“SIR, HINDI po kayo puwedeng pumasok sa loob. Wala po kayong invitation,” sabi ng guwardiya nang pigilan nitong pumasok si Chris.
“Kasama ko siya,” sabad naman ni MJ.
Umiling ang guwardiya.
“Sir, para sa dalawa lang po ang isang invitation. Para po sa inyong mag-asawa iyong invitation ninyo,” saad ng guwardiya.
Nagpapalatak si MJ.
“It’s okay.” Nagtaas ng kamay si Chris. “Uuwi na lang ako. Pero bago ako umalis, gusto kong makausap ang amo ninyo.”
Nagkatinginan ang dalawang guwardiya na naroon. Sinenyasan naman ni Chris sina MJ at Lian na tumuloy na sa loob.
Ayaw pa sanang umalis ni MJ. Ngunit tinanguan ni Chris si Lian na siya namang humila sa asawa nito.
“I’m okay,” pahabol pa ni Chris. Napilitan siyang tumabi nang mapansin niyang marami na ang dumarating na bisita. Naglakad siya pabalik sa kanyang SUV. Pero sa halip na pumasok sa loob ng sasakyan ay sumandal na lang muna siya sa pintuan nito.
Nakatingin lang siya sa entrance. Mula sa gate ay matatanaw ang kinaroroonan ng party kung marami-rami na rin ang bisitang naroon. Hindi niya lubos maisip na pati si Phoenix ay galit na rin sa kanya dahil lang kay Ella.
Ano ba ang problema ng mga ito sa kanya? Wala pa nga siyang ginagawa kay Ella. Inilalapit pa lang niya ang kanyang sarili rito. Ni hidi pa nga niya ito inaayang lumabas, ah. Kung tutuusin ay nagsisimula pa lang sana siyang manuyo.Bakit may nagagalit na sa kanya?
Ilang minuto pa ang lumipas nang may tumapik sa balikat niya. Nang lingunin niya kung sino ito ay nakangiting mukha ni Jerome ang bumungad sa kanya.
“Ano’ng nangyari? Bakit ka nandito sa labas?” usisa nito.
“Ayaw akong papasukin ng mga guwardiya. Wala kasi akong dalang invitation,” paliwanag ni Chris.
“Problema ba iyon? Nandito naman ako. Tara sa loob. Isama na kita.”
Umiling si Chris. “Huwag na, Lightning. Baka magalit sa iyo si Chaos. Dito na lang muna ako. Hihintayin ko lang siyang lumabas para makausap ko siya.”
Napakamot ng kanyang ulo si Jerome. “Fine. Kung iyan ang gusto mo, hindi na kita pipilitin. Pero may maitutulong ba ako?”
“Sabihan mo na lang si Chaos na naghihintay ako rito. Hindi ako aalis hangga’t hindi ko siya nakakausap.”
“Okay. Gagawin ko. Dito ka lang. Palalabasin ko siya agad. Wala ka bang ipagbibilin para sa pinsan niya na may suot ng singsing na katulad sa wedding ring ng asawa mo?”
Napakunot ang noo ni Chris. “Kilala mo si Ella?”
Marahas na umiling si Jerome. “Binibiro lang kita. Sobrang seryoso na kasi iyang mukha mo. Baka mapag-trip-an mo iyong mga bantay. Lagot tayo niyan kay Chaos,” nakangiting saad ni Jerome.
“Huwag kang magbibiro ng ganyan. Baka totohanin ko,” seryosong saad ni Chris.
Itinaas ni Jerome ang dalawa nitong kamay. “Oops! Aalis na nga ako baka biglang magbago ang isip mo at manapak ka. Palalabasin ko agad si Chaos. Ciao!”
INiwan na siya ni Jerome. Dumaan lang ito sa tabi ng guwardiya na lumingon pa sa kanya bago nila pinapasok ang kaibigan niya.
Tama ang sinabi nito. Eksaktong limang minuto ay napansin na niya si Phoenix na naglalakad papunta sa gate.
Nang makalapit sa kanya ang kaibigan ay inunahan niya itong magsalita.
“Akala ko ba magkaibigan tayo, Chaos. Bakit hindi mo ako inimbitahan sa party mo? Ayaw rin akong papasukin ng mga bantay mo dahil wala raw akong invitation,” sita niya rito.
Nagpakawala nang malalim na hininga si Phoenix bago ito sumagot.
“Hindi ako may pakana niyan. Ang lolo ko ang may gusto na hindi ka papuntahin dito. Sinunod ko lang siya,” paglilinaw nito.
“Whatever, Chaos. Pero sana nagbigay ka man lang ng warning para hindi naman nadamay ang ibang kaibigan natin tulad nina Tornado at Lightning. Kilala kita. Mabuti kang tao. Patas kung lumaban Pero sa ginawa mo, nag-iisip na ako kung nagbago ka na ba at naglaho na ang kilala kong Chaos,” panunumbat niya rito.
Sa lahat ng mga naging kaibigan niya sa SEAL, sina Jerome at Phoenix ang pinakamalamig ang ulo. Hindi sila bugnutin kaya sila ang tagaawat kapag may nag-aaway dahil wala silang kinakampihan kahit sino pa sa kanila ang masangkot sa gulo. Pero mukhang nagbago na ang kaibigan niya magmula nang umalis ito sa serbisyo.
