***Belle***
"PAMBIHIRA ka naman Belle! Ang ganda ganda na ng trabaho mo umalis ka. Kakaisang taon mo pa lang doon, ah! Hindi ka na napirme sa isang trabaho!" Talak sa akin ni Ate Nancy ng sabihin ko sa kanya na umalis na ako sa kumpanyang pinag ta-trabahuhan ko.
Kumamot ako sa leeg. Tiyak na sasakit na naman ang tenga ko nito sa talak ng nakakatanda kong kapatid. Pero sanay naman na ako sa bunganga nya at hindi na masyadong apektado.
"Eh hindi ko na kasi gusto doon, ate." Mahinahong sabi ko.
Pagak na tumawa si Ate Nancy at namaywang. "Ano ba ang hindi mo gusto sa trabaho mo? Sa opisinang de-aircon ka nag ta-trabaho at walong oras lang sa isang araw ang trabaho mo. Malaki pa ang sinasahod mo. Ano pa ba ang hinahanap mo, Belle?"
Bumuntong hininga ako. "Gusto ko ng matino at magandang environment sa trabaho, ate."
Nakangising pumalatak si Ate Nancy habang iiling iling. Indikasyon na hindi nya nagustuhan ang dahilan ko.
"Ang sabihin mo, umatake na naman ang kaartehan mo. Sakit mo na kasi yan noon pa. Aba Belle! Hindi ka na bata, ha. Twenty six years old ka na. Magseryoso ka na sa buhay. Anong gusto mo, aasa ka na lang sa amin ni nanay?"
Parang sinundot ang dibdib ko sa sinabi ng kapatid. Di ko maiwasang masaktan.
"Grabe ka naman, ate. Hindi naman ako pala-asa sa inyo ni nanay. Saka seryoso naman ako sa buhay ko. Sadyang di lang ako komportable doon sa kumpanyang yun. Buti nga nakatagal pa ako ng isang taon dun, eh."
Sinamaan nya ako ng tingin. "Ewan ko sayo, Belle. Kapag laging ganyan ang ginagawa mo walang mangyayari sa buhay mo."
Sasagot pa sana ako pero lumabas si nanay mula sa kwarto nya na halatang naalimpungatan. Kakamot kamot pa sya sa braso.
"Ano na naman ba ang pinagtatalunan nyong magkapatid?" Tanong ni nanay.
"Ito pong magaling nyong bunso, nay. Aba'y umalis na naman pala sa trabaho nya."
Kunot noong lumingon sa akin si nanay at lumapit. "Totoo ba yun, anak?"
Marahan akong tumango at bahagyang yumuko. "Opo, nay.."
"Eh bakit ka umalis?"
"Hindi na po kasi ako masaya sa kumpanya at hindi na po ako komportable." Sagot ko.
"O kita nyo, nay? Napaka-walang kwentang dahilan. Umalis sya sa kumpanya dahil inatake ng kaartehan." Sabat ni Ate Nancy.
"Tumahimik ka nga muna, Nancy." Saway ni nanay sa kapatid ko.
"Yan na naman tayo, nay, eh. Kakampihan nyo na naman yan."
Bumuntong hininga si nanay. "Hindi sa kinakampihan ko ang kapatid mo. Sinasaway kita dahil hindi na maganda ang naririnig ko mula sa bibig mo. Isa pa, huwag mo ng masyadong alalahanin ang kapatid mo. Baka nga di na talaga sya masaya sa trabaho nya kaya umalis na. Makakahanap pa naman sya ng iba."
Umiling iling si Ate Nancy at kinumpas ang kamay sa ere. "Kaya walang direksyon ang buhay nyang si Belle dahil kinukunsinte nyo."
Tumalikod na si Ate Nancy at mabibigat ang hakbang na umakyat ng hagdan na gawa sa kahoy.
Sabay na lang kaming napabuntong hininga ni nanay.
"Pagpasensyahan mo na ang ate mo, anak. Mainit lang ang ulo nya dahil nag away na naman sila kanina ng Kuya Clinton mo dahil kulang ang pinadala tapos may sakit pa si Ansheng." Paliwanag ni nanay.
"Kaya naman po pala." Sabi ko.
Mabait naman si Ate Nancy. Parang pangalawang nanay ko na nga rin sya dahil ten years ang agwat namin. Nakakapagsalita lang sya ng hindi maganda sa akin kapag mainit ang ulo nya. At yung mga sinabi nya sa akin kanina ay concern lang sya sa akin. May tama din sya na hindi ako napipirme sa isang trabaho. Sa tatlong taon ko ng pagtatrabaho ay nakaapat na kumpanya na akong pinasukan. Mabuti nga itong pang apat ay nagtagal ako ng isang taon.
"Pasensya na po, nay, kung wala na naman akong trabaho ngayon." Hinging paumanhin ko kay nanay.
"Ano ba kasi ang nangyari, anak? Bakit ka na naman umalis sa trabaho mo?" Tanong ni nanay na umupo sa tabi ko.
Bumuntong hininga ako. "Eh kasi po hindi na safe ang pakiramdam ko sa kumpanya, nay. Hindi na natigil ang indecent proposal na natatanggap ko. Sa HR ako nag ta-trabaho pero kung alukin ako ng proposal ng mga manyak kong boss para akong call girl. Natatakot na ako, nay, eh. Lalo pa yung boss ko di ako tinitigilan. Minsan ay inaabangan pa ako kapag uwian. Ihahatid daw ako." Sumbong ko sa ina.
"Susmaryosep! Ganun pala ang nangyari. Mabuti nga at umalis ka bago pa may gawin sayo ang manyak mong boss."
Ngumiti ako kay nanay. "Pero huwag po kayong mag alala, nay. Hahanap din naman po ako agad ng trabaho. Para naman di ako masabihan ulit ni ate na asa ako sa inyo."
"Ay sus! Huwag mo ng intindihin ang sinabi ng ate mo. Mainit lang ang ulo nun. Saka magpahinga ka muna bago ka maghanap ng trabaho."
"Salamat po, nay. Lagi nyo akong naiintindihan at kinakampihan kaya naiinis sa akin si ate eh." Nakangising turan ko.
"Hindi kita kinakampihan. Iniintindi lang kita dahil anak kita. Parehas ko kayong mahal ng ate mo dahil dalawa lang naman kayong anak ko."
Yumakap ako kay nanay at naglambing. Nilambing lambing din naman nya ako. Kahit malaki na ako ay naglalambingan pa rin kami ni nanay. Ang sabi ni nanay ay ibang iba daw ako kay Ate Nancy. Masyado kasing seryoso sa buhay si ate at mainitin pa ang ulo.
.
.
"GOOD morning, Tita Belle!"
Nilingon ko si Tantan na pumasok ng kusina. Humihikab pa sya habang kumakamot sa ulo.
"Good morning. Maupo ka na. Ipagtitimpla kita ng gatas." Sabi ko at kinuha ang baso nya na pagtitimplahan ko ng gatas.
"Gatas na naman? Sawa na po ako sa gatas, tita. Milo naman." Hirit nya.
"Oo na, sige na. Milo na." Natatawang turan ko at pinagtimpla na sya ng milo.
Pinatay ko ang kalan ng maluto na ang sinangag. Naghain na rin ako sa mesa para makakain na ang pamangkin. Ako na ang nagluto ng agahan dahil wala naman na akong trabaho.
"Himala, tita. Ikaw po ang nagluto." Saad ni Tantan.
"Bakit? Ayaw mo?"
Ngumisi sya. "Nagtataka lang po ako. Madalas po kasi si mama o kaya si lola ang nagluluto."
"Well, wala na akong work ngayon. Kaya ako muna ang magluluto ngayon."
"Bakit wala ka ng trabaho? Inaway mo na naman ang boss mo?"
Natawa ako sa sinabi ng pamangkin. Ten years old pa lang sya pero kung magsalita ay para ng matanda.
"Hindi, no. Ayoko na sa trabaho ko. Maghahanap na lang ako ng iba."
Ngumuso sya habang ngumunguya ng hotdog. "Eh paano kung di ka po makahanap?"
Tumaas ang kilay ko at nginisihan sya. "Wala ka bang tiwala sa tita mong maganda?"
"May tiwala po!"
"Yun naman pala, eh."
"Mag asawa ka na kasi, tita. Matanda ka na po."
"Anong matanda? Twenty six pa lang ako, no. Kumain ka na nga dyan at maligo na."
"Opo." Natatawang sabi na lang nya at nagsandok na sa plato.
Sya namang pagpasok ni nanay sa kusina. Bagong ligo sya at nakabihis na.
"Maupo na po kayo, nay. Ipagtitimpla ko po kayo ng kape." Sabi ko.
"Salamat, anak. Pasensya na at ikaw pa ang nagluto ng agahan natin." Turan ni nanay at naupo na.
"Ayos lang po, nay. Wala naman po akong trabaho. Sa mansion na po ba ang diretso nyo?" Tanong ko habang nagtitimpla ng kape.
"Oo, anak. Medyo tinanghali na nga ako dahil napasarap ang tulog ko."
"Ayos lang po yan. Hindi naman po siguro magagalit si Senyora Consuelo na ma-late kayo. Minsan lang naman po yun."
Nilapag ko ang kape sa harap ni nanay. Dinampot naman nya yun at humigop.
"Depende pa rin sa mood ng senyora, anak. May kusingitan din kasi yun minsan at masakit din magsalita."
Napanguso ako. Kung ako lang ang tatanungin ay ayoko ng mamasukan si nanay sa mansion. Tapos naman na kaming mag aral ni ate kaya hindi na nya kailangan mag trabaho pa doon kung tutuusin. Pero ayaw pang huminto ni nanay. Sanay na kasi sya sa trabahong gawaing bahay. Isa pa ay hindi narin ganun kabigat ang gawain nya sa mansion. Dose oras na lang ang trabaho nya at uwian pa. Na-promote na kasi sya at sya na ang mayordoma doon. Pinalitan nya ang dating mayordoma na umalis na dahil sa katandaan. Sya ang ipinalit ng senyora dahil malaki ang tiwala nito sa kanya. Ang tanging trabaho na lang nya ay mag utos sa mga kasambahay at ituro ang tamang gawain.
Namimis ko na nga ang tumambay tambay sa mansion gaya ng dati..
"Belle."
Nilingon ko si Ate Nancy na pumasok sa kusina.
"Bakit, ate?"
"Ikaw muna ang maghatid kay Tantan sa school. Ipapa check up ko lang si Ansheng dahil pabalik balik ang lagnat. Baka kung ano na ang sakit nya."
"Sige ate, walang problema. Si Ansheng?"
"Hayun, tulog pa. Kaya kakain muna ako habang di pa sya nagigising." Umupo na si Ate Nancy at nakisalo na sa amin sa mesa.
Hindi ko naman maiwasang mag alala para sa pamangkin. One year old na sya at medyo nagiging sakitin lately. Kaya medyo ngarag ngayon si ate.
*****