asawa. But what happened is a different case. As much as he doesn’t want to, he’s starting to doubt his wife’s love for him. Gustuhin man niya itong yakapin at aluhin ay hindi niya magawa. Sa tuwing nakikita kasi niya ang asawa ay paulit-ulit na bumabangon sa kanyang dibdib ang sama ng loob. Kahit aksidente pa ang nangyari ay may malaking parte pa rin niya na sinisisi ang asawa nang dahil dito. Kung nakinig lang kasi sana ito sa kanya ay paniguradong maiiwasan pa ang mga ganoong klase ng insidente. Kung itinigil na agad nito ang trabaho noong una pa lang malamang ay nasa sinapupunan pa rin nito ang anak nilang dalawa. “Ang sa ‘kin lang ay mas lalong lumakas ang suspetsa ng mga tao na hindi na maayos ang buhay mag-asawa n’yo ni Sabrina nang dahil sa nangyari. Kaya malamang na mas lalo kayong pagpipiyestahan ng media kapag nakita na naman kayong dalawa ni Tanya na magkasama.” Palihim na ngumuso si David sa pinto ng bar. Napalingon naman siya roon at hindi niya naiwasan ang mapangiwi nang makita ang dating kasintahan na kapapasok pa lang. What the hell is she doing here? “Kung hindi mo pa nahahalata ay palaging present ang ex mo sa bawat bar na mapuntahan natin. I don’t want to be judgmental. Pero hindi mo maaalis sa ‘min na mag-isip na baka humahanap lang siya ng tiyempo para makapasok ulit sa buhay mo,” dagdag pa ni David. He sighed in defeat. May punto nga naman ang mga ito at ayaw na rin naman niya ng dagdag sakit pa sa ulo. Kahit hindi sila okay ni Sabrina ay hindi pa rin niya hahayaan na muling madikit ang pangalan niya sa dating nobya. “Fine. I’ll just finish this one, and I’m good to go.” Nakahinga naman ng maluwag ang mga kasama niya. Pagkatapos niyang lagukin ang isa pang bote ay tumayo na siya. Ngunit muntik na siyang matumba nang dahil sa labis na kalasingan. Mabilis namang umalalay ang dalawa sa magkabila niyang braso. Ngunit bago sila tuluyang makaalis ay nakita na sila ni Tanya at agad na nakalapit. Napatungo naman siya at nagpanggap na wala na sa huwisyo. “Is he alright?” dinig niyang tanong nito. Tumungo naman siya at nagkunwaring hindi ito narinig. Wala siya sa mood makipag-usap dito. “Yes. Iuuwi na namin siya. Excuse us,” seryosong sagot ni Rodel. “But—” Hindi na nagawa pa na tapusin ni Tanya ang sinasabi nito dahil agad siyang hinila ng dalawa palayo. Palibhasa ay lasing na rin siya kaya nagagawa ng dalawa ang gusto ng mga ito. Nang sa wakas ay maisakay na siya ng mga ito sa loob ng kotse ay ibinaling niya ang mukha sa bandang bintana. Si David na ang nagpresentang magmaneho habang nasa likod naman si Rodel. Sa pag-andar ng sasakyan ay hindi na niya napigilan pa ang pagtulo ng kanyang luha. Kahit anong gawin niyang pagkalunod sa alak ay hindi pa rin mawala-wala ang sakit at bigat ng kanyang kalooban. Ipinikit na lang niya ang mga mata at tuluyan ng nagpalamon sa antok. UNTI-UNTING nagmulat ng mga mata si Tyler nang maramdaman na mayroong tumatapik sa kanyang balikat. Napaayos siya ng upo nang mabungaran sina David at Rodel na nasa labas na ng sasakyan. Nakabukas na ang pinto sa puwesto niya habang nakatunghay sa kanya ang dalawa. “We’re here,” anunsyo ni David. Mabilis siyang inalalayan ng dalawa palabas hanggang sa makapasok sila sa mansyon. Agad na sinalubong naman sila ng naghihintay na si Sabrina. Kahit sa bahagyang nanlalabo na paningin ay hindi pa rin nakaligtas sa kanya ang pangingitim sa ilalim ng mga mata nito. “Pakidiretso na lang siya sa kuwarto,” sambit ng asawa. Napansin niyang nauna na itong umakyat at agad naman silang sumunod. Akay-akay pa rin siya ng dalawa. Pagkarating nila sa kuwarto ay maingat siyang hiniga ng mga kaibigan. Narinig niya pa na nagpasalamat si Sabrina sa dalawa bago tuluyang umalis ang mga ito. Ipinikit naman niya ang mga mata at nagkunwaring tulog. Naramdaman niya na inayos ni Sabrina ang pagkakahiga niya. Pagkatapos ay umalis ito saglit at sa pagbalik nito ay isa-isa ng inalis ng asawa ang suot