“We’ll talk about this some other time. Huwag muna ngayon. Marami akong bisita na narito. Pangako, magpapaliwanag ako nang maayos,” ani Phoenix sa mababang tono.
Hindi umimik si Chris. Napayuko na lang siya. Iniisip niya kung ano pa ang dapat niyang sabihin sa kaibigan bago ito tuluyang umalis sa harapan niya.
Marahang tinapik siya sa balikat ni Phoenix saka ito naglakad palayo sa kanya. Hindi pa man ito gaanong nakalalayo sa kanya nang magsalita si Chris.
“Kapag napatunayan kong asawa ko iyong itinatago ninyo sa akin, babawiin ko siya sa inyo. Kahit humarang ka pa, hindi kita sasantuhin,” babala niya rito.
Napahinto lang sa paglalakad si Phoenix pero hindi siya nito nilingon. Sapat na kay Chris na naintindihan ng kaibigan niya ang kanyang babala rito.
Nang mawala na sa paningin niya si Phoenix ay saka pa lang pumasok ng kanyang sasakyan si Chris. Pinaharurot niya ito palayo sa lugar na iyon.
“SO, ANO ANG plano mo ngayon?” tanong ni MJ kay Chris. Magkasama silang dalawa na naghihintay kay Lian sa shop nito.
“Nag-iisip nga ako kung ano ang gagawin ko para magkita kami ni Ella. Bukod sa wala na siya rito. Hindi ko rin naman siya malapitan sa boutique niya. Bantay-sarado siya roon. Sa entrance pa lang ng building ay hinaharang na ako.”
Nang malaman ni Chris kay Lian kung saan nagbukas ng sarili nitong boutique si Ella ay sinubukan niyang puntahan roon ang dalaga. Ngunit hindi siya makapasok kahit anong pilit niya. Ilang beses din niyang tinawagan ang numero nito na ibinigay ni Lian ngunit hindi ito sumasagot. Nagri-ring lang ang cellphone nito.
Malamang alam na nito ang numero niya kaya hindi nito sinasagot kapag siya ang tumatawag. Iniisip niya kung paano nito nalaman ang kanyang numero. Baka nabanggit iyon ni Phoenix sa pinsan nito.
Ano kaya kung abangan na lang niya ito sa labas ng boutique nito? Tapos kidnap-in na lang niya? Kaya lang kapag ginawa niya iyon ay baka lalong magwala ang mga kinikila nitong mga pinsan. Baka hindi rin iyon magustuhan ni Ella lalo na kung ito nga ang kanyang asawa.
Pero sumasakit na ang ulo niya sa kaiisip kung ano ang susunod niyang hakbang. Gusto niyang daanin ito sa diplomasya at maayos na paraan ngunit humaharang ang mga pinsan ni Phoenix. Ano pa ba ang puwede niyang gawin para makalapit siya kay Ella? Paano niya mapapatunayan ang kanyang hinala kung hindi naman niya ito malapitan?
Humingi kaya siya uli ng tulong kay Lian? Puwede rin siguro siyang magpatulong kina Aicee at Jenezel. Baka matulungan siya ng mga ito lalo na si Aicee dahil pinsan ito ni Enzo.
“Nasaan ba iyong boutique ni Ella?” muling tanong ni MJ.
“Sa building nga mga Bautista kaya hindi ako makapasok doon,” tugon ni Chris.
“Baka puwede kitang matulungan sa bagay na iyan,” wika ni Lian nang lumapit ito sa kanila. May inilapag itong maliit na bag sa center table na nasa harapan nila ni MJ.
“Paano?” agad na tanong ni Chris.
Itinuro ni Lian ang bag na inilapag niya.
Nagkasalubong ang kilay ni Chris. Hindi niya yata maintindihan ang gustong sabihin ni Lian.
“Ano naman ang kinalaman ng bag na iyan?” tulirong tanong ni Chris.
“Malaki ang maitutulong niyan. Puwede kang pumunta sa boutique ni Ella at isauli mo iyang toiletry bag niya. Kapag hinarang ka ng mga guwardiya niya, sabihin mong may ipinabibigay ako at sabihin mong sa kanya mo lang iaabot dahil iyon ang bilin ko. Hindi ba magandag ideya iyon? Makakaharap mo na si Ella. May chance ka pang makausap siya,” nakangiting paliwanag ni Lian.
Napangiti nang malapad si Chris. Dinampot niya ang bag at binuksan ito. Mga pampaganda at pang-ayos nga ng sarili ang laman ng bag. Nang mapansin niya ang hairbrush na naroon ay inilabas niya ito.
Namilog ang mga mata niya nang makita niyang may mga ilang hibla ng buhok na nasabit sa mga bristles ng hairbrush. Agad niyang ibinaba ang bag at ang hairbrush sa center table. Pagkatapos ay inilabas niya ang kanyang panyo. Eksakto namang puti pala ang nadala niya kaninang umaga na umalis siya ng bahay.
“Ano iyang ginagawa mo?” magkasabay pang tanong nina Lian at MJ nang ilatag niya ang kanyang panyo sa tabi ng bag.
“May kukunin lang ako rito sa gamit ni Ella. Puwede ko na siyang ipa-DNA test gamit ang strand ng buhok niya. Malalaman ko na kung sino talaga siya,” nakangising tugon ni Chris.
Nakangiting nagkatinginan sina Lian at MJ.
"Sana nga iyan na ang solusyon sa pinoproblema mo," ani MJ na mabilis namang tinanguan ni Chris.