niya. Hanggang sa lumapat na sa kanyang katawan ang basang bimpo na sinimulan nitong ipunas sa kanya. “Alam kong nasasaktan ka pa rin hanggang ngayon. And I can’t blame you for that because your feelings are valid.” Narinig niya ang marahas nitong pagbuga ng hangin. Hanggang sa maramdaman niya ang bawat pagpatak ng luha nito na tumulo sa kanyang katawan. “Kahit hindi mo sabihin ay alam kong sinisisi mo ako sa nangyari. Pero sana balang araw ay muli mong mahanap ang kapayapaan ng kalooban at kapatawaran sa puso mo.” Natigilan ito sa pagpupunas sa kanya at masuyong hinawi naman ang ilang hibla ng kanyang buhok na tumatabing sa kanyang noo. “Basta nandito lang ako palagi sa tabi mo. Patuloy lang akong maghihintay sa ‘yo.” Tuluyan na itong napahagulgol. Dahan-dahan naman siyang tumagilid ng higa at pilit na pinigilan ang pagpatak ng kanyang mga luha. SA PAGLIPAS ng panahon ay pinatunayan nga ni Sabrina sa kanya na maghihintay ito at mananatili lang palagi sa tabi niya. Kahit pa pilit niyang iniignora ang bawat pagsisilbi na ginagawa nito. Ni hindi niya ito kinikibo at tinatabihan sa kama. Pero parati pa rin itong may nakahandang ngiti sa tuwing nakikita siya nito. Na tila ba hindi man lang ito naaapektuhan ng panlalamig niya rito. Malalim siyang napabuntonghininga habang nakatingin sa mga papel na hawak niya ngayon. He doesn’t want to do this. But he needs to set Sabrina free. Masyado na niya itong nasasaktan. Maging siya ay ganoon din sa kanyang sarili. Siguro nga ay masyado niyang minadali ang mga naging desisyon niya noon. Kaya naman ay hindi maganda ang kinalabasan nito ngayon. Malalim siyang napabuntonghininga bago nilapitan ang asawa na kasalukuyang nagdidilig ng mga halaman at bulaklak sa hardin. Sakto namang napaharap sa direksyon niya si Sabrina. Nanlaki ang mga mata nito pagkakita sa kanya at natatarantang pinatay ang tubig mula sa hose na hawak nito. “H-hubby...” Ibinaba nito ang hose bago pinunas ang kamay sa isang bimpo na nakasampay sa likod ng upuan doon at lumapit sa kanya. “Nandiyan ka na pala. Ang aga mo ata ngayon? Ipaghahanda lang kita ng meryenda.” Akmang aalis ito nang mabilis niyang napigilan ang asawa sa braso. Walang emosyon na inabot naman niya rito ang hawak na mga papel. “I just came here, so you can sign these papers.” Napakunot noo ito bago kinuha ang mga naturang papeles. “What’s this?” nagtataka nitong tanong. Bakas sa mukha nito ang kalituhan. “See it yourself.” Napamulsa siya. Hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang panginginig ng mga kamay nito bago sinimulang basahin ang nilalaman ng mga papeles. Tila ba may ideya na ito sa kung ano ang nakasaad roon ngunit ayaw lang nitong tanggapin ang katotohanan na ‘yon. Napatakip naman ito sa bibig nang matapos at hindi makapaniwalang napatitig sa kanya. “D-divorced papers?” Napailing ito bago lumayo sa kanya. “You’ve gotta be kidding me.” Napaiwas naman siya ng tingin. “I hope I am.” “But w-why?” tanong nito na tila maiiyak na naman. Nagkibit balikat naman siya. “Our relationship is no longer healthy. Saka napagtanto ko rin na nasa akin ang mali. Kinulong agad kita sa ganitong klase ng relasyon para matupad ang kagustuhan ko na magkaroon ng buong pamilya. Ni hindi ko man lang inisip ang nararamdaman mo. Na maraming bagay pa ang gusto mong gawin.” Nilingon niya ito at matapang na sinalubong ang nang-aakusa nitong tingin. “Ngayon kung maghihiwalay tayo ay malaya ka ng magagawa ang lahat ng gusto mo. Makakabalik ka na sa pagmomodelo ng walang ibang iniintindi.” Dahan-dahan siyang naglakad palapit dito bago mapait na ngumiti. “Higit sa lahat ay ayokong dumating ang panahon na matabunan ng sama ng loob ang pagmamahal ko sa ‘yo. Na mapalitan ng lungkot ang masasayang alaala.” Kinuha niya ang kamay nito at mahigpit itong hinawakan. “I love you. I still do. But I need to save you as well from myself before it’s too late.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD